
June Blog (Ang pagbabalik ng taong hindi naman talaga hinanap)
Hunyo 10, 2011
Hindi ko nakaugalian ang maging malungkutin. Isa na marahil na dahilan ay nababaduyan ako sa ideya na nalulungkot ang isang tao, kahit na may sapat itong dahilan para magtampisaw sa pighati at lumbay. Sa kabilang banda, tanggap ko rin namang nararamdaman ito, na para bang kahit paano ay kinakatok ka ng kapalaran at pinapaalala na paminsan-minsan, sa ilang piling pagkakataon, eh kailangan ito upang mapanatili ang pansariling katinuan. Kaya ko itong yakapin ng buong-puso, pero hindi nangangahulugang ikamamatay ko ang hindi maging malungkot.
Ilang buwan na ang nakakaraan mula ng magsulat ako. Hindi ko alam, marahil ay tinamad lang ako, marahil ay nakalimutan ko lang na ang gamit pala ng Internet sa buhay ko ay magsulat at maglathala ng blog entries imbes na maghanap ng balita kung magkakaroon ba ng pangatlong Hellboy movie. Ilang buwan, ilang linggo, at – kung mareklamo kang tao – iisipin mong ang dami kong nasayang na oras. Ano ba ginawa ko sa ilang buwan na nakalipas? Ano ba napala ko sa ilang buwan na nakalipas?
Ang akin lang, matanda na ako para problemahin kung may nangyayari sa buhay ko. May matino akong trabaho, may mga kaibigang malimit ko mang makita ay nagpapasaya sa akin, at masaya kong sinasalubong ang bawat araw na iniisip na ito ang buhay ko; hindi pinagtitiyagaan kung hindi ay isinasabuhay araw-araw. Ang sigurado ako ay hindi ko kailangang malungkot para lang maramdaman na ang buhay ako ay may pinatutunguhan. Kailan pa naging napakahirap mabuhay; ang huminga at kumain at uminom ng tubig?
Wala namang bayad ang maging masaya. Ito ang mundo ko; mababaw pero astigin.

nais ko yung shirt na to! bigyan ng mas malaking kopya ng design!
))
nice outlook in life dude.. =)