Imbak para sa Kategoriyang ‘may masabi lang’

h1

Chicken, baka, bulate (Hindi ito food review)

Enero 26, 2011

Naisip ko na bago man lang matapos ang buwan na ito ay magparamdam ako sa kung may iilan pa akong natitirang mambabasa sa blogsite na ito.  Ang akin lang, kung hindi man ako naging busy at nakaligtaang lang magsulat eh wala na kayong pakialam dun.  Kayo na blogger, sige.

***

Kahit nagbago ang taon, kahit na ba paulit-ulit na pinapaalala na sa 2012 ay magugunaw na ang mundo (yeah, okay, okay, gets na namin, utang na loob.  Hooray sa mga Aztecs, sige, sila na magaling) wala pa rin naman nagbago.

Nariyan pa rin ang mga bumabiyahe sa bus papunta ng probinsya na ang ideya sa merienda ay “1-piece chicken meal” na para bang ikamamamatay nila kapag hindi sila nakakain ng kanin at manok sa loob ng may kung apat hangang anim na oras na biyahe papunta sa kung anong probinsya.

Nariyan pa rin ang pag-usbong ng mga hinayupak na pangarap ng ilan na maging singer dahil sa kaka-premiere pa lang na American Idol Season 10.   Hindi ito malala kumpara sa mga kapitbahay naming hindi ko alam paano nabiyayaan ng videoke machine na ang trip maghapon ay mag-videoke mula sa mga kanta ni Beyonce, hangang kay Sarah Geronimo hangang sa mga kanta ng Koreanong kung tutuusin ay laging tig-iisang sentence lang naman ang naiintidihan natin.  Gusto ko tuloy ipakilala sa kanila ang gamit ng telebisyon (o ang kapakipakinabang na libangang pagko-crossstitch) at nang magkaroon naman sila ng bagong libangan sa buhay.  ‘Di rin nakakatulong ang katototohanang isa man sa may anim o pitong miyembro ng pamilya ng kapitbahay namin ay hindi marunong tumama sa tono (o kumapit man lang sa dulo nito).  Sa tuwing pupunta ka sa kusina namin (tapat ng bahay ng nasabing kapitbahay), asahan mo na ang makarinig ng animo’y mga nag-uungulang baka o ‘di kaya mga batang animo’y nilulunod sa Nile River noong panahon ni Ramses I.

Nariyan pa rin ang mga nakakailang na pagkakataong makakasalubong mo ang iyong kaklase noong hayskul at ganito ang iyong magiging usapan:

Kaklase 1:  Oh, hi.  Musta na? Long time, no see. (Nakakatawang obserbasyon, kung ako tatanungin)

Rai:  (Ngiti lang.)

Kaklase 1:  Kailan tayo magre-reunion?

Rai:  Nakow, hindi ko alam.  Ano nga ulet pangalan mo?

Kaklase 1:  Ito naming si Rai makakalimutin talaga.  Ako si *insert name here*

Rai:  Ganun talaga eh. (Gusto na umalis)

Kaklase 1:  So, saan ka galing niyan?

Rai:  Nagbayad ng bills.

Kaklase 1:  Eh san ka nagtatrabaho?  May anak ka na ba? I mean, nag-asawa ka na ba?  Alam mo ba si *insert Kaklase 2 name here*, nag-asawa na.  Actually, pangatlo na niyang anak –

Rai:  Actually, wala akong trabaho.  Mayaman na kasi parents ko, kaya ayaw nila ako maghanap ng trabaho.  O sige ah, susunduin ko pa yung anak ko, grade 1 na siya.  Bye.

(Tapos nagtataka ako bakit wala ako masyado kaibigan noon at ngayon.)

Nariyan pa rin ang mga nakakatuwa at nakaka-tumbling na hirit ng aking pamosong nanay na si Adelaida gaya ng mga sumusunod:

Dinner time at kakabili lang ng bagong dresser.

Rai:  Ma, ano ulam?

Adelaida:  Nakow, kahit hindi na ako kumain; busog na ako kahit titigan ko lang ‘tong bago kong dresser. (Umupo sa tapat ng dresser at nagsuklay)

May nakitang lolo na kalalabas lang ng ospital.

Adelaida:  Nakow, si lolo, isang bulate na lang ‘di pumipirma.

Rai:  Pumipirma saan?

Adelaida:  Para kunin na siya ni Lord.

Rai:  Ma…

Adelaida:  Totoo naman.

***

Abangan ang aking susunod na blog post: My 200th blog entry.

h1

Mga Kasalukuyang Tanong

Agosto 27, 2010

-  Bakit hindi pantay ang mata nung hinayupak na batang si Trudis Liit sa GMA7?  Kirat ba siya o sa sobrang masayahin nito ay nakakaranas na ng mild stroke?

-  Sa mga rape scene sa pelikula at telebisyon, sa kagustuhang patulugin ang isang potential na biktima, ano ‘yung nilalagay ng rapist sa panyo na siyang itatapal niya sa bibig at ilong nung biktima para makatulog ito o mawalan ng ulirat?

- Bakit may nag-u-inicycle sa main streets ng Angeles City?   Ito na ba ang mga bagong “wave” motorcyles ngayon?

- Bakit laging hawak ng mga rapper ang kanilang maselang-bahagi habang kumakanta?  Tumatakas ba ang kanilang mga maseselang-bahagi o nalalaglag ba ang mga ito?

- Ano ang ibig sabihin ng isang pari sa isang homily niya nang sinabi niya na “noong ginawa ng Diyos ang mundo, ginawa niyang tagapangalaga sa mga nilikha niya ang tao at hindi mga dinosaurs”?

- Ano ang ibig sabihin ng headline na ito sa isang balita sa TV, “Halos lahat ng rescuers, nakaalis na matapos makuha ang huling biktima”?  Hindi ba talaga sila dapat umaalis?  Nag-siesta ba ang ilan kaya nagpaiwan?

- Bakit may manghuhula at tarrot-card reader sa canteen sa opisina?   Nauuso ba ito, gaya ng tamagotchi noon, at hindi ko lang alam?

h1

You may kiss the cook

Hunyo 22, 2010

May mga pagkakataon (lalo na kapag wala kang magawa) na may mga ilang bagay na hindi naman dapat problemahin ay pinoproblema mo, gaya na lang nung magsulat ako patungkol sa mga salik ng pagtawid sa daan na may karay-karay na bata na naka-stroller.

Narito ang bagong problema ko sa buhay:

Sa mga kasal, kapag tipong patapos na ito at sasabihin na ng judge/pari na “you may kiss the bride”, hindi ko maiwasang problemahin kung:

A.  sino ang kausap ng judge/pari, ang groom ba o ang bride o pareho?

Dahil kung ang groom ang kausap ng judge/pari, tama ang “you may kiss the bride”, at ang pinapahalik talaga ay ang bride.

Dahil kung ang bride ang kausap ng judge/pari, mali ang “you may kiss the bride”, dahil imposibleng humalik sa sarili at/o nangangahulugan itong alam ng judge/pari na lesbiana ang bride o gaya ng madalas sabihin ngayon, mahilig mag-experiment dahil uso.

Dahil kung pareho silang kausap ng judge/pari, nangangahuluhang ipinagtutulakan talaga ang bride na maging lesbiana at humatak ng pinakamalapit na babaeng pwedeng halikan.

B.  bakit dapat ″kiss”?

Dahil ang pakakahulugan nito ay upang i-″seal” ang pag-iibigan. Hindi ba’t isa itong pagkakahon sa konsepto ng pagmamahal? Paano kung ang paraan ng dalawang nag-iibigan sa pag-″seal” sa kanilang kasal ay ang pagluluto ng sinigang, masama bang ang huling linya ng judge/pari sa kasal ay, “you may now cook the sinigang”, anong masama dun?  Masagwa nga lang pakinggan, pero anong masama dun?

h1

Goodluck sa laban mo, Manny (Castañeda)!

Marso 13, 2010

Habang ang karamihan ay nagbubunyi dahil buntis na si Juday, umulan na kahit paano, at  wala ng rotating brownout, ang iba naman ay maagang nagsipagtulog para maghanda sa panonood ng laban ni Pacquaio kay Clottey mamayang tanghali. Ako naman ay nagpupuyat para paggising ko, kung anu man ang mangyari sa laban nila, ay alam ko na kung sino ang nanalo at aasang gigising na ang balita sa TV ay natalo si Pacquiao at nadaya ito. Maiba lang.

Karamihan ay inaabangan ang laban ni Pacquaio dahil:

- gusto nilang maramdaman na sila ay Filipino (kung sa paanong paraan at kung bakit ay hindi natin maipapaliwanag).

- natural na sadista lang at mahilig manood ng mga lalaki (na sa kasamaang-palad ay hindi nabiyayaan ng “maaliwalas” na pagmumukha) na nagsusuntukan at sinisira ang mukha (lalo pa at wala namang mawawala kung nadidisporma ito).

- gustong malaman ang nanalo para malaman kung nanalo sa pustahan.

- walang ibang channel sa TV.

- magagalit ang magulang (sampu ng mga kabarkada ng magulang na nakikinood) kapag nilipat ang channel.

- gustong malaman kung magkano na naman ang kikitaing pera ni Pacquiao kapag nanalo ito.

- gustong malaman kung tama ba ang pagkanta ng Pambansang Awit bago ang laban at ng sa gayon ay gawin itong isang linggong balita; mula sa paulit-ulit na pagpapakita ng video ng pagkanta ng Lupang Hinirang, hangang sa mga interview sa sikat na mga mang-aawit na pinupuri ang pagkanta sa nasabing kanta, hanggang sa pagdedemanda ng NCCA sa sino mang kakanta dahil mali na naman ito at binaboy na naman ‘di umano ang kanta at hangang sa magkalimutan na lang at ang magiging balita na naman sa TV ay ang away-batang isyu ni Kris at Ruffa.

Sa isang maikling pag-uusap (habang pinapakita ang commercial sa nalalapit na laban ni Pacquiao at Clottey), nagkaroon ako ng pagkakataong talakayin ang ilang sensitibong paksa kasama ang aking pamosong nanay na si Adelaida:

Adelaida:  (matapos makita sa TV ‘yung itsura ni Clottey.)  Ay, grabe naman, bakit ang pangit ni Clottey?

Rai:  Ma, ‘wag kang laitera.

Adelaida:  Hindi, Yan, promise, tingnan mong mabuti, nakakatakot.

Rai: Ma, ‘wag manlait.  Bad ‘yun.  Ban influence ka sa akin, dapat hindi ka judgemental.

Adelaida:  Mukha siyang Satanista.

Rai:  San naman nanggaling ‘yung Satanista?  Egoy siya, Ma.  Iba ang Egoy sa Satanista.

Adelaida:  Ah basta, ang panget pa rin.  ‘Yung mga naglilihi, dapat ‘wag manood ng laban ni Pacquiao, baka mapaglihian si Clottey.

Rai:  Kung sa bagay.

Adelaida:  Ikaw, alam ko na naman wish mo niyan.

Rai:  Ano?

Adelaida: Na matalo si Pacquiao.

Rai:  Oo, maiba lang.  Eh ano ba nakukuha mo ‘pag nananalo si Pacquiao?

Adelaida:  Proud ako na maging Filipino.

Rai:  Dahil?

Adelaida:  Basta proud ako.

Rai:  Bakit nga?

Adelaida:  Eh kasi nanalo ang Philippines.

Rai:  Eh bakit, ikaw ba lumaban?

Adelaida:  Hindi.

Rai:  Oh bakit ka nga proud ‘pag ganun.

Adelaida:  Nakow, gusto mo lang siyang matalo.  Saka sayang din ‘yung pot money.

Rai:  Anong pot money?

Adelaida:  ‘Yung premyo sa laban ‘pag nanalo si Pacquiao.

Rai:  May parte ka ba dun sa pot money ‘pag nanalo siya?

Adelaida:  Wala.  Oo nga noh? Si Pacquiao lang yumayaman.  Sana matalo siya.

Rai: (tawa lang ng tawa)

Sa isa namang kwentuhan din, noong minsang mapasyal ang kaibigan kong “malaki ang hinaharap” na pangalanan nating 48D, napagtripan kong tanungin siya patungkol kay Pacquiao.

Rai:  48D, ligawan ka ni Pacquiao, payag ka?

48D:  Hindi noh!

Rai:  Eh kung date lang.

48D:  Hindi pa rin.

Rai:  Eh one-night-stand?

48D: Yuck!

Rai:  Kahit may bayad?

48D:  Hindi pa rin!

Rai:  3 hours, 20 thousand?

48D:  No.

Rai:  50 thousand?

48D:  No.

Rai:  100 thousand

48D: (Bigla napa-isip)

Rai: …pero lights on?

48D: Ay, tangena, ‘wag na.

Rai:  1 million, pero lahat pwedeng gawin…

48D: (Napaisip ulet)

Rai:  …pero lights on pa rin?

48D:  Tangena, ‘wag na. Magsisikap na lang ako sa buhay.

Rai:  20 million at walang kundisyon, lahat pwede?

48D:  Ah pwede na. Pero 3 hours lang ah? Iimaginin ko na lang si Dingdong Dantes nun at pagkatapos magmumumog ng alcohol.

***

Goodluck, Manny (Castañeda), sana matalo ka na, utang na loob!*

h1

This is my weekend report

Marso 7, 2010

Magandang paraan para libangin ang sarili tuwing weekend at walang kang trabaho ay ang pumirmi sa bahay at magbaboy-baboy (humilata, matulog, kumain, manood ng TV = magbaboy-baboy].  Sa init ng panahon, ako sampu ng mga nagrereklamo sa init ay wala rin namang magagawa.  Sabi ng isang kasabihan, kahit sunugin mo pa ang ilog, wala ring mangyayari.

Ang mga hindi kayang pumirmi sa bahay at manood ng TV maghapon ay taong:

- literal na walang TV sa bahay

- literal na walang kuryente sa bahay

- walang TV at kuryente sa bahay

- busy sa pagdi-DVD marathon ng kung anu-anong anime

- kayang matulog at magpawis ng sabay

- may trabaho kahit weekend (at kahit umaga/hapon pa)

Isa sa mga bagong pangyayari ngayon sa TV (sa Channel 7) ay ang pagkakaroon ng weekend news.  Kung dati ay tuwing weekdays lang may balita (sa Channel 7), ngayon pati Sabado at Linggo may ibinabalita na rin – mawalang-galang na – na karamihan naman ay tungkol sa Manila (pero pinapanood ko pa rin.)

Ganito kasi ‘yan.  Ang oras ng mga news broadcast ay ang pinakamainam na oras para gawin ang ilang bagay.  Hindi mo kailangang tutukan ito ng todo at talagang tumapat sa TV para maintindihan ang mga bagay.  Paraaan din ito upang umuwas umpisahan ang mga walang tigil na pelikula sa HBO, StarMovies, at iba pang channel na ‘di uso ang commercias.  Tipong breakchannel sa balita, lakasan ang volume, kahit paano ay masasabi mong updated ka sa mga pinakasariwang balita (na maari o hindi rin naman maka-apekto sa buhay mo), at ang pinaka-importante, pwede mo ng gawin ang ibang bagay na mas importante gaya ng: muna.  Ang kailangan mo lang gawin ay ilipat ang

- pakikipag-text ng maayos habang nagyoyosi habang umiinom ng orange juice habang tumitingin sa may bintana kung bakit maingay ‘yung mga matatabang bata ng kapitbahay.

- pagsasaing ng kanin at pagkuha ng sinampay na damit sa garden (dahil napasarap na naman sa kwentuhan ang iyong Nanay sa may kapitbahay kahit gumagabi na at nakalimutang yatang kapag gabi ay nagluluto din at kumakain) at pakikipaghabulan sa tabain at malikot na si Coco (dog) habang pinapagalitan siya na ‘wag lumabas ng gate.

- pagpapaliwanag sa isang kapitbahay (na madalang ka lang makita) na hindi ka naman nag-abroad at pag-iwas sa pagsabi ng ayaw mo siyang kausap.

Sa araw na ito, ilang mahahalagang balita ang nakapagpagaan ng araw ko.  Hindi ito tungkol sa El Niño.  Hindi rin ito tungkol sa ilang sundalong namatay sa kung anung engkwentro.

Mga Headlines ngayon:

- Ruffa, nagwalk-out [sa The Buzz] dahil kay Kris!

- Karamihan sa 20 nagkabulutong [sa Tondo], magaling na!*

h1

Nagbabalik ang echusero

Marso 1, 2010

Sa may apat na linggong pagkakawala ko sa ere, nabigyan ako ng oportunidad na magnilay-nilay at bigyan ng pansin ang mga ibang bagay bukod sa Internet, gaya na lang ng mga sumusunod:

- pagkumpleto sa lahat ng levels ng Plants Vs. Zombies.

- pagtulong sa mga nasalanta sa Haiti (‘di na lang ako magiging specific)

- pagpapatibay ng pintuan sa may dirty kicthen.

- pagpuna na rin sa nakahiligan na yata ni Regine na ‘di pagsusuot ng bra (na una ng napansin ng aking pamosong inang si Adelaida)

- pagtulog sa aking bagong-bagong kama (na isang better-late-than-never Christmas gift ni Adelaida sa akin.)

- pagsulat at pag-abot sa aking mga mumunting pangarap (wow, profound!)

- paghahanap ng nawawalang Philhealth Card ID (not that mayroong may sakit sa bahay).

- pagpapagupit tuwing ika-anim na araw (kung may adik sa pagpapagupit, ako na yata ‘yun ngayon.)

- pagbibigay ng payo sa mga kaibigang nais mag-live-in (nang walang bayad).

- pagpapalaganap ng Kristiyanismo at pag-aayuno bilang paghahanda sa nalalapit na Mahal na Araw (‘di ba dapat “Mahal na mga Araw” kasi isang linggo ‘yun?).

- araw-araw na pagpuna kung pumapayat si Adelaida (na naisipang mag-gym)

- pagsusuka tuwing may makakapanood ng mga kadiring political advertisements ng mga tumatakbong kandidato sa darating na eleksyon sa Mayo (‘yung month, hindi ‘yung pinapahid sa tinapay)

- pag-aalaga sa aking anak na si Coco. (Nang-iinggit talaga ako; mainggit na ang maiinggit.) (Salamat nga pala sa aking tabaing kapatid na si Jesus Junior sa pag-“shoulder” ng lahat ng gastos ni Coco.)*


h1

1 of 3 Government Employee, tulendoy!

Enero 16, 2010

Sa isang survey na kinumisyon ng DOH, lumabas sa resulta na isa (1) sa bawat tatlong (3) empleyado ng gobyerno ay tulendoy.

Lumalabas na may ”mental disorder” ang isa bawat tatlong empleyado ng gobyerno, na marahil daw ay dahil sa mga sumusunod na kadahilanan: phobia,alcohol, depression.

May mga hindi naman tuwirang umaayon sa resulta ng nasabing pag-aaral at sinasabing hindi ito ganun ka-accurate dahil hindi naman talaga ginawan ng clinical diagnosis ang mga na-survey para humantong sa nasabing obserbasyon na isa nga sa bawat tatlong empleyado ng gobyerno ay tulendoy.

Ang akin lang, magdadalawang-isip na akong manggalit ng mga public school teachers, pulis, at/o mga nagtatrabaho sa mga municipal/city hall dahil nabanggit din sa survey na may dalawa sa mga na-survey ang may tendency pa na maging suicidalKargo de concencia niyo pa iyon kung sakali.

h1

Mawalang-galang na…

Enero 7, 2010

Bago ang lahat, gusto kong humingi ng tawad…sa sarili ko.  Sorry dahil nagkasakit ako.  Sorry dahil may ilang araw ng gusto kong mang-away ng walang dahilan dahil masama talaga ang pakiramdam ko.  Sorry.

***

Sa mga nakaraang araw, nagkaroon ng iba’t ibang personalidad sa TV na nais kong magwalang-galang, maiba lang.

Para sa iyo Mr. Eddie Romero, pinuno ng MMFF screening committee…

Nabanggit ninyo na sa nakaraang Metro Manila Film Festival na hindi dapat nanalo Ang Panday bilang best picture.  Dagdag pa niyo na ang 40% sa criteria ng mananalong best picture (na nakadepende sa kinita ng pelikula) ay hindi patas.  Nabanggit niyo rin na ‘di hamak na maganda ang mga pelikulang Mano Po 6 at I Love You Goodbye.

Ang akin lang, naturingan kayong pinuno ng isang komiteng pumili ng mga nanalo, hindi ba nakakahiyang tuwiran niyong sinasalungat ang inyong sarili?  Kung may mali sa criteria, o kung sa tingin niyo ay may hindi tama sa kasalukuyang criteria, baguhin ito; ‘wag itong libakin at maghugas-kamay na animo’y kayo ang dinaya.  Hindi kasalanan ng Ang Panday kung nanalo ito; hindi rin tamang sabihing “‘di hamak na maganda ang mga pelikulang Mano Po 6 at I Love You Goodbye”.  Ito ay paligsahan ng mga pelikula, pelikulang pinili niyo sampu ng mga miyembro ng MMFF.  Ang isang hurado, gaano man kamali ang naging desisyon, ay dapat pinapangalagaan ang kanyang reputasyon lalo na ang kanyang naging desisyon.

Para sa iyo Ms. Mitch Dulce at sampu ng kasamang mong “kumakanta”…

Kamakailan ay nakita ko ang isang music video ng kantang This Mighty Heart Attack.

Ang akin lang, parang-awa niyo na, stop singing (or poetry reading), kung anu mas mainam na itawag dun.

Para sa iyo Pinoy Big Brother…

Kamakailan ay nagsakit ‘di umano itong si Big Brother (‘yung director na laging dine-direct ang overrated na si Toni Gonzaga).  Kung biro (o weekly task) man ito, sinisi pa rin ito sa mga housemates.  Hanggang sa kasalukuyan, pinapahirapan pa rin ang mga housemates ng mga kung anu-anong kagaguhan.  May pinapaharap sa pinakakinatatakutan, may ginagalit, at may kung anu-anong parusa ang inuutos ni Big Utol (‘di umano’y astiging kapatid ni Big Brother, na hindi nalalayo sa asta ng mga kamag-anak kong hindi nakapag-aral o nag-aral man ay parang wala rin).

Ang akin lang, madaling sabihing ang mga ginagawang “parusa” sa PBB ay mga social immersion at kung anu-anong therapy para sa ikakabuti ng isang tao.  Pero madali ring sabihing ang mga sinusulat ko sa blogsite na ito ay mga repleksyon lang ng mga pwedeng baguhin sa ating pamayanan at ng sa ganun ay magkaroon ng kapaki-pakinabang na paggalaw ang lahat ng babasa nito.  Ang ibig kong sabihin, madali lang mag-imbento ng mga kagaguhan at sabihing may katuturan ang mga ito.   Wala akong reklamo sa ibang episodes ng PBB. Hindi ko lang talaga makita ang punto sa pagpapasuot ng lang kay Paul Jake at Jason (at pagpapaubos ng 3.5 habang nagpapanggap na ito ay isang parusa upang matuto ang isang tao (at hindi dahil sa adult diapergallon ng mineral water) bilang parusa sa kanilang pag-ihi sa pader ng bahay ni Kuya.  Para sa isang show na nagbibigay ng limitadong oras sa paggamit ng banyo sa mga housemates, sa tingin ko kalabisan ang hiyain ng ganun ang mga housematesratings na maaring malikom nito).

h1

Here lies 2009

Disyembre 31, 2009

Kung isa ka sa mga taong pinoproblema kung ano ang magiging New Year’s Resolution mo, pakisampal mo ang iyong sarili ngayon dahil isa kang malaking ungas.  Ang problemahin ito at gawing malaking isyu ay isang kabaliwan. Nabanggit ko na ito last year at uulitin ko lang,

Sa totoo lang, ayaw ko ng ka-lechehang New Year’s Resolution.  Hindi kailangang may baguhin ako sa sarili ko para lang abutin ko ang aking mga mumunti (at malakihang) pangarap.  Ako ay ako, ano mang taon, oras, o minuto.

Bago mag-Bagong-Taon kanina, nagkaroon ng konting diskusyon patungkol sa mga paputok.  Hindi naging tradisyon sa bahay ang magpaputok ng kung anu-ano.  Ang dahilan ni Mama ay ilan daw bang paputok ang kailangan ubusin at gaano daw ba kaingay ang kailangan gawin para lang magtaboy ng malas para sa darating na taon.  Dagdag pa niya, kapag nag-ingay at nagpaputok ang mga kapitbahay, hindi daw ba counted ‘yun sa pagpapaalis ng malas sa aming bahay. Ang akin lang, ang pagsalubong sa Bagong Taon ang tanging araw na pwedeng mag-ingay ang aming mga kapit-bahay na hindi ako mang-aaway dahil maingay sila.

Ang taunang salubong sa Bagong Taon din ay isa sa naging paraan ni Mama upang masukat ang buhay pang-pinansiyal ng mga kapitbahay namin.  Kapag ang mga pinapaputok ng kapitbahay ay ‘yung tipong sumasabog lang at walang colors, naghirap daw ang mga ito sa taon na ito.  Kapag matagal magpaputok at may mga kulay na sumasabog ang mga pinapaputok ng mga kapitbahay eh yumaman sa taon na ito ang nasabing kapitbahay.

***

Gaya ng nangyayari sa nakalipas na taon, hindi pa rin magandang desisyon ang ilipat ang channel sa Wowowee (lalo na kapag kumakanta si Willie na animo’y natatae).  Kapag nagka-platinum-record ang nanay ni Pacquiao sa kanilang album ni Imelda Papin ay papatay ako ng isang pusang kalye at ididilig ito sa lupa (sa pag-asang may makikinig sa akin at kastiguhin ng kung anung spiritual force ang dalawang nabanggit).

Sana ay matigil na ang mga pelikulang pinagpapares ang isang matandang lalaki at isang dalagitang kung tutuusin ay pwede na niyang maging anak.  Tigilan ang pangmomolestiya kina Angelica Panganiban, Anne Curtis, Bea Alonzo, sampu ng lahat ng mga batang artistang walang-habas makipaghalikan at makipag-love-scene sa mga matatandang artista.  (Yes, Gabby Concepcion, ikaw ang tinutukoy ko.  Yes, Aga Muhlach, isa ka pa.)

Lahat na lang ay may Indie film, sa anu mang bagay, kahit pati sa epekto ng ipis sa buhay ng tao, epekto ng toothbrush, sabong panlaba, regla, isang basong tubig, malamig na kanin, batang may sakit, lalaki na may tinatagong sikreto (na bading ito), at kung anu-ano pang krimen.  Lighten up.  Hindi ganun kabigat ang mundo.  Tigilan ang walang kwentang social relevance bullshit.  Ibalik ang panonood ng pelikula na ang tanging intensyon ay matuwa ka habang kumakain ng popcorn.

***

2010 na, umayos, magpunyagi, at yakapin ang mga mumunting pangarap na kung hindi man matupad ay hindi mo rin naman ikakamatay.

h1

Happy birthday, Dyisas!

Disyembre 24, 2009

May kung isang buwan din akong pineste ng mga nagka-caroling sa tapat ng bahay.  Gabi-gabi magmula nang pumatak ang December 1, may kung mga sampung grupo ng mga bata (at minsan ay mga matatandang mukhang mga manginginom) ang nagdaraan at nagka-caroling sa bahay.  Ang siste, hindi ko sila binigyan ng kahit magkano dahil tinatamad akong lumabas at iabot ang barya; iyon lang talaga ang dahilan, promise.  Mas madali pang gawin ang sumigaw  ng, “PATAWAD!!!” (sa kung bakit, ’di ko alam), kaysa sa lumabas ng bahay (at maantala sa panonood ko ng TV) at mag-abot ng baryang ’di mo alam saan nila gagastusin.

Nung nakaraang linggo naman ay may nag-caroling din sa bahay, mga teenagers na akala yata ay ‘pag may marunong mag-gitara sa kanila ay maganda ng pakinggan ang kahit anong sintunadong kantang pamasko na ikakanta nila.  Pinakamasakit pakinggan nung kumunta sila ng Pasko na Sinta Ko.  Dahil ang isa sa mga kasama sa nagka-caroling ay barkada (yata) ng kapatid kong tabain, napilitan akong mag-abot ng kaunting halaga.  Pero muntik ko na talaga silang abutan ng isang bote ng toyo, buti na lang at may nakalkal akong barya sa bag ko.  Kung wala talaga akong nahanap nung mga panahon na iyon, ’yung toyo talaga ang ibibigay ko.

Noong nakaraang araw naman ay nag-caroling din ang isang “kumare” ni Adelaida.  Kasama ang kanyang mga maliliit na pamangkin, nagsuot ang mga ito ng kulay red na mga T-shirts at nag-Santa-hats.  Hindi dahil nag-costume sila ay palalampasin na ni Mama ang kanilang pagkanta.  Pag-alis nila (at matapos magbigay si Mama ng tumataginting na 50 pesos), ito lang ang comment ni Mama:

“Grabe naman, parang mga pinupunit na yero mga boses nung mga pamangkin niya.  Ang lalakas ng loob. Hay. Sayang ang 50 pesos. Hay”

Kanina, naghanda ako para sa huling pagkakataon ay pestehin ng mga nagka-caroling.  At dahil may pamahiin ako na “hindi na pwedeng tumangging mag-abot ng barya sa mga nagka-caroling kapag December 24 dahil last day na ng kalbaryo”, nagpapalit ako ng barya sa tindahan at naghintay ng mga tatapat sa bahay at mag-iingay.  Isa-isang dumating ang mga bata, at pati na rin ang mga teenagers na may iilang alam na chords sa gitara.  Naubos ang mga barya at buong pagmamalaking sinabi ni Mama sa akin na,

“Bumabait ka lang kapag December 24, nilalagnat ka ba?  May sinat ka ba, anak?”

Bilang tradisyon, nagluto sa bahay ng kung anu-ano.  Bilang tradisyon din naman, after dinner, wala ng kumain; 10 p.m., ang mga magulang ko ay mahimbing na natulog, ang kapatid kong tabain ay nagpunta sa kung sinong barkada, ako naman ay masayang nanood ng TV at nagkape, at ang mga niluto ni Mama ay hindi alam kung paano magsisiksikan sa ref.

Balak ko sanang mag-feature ng isang kaibigan/kakilala na mag-te-text sa akin ng Christmas greeting ng saktong 12:00 a.m., tipong pupurihin ko at gagandahan ang write-up tungkol sa kanya. Kaya lang, 1:00 a.m. na at wala pa akong natanggap na text galing sa kung sino man, dahil:

- masama talaga ang ugali ko at walang mangiming bumati ng kung anu mang greeting sa akin

- isa na akong Hudyo at hindi sine-celebrate ang Pasko.

- lahat ng kakilala ko ay mga Hudyo na.

- tarantado lang talaga ang Globe.

- low profile lang talaga si Dyisas at ayaw magpa-greet.

***

Happy birthday, Dyisas.  May you have more birthdays to come.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.