Iniisip ko pa rin ang unang pagtapak ko sa noo’y inakala kong kagandahang unibersidad. Malaki nga naman ito kumpara sa aking eskwela noong elementarya. Wala kang kilala sa napakaraming estudyanteng iba’t-iba ang personalidad at estado sa buhay. Mayroon ngang ni walang walang dalang gamit kung hindi isang nakatuping nokbuk [notebook]; mayroon naman na de-hila pa ang bag. Kung hindi ba malakas ang business ng mga magulang ko noon sa pagtitinda ng sako-sakong bigas, naging ganun kaya kaayos ang pagtunton ko ng bagong eskwela? Kung hindi ba ako naging napakadaldal at palakaibigan noong unang araw ng klase, ma-e-elect kaya akong president ng klase? Kung hindi ba ako naging president ng klase, naging mas maganda kaya ang aming production ng pamosong “Ibong Adarna”? Nasaan na kaya ang kaklase kong binagyan ko ng nickname na “Kero-keropi”?
Iniisip ko pa rin ang pangalawang taon ko bilang hayskul? Maliban sa “yellow” ang kulay ng banner color ng mga sophomore [na ayaw na ayaw ko talaga], wala namang nakakainis masyado sa taon na ito. May konting yabang na noong mga panahon na iyon dahil hindi ka na naliligaw sa mga building at hindi ka na [halos] mukhang timang. Naalala ko ang bag ko na laging may dalang “folding” na payong, dala marahil ng madalas na pag-ulan-ulan noon. Nakaklase ko na rin ulit ang bestfriend kong babae noon, na noong mga panahon na iyon ay may boyfriend na. Naisulat ko nga dati, “Malandi na lang ang may boyfriend na noong mga panahon na iyon.” Masaya ang araw-araw na gaguhan, panonood ng mga naglalaro ng sipa [dahil hindi ako marunong], pagbalahura ng patago/harap-harapan sa mga nakakaantok na titser. Nakakalungkot lang na mabilis natapos ang taon na iyon ng hindi namin namamalayan. Kung may naglakas ba ng loob na sabihin sa aming Filipino titser noon na bagalan ang pagsasalita tuwing pagsusulit, lalo na kapag dictation, mas may nalaman ba kami tungkol kay “Florante at Laura”? Nagkasawaan ba kami ni Bestfriend kaya madalang na lang kami magkita ngayon? O may tampo pa ba ako sa maaga niyang pag-aasawa?
Naiisip ko pa rin ang pinakaayaw kong klase sa buong buhay ko. Bukod sa ito pa lang ang taon na unti-unti kong natutunan ang paggamit ng noon ay sikat na sikat na “hair gel,” ito rin ang panahon na una akong nanligaw at nasawi sa aking nakakadiring puppy love. Nakakahiyang isipin na nahumaling ako sa kanya noon eh ni hindi man siya maganda ngayon. Kung hindi ko ba naranasan ang mapahiya ng maaga at tanggihan, malalaman ko bang ang simpleng pagsasabi ng “ayaw ko na” ay mainam kaysa sa pag-iwas sa isang tao? Kung hindi ba ako na-bully noong mga panahong iyon, maghahangad ba ako na ipakita sa kanila na marahil hindi lang nila maarok ang aking noon ay umuusbong ng kawirduhan? Ganun ba talaga ako kahina noon? Kung naibili ba ako ni Mama ng magandang polo, imbes na ipanghiram ng mukhang mantel na polo sa kapitbahay, maiisip ko bang ang JS prom ay isang magandang bahagi ng buhay ng kahit sinong dadalo dito?
Naiisip ko pa rin ang aking huling taon sa hayskul at kung paanong ang lahat ay animo’y nagmamadaling mag-college na at nang makapag-inarte. Madali lang ang huling taon ko bilang hayskul; kailangan mo lang bayaran ang dapat bayaran, ipapirma ang mga dapat pirmahan, at ngitian ang mga dapat ngitian. Kung nag-isip ba ako ng maayos noong bago mag-graduate ay nalaman ko ba agad ang gusto kong maging kurso? Huli ba talaga ako sa balita noon at hindi ko nalaman na may entrance examinations pala talaga sa UP, o natakot lang ba talaga akong mag-take ng exam? Ano na kaya ang nangyari sa klasmeyt kong katabi ko lagi tuwing English 4 na namin? Pareho kaya kaming kinikilig tuwing nagbabalik-tanaw sa mga panahong patago kaming nag-ho-holding-hands sa ilalim ng mga armchairs?
























































