
Sa mga nakalipas na araw o linggo, nilanggam ka ng trabaho sa opisina. Maliban sa maayos ang pakikitungo ng boss mo sa iyo, maliban sa nakikita mong may silbi ka sa trabaho, maliban sa marami ka rin naman napapasayang mga kliyente, wala namang nangyari sa personal mong buhay. Pakiramdam mo tuloy inagawan ka ng iilang araw/linggo. Pakiramdam mo tuloy robot na de-susi ka.
***
May mga araw na kahit pabiro man ay may sumbat akong naririnig sa mga kaibigan ko; kung buhay pa ba ako, kung ano bang ginagawa ko at hindi ako nagpaparamdam, at bakit lagi akong ginagabi umuwi. Hindi ko magawang magreklamo sa pagod dahil gusto ko rin naman (o kailangan lang talaga). Siguro nga hindi mo pwedeng magawa lahat dahil limitado ka ng mga galaw ng orasan. Hanggang 24 oras lang ang isang araw; hanggang 7 araw lang ang isang linggo.
Madali lang ang magreklamo. Madali lang ang isiping marahil hindi ka masaya. Hindi naman ako malungkot. Pagod lang ako. Nais ko lang matulog. Nais ko lang mahiga sa sofa at magpindot-pindot sa TV remote at manood ng kahit ano. Sa mga bumabasa, marahil ang inyong gustong sabihin eh, “bakit hindi ka magbakasyong, paksyet ka, kaysa sa nag-ngungungoyngoy ka diyan.” Hindi naman ganun kadali ‘yun eh.
Sa mga kahit paanong napabayaan kong koneksyon, sa mga hindi ko nasabahang kaibigang may-OT ako at hindi ako makakasamang mag-dinner/mag-coffee/mag-videoke, pasensya naman.
Hindi rin nakakatulong ang pagiging single. Minsan, gaano man kasaya ang konsepto na single ka (na pwede kang makipaglandian kahit kanino, na pwede kang mag-uwi ng kahit sino), alam mo na aabot ka rin sa punto na gusto mo rin naman na may kasama ka talaga, na may yabang kang mag-po-post sa iyong status na “in a relationship.”
Madalas habang nagpapahinga ako, habang nakakulong sa kwarto ko at walang gustong gawin kung hindi ang mahiga, naiisip ko rin naman na ang boring pala ng buhay kung puro trabaho; na sana kasama ko mga kaibigan ko, na sana kasama kong nanonood si Mama ng Dyesebel at natatawa sa mga comments niya, na sana may oras akong mag-date at pag-ukulan ng panahon ang aking mahabaging buhay-pag-ibig.
Hindi sa lahat ng oras ganito ang sitwasyon, lalaon din at magbabago ang lahat. Geeeezzzz, gusto ko ng beer.




















4. Ipagpatuloy ang kainipan sa buhay at pag-isipan kung kailangan niyo na ang mag-cross-stitch bilang libangan.