
Kahit echusero, marunong mag-emo
Nobyembre 13, 2009
Isang nakakadiring jounal entry (June 08, 2009)
Hindi naman ako galit. Siguro gusto ko lang talagang magsulat at magngungunguyngoy at tiyakin na may sapat pa akong talino para intindihin na pasaan ba’t lilipas din ‘to. Prolema lang ito; dapat harapin at kailangang lagpasan. Nakakapikon lang marahil na sa kaunting panahon na animo’y mag-umpukang bato ang mga nakatataas, ang mga tipak ng batong nalalaglag ay akmang tumatama sa lahat.
Masakit isipin na magbabago ang kinalakhangn buhay; na kailangang maghigpit ng sinturon at sa ayaw mo na o sa gusto ay sumayaw sa kanilang tugtugin. Hindi ito ang nakita kong hinaharap sa taon na ito. Bangungot itong araw-araw ay dahan-dahan at buong hapding nagpapaalala ng walang kasigaraduhan. Hindi ako luluha. Ang gusto ko lang gawin ay malungkot at magtampisaw sa animo’y kawalan. Pata ang isip at katawan ko sa anumang mangyayari, dahil marahil alam ko na lalala pa ang lahat, na hindi pa ito ang sukdulan ng sakit at pagpapahirap. Hindi man sinadya, hindi man tinamak na gawin, hindi ko pa rin ito mawaksi. Marahil galit talaga ako.
Kausap ko ang aking sarili, pilit pinapaintindi na marahil nagkulang din ako, na marahil mali ang umasa ako na sa pangmatagalang panahon ay magiging ganito. Siguro, hindi ko na talaga kayang magpatuloy pang ipaliwanag ito. Siguro, ito na ang tamang panahon para lumuha…
(tangena, may ellipsis! ang loser!)
***
Dalawang araw matapos kong isulat ito, nag-resign ako sa trabaho at ipanagpatuloy ang buhay. Sa kasalukuyan, masaya akong nagtatrabaho kasama si Otu at si Dad (thank you.) ![]()