
Wala akong problema, may problema?
Pebrero 20, 2012
Gusto kong isiping bumebwelo lang ako, na marahil ay naghahanap lang ako ng tyempo upang sipagin na magsulat. May kung sinong nuknukan ng yabang na nagsabi/nagpauso na kapag masipag kang magsulat, hindi problema ang topic, ‘yung para bang kaya mong isulat lahat, na para bang inuutot mo lang ang mga ideya sa iyong isip. Ang duda ko eh may opinyon ang taong nagsabi noon sa lahat ng bagay at kalimitan ay nababayaran siya sa pagsusulat dahil ubod siya ng galing (papuri at hindi sarcasm, maniwala ka). Ganun din ako marahil, ma-komento, ma-opinyon; ngunit dahil hindi naman ako binabayaran para magsulat, ang binubulong ng isip ko eh, “Abnoy, ‘wag ka ngang ma-pressure. Hindi mo ikamamatay kapag ‘di ka nagsulat. Nakaka-bobo, yes, pero hindi nakamamatay.”
Ramdam ko ngayon eh parang hindi na lahat ng bagay eh gusto kong problemahin o gusto kong magkakomento. Ang totoo nito, ang sa akin lang, eh wala na akong pinoproblema; hindi na rin ako magagalitin. Malimit mangyari ay kapag nagsulat ako ng isang bagay eh dahil gusto ko itong problemahin, ganun lang kasimple. Kung gusto ko lang magkaproblema ngayon eh madali lang: iisipin ko lang kung para saan ang Twitter (at least sa buhay ko) at kung paano nakakadali sa buhay ng tao ang touchscreen technology. Kung may katuturan man sa buhay ko ang aking mga sinusulat eh hindi ko na rin iniiisip at/o pinoproblema ‘yun. Nagsusulat na lang ako ngayon, “for more” (sabi nga ng barkada).
Ang akin lang, hindi man normal sa isang tao ang walang problema sa buhay, hindi rin naman ito imposible. Kung wala man akong problema sa buhay, hindi naman ito ‛yung tipong ultimate enlightenment, na para bang pwede na akong mamatay anu mang oras, ‛wag naman ganun.
Kung tutuusin ay dapat matuwa ako sa ideya na wala akong problema, na hindi ako malungkot, na hindi ako nagtatampisaw sa negative vibes. Mahirap paniwalaan, pero totoo; mainggit na ang mainggit. Belat!*
Like this:
Ipinaskil sa makabagong social relevance, Mga Paalala |
