Narito ang ilan sa mga nakakatuwang usapan na napakinggan ko sa dyip (pasensya na, tsismoso lang):
***
Magkaklase, mukhang hayskul students, at pauwi na mula sa klase.
Hayskul 1: Ay, patay, nakalimutan kong bilhin ‘yung pinapabili ng nanay ko.
Hayskul 2: Ano naman ‘yun?
Hayskul 1: Nakalimutan ko ano tawag dun. Ano nga ba ‘yun? ‘Yun ano – ‘yung – ano kasi ‘yun?
Hayskul 2: (Nag-suggest ng kung anu-ano).
Hayskul 1: Alam ko na! Nagpapabili pala nanay ko ng panglanggaw!
Hayskul 2: Ay, oo nga, ano nga ba tawag dun, ’yung panglanggaw na madikit? (Pinroblema na rin talaga ng kaklase.)
Hayskul 1: Basta sabi ni nanay sabihin ko raw sa drugstore ’yung panglanggaw.
(At sa drugstore talaga bibilhin ‘yung panglanggaw. Pambihira.)
***
Mukhang magkumare, galing sa pamamalengke na malamang ititinda sa kanyang maliit na sari-sari store.
Mare 1: Mare, ano pinamili mo?
Mare 2: Konti lang, yosi at patis at toyo.
Mare 1: Nakow, ano binili mong patis?
Mare 2: ‘Yung Rufina. (You’re welcome, Rufina.)
Mare 1: Ay binili mo ‘yung kulay red.
Mare 2: Bakit? Eh ano kung red?
Mare 1: Dapat binili mo ‘yung green ‘yung takip.
Mare 2: Eh pareho lang naman ‘yun. Patis din ‘yun, mare.
Mare 1: Hindi. Mas masarap ’yung green. Saka ’yang red na ’yan, mabaho.
Mare 2: Pambihira ka, mare, may patis bang mabango?
(Apir tayo, Mare 2!lol)
***
Mag-ina; ‘yung bata nasesermunan dahil nadumihan ang suot na school uniform.
Nanay: Pambihira, ang likot-likot mo kasi! Putangina, natapon na ’yung fishball! Sabi na kasi sa bahay mo na kainin! *kinurot ang anak*
Anak: (Umiyak lang, mas natapon pa ang sauce ng fishballs sa uniform)
Nanay: ‘Yan, tangena, natapon na halo-halo ko!
(Gusto ko rin kurutin si Nanay sa pagkain ng halo-halo sa dyip.)
***
Magkaklase; college students; maaarte kahit hindi naman magaganda; kasalukuyang naiinitan.
Maarte 1: Ang init!
Maarte 2: Oo nga!
Maarte 1: Gosh, it’s so init.
Maarte 2: Grabe. Bakit kaya ‘yung mga carabao hindi pinagpapawisan?
Maarte 1: Huy, ano ka, pinagpapawisan kaya sila.
(Sarap saktan.)


Hindi ko nakaugalian ang maging malungkutin. Isa na marahil na dahilan ay nababaduyan ako sa ideya na nalulungkot ang isang tao, kahit na may sapat itong dahilan para magtampisaw sa pighati at lumbay. Sa kabilang banda, tanggap ko rin namang nararamdaman ito, na para bang kahit paano ay kinakatok ka ng kapalaran at pinapaalala na paminsan-minsan, sa ilang piling pagkakataon, eh kailangan ito upang mapanatili ang pansariling katinuan. Kaya ko itong yakapin ng buong-puso, pero hindi nangangahulugang ikamamatay ko ang hindi maging malungkot.