Imbak para sa Kategoriyang ‘apung gino monologues’

h1

WWJD (What Who “Jew” Do)

Nobyembre 8, 2010

Mga Tauhan:

Ate Grace – kapitbahay na may tindahan at nahihilig sa kanyang “church”; may anak siyang takot sa aso.

Madam Elda – nanay ni Ate Grace; nakatokang maging tindera noong araw na iyon (dahil umuwi somewhere South ang kanilang katulong para manganak); isa rin siyang retiradong guro; ayaw din niya sa Canada dahil malamig daw masyado.

Rai – responsableng kapitbahay ni Ate Grace at Madam Elda; naisipang bumili ng yosi bago magsara ang tindahan; nalaman ang lahat ng tungkol sa kapitbahay dahil sa makwentong nanay.

(Pumunta ng tindahan)

Rai:  Pabili po ng red.

Madam Elda:  Magkanong load?

Rai:  Red po.  Marlboro red po.

Madam Elda:  Magkano ngang load?  Globe, ‘di ba?

Rai:  Madam, Red po.  Yosi po.  ‘Yun pong kapag sinindihan, may usok.

Ate Grace:  (nakialam na)  Nay, yosi daw.  Yosi.

Madam Elda (kausap ang anak):  Eh dinig ko load. (sabay tawa)

Rai:  (Nakitawa na rin, why not, chocnut)

Ate Grace:  Yan, sama ka naman sa akin sa Sunday.

Rai:  Saan?  Birthday mo? (Tawa pa rin ng tawa)

Ate Grace:  Sama ka sa church namin.

Rai:  Church niyo?  Church niyo nino?

Ate Grace:  Basta sa church namin.  Sama ka ah?

Rai:  Naku, pass muna ako diyan.

Ate Grace:  Bakit naman?

Rai:  Hmmmmm.. busy ako.

Ate Grace:  Sunday ‘yun.  Wala ka naman pasok nun.

Rai:  Eh ganun talaga ako, busy kahit walang work.

Ate Grace:  Sige na.  minsan lang.  Subukan mo lang.

Rai:  (Gusto sabihin na “nasubukan ko na dati ang ganyan, wala man merienda”, pero naisip ko baka nakabastos naman ‘yun sa “church” niya.)

Ate Grace:  Ano na?  Sama ka na sa akin sa church?

Rai:  Busog pa po ako.  Salamat na lang. (Sabay layas sa tindahan.)

***

Balak ko maglagay ng tarpaulin sa tapat ng bahay, nakasulat:

Hindi ako anti-christ.  ‘Wag maniwala sa sabi-sabi, lalo na galing kay Mommy – Rai

Hindi ko rin pala naiitindihan ang tanong mo, Mr. Pete Morales (kapitbahay naming kung umasta ay parang isa sa may-akda ng Bible), sa iyong tanong nung minsang makasalubong mo ako na,  “Natagpuan mo na ba Kristo sa puso mo?” Ano ka, Sexbomb?

WTF?  WWJD? XYZ? ABC? DOREMI?  (Gago mode)  Tapos nagtataka ako kung bakit ayaw ma-import ng blog ko sa Facebook.  Buhay nga naman.

And yeah, nga pala, hindi ako anti-christ.

h1

Small Talk Season 2 – Family Edition

Oktubre 15, 2010

Adelaida:  Alam mo, Yan, gigil na gigil ako sa Tito mo.  Kung may alam lang akong mangkukulam, pinakulam ko na siya.

Rai:  Ma, ‘di ba ayaw ni Dyisas (Chirst) ang mga mangkukulam.

Adelaida:  Nakow, sa tingin ko, kahit minsan lang, maiitindihan ako ni Dyisas kapag pinakulam ko Tito mo.

Rai:  ‘Di ba kasalanan ‘yun kay “God”?

Adelaida:  Ikukumpisal ko na lang.

Rai:  Wow.

***

Nood ng TV at nakakita ng instant noodles commercial.

Rai:  Ma, gusto ko nung El Diablo na binili nung kumare mo minsan.  San binibili ‘yun?

Adelaida:  Nakow, ‘di ka dapat kumakain ng ganun.

Rai:  I know.  Ma-vetsin, right?  Saka ‘di luto ‘yung noodles.

Adelaida:  Hindi.  ‘Yung pangalan kasi – El Diablo.  Parang kapag kinain mo ‘yun, kinakain mo ‘yung demonyo.

Rai:  ‘Di mas maganda.  Wala na problema; makakain ang demonyo, peace at praise-the-lord na lang forever.

Adelaida:  ‘Di ka kasi nagsisimba kaya ganyan.

Rai:  Sandali nga, sino ba nag-umpisa ng “parang kinakain ang demonyo”?  Ako ba?  Gusto ko lang ng El Diablo or kahit anong noodles.  Pambihira.

***

Dyisas Junior (Bunso):  Kuya, may sore eyes ba ako? (Pinilit pinapapakita mata)

Rai:  Malay ko.  Baka nag-aadik ka lang.

Dyisas Junior (Bunso):  Parang may sore eyes ako eh.

Rai:  Umamin ka na kung nagda-drugs ka.  Mukha ba akong mapanghusga o may pakialam at ipaparehab ka?

(Walkout si Bunso)

***

Rai:  Ma, pengeng 200 (pesos).

Adelaida:  Para saan?

Rai:  Magsisimba ako.

Adelaida:  Eh bakit ka humihingi ng 200.

Rai:  Ginagaya ko lang si Bunso.  Tuwing Sunday, around afternoon, magbibihis siya, sasabihin magsisimba, at aabutan mo ng 200.

Adelaida:  Oo.  Para may pangkain siya at after manonood siya ng sine.

Rai:  Well, ganun na ganun balak kong gawin, Ma.  Pengeng 200.

Adelaida:  Ayoko.

Rai:  Bakit?

Adelaida:  Ang kapatid mo, nag-aaral pa at wala pang trabaho; ikaw, meron.

Rai:  See? Tapos nagtataka ka bakit ‘di ako nagsisimba.  Walang 200, walang simba.  Hmmp!

***

Bagong gising ako nang subukan ng kapatid ko na kausapin ako.

Dyisas Junior (Bunso):  Kuya, tingnan mo oh. (pinakita ang isang folded na towel)

Rai:  Oh, napano?

Dyisas Junior (Bunso):  Kuya, tingnan mo oh. (pinakita ulit ang isang folded na towel)

Rai:  Ano nga?

Dyisas Junior (Bunso):  May bagong towel ako.

Rai:  Oh. Good for you.

Dyisas Junior (Bunso):  Bigay ni Mama ‘to, Kuya.

Rai:  Oh.  I get it now.  Gusto mo magselos ako?  Okay.  Okay.

(Um-enter si Adelaida)

Rai:  (Yakap si Mama) Maaaaaaaaaaa, gusto ko rin ng bagong towel.  At bagong kapatid, ‘yung hindi tulendoy…

(Walkout ang bagong gising at naligo).

Rai:  Good morning, lumang towel!

***

Small Talk Season 1

h1

Ang Tatlong Wish sa Genie ng Nanay ko

Agosto 27, 2010

Hindi kaila sa iba na ang nanay kong si Adelaida ay laging may opinyon sa lahat.  Ang kaila sa iba (at sa akin) ay “close” pala itong si Adelaida at si Dyisas.

Isang mapayapang gabi, at dahil nagpapagaling pa ako sa aking maituturing na “buwanang trankaso”, nakahiga lang ako sa kwarto at nanonood ng Pasan Ko Ang Daigdig ni Sharon Cuneta.  Maya-maya pa ay dumating ang bisita ni Adelaida, isang kaanak na sa tuwing makikita ko ay iniisipanan kong uutang na naman kay Mama.  Natural lang, sa pag-upo nila Mama, ay nag-umpisa na ang mga kwento niya, mula sa kasalukuyang isyu na tinatalakay ng Homeowners Association ng subdivision hangang kay Regine at kung magsusuot ba ito ng bra sa kasal niya (Hula ko, oo.)

Mapupunta ang usapan sa aming tatlong magkakapatid: sa panganay na dapat ay isang guro sa matematika (kung hindi lang ito natural na batugan at piniling kumuha ng kursong kahit kuneho ay pwedeng tapusin), sa bunso na kaka-graduate lang (at sumosobra ang hilig sa pagkain kaya tumataba), at sa akin at kung paanong isa akong ulirang anak (imbento).

Sa pagpapatuloy ng mga kwento ni Adelaida patungkol pa rin sa aming magkakapatid, isasalaysay ni Mama ang panahon na kung paanong laging natutupad ang kanyang mga “wish” tuwing magdarasal siya kay Dyisas.  Noong mga oras na iyon ay hininaan ko ang volume ng pinapanood ko para makitsismis sa kwento ni Adelaida, tutal hindi pa naman kumakanta si Ate Shawie.

Adelaida:  Naku, problema ko talaga ang panganay ko noon.  Lagi siyang walang trabaho.  Diyos ko, salamat kay Dyisas, tinupad niya wish ko na sana makapag-abroad ito.  Ngayon okay na siya.  Sana.

Sumunod na nabaling ang usapan sa bunso kong kapatid.

Adelaida:  Naku, nung mag-graduate ‘yan nung May, sinasabi ng mga ka-pastoral ko, ‘Nag-graduate ka na rin.”  At totoo naman.  Nung nag-aaral pa ‘yan, kinakausap ko talaga si Dyisas bago matulog, na sana hindi ma-hazing ang bunso ko, na sana pumasa siya sa mga exam niya.  Tinupad din ni Dyisas ‘yung wish ko na sana pumasa sa siya licensure exam niya.  Pumasa naman siya at isa na namang wish-granted ni Dyisas.

Sumunod at panghuling kwento ay tungkol sa akin, na sa kasamaang-palad ay hindi ko gaanong naintindihan kaya lumabas ako ng kwarto at tinanong si Mama.

Rai:  Ma, ano nga ‘yung “wish” mo sa akin?  ‘Di ko narinig.

Adelaida:  Nakikinig ka pala.  Sabi ko, wish ko kay Dyisas noon ay makuha mo ‘yung inaplayan mong trabaho sa Makati.  Eh tinupad naman ni Dyisas ‘yun.

Rai:  So, si Dyisas pala dapat kong pasalamatan sa anim na buwan na trainingregular sa trabaho? ko dun kaya ako na-

Adelaida:  Oo.

Rai:  Bakit “wish”?  Genie ba si Dyisas?

Adelaida:  Hindi.  Anti-Christ ka lang.

Rai:  Hindi ako anti-Christ.  Hindi ako galit sa kanya, okay?  Inaano ko ba si Dyisas?

(Natawa na kaming mag-ina)

Adelaida:  Kaya siguro hindi ka nagsisimba.

Rai:  Nga pala, Ma, tandaan mo, hindi tayo Bumbay na nagpapa-5-6.  Ayaw ni Dyisas ng nangungumisyon.  Ikaw din, bahala ka, ‘di ka na bibigyan ng tatlong wish ni Dyisas Genie. Goodnight, Ma.   (sabay lock ng kwarto)

(At nagpatuloy ang mga kwento ni Adelaida)

h1

Basta may “Christ”

Hulyo 28, 2010

Umaga ng lingo at kakagising ko lang, diretcho sa sala at nakitang ang bunsong kapatid na nanonood ng TV.

Rai:  Saan si Mama?

Dyisas Junior:  Umalis.

Rai:  Oo nga.  Saan nga si Mama?

Dyisas Junior: Umalis nga.

Rai:  Saan nga pumunta?

Dyisas Junior: Nag-meeting.

Rai:  Saan naman magmi-meeting ‘yun?

Dyisas Junior:  Sa Couples for Christ daw.

Rai:  Kasama si Tatay?

Dyisas Junior:  Hindi.  Eh ‘di ba ‘di sila bati?

Rai:  (Natawa lang)  Baka naman sa Singles for Christ pumunta ‘yun?

Dyisas Junior: Ay, ‘di pala Couples for Christ.  Christ the King pala.

Rai:  Saan ba talaga?

Dyisas Junior: Ewan ko.  ‘Di ko maalala.  Basta may “Christ”, Kuya.

h1

True Blood (hindi ‘yung TV show)

Hulyo 27, 2010

Rai:  Ma, bakit dinuguan ang ulam?

Adelaida:  Bakit hindi ka ba kumakain ng dinuguan?

Rai:  INC Anniversary ngayon.

Adelaida:  Iglesia ka ba?

Rai:  Hindi.  Pero hindi mo naman sinadya na magluto ng dinuguan?

(Hindi ako sinagot at tumawa lang.  Hindi ko rin naman tinanong ulit.  Ayaw ko marinig ang sagot kung sakali.)

h1

Mga ilang tanong ni Adelaida – Her 10th Gospel

Hulyo 20, 2010

Kung hindi ka ready sa mga tanong ng Nanay kong si Adelaida, maniwala ka o hindi, ako man, sa 27 taon ng buhay ko, hindi pa rin ako nasasanay.

***

Queen Echos

Habang nanonood ng Queen Seon Deok sa Channel 7, nakipanood ang Nanay ko at nagtanong:

Adelaida:  Yan, bakit mo pa pinapanood ‘yan, eh ‘di ba natapos mo na panoorin sa DVD?

Rai:  Uh-huh. Gusto ko lang marinig na nagtatagalog si Bidam.

Adelaida:  Sinong Bidam?

Rai:  ‘Yung head ng inspecto– ‘yung naka-black; ‘yung mamaya ‘pag pinakita niyan ay tatawagin mong Satanista dahil nakasuot ng black.

Adelaida:  May Satanistang Koreano?

(Bigla pinakita si Bidam sa TV)

Adelaida:  Ay, oo, mukhang Satanista!

(Tapos natapos ang episode)

Adelaida:  Dapat ang mga Koreano, palitan nila ‘yung mga letra nila.

Rai:  (Natatawa na)  Sige nga, bakit naman?

Adelaida:  Kasi hindi natin maintindihan.

Rai:  Kasi Koreano sila. Koreano ka ba?

Adelaida:  Hindi.  Pero dapat palitan pa rin nila mga letters nila, kasi hindi natin maintindihan.

(Walkout si Adelaida, pumasok sa kwarto at natulog.  Talo na naman ako sa usapan.)

***

Ang Mohawk

Kamakailan ay nagpa-mohawk ako.  At gaya noong hayskul, ipinagpipilitan pa rin ng Tatay ko (Dyisas Senior) na anak niya ako at may karapatan siyang diktahan ako sa aking mga desisyon, gaya na lang ng ayos ng aking buhok.

Adelaida:  (Tingin lang nang tingin sa akin habang nanonood ako ng TV.)

Rai:  May itatanong ka, Ma?

Adelaida:  (Bumebwelo at akmang magtatanong.)

Rai:  Ano ‘yun?

Adelaida:  Bakit ganyan na naman buhok mo?

Rai:  Seryoso?  Tinatanong mo talaga ako ng ganyan o pinapatanong ni Tatay?

Adelaida:  Sige, kunwari gusto kong malaman. (Natatawa na)

Rai:  Sabihin mo kay Tatay, it’s just hair! Sabihin mo, baka hindi pa niya alam, ‘yung buhok tumutubo din. Saka matagal na nating naipaliwanag sa mga kapitbahay na:  a. hindi ako adik, b. na consistent Dean’s Lister ako noong college at hamak na magaling kumpara sa mga anak nilang nag-asawa nang maaga, at c. may maayos akong trabaho.

Adelaida:  Hayaan mo Tatay mo.  Hobby niya ang mamroblema.  Alis muna ako, may meeting kami sa pastoral.

***

“Escape”

Sabado ng gabi at nagbibihis ako nang tanungin ni Mama.

Adelaida:  Yan, saan ka pupunta?

Rai:  Baka manonood ng movie.

Adelaida:  Ano papanoorin mo?

Rai:  ‘Di ko pa alam.  Baka ‘yung Inception.

Adelaida:   Napanood mo na ‘yung Escape?

Rai:  Escape?

Adelaida:  Oo.  Sabi nila maganda raw iyon.

Rai:  Escape?  May ganun ba?

Adelaida:  (Inaalala kung anu talaga ‘yung pelikula.)

Rai:  Baka Eclipse?

Adelaida:  ‘Yun nga!  Eclipse!

Rai:  Bye, Ma.

h1

Ang Easter Bunny

Abril 4, 2010

Mula sa Palaspas Day, hangang sa Sabado De Gloria, napuno ang puso ng mga tao sa kanilang debosyon kay Dyisas; sa buhay nito, sa mga paghihirap niya, sa pagtubos sa kung anung mga kasalanang animo’y pinaratang lang din naman sa tao, hangang sa pagkamatay nito sa krus.

Ang Easter Sunday ang araw na sinasabing nabuhay na muli si Dyisas; hindi ‘yung tipong zombie (gaya nung isang text greeting na natanggap ng isa kong kaibigan), pero ‘yung tipong resurrected forever.

Ang pinagtatakhan ko lang (at ito ay isa na namang inimbentong problema sa buhay), may kung ilang araw (mula Palaspas Day hanggang Sabado De Gloria) na ang focus ng lahat ng tao ay si Dyisas, bakit kapag Easter Sunday ang bida ay ang Easter Bunny?  Sa muling pagkabuhay ni Dyisas, naging nagsasalitang kuneho ba itong naging hilig ang magtago ng mga pininturahang itlog?  Si Dyisas ba at si Easter Bunny ay iisa?

Ayon sa Youtube, parang hindi naman ganun ang kaso.*

h1

One week bago Holy Week!

Marso 22, 2010

Kapag ang headline sa balita sa TV ay “Stations of the Cross, nasa matarik na bundok”, umasa ka na malapit na ang Holy Week.  Ito ang panahong kunwaring nag-aayuno at nagpipinitensya ang mga Katoliko (marahil para sa nagawang “imaginary sins”) at habang ginagawa ang lahat ng ito ay pinaplano din kung paano mas magiging kaiga-igaya ang may isang linggo ring dahilan para mabakasyon (pwera sa mga call center agents na sa mga ganyang panahon ay kailangan munang itatwa ang relihiyon at isiping “ginagawa ko ito dahil double-pay ngayon”).

Isang linggo mula ngayon, lalo na sa Pampanga, idaraos ang kapanapanabik na Holy Week.  Maituturing itong “Pista ng Suffering ni Dyisas”.  Basta masaya lang ang lahat, na may pabugso-bugsong pagpapaalala ng mga nakakatatanda na dapat magluksa dahil anu mang araw mula sa linggong iyon ay ipapako sa krus si Dyisas at mamatay ito para lang muling mabuhay (na hangang sa panahong iyon ay hindi pa rin talaga tuluyang naipapaliwag kung bakit at paano nangyari).

Bilang paghahanda sa mga inaasan kong bulto-bultong mga maaring isulat patungkol sa Holy Week 2010, narito ang ilang pagbabalik-tanaw sa mga naisulat ko ng mga blogs patungkol sa Holy Week and whatnot dalawang taon ang nakakaraan.

Ginoong Miyerkules Santo 2008 (March 19, 2008)

- mga duguang larawan ng mga nagpipinnitensyang nagpagtripan kong ipasok sa aking imaginary contest.

Mga Mukha ng Biyernes Santo (March 26, 2008)

- ang aming munting pakikipagsapalaran (ako at si Enchong) sa isang gabing natapos sa pag-e-endorso ng kaibigan ko sa isang sikat na brand ng tequila.

MORONIC MONTHS (VOLUME 1) January to April (March 16, 2008)

- alamin kung bakit ang April ay isang super moronic month at kung bakit nakakadiri ang magpalagay ng krus na abo sa noo.

Bahagi ng MORONIC MONTHS (VOLUME 1) January to April ay ang naisulat ko na patungkol sa nakakatuwang tradisyon ng Palm Sunday, o mas nakakatuwang tawaging “Palaspas Day”.

Requirements para makasali sa Palaspas Day Game

1.  Dapat may dala kang dahon;mas berde, mas maganda; mas malaki, mas maganda. (Huwag lang OA, buong puno na ‘yan, kuya.)

2.  Sa araw na iyon, kailangan mong magsimba. Kung bakit, ipapaliwanag ko mamayang konti, basta kailangan, ‘wag makulit.

3.  Siguraduhing may design ang iyong dahon (o palaspas, kung tawagin). Simpleng design lang; tipong blue na plastic ribbon, mga makukulay na papel na ginawang bulaklak, o ‘di kaya naman ay may picture ng isang santo (uso ngayon ang may picture ng yumaong Pope John Paul II). O kung wala naman talagang design ang iyong palaspas, siguraduhin mong nakahabi na lang ang mga tangkay ng dahon ng buko na dala mo, tipong naka-^brades and all that jazz.

4.  Siguraduhing sa iyong pagsisimba ay malapit ka sa altar kung saan nandoon ang paring nagmimisa.

Bago matapos ang misa, babasbasan ng pari ang mga palaspas. Ito ay parang “tossing of the bouquet” lang. Ang siste, may dalang tabo si father at bebendisyunan ang mga palaspas. Maglalakad si father; basbas dito, basbas doon. Kung malas ka ay sa mukha mo tatama ang holy water at hindi sa palaspas.

Ang konsepto ay, dapat malagyan ng holy water ang iyong palaspas, dahil kung hindi, (syempre) hindi na ito magiging “holy palaspas.” Pero ang dahilan talaga kung bakit dapat mong siguraduhing nabasbasan ng holy water ang iyong palaspas ay dahil mahirap makipagsiksikan sa mga taong binababad ang kanilang palaspas sa mga lalagyan ng holy water na malapit sa mga pinto ng simbahan.

Ang mga tinutukoy ko ay ‘yung malalaking parang paliguan ng mga ibon sa mga sulok ng simbahan. Hindi ito ‘yung mga umiihing cherubim; sa mga water fountain yata nilalagay ang mga iyon. Tandaan na hindi “holy palaspas” ang iyong “ordinary palaspas” kapag hindi ito binasbasan ni father, kung bakit, hindi ko alam.

h1

Church Vs. Condom-distribution program ng DOH – Tulendoy of the Week

Marso 5, 2010

Ang Tulendoy of the Week ay iginagawad bilang parangal sa isang tao/grupo/pangyayari na nakapagpamalas ng katangi-tanging “katulenduyan” sa linggong ito.

***

Bilang parangal sa maya’t-mayang pakikialam sa ilang mahahalagang isyu (gaya ng pelikulang Avatar noong mga nakaraang buwan) na sa pangkalahatang perpektibo ay binabago ang buhay ng bawat tao (yata); sa pagpunto na “imoral para sa isang opisyal ng gobyerno (DOH Secretary Esperanza Cabral) na suportahan ang pamamahagi ng mga condom na hindi naman talaga natin alam kung nakakatulong sa pagsugpo/pagbawas sa mga kaso ng mga HIV/AIDS”.

Ang akin lang, hindi masamang bantayan ang “moralidad” ng bansa, bilang natatanging “trabahong” maitutuwing para sa Simbahan.  Pero, sa mga ganitong pagkakataon, gusto kong isiping nagbibiro lang ang Simbahan sa kanilang nakikitang solusyon kung hindi gagamit ng condom:

“ang paraan para matigil ang pagkalat ng sakit [HIV/AIDS] ay ang pagsunod sa mga turo ng simbahan at ang pagrespeto sa kabanalan ng katawan ng tao.”

Ang akin lang, hindi ito usapan ng ‘di pagsunod sa “mga turo ng Simbahan”; ang pinag-uusapan dito ay buhay at kinabukasan.

Madalas banggitin ng isa kong kaibigan (Toshi) na may isang pag-aaral daw na nagpapakita na pinakamarami ang HIV positive sa mga callcenter industry.  Kung totoo man ito, hindi ko alam; ang punto dun ay maraming gusto ng sex; at kasama sa mga maraming gusto ng sex ang may sakit na kapag hindi nag-condom ay ikakalat pa lalo ang sakit.

May ilang kaibigan na rin akong maagang nag-asawa dahil nag-sex ng maaga at hindi gumamit ng condom. Hindi mahirap intindihin kung saan sila nagkulang.  Sa edad ba o dahil hindi lang sila gumamit ng condom?

Hangga’t hindi kayang pagalingin ng simpleng dasal at pananampalataya ang mga HIV positives; hangga’t may mga ikinakasal dahil nakabuntis/nabuntis ng maaga (at hindi nagrereklamo ang Simbahan sa ganitong sitwasyon); at hangga’t pinupuna ang solusyon imbes na ang mga problema, mas masarap pang isiping nabuntis si Mama Mary dahil wala pang condom noong panahon ni Baby Jesus.

Bilang napiling Tulendoy of the Week, bibigyan ang Simbahan ng isang malaking-malaking punong maaring kahulan kapag may mga isyu gaya nito, dahil obviously, you’re barking at the wrong tree, honeyWhat morality?*

h1

Present to Future

Enero 23, 2010

***

Para sa lahat na nagrereklamo na mahaba akong mag-blog.  Ayan, wala talagang text; images lang talaga.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.