Imbak para sa Kategoriyang ‘senti-sentihan’

h1

Kahit echusero, marunong mag-emo

Nobyembre 13, 2009
Siguro, siguro, kailan ko na ng pagbabago,
Siguro, marahil, matagal na akong naging gago,
Siguro, sakali, maiba naman ang takbo,
Siguro, sigurado, marami lang diyang trabaho.

Isang nakakadiring jounal entry (June 08, 2009)


Hindi naman ako galit.  Siguro gusto ko lang talagang magsulat at magngungunguyngoy at tiyakin na may sapat pa akong talino para intindihin na pasaan ba’t lilipas din ‘to.  Prolema lang ito; dapat harapin at kailangang lagpasan.  Nakakapikon lang marahil na sa kaunting panahon na animo’y mag-umpukang bato ang mga nakatataas, ang mga tipak ng batong nalalaglag ay akmang tumatama sa lahat.

Masakit isipin na magbabago ang kinalakhangn buhay; na kailangang maghigpit ng sinturon at sa ayaw mo na o sa gusto ay sumayaw sa kanilang tugtugin.  Hindi ito ang nakita kong hinaharap sa taon na ito.  Bangungot itong araw-araw ay dahan-dahan at buong hapding nagpapaalala ng walang kasigaraduhan.  Hindi ako luluha.  Ang gusto ko lang gawin ay malungkot at magtampisaw sa animo’y kawalan.  Pata ang isip at katawan ko sa anumang mangyayari, dahil marahil alam ko na lalala pa ang lahat, na hindi pa ito ang sukdulan ng sakit at pagpapahirap.  Hindi man sinadya, hindi man tinamak na gawin, hindi ko pa rin ito mawaksi.  Marahil galit talaga ako.

Kausap ko ang aking sarili, pilit pinapaintindi na marahil nagkulang din ako, na marahil mali ang umasa ako na sa pangmatagalang panahon ay magiging ganito.  Siguro, hindi ko na talaga kayang magpatuloy pang ipaliwanag ito. Siguro, ito na ang tamang panahon para lumuha…

(tangena, may ellipsis!  ang loser!)

***

Dalawang araw matapos kong isulat ito, nag-resign ako sa trabaho at ipanagpatuloy ang buhay.  Sa kasalukuyan, masaya akong nagtatrabaho kasama si Otu at si Dad (thank you.) :)

h1

Not my grief

Marso 31, 2009

At kung sana’y lahat ng iniiyakan ay nabubuhay,
At kung sana’y sa tuwing luluha ka’y may isang isinisilang,
At kung sana’y sa bawat pagtangis mo, kaibigan, buong mundo’y pumapaya,
Hindi ko na sana kailangan pang tanungin kung bakit asul ang iyong mga luha…

***

Sa mga nagdaang araw, saan mang lugar ako mapunta, walang puknat ang pagpapatugtog ng mga kanta ng namayapang si Francis Magalona.  Hindi ko alam, pero sa nakikita ko, tipong nakinabang pa yata ang mga tao nang mamatay si Francis M; nakakailang lang.

Naglipana ang mga T-shirt na may malaking araw at tatlong bituin; walang-habas ang pagpapatugtog ng koleidoscope world at ‘yung kanta ni Francis M. na kasama ang Parokya ni Edgar; hindi magkamayaw ang mga taong pagtsismisan si Francis M, na kung hindi pa yata sumakabilang-buhay ay hindi pag-uusapan.

May mga ilan pang nagtatanong ng:

“Bakit parang hindi man malungkot si Pia [Magalona]?”

“May Eat Bulaga! kaya bukas?”

“Nakakatawa pala ‘pag umiiyak si Joey De Leon?”

“Nakaka-cancer yata ang gumagamit ng camera?”

“Bakit kalbo si Francis M.?”

Naalala ko tuloy noong namatay si Rudy Fernandez.  Weekend ‘yun at si Mama ay nasa bario at inaalalagaan ang noo’y may sakit kong lola.  Umuwi si Mama ng Sabado, at gaya ng madalas mangyari ay pinalipat sa StarTalk ang TV.  Ibinabalita ang noo’y kapapanaw lang na si Rudy Fernandez.

Mama:  Ay, bakit namatay si Rudy Fernandez?

Me:  Hindi ko alam, Ma.

Mama: Naku, bakit siya namatay?

Me:  Hindi ko alam, Ma.

Mama:  Umuwi lang ako ng bario, namatay siya. (Tapos bigla siyang nalungkot.)

Me:  Kung makapagsalita ka, parang  naging kayo ni Rudy Fernandez, Ma.

Mama:  Bakit nga siya namatay?  Tsk tsk.

Kung nabuo man ang mapa ng Pilipinas noong pakawalan ang mga lobo sa kanyang libing, kung hinirang mang bayani ang isang taong may kung isang dekada ding hindi pinansin ng mga taong ngayon ay nagtatampisaw sa kanyang alaala, kung sa kanyang pagkawala ay nabuhay muli ang isang uri ng musika, ang dapat itanong ay ano ang naging epekto sa iyo nito, kaibigan?  Ano ka ngayon sa kanyang pagpanaw?  Nakabuti ba ang iyong pagtangis?  O gaya ng programang Wish Ko Lang, naantig ka lang ba dito at panadaliang umiyak?

Ang akin lang, it’s not my grief.

h1

Para sa iyo ito, Batchoy…

Enero 12, 2009


Para sa bawat taas-kilay,

Para sa bawat subo ng batchoy,

Para sa bawat i-love-you,

Para sa bawat halik at yakap,

Para sa kulitan at pa-cute na topak,

Para sa bawat tinginang hindi na kailangang ipaliwanag,

Para sa lotion at “hangang ngayon”,

Para kay Jacqueline Jose at kay Manong,

Para sa swarma at Bedtime Stories,

… at sa ‘di matatawarang pagmamahal,

Salamat.  Mahal kita, Topie. :)

 

h1

Happy Crying Cow!

Disyembre 31, 2008


Kung may bago man sa taong darating
Huwag mo na lang itong problemahin
Dahil sa gitna ng mga bagay na hindi mo alam
Ay mga bagong pangarap na iyong bubuksan, kaibigan.
Rashid
01/01/09
1:30 a.m.

***

Isang taon na naman ang natapos, “Goodbye, 2008,” ika nga ng iba.  12:30 a.m., katatapos lang ng muli’t muling pagbutas sa ozone layer dahil sa mga paputok (huy, concern, may ChinChin-Gutierrez Syndrome), at habang iniisip ko kung kailan namin mauubos ang nilutong pagkain ni Mama na nakahain sa kanyang mesang may bagong tablecloth (na kinantsawan kong panahon pa ni Rizal nang magawa ang disenyo), naisipan kong magsulat ng blog entry.  Sabi ko sa sarili ko, “Magandang salubong sa bagong taon”.

***

Maniwala kayo, ilang beses na akong sumubok sa linggong ito na sumulat ng aking “Yearender report”, tipong kung anu-ano ang mga nangyari sa taon na ito, pero wala talaga.  January pa lang ang nire-review ko ay hindi ko na alam kung anu-ano ang mga nangyari.  Iniisip ko nga, kung relihiyoso akong tao, malamang may naikwento pa ako kung paano kami nagsimba sa “Pista ng Tatlong-Haring-Nagsidalaw” (Feast of the Three Kings).  Pasensya naman.

Bago mag-bagong taon, kani-kanina lang, malaki ang problema ko sa mga paputok at sa mga nagpapaputok na kapitbahay.  Masaya akong nanonood ng Spiderman 3 at Pirates of the Caribbean Marathon (nang sabay), at dahil sa mga paputok ay hindi ko maintidihan ang mga pipanood ko (kahit napanood ko na dati ang mga ito).  Malaki din ang naging problema ko sa pag-iisip sa iba pang pwedeng ipangalan sa paputok na kung tawagin ay “Crying Cow”.  Ang ibig kong sabihin, hindi naman umiiyak ang baka.  Hinding-hindi! [Galit ba ako?]

Nagngungunguyngoy at nag-iingay lang ang isang baka kapag:

  1. gutom
  2. may nakitang sesking baka
  3. may nakitang machong baka
  4. may nakitang macho pero naka-false-eyelashes na baka
  5. kinakatay
  6. malapit ng katayin
  7. inakalang kakatayin kaya nagpa-panic
  8. kinatay na pero buhay pa rin

PERO hindi nagka-cry ang baka.  Period.

Mga naisip kong pwedeng ipangalan sa paputok na “Crying Cow”:

    1. Moaning Cow
    2. Mating Cow
    3. Cow Dying
    4. Almost-Dying Cow
    5. Cow at the Slaughterhouse
    6. Cow Just Making White Noise
    7. Seems-like-crying Cow
    8. Not Cow

***


Habang pinipilit kong maging mushy sa kadarating lang na bagong taon at balikan ang isang taon ng animo’y pakiki-“baka” (hindi sinadyang correlation sa Crying Cow) sa buhay, hindi talaga ako mapunta sa punto na kung saan nakakaramdam ka ng “warm fussy feeling” (translation sa Filipino, “naiihi”).  May natanong pa nga sa akin kung ano daw ang New Year’s Resolution ko, na para bang hindi magba-bagong-taon hanggat hindi ako makaisip ng bagay/ugali na gusto kong baguhin sa taong darating.

Ang akin lang, hindi ko kailangang hintayin ang bagong taon para lang subukang magbago; ang akin lang, ang pagbilang sa taon ay parang paghihintay lang kung kailan ilalabas ang mga promo cards sa Starbucks para mag-ipon ng stickers at makuha ang kapangit-pangit na “coming year’s planner”.  Sa totoo lang, ayaw ko ng ka-lechehang New Year’s Resolution.  Hindi kailangang may baguhin ako sa sarili ko para lang abutin ko ang aking mga mumunti (at malakihang) pangarap.  Ako ay ako, ano mang taon, oras, o minuto. (Wow, profound!)

***

May ilang mga kaibigan ang nagpasalamat sa isang taon na naman ng pagkakaibigan.  Kapag may mga ganung mensahe kang natatanggap, naiisip mo na lang, “Shet, ang mushy, pero totoo.”

May ilang humihingi ng kapatawaran para sa mga nagawang pagkakamali sa taong lumipas.  Hindi po ako si Jesus Christ or any religion god, for that matter. “Laing up.” [Lighten up by Juliana Palermo]

May ilan ang sa bagong taon na ito ay gusto mong lubos na makilala.  May ilan na sa taon na ito ay marahil iyo ng makikita.  May ilan na kahit noong nakaraang taon ay hindi mo pa nakita.  May ilan, gaya ko, ay masayang sinasalubong ang bagong taon na may ngiti at saya.

***

Happy Crying Cow!


h1

Magpapasko na: Deal or No Deal?

Oktubre 6, 2008

Aminado ako, gusto ko ang pakiramdam na paparating na ang Pasko, New Year, at lahat ng pagkain na hindi naman talaga kailangan pero hinahanda pa rin (gaya ng Keso de Bola at fruit salad [magkakarne po ako].  ‘Yung makita ko lang na excited si Mama na itayo ulit ‘yung binili kong Christmas Tree noong nakaraang taon sa kanya, masaya na ako; mas masaya ang ideya na hindi na siya hihingi ng bagong sala set sa akin bilang regalo niya sa Pasko dahil nabili ko na siya noong nakaraang taon [unless maging tradisyon ang taunang pagpapalit ng sala set].

Masaya din ako dahil sa kauna-unahang pagkakataon (magmula ng mag-umpisa akong magtrabaho) ay hindi ko na obligasyon ang ibili ang mga pamangkin ko ng mga isusuot na damit [and whatnot] at nang sa ganoon ay presentable silang mang-harbat ng pera [ibig sahinin, namamasko].  Excited ako na magpapasko na dahil magbabayad na ng utang ang mga pina-utang ko ng pera [meaning si Kuya.  Kamusta ang Taiwan?]

Habang nag-iisip si Mama kung ano ang ihahanda sa Pasko, naiisip ko rin naman ang magandang naiidulot ng Pasko sa mga tao.

Maraming pwedeng ireklamo sa paparating na Pasko; gastusin, mga kailangang bilhin, ano ihahanda, paano pagtataguan ang mga inaanak, the cliches.  Pero ang kailangang alalahanin, ang kailangang isiping mabuti, na ang Pasko ay nabuo [o sa tinagal ng panahon ay naging kung paano natin sinasalubong ngayon] dahil pinili ni Pareng Baby Jesus na iluwal ['di umano] sa isang Kenneth Cole na sabsaban.

***

Mga hindi ko dapat ibahagi sa publiko pero isusulat ko na rin patungkol sa Pasko at mga kaakibat na bagay patungkol dito

1.  Para bang Hamon de bola, lagi — as in lagi — may nilaga tuwing Pasko o Bagong Taon sa bahay, na hindi naman nakakain kaya asahan ang maya’t-mayang pag-de-deliver ni Mama ng mangkok-mangkok na nilaga sa mga kapitbahay.

2.  Napag-iwanan ako ng ibang bata noong bata pa ako dadil tinitipid ni Mama ang mga “pamaskong get-up” ko.  [120 pesos na shirt at pantalon + lumang sapatos = pamasko.  Pambihira.]

3.  Hindi naging tradisyon sa bahay ang magsalu-salo [Noche Buena at ano nga ba 'yung isa pang Spanish word for super lamon dinner?].  Habang mahimbing na natutulog ang aking mga magulang, ako naman ay nakikipagtapunan ng Red Horse sa mga “dati” kong barkadang adik na sinasamahan ko na lang tuwing Pasko at New Year dahil…hmmm.. no choice.

4.  Ginagawa ko ng tradisyon ang manood ng mga nakakaiyak na pelikula, gaya ng Magnifico at Kailangan Kita, tuwing Christmas night ['yun ay kung hindi ako lasing at nakikipaglaswaan.

5.  Tuwing Pasko [pagkatapos umalis ng mga magulang ko papunta sa ibang kamag-anak], darating ang mga kaibigan ko sa bahay para maglasing, manood ng TV at DVDs, at para alipinin ako sa pagluluto maghapon.

6.  Hindi ko rin ugali ang magregalo tuwing Pasko [hindi dahil nagtitipid ako].  Ang akin lang, bakit ako magpapangkap na mabait, maalalahanin, dahil ginugunita ang isang bahagi ng Christian mythology?  Kung ginawa ko ang pagpupugay sa tuwing may “momentous event” sa ano mang larangan ng literatura, namulubi na sana ako noong college noong pina-assignment sa amin ang sandamakmak na climax ng bawat classical, contemporary, at ancient literature pieces.

***

MAIKLING MENSAHE PARA SA MGA HINDI KAPAMPANGAN NA BUMABASA NG BLOG ENTRY NA ITO:

“Hindi ko alam kung saan makakabili ng pinakamurang parol.”

h1

Steady Bird na naman

Setyembre 18, 2008

May mga panahon na dumarating ako sa punto na para akong bear na nagha-hybernate.  Hindi ako boredBusy nga ako sa dami ng trabaho sa opisina, pero ayaw ko namang idahilan ‘yun kaya wala akong maikwento sa mga nakaraang araw/linggo.  Matatapos na naman ang linggo; paggising ko mamaya, Biyernes na naman.  Dumaan ang linggong ito na hindi ko namamalayan.  Kahit tutukan mo ako ng baril ngayon, hindi ko matandaan ano ang ginawa ko noong Lunes.

Hindi ako kulang sa tulog.  Hindi rin naman malungkot.  Pinipigil ko ang pagtaba sa pamamagitan ng pagpapapawis tuwing tapos na ang trabaho.  Nakakapaglasing naman ako tuwinng weekend.  Normal ang buhay, ika nga.  Wala nga lang exciting na nangyayari (maliban na lang sa very wholesome date kagabi.  ‘Wag nga pala kayong manonood ng I.T.A.L.Y. pangit lang, promise.)  Maya’t maya ang mga text ng mga kaibigan ko, kung joke man o hindi, i-se-share ko na rin.

Mga text messages ng mga kaibigan ko (or at least kung paano ko naiinitidan.)

- May gustong maglaslas gamit ang blade

- May nakikihati sa blade para ipanglaslas din

- May nagpapa-abort [na naman]

- May iniwan ang matinong boyfriend para magtampisaw na ilusyon na mamahalin siya ng “dreamboy” niya

- May umuutang ng pera

- May gustong makitulog sa bahay kunwari

- May walang trabaho at nagtatanong ng job opening

- May nagrereklamo na walang tulog

- May nagtatanong kung kamusta na nga ba kami ni [insert name/s here]

- May gustong mag-resign sa trabaho

- May nagyayaya ng inuman ng 9:00 a.m., halatang callcenter agent ang hayuf. (love you, lesbianang anne)

- May nagtatanong kung narinig ko raw ba ‘yung malakas na kulog kagabi (kamot ulo)

- May nagpapabili ng maliit na aso (‘yung hindi raw mabuhok at mga four thousand lang ang presyo) [by the way, venn, sabi ni boss mga 5k daw mininum]

- May iniiyakan [ng paulit-ulit] ang mga walang kwentang lalaking kanila pang iniibig

- May nagtatanong ng kung paano maglakad ng papeles sa tax division

- May nagpapaalam na hindi papasok dahil may inaasikaso

- May magpaparamdam lang para sabihing matutulog na siya

- May magtatanong kung pwede kang puntahan

- May magpapasalamat sa kadahilanang hindi na kailangang banggitin

- May hihingi ng kapatawaran, pang-unawa, at pag-intindi

- May nagpapasalamat at diretsahang sinabing may second date pa


Minsan hindi ko na kailangang mag-isip pa ng kung anu-ano.  Nagkalat ang problema, ang mga nakakatawang bagay, at mga nakakatuwang pangyayari na maari kong isipin habang sinusubukang ipahinga ang isip.  Pasasasaan ba at magkukwento na naman si Mama ng kanyang mga nakakabaliw na istorya.

HIndi ko alam ang mangyayari sa mga darating na buwan.  Ang napipintong pagpasyal ko sa susunod na linggo sa Baguio kasabay ng trabaho ay hindi ko rin masyado pinag-iisipan.  Siguro makakahanap ako ng exciting dun.  Siguro gaya nung April, makakahanap ako ng pwedeng ikwento, pero sa ngayon, steady bird lang ako, payapa ang mundo.

h1

Little Miss Munting Mutya?

Agosto 12, 2008

 

Nakapanood ka na ba ng beauty contest para sa mga bata?  Nakakita ka na ba ng mga magulang na masayang-masayang pinapanood ang kanilang mga anak habang nag-ta-talent-portion ang mga bibong-bibong anak?  Kadiri noh?

 

Naiilang ako kapag may nakikita akong batang naka-make-up at ginuhitan pa ng nose line.  Pinakanakakatakot ‘yung makakakita ka ng batang parang pinaliit na debutante. Madalas iniisip ko, ano ang ginawang kasalanan ng mga batang ito para pagtripan sila ng ganito ng kanilang mga magulang?

 

Hindi pa riyan natatapos ang kalbaryo ng mga batang pilit isinasali sa mga ganyang patimpalak.  Bago ang coronation night, ipaparada pa ang mga bata sa daan.  At dahil hindi naman talaga malakihan ang budget (o wala naman talaga budget) sa mga ganyang contest, kanya-kanyang diskarte ang mga magulang ng mga bata.  May ibabandera sa binihisang pick-up truck, may ipaparada sa isang binaklas na owner-type jeep, may isasakay sa isang top-down na tricycle, at kadalasan, may ipaparada lang sa isang three-wheeler na binalot ng Japanese paper.  Ibibilad ang mga bata habang pinaparada. Pasunod-sunod ang mga magulang habang inaabutan nila ng panyo at tubig ang kanilang mga pawisang anak, habang sinisinyalan ng, “Smile ka, anak, smile!” Pagkatapos kapag hindi ngumiti ang bata, lalapitan ito ng magulang nito at kukurutin sa singit sabay banat ng, “Sige ka, ‘pag di ka nag-smile, kikidnapin ka nung mamang  ‘yun oh,” sabay turo sa pinakamalapit na pangit na nakita.  Pinakapamosong linya ng mga Kapampangan pagdating sa mga kidnapper ay ang panakot sa mga batang, “O yan na ing manguang-anak”[Hayan na ‘yung kidnapper.]

 

Sigurado ako, ang mga magulang lagi ang may desisyon na isali ang kanilang mga anak.  Walang “say” ang mga bata kung gusto ba nilang mapahiya sa harap ng mga manonood.  Lahat ng magulang ay animo’y nag-aambisyon na manalo bilang “Little Miss Munting Mutya ng Barangay Something Something” <gaano kaya kaliit ‘yung batang ‘yun> ang kanilang mga anak. Magastos, nakakapagod, at marami-rami na rin ang kurot mula sa mga stage mother kapag hindi ngumingiti sa mga tao ang kanilang mga anak.

 

Kadalasan mayroon pang mga talent portion ang mga ganitong mga contest. Syempre, ang mga magulang ang mamimili ng mga talent ng kanilang mga anak.  Kahit sintunado ang anak ay pakakantahin siya ng “Forever’s not enough” ni Sarah Geronimo.  Kahit hindi marunong sumayaw ay pasasayawin ng pinakabagong kanta ng Sex Bomb.  Kahit hindi pa marunong magsalita ng maayos ay ipapadula ang pamosong drama na kung tawagin ko ay, “Mahirap kami at magrerebelde ako at pag-uwi ko sa bahay matapos magsisi sa kasalanan ay dadatnan kong patay na si Nanay at mababaliw ako” monologue.

 

Maririnig mo naman sa mga manonood ang mga tawanan, mga pagkutya, at mga pasaring na makapal ang blush-on ng batang naka-spaghetti strap.  May maririnig ka pang, “Ang pangit naman ng anak ni <name>, bakit pa kasi isinali.”   ‘Yung nga po ang siste, bakit pa kasi isinasali?  Tandaan na bata pa ang mga ito.  Kung madalas sabihin na katuwaan lang ito, eh ‘wag isali ang mga bata sa trip ng mga magulang.

 

Ang mga ganitong contest, na kung saan nagiging sentro ng atensyon ang mga bata, ay kung tutuusin ay magandang experience sa mga bata.  Pero madalas, iniisip ko rin na para itong paraan ng mga magulang upang balikan ang kanilang kabataan. Madalas, ang naiisip ko, marahil ay hindi naisali sa mga ganitong patimpalak ang mga magulang.  Marahil hindi sila nabigyan ng panahon noong bata pa sila na magpakitang-gilas.  Marahil sila dapat ang nasa entablado at kinukutya ng mga tao.

 

Hindi po masama ang paghahangad na maging beauty queen ang inyong mga anak. Hindi po masama ang pagbibida sa mga kakilala niyo na mukhang artista ang inyong mga anak.  Lahat po ng inyong mga pangarap at mga nais maabot ng inyong mga anak ay natural lamang na lagi niyong iniisip.

 

Madalas ding masabihan ang mga bata na huwag makikisali sa usapan ng mga matatanda. Pero hindi ba nararapat din na huwag sumali ang mga magulang sa usapin ng mga bata.  Ang depensa ng mga magulang, “Mas alam ko ang makakabuti sa aking mga anak.”  Nakakatuwang isiping ginagawa pang dahilan ang mga anak para lang mapagbigyan ang mga kapritcho ng mga magulang.

 

Wala pong masama sa pangangarap na malinang ang mga pausbong na talento ng mga bata.  Ang nakikita ko pong mali ay ang harap-harapang pagpilit sa mga batang harapin ang mga bagay na kung tutuusin ay magulang lang naman ang may kagustuhan.  Hayaan po nating silang maging bata.

***

Nalathala sa aming regular na newsletter. Wala lang, bawal mag-repost? hehehehe

h1

Sa aking pinakamamahal na nakakabatang kapatid…

Hulyo 3, 2008

Ilang oras mula ngayon ay lilipad na papunta ng Singapore (tapos pupunta yata ng kung saan-saan sa Europe) ang nakakabata kong kapatid na si Jay Jay. Nakakalungkot, yes; nakakatuwa, yes; baliw ba ang malungkot at masaya ng sabay, yes.

Pangarap ng Mama ko na maging marine ako (o seaman yata, not sure) noong bata ako; kaya siguro nagkunwari akong nagugustuhan ang HRM course sa loob ng halos tatlong taon. Ang pangarap na iyon ni Mama na magkaroon ng seaman sa pamilya ay naiputong sa aking nakakabatang kapatid.

Malimit sabihin ng mga barkada ko na, “ang cool naman ng kapatid mo,” dahil tuwing darating sila ay umaalis talaga itong si Jay Jay para siguro hindi masyadong awkward. Basta sigurado ako hindi naman nagagalit si Jay Jay tuwing nandiyan ang barkada ko. Ayos kami ni Jay Jay. Maliban na lang kapag nanonood siya ng WWE, wala kaming pinag-aawayan.

Kung nasa bahay kaming pareho, ilang beses siyang hihingi ng pagmerienda, ibig sabihin, ilang 50 o 100 pesos din ‘yun tuwing hihingi siya. Okay lang naman dahil makikita naman sa lumulusog niyang katawan [mas mataba siya sa akin, yehey!] na talagang sinusulit niya ang kanyang merienda.

Hindi ako sasamang maghatid sa airport mamaya, dahil ayaw kong makita ang iyakan nila ni Mama (at ni Tatay, kung iiyak man siya) at dahil may meeting ako trabaho bukas na ikakasesante ko kung hindi ako dadalo. Kahit sa kwento ko man ay parang close kami, kami ang magkapatid na hindi talaga nag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay. Gaya ng mga panahon na may inuwi akong “kaibigan” sa bahay, wala itong sinabi. Kahit noong nakaraang bertdey niya nung April kung saan dumating ang mga kaibigan niyang mga gagu wala rin akong sinabi. O gaya na lang nung nagluto siya ng caldereta na mukhang pochero, wala na lang kaming sinabi.  Hindi ko rin maitanong sa kanya kung bakit nasa songlist niya ang mga kantang “Whenever you call” (Mariah) at ang pamosong “Fashionista”.

Wala man siya lagi sa bahay, dahil nasa Zambales siya nag-aaral noon, masasabi kong siya ang pinakamalambing sa amin tatlong magkakapatid.

Alam kong napilitan lang siya sa kursong kinuha niya.  Alam kong noong hayskul siya ay pinangarap niyang maging accountant.  Pero gaya ng madalas mangyari, gaya ng madalas gawin ng mga magulang na may mga “cliche” na pangarap para sa kani-kanilang mga anak, may mga pagkakataong kailangang magsakripisyo (na hindi ko ginawa, na nakabuti naman para sa akin) at sundin ang mga kagustuhan ng mga magulang.

Ngayong maglalayag na si Jay Jay, masasabi kong gusto na rin niya ang kanyang ginagawa.  Pinilit marahil ang kanyang kurso, pero nakita niya ang punto ng aking mga magulang.,  Ang punto ay, naghihintay ang magandang buhay sa kanya, naghihintay ang maginhawang trabahong marahil ay magbabago sa buhay niya.  Hindi ko kinailanganng (kahit na noong bata pa ako) na magkaroon maraming pera, ang makapag-abroad at makapag-asawa, ang magka-anak at magkasariling bahay.  Hindi ako ang seaman ng pamilya.  Hindi ako ang tatawaging “TFC” ng aming angkan.  Ang kaya ko lang ay maging kapatid na tumulong para maging seaman isa man sa aking mga kapatid.

Sa hinaharap, batid kong walang sumbatang magaganap, na hindi magagalit si Jay Jay sa piniling landas para sa kanya, dahil ngayon, hindi lang siya anak, hindi lang siya isang estudyanteng nangangarap, kung hindi isang taong may pag-asang mabuhay ng matiwasay at medyo angat sa buhay.

***

HIndi ko man masabi ng personal sa iyo ito, Jay,

“Mimingat ka.  Yakung bala kari Ma kabang ala ka.” (Ingat ka.  Ako bahala kina Mama habang wala ka.)

h1

Steady Bird

Hunyo 19, 2008

Habang ang lahat ay may kani-kaniyang buhay; habang ang lahat ay may mga problemang hindi masolusyunan; habang ang lahat ay nag-iisip kung anu ang kulang, kung ano ang sobra; sa totoo lang, mabagal lang sa kasalukuyan ang buhay mo, kaibigan.

Hindi lahat ng panahon ay mabilis ang bawat sandaling dumaraan; hindi lahat ng panahon ay may nagsasabog ng confetti sa iyong dinadaanan. PERO hindi ito dahilan para malungkot at maghukay ng mga naibaon ng problema. Hindi ko maitatanging sa mga nakalipas na araw ay walang nangyayari sa buhay ko; walang pinupuntahang ibang lugar dahil nais ko lang mahiga sa sofa at manood ng TV. Naisip ko na rin na baka nakahiligan ko lang ang manood ng TV, pero hindi naman sa ganoon. Hindi ako malungkot; hindi ako nagmumukmok. Siguro, sa aking mumunting paraan binibigyan ko lang ang sarili ko ng pagkakataong huminga; na huwag mag-isip ng kahit pa anong bagay. Siguro, tumatanda na ako.

Habang papalapit ang aking ika-25 kaarawan, maliban sa gastos sa aking napipintong “munting kasiyahan,” wala akong maisip na gawin kung hindi ang ipahinga ang sarili sa masaya at/o magulong buhay. Masaya ang mabuhay, ang mangarap, ang mahirapan sa trabaho, ang parang-pang-habang-buhay na paghahanap ng matinong karelasyon; pero tanggap ko ‘yun.

Sa edad kong ito, malimit mang masabihan ng baduy tuwing nagsusulat ako ng mga ganitong saloobin, wala na akong pakialam. Hindi man sigurado sa kung ano ang gagawin ko ilang taon mula ngayon, tiyak naman ang isip ko sa kung saan ako ngayon. Nakakatakot mang isipin na parang bumabait ako, na parang tao na rin ako kung makaramdam, pero buong pagmamalaki ko itong niyayakap. Hindi nakakahiya ang amining may pinagkakatandaan ka. Hindi nakakahiyang amining marahil hindi ka na ang dating ikaw.

Sa halos araw-araw na mag-isa akong namumuhay sa amin (dahil ang mga magulang ko ay inaalagaan ang lola kong may karamdaman sa may kanayunan), nakikita ko ang buhay ko; na hindi naman pala ito ganun ka-komplikado. Kapag puyat at inaantok, matulog; kapag gutom, magluto at kumain; kapag kailangan ng pera, magtrabaho at nang sumweldo; kapag kailangan ng kalinga ng karelasyon, isiping lilipas din ito at ito ay panandalian lang; kapag malungkot at gustong maglasing, tawagin ang mga iilang kaibigan at salubungin ang umaga ng may kalasingan.

May kung ilang araw na akong nag-iisip, nagtatanong, siguro’y sana’y lang akong magsulat ng kagaguhan, pero minsan, kailangan ko rin namang isulat na ang mga ngiti ng isang tao ay hindi lang dahil may nakakatawa siyang narinig o nakita, pero dahil na rin sa madalang na pagkakataon, hindi man siya tumatawa, alam niyang masaya siya at wala naman talaga siyang problema.

h1

Dalawang Linggong Walang Diyos [kung meron man]

Hunyo 16, 2008

Gusto ko sanang magsulat tungkol sa tumataas na presyo ng bigas, eh libre naman lagi ang bigas namin dahil may palayan si Lola (at parang syanong-syano ang dating ko sa pangungusap na iyon, nahiya ako ng konti.)

Gusto ko sanang magsulat tungkol sa trabaho, kaya lang ang gagawin ko lang ay magkwento kung paanong hindi matulog, ang mapagod ng sobra, ang gumastos ng sobra, at maramdamang wala kang kwenta (at maramdamang wala ka rin namang magagawa kahit mag-ngungu-nguyngoy kang parang bata, nakakatanda pa ang ganun.)

Gusto ko sanang magsulat ng tungkol sa mga patawa ni Mama, kaya lang ilang linggo na rin siyang nakatira kina Lola at inaalagaan si Lola na may sakit, at para mag-biyahe ako ng dalawang oras araw-araw para lang makipagkwentuhan ako at umasang makakalap ng mga patawa ni Mama, parang masyado naman akong bayani sa iilang mambabasa ng tumatamlay na blog site na ito.

Gusto ko sanang magsulat tungkol kay Tatay, na Father’s Day kahapon, kaya lang, hindi naman kami close at ang pinamahaba namin pag-uusap sa isang araw sa tinagal-tagal ng panahon ay, ” ‘Yan, nanung buri mung lutu keng babi?” ['Yan, anong gusto mo luto sa baboy?]

Gusto ko sanang magsulat tungkol kay Kuya, kaya lang, siguro, puro kawalan ng trabaho at maagang pag-aasawa lang ako ibabanat ko.

Gusto ko sanang magsulat tungkol sa mga napapanood ko sa TV, kaya lang puro si Chelsea Handler lang ng Chelsea Lately ang pwede ko ikwento. Madalas ay hindi pa siya kilala. Madalas kunwari kilala pa siya.

Gusto ko sanang magsulat tungkol sa mga sinusuot ko sa mga nakallipas na araw, kaya lang, puro green lang naman sinusuot ko, i.e. green na t-shirt, green na polo, green na pantalan, green na tsinelas, green na kung anu-ano.

Gusto ko sana magsulat tungkol sa aking parating na 25th white birthday party sa susunod na buwan, kaya lang sinesekreto ko pa talaga ang mga detalye [saka pili ang mga imbitado; baka may magalit pa, ayaw ko ng away, matanda na ako; ayaw ko ng gastos, hindi naman ako mayaman.]

Gusto ko sana ng ice cream ngayon, kaya lang kakakain ko lang, at para akong masusuka [vomit, not vinegar].