Imbak para sa Kategoriyang ‘makabagong social relevance’

h1

Wala akong problema, may problema?

Pebrero 20, 2012

Gusto kong isiping bumebwelo lang ako, na marahil ay naghahanap lang ako ng tyempo upang sipagin na magsulat.  May kung sinong nuknukan ng yabang na nagsabi/nagpauso na kapag masipag kang magsulat, hindi problema ang topic, ‘yung para bang kaya mong isulat lahat, na para bang inuutot mo lang ang mga ideya sa iyong isip.  Ang duda ko eh may opinyon ang taong nagsabi noon sa lahat ng bagay at kalimitan ay nababayaran siya sa pagsusulat dahil ubod siya ng galing (papuri at hindi sarcasm, maniwala ka).  Ganun din ako marahil, ma-komento, ma-opinyon; ngunit dahil hindi naman ako binabayaran para magsulat, ang binubulong ng isip ko eh, “Abnoy, ‘wag ka ngang ma-pressure.  Hindi mo ikamamatay kapag ‘di ka nagsulat.  Nakaka-bobo, yes, pero hindi nakamamatay.”

Ramdam ko ngayon eh parang hindi na lahat ng bagay eh gusto kong problemahin o gusto kong magkakomento.  Ang totoo nito, ang sa akin lang, eh wala na akong pinoproblema; hindi na rin ako magagalitin.  Malimit mangyari ay kapag nagsulat ako ng isang bagay eh dahil gusto ko itong problemahin, ganun lang kasimple.  Kung gusto ko lang magkaproblema ngayon eh madali lang:  iisipin ko lang kung para saan ang Twitter (at least sa buhay ko) at kung paano nakakadali sa buhay ng tao ang touchscreen technology.  Kung may katuturan man sa buhay ko ang aking mga sinusulat eh hindi ko na rin iniiisip at/o pinoproblema ‘yun.  Nagsusulat na lang ako ngayon, “for more” (sabi nga ng barkada).

Ang akin lang, hindi man normal sa isang tao ang walang problema sa buhay, hindi rin naman ito imposible.  Kung wala man akong problema sa buhay, hindi naman ito ‛yung tipong ultimate enlightenment, na para bang pwede na akong mamatay anu mang oras, ‛wag naman ganun.

Kung tutuusin ay dapat matuwa ako sa ideya na wala akong problema, na hindi ako malungkot, na hindi ako nagtatampisaw sa negative vibes.  Mahirap paniwalaan, pero totoo; mainggit na ang mainggit. Belat!*

h1

On Angelo Reyes

Pebrero 9, 2011

Ang pagdudahan ang isang taong namayapa na, sa kung anu man ang kanyang mga nagawang anomalya ‘di umano, sa tingin ko ay isang indikasyon na:

a.  may mga taong inip lang talaga sa buhay.

b.  marami ang gusto lang talagang magpanggap na may opinion at nagmamarunong

c.  may mga taong natural na may galit sa kahit sinong namatay

d.  may tinatagong lihim na pagtingin sa namayapang heneral

e.  may mga taong ayaw ng may namamatay at gusto imortal lahat ng tao sa mundo/bansa

f.  all of the above.

Narito ang naisip kong 10-step solution sa mga taong hangang ngayon ay nuknukan pa rin ang gigil sa pagpapakamatay ni Angelo Reyes.

1.  Hintayin niyong ilibing ang kanyang mga labi.

2.  Humanap ng mga kagaya niyong galit sa mundo at pumunta sa kanyang pinaglibingan.

3.  ‘Wag kalimutang magdala ng pala (o kahit anong epektibong panghukay)

4.  Buksan ang kabaong.

5.  Kunin ang bangkay ng yumaong heneral.

6.  Tantarin ang katawan nito ng pinong-pino.

7.  Isilid sa sako ang natatadtad na katawan.

8.  Sabuyan ng gaas ang sako.

9.  Pagliyabin ang sako.

10.  Hintaying masunog hangang maging abo ang sako at laman ng sako habang kumakanta ng “Heal our land” ni Jamie Rivera.

Kung hindi pa kayo nakuntento sa nasabing 10-step solution eh kailangan niyo na ng anger-management intervention.

Ang akin lang, kung kaya nating magkaroon ng opinyon sa mga bagay-bagay na sa kung tutuusin ay wala naman tayong alam/pakialam (maliban sa ibinabalita sa TV), kaya din siguro natin bigyan ng tamang respeto ang sinumang yumaong kung tutuusin ay wala namang direktang kinalaman sa buhay natin, sa kung ano tayo ngayon, sa kung may trabaho ka pa ba tayo matapos niyang mamatay, at sa kung ano ba talaga ang totoong nangyayari at kung ano ang gagawing hakbang tungkol dito.

Ang akin lang, ano ba gusto nating mangyari, ang mabuhay si Angelo Reyes at mag-sorry (assuming may ginawa siyang labag sa batas)?  Akala ko ba Diyos (kung meron man) ang humahatol sa mga namayapa na?  Bakit tayo nagpapataasan ng ihi sa kung ano ang hiwaga sa likod ng kanyang pagkamatay?  Pinoproblema mo ba talaga ito, pare ko?  Utang na loob.

h1

Chicken, baka, bulate (Hindi ito food review)

Enero 26, 2011

Naisip ko na bago man lang matapos ang buwan na ito ay magparamdam ako sa kung may iilan pa akong natitirang mambabasa sa blogsite na ito.  Ang akin lang, kung hindi man ako naging busy at nakaligtaang lang magsulat eh wala na kayong pakialam dun.  Kayo na blogger, sige.

***

Kahit nagbago ang taon, kahit na ba paulit-ulit na pinapaalala na sa 2012 ay magugunaw na ang mundo (yeah, okay, okay, gets na namin, utang na loob.  Hooray sa mga Aztecs, sige, sila na magaling) wala pa rin naman nagbago.

Nariyan pa rin ang mga bumabiyahe sa bus papunta ng probinsya na ang ideya sa merienda ay “1-piece chicken meal” na para bang ikamamamatay nila kapag hindi sila nakakain ng kanin at manok sa loob ng may kung apat hangang anim na oras na biyahe papunta sa kung anong probinsya.

Nariyan pa rin ang pag-usbong ng mga hinayupak na pangarap ng ilan na maging singer dahil sa kaka-premiere pa lang na American Idol Season 10.   Hindi ito malala kumpara sa mga kapitbahay naming hindi ko alam paano nabiyayaan ng videoke machine na ang trip maghapon ay mag-videoke mula sa mga kanta ni Beyonce, hangang kay Sarah Geronimo hangang sa mga kanta ng Koreanong kung tutuusin ay laging tig-iisang sentence lang naman ang naiintidihan natin.  Gusto ko tuloy ipakilala sa kanila ang gamit ng telebisyon (o ang kapakipakinabang na libangang pagko-crossstitch) at nang magkaroon naman sila ng bagong libangan sa buhay.  ‘Di rin nakakatulong ang katototohanang isa man sa may anim o pitong miyembro ng pamilya ng kapitbahay namin ay hindi marunong tumama sa tono (o kumapit man lang sa dulo nito).  Sa tuwing pupunta ka sa kusina namin (tapat ng bahay ng nasabing kapitbahay), asahan mo na ang makarinig ng animo’y mga nag-uungulang baka o ‘di kaya mga batang animo’y nilulunod sa Nile River noong panahon ni Ramses I.

Nariyan pa rin ang mga nakakailang na pagkakataong makakasalubong mo ang iyong kaklase noong hayskul at ganito ang iyong magiging usapan:

Kaklase 1:  Oh, hi.  Musta na? Long time, no see. (Nakakatawang obserbasyon, kung ako tatanungin)

Rai:  (Ngiti lang.)

Kaklase 1:  Kailan tayo magre-reunion?

Rai:  Nakow, hindi ko alam.  Ano nga ulet pangalan mo?

Kaklase 1:  Ito naming si Rai makakalimutin talaga.  Ako si *insert name here*

Rai:  Ganun talaga eh. (Gusto na umalis)

Kaklase 1:  So, saan ka galing niyan?

Rai:  Nagbayad ng bills.

Kaklase 1:  Eh san ka nagtatrabaho?  May anak ka na ba? I mean, nag-asawa ka na ba?  Alam mo ba si *insert Kaklase 2 name here*, nag-asawa na.  Actually, pangatlo na niyang anak –

Rai:  Actually, wala akong trabaho.  Mayaman na kasi parents ko, kaya ayaw nila ako maghanap ng trabaho.  O sige ah, susunduin ko pa yung anak ko, grade 1 na siya.  Bye.

(Tapos nagtataka ako bakit wala ako masyado kaibigan noon at ngayon.)

Nariyan pa rin ang mga nakakatuwa at nakaka-tumbling na hirit ng aking pamosong nanay na si Adelaida gaya ng mga sumusunod:

Dinner time at kakabili lang ng bagong dresser.

Rai:  Ma, ano ulam?

Adelaida:  Nakow, kahit hindi na ako kumain; busog na ako kahit titigan ko lang ‘tong bago kong dresser. (Umupo sa tapat ng dresser at nagsuklay)

May nakitang lolo na kalalabas lang ng ospital.

Adelaida:  Nakow, si lolo, isang bulate na lang ‘di pumipirma.

Rai:  Pumipirma saan?

Adelaida:  Para kunin na siya ni Lord.

Rai:  Ma…

Adelaida:  Totoo naman.

***

Abangan ang aking susunod na blog post: My 200th blog entry.

h1

WWJD (What Who “Jew” Do)

Nobyembre 8, 2010

Mga Tauhan:

Ate Grace – kapitbahay na may tindahan at nahihilig sa kanyang “church”; may anak siyang takot sa aso.

Madam Elda – nanay ni Ate Grace; nakatokang maging tindera noong araw na iyon (dahil umuwi somewhere South ang kanilang katulong para manganak); isa rin siyang retiradong guro; ayaw din niya sa Canada dahil malamig daw masyado.

Rai – responsableng kapitbahay ni Ate Grace at Madam Elda; naisipang bumili ng yosi bago magsara ang tindahan; nalaman ang lahat ng tungkol sa kapitbahay dahil sa makwentong nanay.

(Pumunta ng tindahan)

Rai:  Pabili po ng red.

Madam Elda:  Magkanong load?

Rai:  Red po.  Marlboro red po.

Madam Elda:  Magkano ngang load?  Globe, ‘di ba?

Rai:  Madam, Red po.  Yosi po.  ‘Yun pong kapag sinindihan, may usok.

Ate Grace:  (nakialam na)  Nay, yosi daw.  Yosi.

Madam Elda (kausap ang anak):  Eh dinig ko load. (sabay tawa)

Rai:  (Nakitawa na rin, why not, chocnut)

Ate Grace:  Yan, sama ka naman sa akin sa Sunday.

Rai:  Saan?  Birthday mo? (Tawa pa rin ng tawa)

Ate Grace:  Sama ka sa church namin.

Rai:  Church niyo?  Church niyo nino?

Ate Grace:  Basta sa church namin.  Sama ka ah?

Rai:  Naku, pass muna ako diyan.

Ate Grace:  Bakit naman?

Rai:  Hmmmmm.. busy ako.

Ate Grace:  Sunday ‘yun.  Wala ka naman pasok nun.

Rai:  Eh ganun talaga ako, busy kahit walang work.

Ate Grace:  Sige na.  minsan lang.  Subukan mo lang.

Rai:  (Gusto sabihin na “nasubukan ko na dati ang ganyan, wala man merienda”, pero naisip ko baka nakabastos naman ‘yun sa “church” niya.)

Ate Grace:  Ano na?  Sama ka na sa akin sa church?

Rai:  Busog pa po ako.  Salamat na lang. (Sabay layas sa tindahan.)

***

Balak ko maglagay ng tarpaulin sa tapat ng bahay, nakasulat:

Hindi ako anti-christ.  ‘Wag maniwala sa sabi-sabi, lalo na galing kay Mommy – Rai

Hindi ko rin pala naiitindihan ang tanong mo, Mr. Pete Morales (kapitbahay naming kung umasta ay parang isa sa may-akda ng Bible), sa iyong tanong nung minsang makasalubong mo ako na,  “Natagpuan mo na ba Kristo sa puso mo?” Ano ka, Sexbomb?

WTF?  WWJD? XYZ? ABC? DOREMI?  (Gago mode)  Tapos nagtataka ako kung bakit ayaw ma-import ng blog ko sa Facebook.  Buhay nga naman.

And yeah, nga pala, hindi ako anti-christ.

h1

Ang Hostage-taking sa Quirino Grandstand (or parang ganun)

Agosto 23, 2010

Sa katatapos lang na hostage-taking scenario sa Quirino Grandstand, madami ang sigurado ako ay magkakaroon na naman ng mga malalaking opinyon; palakihan ng acting sa ngayon pa lang ay sinisisi ng kasalanan ng mga pulis.  Titingnan din ang anggulo na marahil ay may kasalanan ang media, at kung bakit nabaril ang isang batang usiserong kung tutuusin ay wala dapat sa lugar na pinangyarihan ng hostage-taking “drama”.

Habang nanood ng nangyayari kanina, pilit akong kinukulit ng aking Nanay, ang pamosong si Adelaida.  Pilit niyang ipipapaala na i-text ang bunso kong kapatid na nasa Manila.

Adelaida:  I-text mo nga kapatid mo.  Kamustahin mo kung okay lang ba siya.

Rai:  Bakit, miyembro na ba siya sa mga SWAT team?  Kailan pa nagpulis si Dyisas Junior?

Adelaida: I-text mo nga.  Baka napano na ‘yun.

Rai:  Ma, turistang taga-Hongkong ba si Bunso at nasama sa mga hinostage?

Adelaida:  Eh malay mo nakiusyoso siya diyan.

Rai:  Ang importante hindi siyang ‘yung nabaril kanina.  ‘Yung nabaril mga 10-14 years old daw.  At nakita mo naman, “payat” ‘yung bata.  Kung ‘yung kapatid ko ‘yan, malayo pa lang, kita na nating siya ‘yun.

Natahimik si Mama at napanatag ang loob na marahil nga ay ligtas si Dyisas Junior, at ‘yun ay dahil na rin nabaling ang atensyon ni Mama sa pakikipag-away sa Tatay ko patungkol sa kung saan pinakamagandang magrenta ng mascot para sa isang birthday party.

h1

Ibalik ang mandatory ROTC – AFP

Agosto 13, 2010

Natutuwa lang ako sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kapag nasa mall ang mga ito at may karay-karay na bomb-snipping dog at hindi ako binabawalang i-pet ang kalimitan ay malaking aso.  Pero kamakailan ay pumalakpak ang tenga ko nang mabasa ang balitang nais ng AFP na ibalik ang mandatory ROTC sa mga kalalakihan sa kolehiyo.

Buong pagmamalaki kong masasabi na natapos ko ang apat na semester ng ROTC program.   Hindi ko man maarok ang nais nitong ipabatid patungkol sa nasyonalismo at sa kung anumang layuning mahalin ang bansa; at kahit na ba hindi ko pinangarap na iharap sa isang giyerang laging pinipilit na maaring mangyari, parte na ito ng buhay ko.

Ito ang ilan sa mga kalimitang gawain sa ROTC:

- MAGSUOT NG COMBAT BOOTS.  At hindi ito ‘yung mga tipong suot-suot ng Justin Bieber ngayon na Supra shoes; ito ‘yung pwedeng gawing hulmahan ng paa.  Sa sobrang bigat nito, para ang pakiramdam ay may prosthetic legs ka o ‘di kaya may tig-iisang kilo ng bigas ka sa magkabilang talampakan.  Sa kabilang banda, kaya nitong suungin ang anumang hamon ng panahon, i.e. putik, bato, ulan, makulit na kaklase.

- IBILAD SA ARAW (kung may dahilan, ‘di ako sigurado).  Kung anu man ang dahilan at iniiwan kaming mabilad sa araw noon, wala sanang problema; ano ba naman ang magka-tan ka at maging patpating kayumangging-kaligatan.  Pero ang siste lang sa akin ay allergic ako sa glaring light (alam ng mga kaibigan ko ‘yan.) At ang kaso kapag gumagalaw-galaw ka habang nakabilad kayo, may parusang push-ups (minimum sampu).  At ang kaso ulit, payat ako nun at tipong hangang apat lang ang kayang bilang sa push-ups.

- BAWAL KUMAIN.  Hindi naman sa patay-gutom, pero sa isang subject na mula umaga hangang tanghalian lang, hindi ko alam kung bakit nakakagutom.  Ito marahil ay dahil na rin sa pagpapatakbo sa amin sa oval nang may kung ilang ulit.  Isang dahilan din marahil ay ang pinakamalapit na drinking fountain ay sa kabilang building, at nabanggit ko na kanina, kapag nakabilad kayo sa araw, bawal gumalaw.

- BAWAL ANG MAINGAY.  Hindi ako sigurado kung tipong may naglilista ng noisy kapag formation na, pero bawal mag-ingay.  Tandaan na noong mga panahon na iyon, ang pinaka-portable na paraan ng pagsa-soundtrip ay ang diskman, kaya imposibleng ibulsa. At para sa mga mainiping gaya ko, ang magkwentuhan ang tanging paraan para hindi mabagot.  Nagiging kakaiba din ang mga usapan, na minsan ay umaabot sa usapang, “sino ang may pinakamakintab na combat boots?”

- BAWAL ANG LONGHAIR/MAY BIGOTE AT GOATEE/FACIAL HAIR.  Malinis nga namang maituturing ang isang bagong gupit na kadete. Pero mas madali nga namang turuan ng leksyon ang mga mahahaba ang buhok sa pamamagitan ng walang-habas na paggupit maiksian lang ito.  Sa panahon ng ROTC, gago na lang ang magpahaba ng buhok.

- HAYOK ANG LAHAT SA BABAE.  Ang kawalan ng babae tuwing ROTC ang nagbubunsod sa karamihan na maghuhumiyaw sa tuwa kapag dumarating ang isang babaeng instructor namin para magturo ng “self-defense”.  Habang hindi ko maintindihan kung paano ka kakalma at iisiping palipitin ang kamay ng isang taong nanunutok sa iyo ng baril, mas hindi ko maintindihan kung bakit pinagnanasahan ng mga kaklase ko ang instructor naming kung tutuusin ay parang nawawalang kapatid ni Berverly Salviejo.

***

Ang akin lang, hindi mahirap maghanap ng dahilan para kutyain ang noo’y ROTC program.  Hindi mahirap isiping marahil ay isa lang itong kapricho na gustong ibalik para sa anu mang dahilan.  Pero ano ba naman ang dalawang taon, isang araw sa isang linggo, ilang oras sa isang araw? Ano ba naman ang apat/limang oras sa isang linggo ng paglimot sa nakalakihang ginhawa sa buhay?

Ang akin lang, mas may natutunan sa ROTC kumpara sa kasalukuyang NSTP.  Mas nagiging maiitisin ka sa buhay (lalong-lalo na sa init ng araw).  Mas gugustuhin ko pang makitang magsuot ng combat boots ang mga lalaki sa kolehiyo habang ibinibilad sila sa araw kaysa sa ngayong nangyayaring naka-Supra shoes ang mga ito at naiinarte sa pagpulot ng mga basura sa daan at pagpinta ng mga naglulumot na pader ng isang pamayanan.

Ang akin lang, hindi mo naman ito ikamamatay at – oh wait. (Binasa ang news tungkol sa pagbabalik ng ROTC).  I love NSTP.

h1

Jejemon, Word of the Year for 2010

Agosto 3, 2010

Para sa taong 2010, napiling Word of the Year ang salitang Jejemon.  Kahit ako’y ngayon lang narinig ang ganitong kaganapan.  Hindi naman nakapagtatakang isipin na marahil nga ay akmang tawaging Word of the Year ang salitang Jejemon dahil sa natamo nitong atensyon sa publiko sa mga nakaraang buwan.

May kung ilang balita, dokumentaryo, at mga kwentuhan na rin sa kanto ang pumukaw sa kung tawagin ay isang phenomenon.   May ilan, gaya ng isang istasyon sa TV, ang nakaisip pang gawin itong ideya sa isang sitcom; may ilan din naman, gaya ng kung sino man ang nagsumite sa Urbandictionary.com ng “kahulugan” ng Jejemon/s, na marahil ay masyado itong sineseryoso.

Jejemons are individuals with low IQs who spread around their idiocy on the web by tYpFing LyK diZS jejejeje, making all people viewing their profile raise their eyebrows out of annoyance.

Sa ipapakitang reaksyon ng mga tao sa mga Jejemons, narito ang marahil ang mga angkop na kahulugan ng salitang Jejemon:

- Isang taong kinaiinisan ng karamihan, na wala rin namang alam gawin kung hindi pansinin pati pagsusulat/pagte-text ng iba (na kung tutuusin ay hindi na nila dapat pinakekelaman).

- Dahilan ng galit ng isang taong hindi pa natuklasan ang cross stitch bilang alternatibong libangan.

- Gustong patayin ng mga taong nag-aakalang “cool” sila kapag ginawa ‘yun.

- Ang makabagong Dyisas na kasalukuyang pinapako sa krus (ng walang pampamahid) habang naka-video ito at pilit pinapasigaw ng ‘Pilipinas Win na Win’.

- Isang taong may kakaibang paraan ng pagsusulat at dapat lubayan ng taong bayan.

Madali ang punahin ang mga bagay na hindi maintindihan at mga bagay na ayaw intindihin; ang isiping marahil ay tama ka at mali sila.  At siguro, sa mumunting paraan, may puntong kang nais ipabatid; may mensahe kang nais ipaabot.  Ang mali lang sa ganitong sistema ay hindi ka na lang namumuna, gusto mo pa ay umikot ang mundo sa iyo kasabay ng galit mo sa mga mga taong (gaya ng mga Jejemons) na kung tutuusin ay hindi ka naman inaano.

Ito ay para sa lahat ng Jejemons na inapi at inaapi ng taong-bayang hanggang ngayon ay kung umasta pa rin ay parang mga manununog ng mga mangkukulam.

***

h1

Mga kakaibang hinaing ni Juan Dela Cruz

Hulyo 30, 2010

Walang nakatitiyak kung sino talaga ang hinayupak na si Juan Dela Cruz at kung may karapatan nga ba siyang magreklamo sa animo’y lahat ng bagay patungkol sa Pilipinas.  Ang pagpapakilala kay Juan Dela Cruz ay isang taong nais mapabuti ang buhay ng lahat ng Pilipino at nais ng pagbabago (kung ang tinutukoy niya ay “pagbabago” na isinisigaw ni Noynoy, hindi natin matitiyak).  Pero sa tingin ko, sa makabagong panahon ngayon, tatlo ang uri ng Juan Dela Cruz: isang taong natural lang na mareklamo, isang taong ang laging sagot ay “pakialam ko”, at isang taong natural na echusero, gaya ko.

- – - – - – - – - – - – - – -

Hindi ko alam kung ano ang trip ng isang “Juana” Dela Cruz noong nakaraang araw na nakasakay ako ng dyip pauwi.  Habang hinihintay na pumuno ang dyip, maya’t maya ang paghuhumiyaw ng isang kanta ng Michael Learns To Rock, na sa huli ko na lang nalaman ay message alert tone pala ni Ate.  Alam ko, alam ko, hindi ako dapat nakikialam sa message alert tone ng may message alert tone (kahit na ba ubod-lakas ito at tuwing tutunog ay gusto kong tumawa ng malakas).  Ang pinakanakakailang lang ay nung umpisahan ni Ate na manood ng video sex scandal sa kanyang cellphone, na noong mga panahon na iyon ay katapat ng isang elementary student.  Kung kinailangan talagang sariwain ni Ate ang pinakahuli niyang pakikipagniig (kung siya man ang nasa pinapanood niya), may lugar para sa ganyang sex trip; hindi ang dyip.

***

Pitong piso ang kadalasang pamasahe sa dyip.  At sa ganitong halaga, ipinapahiwatig na wala kang karapatang magreklamo sa mga mumunting isyung nararanasan mo sa dyip; isa na dito ay ang siksikan/punuan sa dyip.  Sanayang maituturing ang magtiis sa ganitong sistema, lalo pa kung ang tanging sasakyan papunta sa subdivision ninyo ay isang prankisa ng dyip na ang huling ruta ay maituturing pang isang baryo at/o hindi pa ganun kasibilisado.

Kaya kung may dala kang isang malaking bilao ng pansit (gaya ng nakasakay ko kanina), at sumakay ka pa rin sa isang punuang dyip, kasalanan mo na lang kung natapon ito dahil masyado kang matipid.  Hindi na ako mabibigla kung minsan ay kambing at mga alagaing-hayop na ang pilit isinasakay sa dyip makatipid lang sa pamasahe.  Ngayon ko naiintidihan ang pagkakaimbento ng mga taxi at tricyle.

***

Lahat ay narinig na ang hinaing ng mga drayber; sa kung paano kagahaman ang mga taga-LTO (o taga-MMDA) at sa kung paanong hingi ng hingi ang mga ito sa kanilang pang-araw-araw na kita.

Hindi ka naman naka-seatbelt, kuya.  Nakapaa ka pang namamasada.  Yosi ka pa ng yosi. Tapos nagtataka ka bakit ka hinuhuli? Astig.

Ang mga may karapatang magreklamo ay…kahit sino pwera sa iyo, kuya.

***

Kamakailan ay naibalita ang plano ng pamunuan ng Bureau of Customs na lagyan ng CCTV camera ang kanilang mga opisina at tanggalin ang mga drawers sa mga desk sa kanilang ang opisina.  Layon daw nito ang tanggalin ang lahat ng under-the-table transactions at lahat ng mga salik na nagbubunsod sa katiwalaan.

Ang akin lang, ang nakaligtaan yata sa gagawing bagong patakaran na ito ay ang puntong hindi naman batang-paslit ang mga tinatanggalan ng drawers.  Hindi drawers ang dapat tinatanggal kung hindi mga abusadong empleyado.

***

Nakikisimpatya ako kay Kris Aquino at kasalukuyang pinagdadaanan nito sa kanyang buhay-may-asawa; kung bakit, hindi ko alam.  Ang alam ko lang, hindi ko kinailangang malaman na noong July 18 siya huling nagregla. Pambihira. *kamot-ulo*

***

Kalimitang malalaki ang acting ng mga taong nakakanood ng balita sa TV, lalo na kung may basic commodity na tataas ang presyo.  Kanina ibinalita ang nagbabadyang pagtaas muli ng presyo ng asukal.  Sinalubong ito ng isang pasigaw na, “Putangina” ng aking ng Tatay.  Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit apektado siya gayong:

a.  Hindi naman siya ang nag-go-grocery.

b.  Bawal na sa kanya ang asukal.

c.  Ang gamit lang ng asukal sa bahay ay para mainom ng maayos ang kape, at ako lang naman ang nagkakape sa bahay.

d.  Hindi naman kami nagpa-panaderia.

e.  Imposibleng matuto ng baking ang pamosong si Adelaida.

- – - – - – - – - – - – - – -

Binibigyan ang lahat ng laya na ihayag ang mga kanilang mga saloobin at gawin ang mga bagay na sa tingin nila ay tama.  Binibigyan din ang lahat ng laya na magreklamo at ipahayag ang mga nais nilang magbago sa lipunan.  At, sa awa ng Diyos (ika nga), binibigyan din naman ng pasensya ang mga taong gaya ko na sa ayaw man nila’t gusto ay pilit naririnig si Juan Dela Cruz sampu ng kanyang mga reklamo.

h1

Knock knock jokes, atbp.

Hulyo 27, 2010

Sa isang inuman, sa isang regular na inumang ang tanging komposisyon ay alak, pulutan, mga namumula-na-sa-kalasingan na kainuman, ang kulang na lang ay mga sumusunod:

- mga usapan patungkol sa pagtatalik; sa kung ano ang gagawin sa isang babaeng malaki ang suso, sa kung anung gagawin sa lalaking may malaking titi, at kung anung gagawin sa kung anu-ano pang bahagi ng katawan para maging kaiga-igaya at/o interesting ang pagtatalik.

- mga usapan patungkol sa mga nangyari noong isang taon, dalawang taon, panahon ng Hapon, panahon ng mga Kastila, panahon ni Ninoy, at kasalukuyang panahon ni Noynoy.

- mga knock-knock jokes (kung bakit uso pa rin ay maaring isisi ng tuwiran kay Vic Sotto at Joey De Leon) gaya na lang nito:

Juan:  Pare, knock knock.

Pedro:  Oh, napano? (Nakainom na; slow na.)

Juan:  Sabi ko knock knock.

Pedro:  Ahhh…

Juan:  Putangina, sabihin mo “who’s there?”!

Pedro:  O sige, leche, who’s there?!

Juan:  This guy is in love with you, Pare.

Pedro: This guy is in love with you, Pare who.

(Tapos kumanta si Juan ng “If Ever You’re In My Arms Again”.

Juan:  If ever you’re in my arms again, this guy is in love with you, pare.

(Tawanan si Juan at Pedro)

(Ang napansin ko lang sa mga ganitong jokes, mas nakakatawa nga naman talaga ang mga ito kung medyo nakainom ka at/o sadya ka lang na mababaw.)

- mga walang katapusang “bakit” jokes, gaya na lang nito:

Pedro:  Oh, ako naman ang may joke.

Juan:  Sige.

Pedro:  Bakit hindi kumakain ng Nips si Dyisas?

(Note:  Para sa mga hindi alam ang Nips, ito ’yung tinatawag na Poor Man’s m&m. At para sa ilang nagtataka kung bakit hindi nga naman kumakain ng Nips si Dyisas, valid ang inyong pagtataka.  At sa ilang panira ng trip at nagmamarunong na “wala namang Nips nung panahon ni Dyisas”, lighten-up, ikaw na funny, sige.)

Juan:  Sige na nga, bakit nga hindi kumakain ng Nips si Dyisas?

Pedro:  Kasi lulusot lang sa kamay niya ‘yung mga Nips.

***

Hindi mahirap isipin na napakasimple ng buhay ng ilang tao, na ang mga simpleng jokes gaya ng mga nabanggit ang bumubuo ng kanilang pang-araw-araw na buhay. At siguro minsan kailangan mo rin ng mga ganitong pagkakataon, na imbes na nakaharap ka sa computer at nagtatrabaho ay ang tinititigan mo ay isang nagyeyelong serbesa habang iniisip mong, “Oras ko ito, kakatapos ko lang ng isang libro.”

Ito ay para sa lahat ng nakasama ko matapos ang matagumpay na book launch noong nakaraang linggo.

h1

twilight fans vs. justin bieber

Hulyo 20, 2010

At 0:54, may magtatanong sa Eclipse cast tungkol kay Justin Bieber…

Oh my, ang cool nga naman ng mga Twilight fans. *kamot-ulo*

***

Para sa iyo ito, Enchong.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.