h1

Sense of National Pride. Bow.

Agosto 18, 2011

Buwan ng Wika kung ituring buwan ng Agosto, kung bakit, malay ko ba, malay natin, right?  Dito pumapasok ang pagkarami-raming mga aktibidad sa mga paaralan na ‘di umano’y nagpapakita ng pagmamalasakit sa ating wikang Filipino (or is it Pilipino?  ‘Di mo rin alam noh?)  Binibigyan ko ng sapat na pag-unawa ang mga gurong pinipilit ipinapaintindi ang kahalagahan ng ating wika; matatawag itong pagpapayabong ng ating nasyonalismo, sabi nung titser ko nung 1st year hayskul ako.  Pero gaya marahil ng paggunita sa Buwan ng Wika, may kung ilang buwan na rin tayong napipiyesta sa kung anu man nasyonalismo ang nais ipahiwatig sa pagkahumaling ng karamihan sa napakasikat na football team, ang Azkals.

Hindi ko itatanggi, lubos kong ikatuwa ang balitang natalo na sa kung ano man kumpitisyon ang Azkals, na bibilang pa ng panahon bago natin sila ulit makita sa balita sa TV na sumasabak na naman sa kung ano mang kumpitisyon ″para sa ating bansa”.  Bunsod ito marahil na nais ko namang makakita ng ibang balita sa TV maliban sa kanila at sa kung paanong ang isang miyembro nito ay hindi pa nakakalangoy sa malaking swimming pool ni Angel Locsin.

Sa aking kagalakan sa kanilang pagkatalo, may ilan akong kaibigan na animo’y gusto akong ipako sa krus dahil sa aking pagdiriwang, na para bang hindi na ako Pinoy kapag hindi ko sinuportahan (o nagustahan) ang Azkals.  Ano raw ba ang ginawa ng Azkals at nasusuklam ako sa kanila.  Nasaan daw ba ang aking sense of national pride.

Nasaan ba ang aking sense of national pride?  Ang sagot ko diyan eh, malay ko.  Para sa isang taong magtatatlong dekada na sa bansang ito; para sa isang habag na manunulat ng blog na minsan eh nag-iisip kung may mambababasa pa ba talaga ng kanyang mga isinusulat; para sa isang taong hindi nakahiligang makiayon sa uso, pinakahuli na marahil ang sense of national pride para maging isang paksang kailangang tukuyin at bigyan ng nararapat na sagot.

Naisip ko tuloy, kaya marahil napunta sa ganito ang usapan eh dahil wala talaga akong alam isulat na sesyoso.  Gaya ng pagsuporta sa Azkals, gaya ng pag-iisip sa sense of national pride, sa tingin ko eh masyado natin itong sineseryoso.   Hindi ba pwedeng isiping laro lang ito, na ang pwedeng mangyari lang eh may nagwawagi at may natatalo? Makailang beses na rin akong nagsulat patungkol kay Pacquiao, at sa aking panalangin sa kung sino man na matalo naman ito sa kanyang laban.  Pilit kong iniintindi madalas kapag sinasabing ″karangalan ng bansa ang nakataya”, mula sa boxing hangang sa football, mula sa pagsasagip sa watawat ng bansa hangang sa pagkakapanalo sa isang international math quiz bee.

Hindi ko nakikita ang sense of national pride sa napakaraming patimpalak at palakasan na napapanalunan ng bansa.  Nanalo ang isang tao/kupunan, tapos.  Hindi ko man lubos maintindihan kung ano talaga ang tunay na pakakahugan ng sense of national pride; isa lang ang alam ko, hindi ganun kababaw ang aking pagka-Pinoy, at hindi ako kailangang paalalahanan ng mga ganyang bagay.  Tumanda na akong ang alam eh Pinoy ako, kahit na ba bumilang pa ng dalawang dekada bago ito pagsigawan ng Bamboo sa kanilang kanta.   Hindi na ito dapat pinapalaki; hindi na kailangang magpataasan ng ihi.  Sa mga ganitong pagkakataon nag-uugat ang ambisyon ng marami na maging higit sa lahat; na dapat eh number one, na dapat ay champion, na para bang ikamamatay nilang hindi maging angat sa lahat.  Hindi na ito sense of national pride kung hindi eh ang kaisipan na LAGI TAYONG DAPAT MAY PATUNAYAN SA IBA, isang kalechehang pag-uugali ‘di lamang ng Pinoy kung ‘di ng buong mundo na dapat eh maging una sa lahat, maging mas magaling sa iba.

Kung para lang bigyan pa ng dahilan ang ilan na tumaas ang ihi, na lumaki ang ulo, na maging diyos ng mga gago, sa inyo na lang ang sense of national pride niyo.  Madalas ko ngang sabihin, isaksak niyo na lang sa baga niyo.  Basta ako, masaya ako.  ‘Yun lang dapat hanapin ng mga tao, hindi kung anong kagaguhang interpretasyon ng nationalismo.

Ang akin lang, ang isang masayang Pinoy ay isang proud Pinoy.  Bow.*

h1

Adelaida on Dennis & Jennilyn (The 12th Gospel)

Agosto 18, 2011

Habang nanonood ng balita sa TV kanina tungkol sa pagiging “single” ni Dennis Trillo, kahit hindi ko tinanong eh nag-comment ang aking pamosong nanay.

Adelaida:  Alam mo, Yan, maganda na rin na naghiwalay si Jennilyn at Dennis.

Rai:  Uh-huh. (Nawiweirduhan sa topic)

Adelaida:  Alam mo kung bakit?

Rai:  Sige na nga.  Bakit?

Adelaida:  Kasi hindi sila bagay.

Rai:  Dahil?

Adelaida:  May anak na si Jennilyn.

Rai:  Isyu ‘yun kasi?

Adelaida:  Pareho silang may anak ni Dennis.

Rai:  At alam mo talagang may anak si Dennis?

Adelaida:  Yes.  Alam ko dalawa na anak niya.  Kaya hindi sila bagay, kasi may anak silang pareho.

Rai:  So mas bagay sa kanila eh single dapat?

Adelaida:  Basta dapat walang anak ‘yung magsosyota nila.

Rai:  Ligawan ka ni Dennis, ayaw mo, Ma?

Adelaida:  *tiningnan at nag-smile kay tatay*  Ayaw ko; may anak na siya eh.

Rai:  Eh kung walang anak?

Adelaida:  Ah ‘yun okay lang. *tawa ng malakas*

Rai:  So dapat talaga walang anak at single?

Adelaida:  Yes.

Rai:  Single si Luis Manzano?

Adelaida:  Dinedate ni Jennilyn si Luis?

Rai:  ‘Yan oh, sabi sa balita.

Adelaida:  Ang landi naman ni Jennilyn.

Rai:  *tawa lang ng tawa*

Adelaida:  Ano nagustuhan niya kay Luis?

Rai:  Single siya, ‘yun siguro?

Adelaida:  Eh dapat ‘di si Luis, eh bakla ‘yan eh.

Rai:  Paano mo nalaman?

Adelaida:  Eh sa tingin pa lang, parang medyo malambot.  Saka syempre magmamana ’yan sa tatay niya na bakla rin.

Rai:  Si Edu?

Adelaida:  Oo.

Rai:  Bakla rin si Edu?

Adelaida:  Oo naman.  Kaya nga siya hiniwalayan ni Vilma.

Rai:  *tawa lang ng tawa*  Paanong napunta kay Edu at Vilma ang usapan?

h1

Alvin and the Gibberish

Agosto 18, 2011

Isang Sabado ng gabi at naabutan ko ang aking pamangkin na si Fritz (11) at ang kanyang Lolo (53) na animo’t may pinag-uusapan.

Lolo:  Eh bakit kasi ayaw mo pa umuwi?  Kanina ka pa niyaya ng nanay mo.

Fritz:  Eh kasi manonood pa ako ng movie, Lolo.

Lolo:  Ano papanoorin mo?

Fritz: Alvinand the Chipmunks.

Lolo:  Ano? (‘Di maintindihan, obviously.)

Fritz: Alvinand the Chipmunks.

Lolo:  Alvin and the Kitkat?

Rai:  ‘Tay, komedyante ‘yun.  Sabihin mo ulet, Fritz. (Nakisawsaw talaga ako, kwela eh.)

Fritz: Alvinand the Chipmunks.

Lolo: Alvinand the Pink Cat?

Rai:  (Tawa lang ng tawa.)

Fritz: Alvinand the Chipmunks.

Lolo:  Alvin and the Nitnat?

Fritz:  *nagkamot-ulo na lang*

h1

Kamot-ulo Moments Volume 1

Hunyo 14, 2011

***

Sa isang bakery:

Dad:  Ay, mukhang bagong luto mga ‘yan ah?

Baker Girl:  Opo.

Dad:  Ano ‘yan, cheesebread?

Baker Girl:  Hindi po.

Dad:  Cheesebread ‘yan.  ‘Yan ang cheese oh.

Baker Girl:  Hindi po cheesebread ‘yan.

Dad:  Eh ano tawag diyan?

Baker Girl:  Tinapay with cheese po.

Rai:  “Tinapay with cheese” nga naman, Dad, ‘wag na ipilit na cheesebread.

***

h1

Dyip Dialogues

Hunyo 10, 2011

Narito ang ilan sa mga nakakatuwang usapan na napakinggan ko sa dyip (pasensya na, tsismoso lang):

***

Magkaklase, mukhang hayskul students, at pauwi na mula sa klase.

Hayskul 1:  Ay, patay, nakalimutan kong bilhin ‘yung pinapabili ng nanay ko.

Hayskul 2:  Ano naman ‘yun?

Hayskul 1:  Nakalimutan ko ano tawag dun.  Ano nga ba ‘yun?  ‘Yun ano –  ‘yung – ano kasi ‘yun?

Hayskul 2:  (Nag-suggest ng kung anu-ano).

Hayskul 1:  Alam ko na!  Nagpapabili pala nanay ko ng panglanggaw!

Hayskul 2:  Ay, oo nga, ano nga ba tawag dun, ’yung panglanggaw na madikit? (Pinroblema na rin talaga ng kaklase.)

Hayskul 1:  Basta sabi ni nanay sabihin ko raw sa drugstore ’yung panglanggaw.

(At sa drugstore talaga bibilhin ‘yung panglanggaw. Pambihira.)

***

Mukhang magkumare, galing sa pamamalengke na malamang ititinda sa kanyang maliit na sari-sari store.

Mare 1:  Mare, ano pinamili mo?

Mare 2:  Konti lang, yosi at patis at toyo.

Mare 1:  Nakow, ano binili mong patis?

Mare 2:  ‘Yung Rufina. (You’re welcome, Rufina.)

Mare 1:  Ay binili mo ‘yung kulay red.

Mare 2:  Bakit?  Eh ano kung red?

Mare 1:  Dapat binili mo ‘yung green ‘yung takip.

Mare 2:  Eh pareho lang naman ‘yun.  Patis din ‘yun, mare.

Mare 1:  Hindi.  Mas masarap ’yung green.  Saka ’yang red na ’yan, mabaho.

Mare 2:  Pambihira ka, mare, may patis bang mabango?

(Apir tayo, Mare 2!lol)

***

Mag-ina; ‘yung bata nasesermunan dahil nadumihan ang suot na school uniform.

Nanay:  Pambihira, ang likot-likot mo kasi!  Putangina, natapon na ’yung fishball!  Sabi na kasi sa bahay mo na kainin! *kinurot ang anak*

Anak:  (Umiyak lang, mas natapon pa ang sauce ng fishballs sa uniform)

Nanay:  ‘Yan, tangena, natapon na halo-halo ko!

(Gusto ko rin kurutin si Nanay sa pagkain ng halo-halo sa dyip.)

***

Magkaklase; college students; maaarte kahit hindi naman magaganda; kasalukuyang naiinitan.

Maarte 1:  Ang init!

Maarte 2:  Oo nga!

Maarte 1:  Gosh, it’s so init.

Maarte 2:  Grabe.  Bakit kaya ‘yung mga carabao hindi pinagpapawisan?

Maarte 1:  Huy, ano ka, pinagpapawisan kaya sila.

(Sarap saktan.)

h1

Marunong ka ba mag-Facebook, anak?

Hunyo 10, 2011

Adelaida:  Yan, may itatanong ako?

Rai:  ‘Di pa ako nagsweldo, Ma.  Bukas pa lang.

Adelaida:  Hindi ‘yun.  Ang dami ko pang pera eh.

Rai:  Nagyabang ka pa, Doña Adelaida?  Eh ano nga?

Adelaida:  Marunong ka bang mag-Facebook?

Rai:  Syempre.  Bakit?

Adelaida:  May ipapahanap sana akong tao sa iyo.

Rai:  Eh bakit ‘di ka patulong sa mga pulis o kaya sa barangay.  *tawa ng tawa*

Adelaida:  Sira.  Sabi kasi nila kapag may gusto kang hanapin na kakilala mo, i-type mo lang name.

Rai:  Na ka-edad ko, oo.  Pero sa batch niyo, kung gusto mong hanapin, may mga vault na hinahalukay para makita lang ‘yung address.  ‘Yung ibang files naman eh wala na, nasunog nong magkaroon na sunog sa eskwelahan niyo.

Adelaida:  Seryosong usapan nga.

Rai:  Eh ‘yun nga, marunong nga ako mag-Facebook.  Oh, napano?  Anong meron?

Adelaida:  Hahanapin ko sana ‘yung ex ko.

Rai:  Wow.  Ex talaga?

Adelaida:  Oo, nung hayskul.  Alam ko engineer na siya ngayon.  Mabait ‘yun.

Rai:  Baka naman ‘yung totoong tatay ko ‘yan, eh hanapin na natin.

Adelaida:  Naku, ‘di niya gugustuhing maging anak ka nun.  Masungit ka at mapili sa pagkain.

Rai:  ‘Di pala ako marunong mag-Facebook. *nag-walk-out*

Conclusion:   Engineer ‘yata’ talaga tatay ko.  And yeah, mapili sa pagkain.  Pambihira.

h1

June Blog (Ang pagbabalik ng taong hindi naman talaga hinanap)

Hunyo 10, 2011

Hindi ko nakaugalian ang maging malungkutin.  Isa na marahil na dahilan ay nababaduyan ako sa ideya na nalulungkot ang isang tao, kahit na may sapat itong dahilan para magtampisaw sa pighati at lumbay.  Sa kabilang banda, tanggap ko rin namang nararamdaman ito, na para bang kahit paano ay kinakatok ka ng kapalaran at pinapaalala na paminsan-minsan, sa ilang piling pagkakataon, eh kailangan ito upang mapanatili ang pansariling katinuan.   Kaya ko itong yakapin ng buong-puso, pero hindi nangangahulugang ikamamatay ko ang hindi maging malungkot.

Ilang buwan na ang nakakaraan mula ng magsulat ako.  Hindi ko alam, marahil ay tinamad lang ako, marahil ay nakalimutan ko lang na ang gamit pala ng Internet sa buhay ko ay magsulat at maglathala ng blog entries imbes na maghanap ng balita kung magkakaroon ba ng pangatlong Hellboy movie.  Ilang buwan, ilang linggo, at – kung mareklamo kang tao –  iisipin mong ang dami kong nasayang na oras.  Ano ba ginawa ko sa ilang buwan na nakalipas?  Ano ba napala ko sa ilang buwan na nakalipas?

Ang akin lang, matanda na ako para problemahin kung may nangyayari sa buhay ko.  May matino akong trabaho, may mga kaibigang malimit ko mang makita ay nagpapasaya sa akin, at masaya kong sinasalubong ang bawat araw na iniisip na ito ang buhay ko; hindi pinagtitiyagaan kung hindi ay isinasabuhay araw-araw.  Ang sigurado ako ay hindi ko kailangang malungkot para lang maramdaman na ang buhay ako ay may pinatutunguhan.  Kailan pa naging napakahirap mabuhay; ang huminga at kumain at uminom ng tubig?

Wala namang bayad ang maging masaya.  Ito ang mundo ko; mababaw pero astigin.

h1

Cam Holy Spirit, I Need You (Part 5)

Pebrero 18, 2011

h1

On Angelo Reyes

Pebrero 9, 2011

Ang pagdudahan ang isang taong namayapa na, sa kung anu man ang kanyang mga nagawang anomalya ‘di umano, sa tingin ko ay isang indikasyon na:

a.  may mga taong inip lang talaga sa buhay.

b.  marami ang gusto lang talagang magpanggap na may opinion at nagmamarunong

c.  may mga taong natural na may galit sa kahit sinong namatay

d.  may tinatagong lihim na pagtingin sa namayapang heneral

e.  may mga taong ayaw ng may namamatay at gusto imortal lahat ng tao sa mundo/bansa

f.  all of the above.

Narito ang naisip kong 10-step solution sa mga taong hangang ngayon ay nuknukan pa rin ang gigil sa pagpapakamatay ni Angelo Reyes.

1.  Hintayin niyong ilibing ang kanyang mga labi.

2.  Humanap ng mga kagaya niyong galit sa mundo at pumunta sa kanyang pinaglibingan.

3.  ‘Wag kalimutang magdala ng pala (o kahit anong epektibong panghukay)

4.  Buksan ang kabaong.

5.  Kunin ang bangkay ng yumaong heneral.

6.  Tantarin ang katawan nito ng pinong-pino.

7.  Isilid sa sako ang natatadtad na katawan.

8.  Sabuyan ng gaas ang sako.

9.  Pagliyabin ang sako.

10.  Hintaying masunog hangang maging abo ang sako at laman ng sako habang kumakanta ng “Heal our land” ni Jamie Rivera.

Kung hindi pa kayo nakuntento sa nasabing 10-step solution eh kailangan niyo na ng anger-management intervention.

Ang akin lang, kung kaya nating magkaroon ng opinyon sa mga bagay-bagay na sa kung tutuusin ay wala naman tayong alam/pakialam (maliban sa ibinabalita sa TV), kaya din siguro natin bigyan ng tamang respeto ang sinumang yumaong kung tutuusin ay wala namang direktang kinalaman sa buhay natin, sa kung ano tayo ngayon, sa kung may trabaho ka pa ba tayo matapos niyang mamatay, at sa kung ano ba talaga ang totoong nangyayari at kung ano ang gagawing hakbang tungkol dito.

Ang akin lang, ano ba gusto nating mangyari, ang mabuhay si Angelo Reyes at mag-sorry (assuming may ginawa siyang labag sa batas)?  Akala ko ba Diyos (kung meron man) ang humahatol sa mga namayapa na?  Bakit tayo nagpapataasan ng ihi sa kung ano ang hiwaga sa likod ng kanyang pagkamatay?  Pinoproblema mo ba talaga ito, pare ko?  Utang na loob.

h1

Tungkol saan ang pinapanood mo? (Primetime Edition)

Pebrero 8, 2011

Bilang “tulong” sa mga nakakaligtaang manood ng TV (o walang TV sa bahay gaya na lang ng kaibigan kong si Otso), narito ang ilan sa mga pinapalabas sa primetime at kung tungkol saan ba ang mga ito o kung ano ba talaga ang kwento.

Ang NOAH ay hindi tungkol sa tagasunod ng sinaunang Diyos na inutusan niyang gumawa ng arko.  Ito ay ang Filipino version ng Jungle Book o parang ganun ang gusto nilang palabasin, maliban na lang sa tuwing magtatagalog ‘yung mga taong-unggoy ay nagkakaintidihan sila, pero kapag tao na ang kausap ay hindi maintidihan, at ang klarong gustong ipahiwatig ay tanga ang mga manonood at hindi marunong magbasa ng subtitle kung sakali.  Tungkol din ito sa katotohonang kahit bading ay pwedeng magpulis, gaya na lang ni P – PO1 something.

Ang DWARFINA ay tungkol naman sa mahahabang pulang pilik-mata ni Angelica Dela Cruz at Pauline Luna at kung paanong ang kalandian noong bata ka pa ay pwedeng dalhin hanggang tumanda (gaya na lang sa karakter ni Iwa Moto).  Tungkol din ito sa ideya na nakakadiring isipin kung paano ang mangyayari kapag nag-asawa ka ng dwende o kung dwende ka at mag-aasawa ka ng tao (kung ano man applicable sa sitwasyon mo).

Ang MUTYA ay tungkol na naman sa mga sirena (na para bang hindi pa talaga tayo nagsawa) at tungkol sa isang lalaking serenang may modern name na Irvin, ika nga ni Venn.  Tungkol din ito sa kung paanong bini-blurr ang kuyukot nung maitim at matabang lalaking serena (na mas nakilala sa PBB Clash of the something Teen Edition bilang “papansin at nakakaasar na tabachoy”).  At tungkol din pala ito sa batang babaeng bida.  Gets?  ‘Yung bibo at kulot-kulot ang buhok?  ‘Yung maganda ang boses?  ‘Di mo pa rin kilala?  Ako rin.

Ang MARA CLARA ay tungkol sa nauna ng Mara Clara na pinagbidahan nina Judy Anne Santos at Gladys Reyes.  Tungkol ito sa dalawang sanggol na nagkapalit ng tandaha dahil pinagpalit sila sa ospital noong kapapanganak pa lang sa kanila (na para bang ang lenient lang talaga ng security sa ospital; ngiti nga lang sa nurse eh may bayad lately, magpalit pa kaya sanggol sa nurseryGoodluck.)  Ang pagkakaiba lang sa bagong bersyon ng Mara Clara ngayon ay ang bida sa kwento ay si Kiray at si Ms. Gina Pareño.

Ang MACHETE ay tungkol kay shirtless Aljur.  Ano pa ba?  Hmmmm.. tungkol din ito sa isang babaeng mukhang may over-cooked na ravioli sa mukha?  Hmmmmm… tungkol din ito sa Baguio?  Ewan.  Tungkol ito kay Aljur na nagiging estatwang kahoy.   Tungkol din ito kay Aljur bilang isang nabubuhay na estatwa at kung paano siya umakting na parang kahoy.  There.

Ang IMORTAL ay tungkol sa kung ano ang magiging itsura mo kapag manginginom ka at naging bampira ka (John Lloyd) o kung paanong kapag tumanda kang bampira ay lulusog ka nang todo (Jomari Yllana).  Tungkol din ito sa palakihan ng dibdib ni Angel Locsin at ni Vivian Velez bilang mga taong-lobo (werewolf, not ballons).  At siya nga pala, tungkol din ito sa mga babaeng bampira na kung hindi man naka-Lara-Croft-costume (‘yung babae sa Hayden Kho video scandal) eh naka-Sisa-costume (Nikki something na nasa Tabing-Ilog show yata.)

Ang I HEART YOU PARE ay kakaumpisa lang, so wala muna ako comment.  Ang alam ko lang, ang show na ito ay ‘yung tipong show na ‘di papanoorin ng mga bading dahil lahat ay busy na nagte-take-ng-calls o ‘di kaya ay kasalukuyang nasa yosi break at walang TV sa pantry o ‘di kaya ay nakikitira sa bahay ni Otso.  Ito rin ang show na siguradong magsasawa akong sasagot sa tanong ni Adelaida na, “Babae ba ‘yan?”

Ang KRISTINE ay sigurado ako ay tungkol sa premarital sex at malalanding babae.  Tungkol din ito sa awayan ng dalawang pamilya na sa huli ay natutuloy din sa premarital sex.  Tungkol din ito sa hubad na katawan ni Rafael Russell at ni Zanjoe Marudo.  Tungkol din ito sa kagustuhan ng mga babae sa show na ipakita ang hubad nilang katawan.

Ang THE BAKER KING ay tungkol sa isang pinasosyal na panadero.  Ito rin ay maituturing ng ilan na kapag mag-uumpisa na eh sinyales na para matulog (o ginabi yata si Mister).  At malay ko ba kung tama ‘yung dubbing na ginagawa nila tungkol sa kwento, kaya ‘di na lang ako mag-ko-comment.   Ang boses ng kumanta ng theme song nito ay parang ungol ng isang ginigilitang baka.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.