Archive for Hunyo, 2008

h1

Kakatwang Babasahin Issue 2

Hunyo 24, 2008

Dahil nakakahiya (sa tingin ko) ang ma-spot-an na bumibili (at nagbabasa ng tabloid), naisipan kong i-search sa google ang pamoso (at nakakatuwang) babasahing Abante. October 23, 2007 ng una kong maisulat ang mga nakakatuwang headline sa Abante (September 18, 2007 issue) na nagbunga nga ng “Kakatwang Babasahin Issue 1) na mababasa pa magpasahanggang ngayon sa aking namayapang Friendster blog account.

Narito ang mga bagong-bagong headlines sa June 25, 2008 issue ng Abante.

***

TOP STORIES

SANGKATERBANG BANGKAY BUMULAGA!

“Nakapangingilabot ang tanawing tumambad sa mga divers ng Philippine Navy (PN) at Philippine Coast Guard (PCG) na unang nakarating sa loob ng tumaob na MV Princess of the Stars: nagkalat na napakaraming bangkay.”

Sa tingin ko, hindi naman sa pangit ang ugali ko ah, uhmmmm parang expected na ‘yun? Ang ibig kong sabihin, barko, lumubog, konting survivors, hindi naman siguro mapupunta sa ibang dimension ‘yung mga pasahero noh? Saka talagang na-preempt ako. SANGKATERBA!!! Kulang na lang may magsabog ng confetti habang binabasa ito. Hanep.

***

Isda sa Romblon ‘wag munang kainin

“Pinayuhan kahapon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang publiko na huwag na munang kumain ng isda at iba pang pagkaing-dagat mula sa karagatan ng Romblon.

“Ito’y sa pangambang pinagpiyestahan na ng mga isda at iba pang lamang-dagat sa karagatan ng Sibuyan Island ng naturang lalawigan ang daan-daang pasaherong nalunod at ngayo’y na-trap sa loob ng nakabaligtad na barko.”

Akala ko tutuglungan ‘yung linyang “Isda sa Romblon ‘wag munang kainin”

– hanggat hindi pa nagbayad

– kasi hindi pa luto

– kasi naubusan tayo ng “Shellane”

– hanggat hindi pa nagpe-pray kay Papa Jesus

– hanggat wala pa si Mayor

– hanggat walang go signal….1,2.3, go! Eat the fish now!

***

“’Wag kayong mag-panic!”

Huwag kayong mag-panic! Malaki ang barko natin, kayang-kaya (ito),” pilit umanong pagpayapa ng kapitan sa noo’y nahihintakutang mga pasahero ng 7-palapag, 23,824-toneladang barko.”

‘Wag dapat mag-pa-panic ang mga pasahero ng noo’y papalubog na barkong MV Princess of the Stars dahil:

a. Ang kapitan lang ang may karapatang mag-panic?

b. Bawal mag-panic sa mga barko?

c. Hindi “cool” ‘pag nagpa-panic ka sa barkong lumulubog na?

d. Hindi mo naman talaga alam kung gaano kabigat ang “23,824 tonelada”?

e. Stockholder ka na pala ng shipping line, dahil ayon nga sa kapitan ng barko, “malaki ang barko natin“?

f. ‘Wag mag-panic dahil pointless din naman ito?

***

‘Tanay boys’ nilalaro — lawyer

“Lumalabas na pinag­lalaruan lamang ng mga “po­wer trippers” ng Armed Forces of the Phi­lippines (AFP) ang kaso ng 28 na opisyal na kinabibilangan nina Marines Maj. Gen. Renato Miranda at Army Brig. Gen. Danilo Lim upang mapahaba ang pagkakulong ng mga ito habang nasa puwesto pa si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.”

Aba, ewan ko sa inyo, pero iba talaga pagkakaintindi ko sa headline ng balitang ito. Tsk tsk. Goodluck, “Lawyer”.

***

CRIME STORIES

Dingding binakbak para makapagnakaw

“Dahil sa sobrang pagkainggit ay nakuhang bakbakin ng isang binata ang dingding ng isang dalaga hindi upang mamboso kundi upang makuha ang cellphone ng huli sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

“Rehas na bakal ang kinabagsakan ng suspek na si Marlon Tubig, 26, taga-575 C-4 Road, Bagumbayan ng nasabing lungsod habang pinaghahanap pa ang kasama nitong si Avelino de Jesus.

“Sa ulat, alas-9:00 ng gabi nang bakbakin ni Tubig ang plywood na dingding ni Rebecca Garcia, 29, habang look-out naman si de Jesus.

“Agad na kinuha ni Tubig ang Motorola C-137 ng biktima bago tumakas subalit isang saksi ang nakakita sa ginawa ng mga suspek na naging dahilan upang masakote ang una habang nakatakas si de Jesus.”

May tanong lang ako: Bakit naiinggit itong si Tubig? Pangalawang tanong: Ganun na ba ka-systematic ang pagnanakaw ngayon at may look-out pa siya? Pangatlong tanong: Wala ba namang pinto at nambakbak pa ng dingding? Huling tanong: Parang mas maganda kung nang-snatch na lang kayo noh, ‘di pa kayo mambabakbak ng dingding?

***

Misis pinatay ni doc?

‘Wag na nating ituloy ang balita, hindi siya sigurado. Hayaan na natin. Next!

***

Pinagalitan ng amo, nag-suicide

“Kinitil ng isang binata ang sariling buhay matapos mapagalitan ng amo nang hindi natapos ang paggawa ng bubong na sinira ng bagyong Frank dahil inuna pa ang pag-inom ng alak sa Malabon City kamakalawa ng gabi.”

Juice Mio! ‘Yan na nga ba sinasabi ko eh. Dapat kasi hindi maramdamin. Dapat hindi sensitive kapag pinapagalitan. Dapat ituro sa mga eskwela na ang pinakamabuting gawin kapag pinagalitan ng amo, magulang o ng nakatatanda sa iyo ay maglayas ng bahay o magrebelde. Dapat ding ituro na nakakahiya ang “pagpatay sa oneself.” Hindi ito maaring ilagay sa iyong resume, promise.

***

ENTERTAINMENT

Regine, enjoy sa malaking ‘hotdog’ ni Ogie!

“Anyway, kinulit pa rin namin si Regine, sa kung anong klaseng pagkain naman niya maihahambing si Ogie. Sa simula ay walang maisip si Regine, kaya nag-suggest kami na sa Ogie Doogie na lang niya ihalintulad si Ogie, dahil `yun naman ang negosyo ni Ogie.

“‘Oo nga! ‘Yung Ogie Doogie. ‘Yung malaking hotdog niya! Ha! Ha! Ha! Ha!’ tumatawang sagot ni Regine.”

Regine, Regine, Regine. Tsk tsk tsk. Wala lang, nahihiya lang ako para sa kanya. Ikaw ba namang bigyan ng ganyang headline. Naka-quote ang salating hotdog. Tsk tsk tsk. Regine, Regine, Regine.

Payo kay Regine: ‘Wag magbabasa nga tabloid (at least kahit sa araw lang na ito). Napansin ko lang, weird ka tumawa Regine, kasi “Ha! Ha! Ha! Ha!” Si Celia Rodriguez (bilang Braguda sa Darna sa Channel 7) kung tumawa isang malakas na “Ha!” lang. Ikaw apat. *clap clap*

***

PARA LANG MATAPOS

Darna vs. Monster

(‘Di talaga alam pangalan ni Celia Roduguez bilang kontrabida)

Bilang pangwakas na bahagi patungkol na rin kay Celia Rodriguez (huh? Bakit?), narito ang isang parte ng huling bahagi ng matagal-tagal na ring natapos na seryeng “Darna”. Ito ang magiging kalalabasan ng dalawang batang paslit na nag-aagawan sa isang kendi (na may brand label na “mundo”) habang sila ay naka-costume. Enjoy.

Advertisements
h1

Pilipinas, nasa CNN News dahil sa Bagyong Frank

Hunyo 23, 2008

Habang ang mga lokal na media ay namumutakti sa pagbabalita sa mga nagkalat na balita patungkol sa mga pinsalang nagawa ng Bagyong Frank, ang CNN News naman ay nakakatuwa rin namang ginawa ang ganung pagbabalita. May kung sampung minuto sa bawat international news patungkol sa lumubog na MV Princess of the Stars. Naisip ko lang, kung wala pang ganitong mangyayari, hindi lilitaw na may bansang Pilipinas na ipapalabas sa CNN News.

Nagtataka pa ‘yung news anchor sa CNN kung bakit daw hinayaang maglayag ang MV Princess of the Stars gayong alam naman na may paparating na bagyo. Lahat naman ‘yun ang tanong, Bakit nga ba? Sino ang pumatay kay Ninoy? Bakit may itlog ang sisig sa Manila? Totoo ba ang kwento patungkol sa Golden Buddha at Yamashita Treasure? Natatakot ka rin ba sa itsura ni Imelda? Hindi pa pala tapos ang seryeng “Lobo”?

Para bagang tribute sa lumubog na MV Princess of the Stars, nakita ko ang video na ito sa Youtube.com. Pamatay ang background music nito, kanta ng Asin na pinamagatang “Wala ka bang napapansin?” [Well, actually, may napansin ako: Bakit ganyan ang background music?] Makikita sa video ang mga larawan ng mga “iskwater” sa mga tabing-ilog, mga larawan ng paghagupit ng Bagyong Frank, at mga malulungkot na tao (na sa kung ano ang dahilan, ayaw kong manghula). Hindi ko talaga alam, pero natatawa ako sa video na ito. Nais ko tuloy isipin,

“Oo nga noh, baka naman kaya tumaob ang barkong MV Princess of the Stars ay dahil sa polusyon? Hala! Hindi pala kasalanan ng Sulpicio Lines; kasalanan pala natin.”


Sa ibang balita, nahirapan ang mga rescuers na hanapin ang dalawang naanod na mountaineers sa Zambales; hindi pa raw lumulutang ang mga ito.

“Beth Tamayo, nasaksikan ang pagpo-propose ni Ryan Agoncillo kay Judy Anne.”

Para bagang icebreaker sa mga balita patungkol sa Bagyong Frank, ikinuwento ni Beth Tamayo [natural lang kung hindi niyo siya kilala, promise] na parang “lumulutang” daw si Judy Anne matapos mag-propose ni Ryan sa kanya. Buti pa si Judy Anne lumutang na.

“Tinatayang 700 ang pinangangambahang nasawi sa paglubog ng MV Princess of the Star.”

Sa ibang balita, “Angel Locsin, walang takot na nag-topless sa kanyang bagong endorsement.” Sa kanya daw lauching bilang endorser ng sikat na clothing line (clue: ito ay mga damit para sa mga [almost always] bading), “parang bagyo” daw na rumampa itong si Angel Locsin. Nang tanungin kung anu ang kwento sa likod ng kanyang “ngayon lang isinapublikong” tattoo, kasualan lang na sinabi ni Angel Locsin na, “Secret.”

Sa mas sikat na artistang balita, “KC Concepcion, hindi takot magpunta ng Mindanao” para magpakain ng “porridge” [sosyal, Ingles] sa mga nagugutom na bata doon.

Samantala, isang butiki sa bahay namin ang kanina pa sinusundan ang isang lumilipad na insekto. Sa mas malaking balita, “Karne para hapunan, may yelo pa rin.” Ayon kay Sungkamaster, hindi pa rin niya alam kung anong oras siya kakain ng hapunan, dahil ‘di umano’y may yelo pa ang dine-defrost niyang kalahating kilong baboy. Para sa karagdagang ulat, patuloy na magbasa ng blog site na ito.

h1

Steady Bird

Hunyo 19, 2008

Habang ang lahat ay may kani-kaniyang buhay; habang ang lahat ay may mga problemang hindi masolusyunan; habang ang lahat ay nag-iisip kung anu ang kulang, kung ano ang sobra; sa totoo lang, mabagal lang sa kasalukuyan ang buhay mo, kaibigan.

Hindi lahat ng panahon ay mabilis ang bawat sandaling dumaraan; hindi lahat ng panahon ay may nagsasabog ng confetti sa iyong dinadaanan. PERO hindi ito dahilan para malungkot at maghukay ng mga naibaon ng problema. Hindi ko maitatanging sa mga nakalipas na araw ay walang nangyayari sa buhay ko; walang pinupuntahang ibang lugar dahil nais ko lang mahiga sa sofa at manood ng TV. Naisip ko na rin na baka nakahiligan ko lang ang manood ng TV, pero hindi naman sa ganoon. Hindi ako malungkot; hindi ako nagmumukmok. Siguro, sa aking mumunting paraan binibigyan ko lang ang sarili ko ng pagkakataong huminga; na huwag mag-isip ng kahit pa anong bagay. Siguro, tumatanda na ako.

Habang papalapit ang aking ika-25 kaarawan, maliban sa gastos sa aking napipintong “munting kasiyahan,” wala akong maisip na gawin kung hindi ang ipahinga ang sarili sa masaya at/o magulong buhay. Masaya ang mabuhay, ang mangarap, ang mahirapan sa trabaho, ang parang-pang-habang-buhay na paghahanap ng matinong karelasyon; pero tanggap ko ‘yun.

Sa edad kong ito, malimit mang masabihan ng baduy tuwing nagsusulat ako ng mga ganitong saloobin, wala na akong pakialam. Hindi man sigurado sa kung ano ang gagawin ko ilang taon mula ngayon, tiyak naman ang isip ko sa kung saan ako ngayon. Nakakatakot mang isipin na parang bumabait ako, na parang tao na rin ako kung makaramdam, pero buong pagmamalaki ko itong niyayakap. Hindi nakakahiya ang amining may pinagkakatandaan ka. Hindi nakakahiyang amining marahil hindi ka na ang dating ikaw.

Sa halos araw-araw na mag-isa akong namumuhay sa amin (dahil ang mga magulang ko ay inaalagaan ang lola kong may karamdaman sa may kanayunan), nakikita ko ang buhay ko; na hindi naman pala ito ganun ka-komplikado. Kapag puyat at inaantok, matulog; kapag gutom, magluto at kumain; kapag kailangan ng pera, magtrabaho at nang sumweldo; kapag kailangan ng kalinga ng karelasyon, isiping lilipas din ito at ito ay panandalian lang; kapag malungkot at gustong maglasing, tawagin ang mga iilang kaibigan at salubungin ang umaga ng may kalasingan.

May kung ilang araw na akong nag-iisip, nagtatanong, siguro’y sana’y lang akong magsulat ng kagaguhan, pero minsan, kailangan ko rin namang isulat na ang mga ngiti ng isang tao ay hindi lang dahil may nakakatawa siyang narinig o nakita, pero dahil na rin sa madalang na pagkakataon, hindi man siya tumatawa, alam niyang masaya siya at wala naman talaga siyang problema.

h1

Today’s Menu

Hunyo 18, 2008

Habang ang karamihan ay nagkukunwaring may pakialam sa na-kidnap (at na-rescue) na brodkaster na si Ces Drilon at mga kasamahan nito (na sa kasamaang-palad ay hindi pa rin yata sumikat kahit na-kidnap na at lahat), ang mga kaibigan ko (mareness.com) ay masayang pinag-titripan ang “oily” ‘di umanong mukha ni Ces nang magpa-interview matapos pakawalan ng mga ‘di umanong bandidong dumukot sa kanya.

Isang naka-kidnap na brodkaster lang pala ang solusyon para mawala (at least man lang sa TV) ang problema (‘di umano) sa bigas at sa gaas/langis/gasoline (para sa mga sosyal). Ilang buwan pa yata bago ang laban ni Pakyu-iao, kaya makakasigurado tayo na wala munang balita tungkol sa kung paano siya huminga at kung anu-ano mang kagaguhang ginagawa niya habang nag-eensayo.

Marami rin ang nagdiriwang kasi patapos na ang mga masasakit na sandali sa pagtitiis sa panonood ng Juaquin Bordado at Babangon Ako’t Dudurugin Kita. Habang ang karamihan ay natutuwa sa panonood ng Dyesebel, na pinagbibidahan ni Marian “Tocino Girl” Rivera, napilit kong panoorin ni Tatay ang The DaVinci Code sa HBO (na tinulugan din naman niya matapos makitang puro subtitle ang mga pag-uusap ng Interpol at ni Princess Sofie). Hindi ko rin naman tinapos panoorin ang pelikula at tumuloy sa nakaugalian kong commercial browsing.

Natapos ang araw ng kunwaring pagre-relax at pag-iisip kung paano ko masosolusyunan ang lumalalang kalat sa aking kwarto.

***

TODAY’S MENU

Kumain/Uminom (kung anu man ang applicable) ako ng mga sumusunod sa araw na ito:

French Vanilla Cappuccino (pampagising sa tamad na tamad na antukin)

Bistek kalabaw (pinapangarap na tanghalian sa loob ng ilang linggo na)

Coke [soda, para sa mga sosyal] (lagi, goodluck sa tiyan)

Kanin (konti lang [kunwari])

San Mig Light (afternoon-drinking-session-with-Boss-#2)

Kare-kare (afternoon-“merienda”-with-Boss-#2)

Kanin (konti lang ulit [kunwari ulit])

San Mig Light (after-merienda-afternoon-drinking-session with Boss #2)

Crispy Pata (after-merienda-afternoon-pulutan-during-drinking-session with Boss #2)

Double Dutch Cake (after-afternoon drinking-session-and-“merienda”-with-Boss#2 [sa bahay])

Green Iced Tea (after-afternoon drinking-session-and-“merienda”-with-Boss-#2 [sa bahay])

Green Iced Tea (after-nap-after-afternoon-drinking-session-and-“merienda”-with-Boss-#2 [sa bahay])

Double Dutch Cake (after-nap-after-afternoon-drinking-session-and-“merienda”-with-Boss-#2 [sa bahay])

Nilaga (after-second-nap-after-afternoon-drinking-session-and-“merienda”-with-Boss-#2 [sa bahay])

Kanin (this time konti na talaga, promise)

French vanilla Cappuccino (pampagising sa ayaw matulog na matakaw)

h1

Alam mong nasa nayon ka na kapag…

Hunyo 18, 2008

Wala namang masama sa mga nayon. Wala rin namang masama kung tawagin kang probinsiyano, maliban na lang kung nag-uumpisa ng umusbong ang mga regional channels gaya ng ABS-CBN 46 at GMA 10 sa iyong probinsiya na parang sinasabing malayo talaga ang Pampanga at kailangang ihiwalay ang mga programming ng mga channels nito.

Hindi naman ako taga-nayon. ‘Yun naman ang lagi kong sasabihin; hindi naman sa kinakakahiya ko, pero hindi naman talaga nayon ang sa amin.

Narito ang 10 babala na nasa nayon ka na (na isa man sa mga nabanggit ay hindi inilalarawan ang aming tahimik [at walang kabuhay-buhay na subdivision])

1. Alam mong nasa nayon ka na kapag may nagbibilad ng kahit ano-ano sa daan; mais, palay, gulay, at kung anu-ano pang hindi napapanis o naglalaho kapag binilad sa araw.

2. Alam mong nasa nayon ka na kapag may mga 100 metro ang layo ng bawat bahay sa isa’t isa.

3. Alam mong nasa nayon ka na kapag may maraming nakasuot ng “camouflage” at/o “fatigue” kahit hindi naman talaga military/army/navy ang mga tao.

4. Alam mong nasa nayon ka na kapag kapag parang may parang tunog ng helicopter na maririnig sa malayo, para lang malaman mong tunog pala iyon ng “patubig” sa mga palayan.

5. Alam mong nasa nayon ka na kapag may palayan, maisan, gulayan, at kung anu-ano pang taniman.

6. Alam mong nasa nayon ka na kapag may mga masayang naliligong mga kalabaw, bibe [or is it bibi?], baka, at mga itik sa mga mababasang bahagi ng mga taniman.

7. Alam mong nasa nayon ka na kapag ang pinaka-“in” na tindahan ay bilihan ng “feeds,” lubid, goma ng traktora, at mga bagay na pinapakain sa mga bibe [I think it’s bibe, final answer].

8. Alam mong nasa nayon ka na kapag may sakla/monte/tong-its/cuajo at kung anu-ano pang sugal kahit wala namang patay/namayapa/sumakabilang-buhay.

9. Alam mong nasa nayon ka na kapag kapag walang dyip at ang halos 100 pesos ang bayad para sa rerentahan mong tricycle para ihatid ka sa pupuntahan mo.

10. Alam mong nasa nayon ka na kapag gusto ko na bumalik sa kabihasnan kahit kararating mo lang.

h1

Dalawang Linggong Walang Diyos [kung meron man]

Hunyo 16, 2008

Gusto ko sanang magsulat tungkol sa tumataas na presyo ng bigas, eh libre naman lagi ang bigas namin dahil may palayan si Lola (at parang syanong-syano ang dating ko sa pangungusap na iyon, nahiya ako ng konti.)

Gusto ko sanang magsulat tungkol sa trabaho, kaya lang ang gagawin ko lang ay magkwento kung paanong hindi matulog, ang mapagod ng sobra, ang gumastos ng sobra, at maramdamang wala kang kwenta (at maramdamang wala ka rin namang magagawa kahit mag-ngungu-nguyngoy kang parang bata, nakakatanda pa ang ganun.)

Gusto ko sanang magsulat ng tungkol sa mga patawa ni Mama, kaya lang ilang linggo na rin siyang nakatira kina Lola at inaalagaan si Lola na may sakit, at para mag-biyahe ako ng dalawang oras araw-araw para lang makipagkwentuhan ako at umasang makakalap ng mga patawa ni Mama, parang masyado naman akong bayani sa iilang mambabasa ng tumatamlay na blog site na ito.

Gusto ko sanang magsulat tungkol kay Tatay, na Father’s Day kahapon, kaya lang, hindi naman kami close at ang pinamahaba namin pag-uusap sa isang araw sa tinagal-tagal ng panahon ay, ” ‘Yan, nanung buri mung lutu keng babi?” [‘Yan, anong gusto mo luto sa baboy?]

Gusto ko sanang magsulat tungkol kay Kuya, kaya lang, siguro, puro kawalan ng trabaho at maagang pag-aasawa lang ako ibabanat ko.

Gusto ko sanang magsulat tungkol sa mga napapanood ko sa TV, kaya lang puro si Chelsea Handler lang ng Chelsea Lately ang pwede ko ikwento. Madalas ay hindi pa siya kilala. Madalas kunwari kilala pa siya.

Gusto ko sanang magsulat tungkol sa mga sinusuot ko sa mga nakallipas na araw, kaya lang, puro green lang naman sinusuot ko, i.e. green na t-shirt, green na polo, green na pantalan, green na tsinelas, green na kung anu-ano.

Gusto ko sana magsulat tungkol sa aking parating na 25th white birthday party sa susunod na buwan, kaya lang sinesekreto ko pa talaga ang mga detalye [saka pili ang mga imbitado; baka may magalit pa, ayaw ko ng away, matanda na ako; ayaw ko ng gastos, hindi naman ako mayaman.]

Gusto ko sana ng ice cream ngayon, kaya lang kakakain ko lang, at para akong masusuka [vomit, not vinegar].

h1

Hindi na mandatory ang ID at uniporme sa mga pampublikong eskwelahan

Hunyo 2, 2008

Dear Madam President,

Kani-kanina lang ay nakita kong binabalita ng posturang-posturang si Vicky Morales (ng Saksi ng GMA7) ang inyong kautusan na hindi na mandatory ang ID at uniporme sa mga pampublikong paaralan. Bagama’t naiintidihan ko po ang inyong hangaring mabigyan ng impresyon ang mga tao na nakakatipid sila at para na rin siguro maiba naman ang balita at hindi na lang puro pagtaas ng presyo ng gulay, bigas, gaas [old school ako eh, gaas talaga] at mga tipong sanitary napkin at kung anu-ano pang luho sa buhay, nais ko pong ipaliwanag ang ilang repercussion [sosyal, ingles] ng inyong mainit-init na direktiba.

Sa usapin patungkol sa hindi na mandatory ang ID:

1. Tandaan na natural na mangmang ang mga kabataan. Madalas po ang mga senaryo na may naliligaw na bata. Paano po hahanapin ng mga magulang/guardian ang nawawalang bata kung wala siyang “proper identification documents“? Kaya ba ng bata ng ibigay ang kanilang napakakomplikadong address?

2. Alam niyo ba na patok ngayon ang mga “lanyard” o ‘yung mga tipong sabitan ng ID at kung anu ano? Hindi niyo pa rin alam? Ito ‘yung mga sabitan ng phone na may nakasulat na iba’t ibang bansang sikat sa soccer, kahit hindi naman talaga tayo mahilig sa soccer (o kahit naman talaga tayo marunong ng soccer dito sa Pinas)? Isipin niyo na lang ang maaring maitulong ng mga nagtitinda ng mga pineratang lanyard sa bangketa? Isipin niyo na lang kung gaano kalaking income ang kaya nitong i-generate para sa — oh, wait, hindi ba sila nagbabayad ng business permits? Ahhhhhh.. Okay, okay. So, next item na lang. lolz

3. So, mahirap nga madalas ang mga nasa pampublikong eskwelahan. Libre pagkain, libre bigas, libre libro, libre tuition, libre Avon at Saralee, pero hayaan naman natin sila magbayad ng, sabihin na nating, 50 pesos para sa ID. Madalang lang silang magbayad; malay niyo na-mi-miss nilang magbayad.

4. Dahil nga madalas ay mga mahihirap ang mga nasa public schools [gaya ko noong nasa elementarya at hayskul ako], wala rin silang kakayahang mag-pa-letrato, sabihin na nating, minsan sa isang taon. Ang mabigyan sila ng pagkakataon na magkaroon ng picture, sa pamamamagitan ng kanilang mga ID, ay parang regalo na ng mga eskwela sa kanila. Minsan lang sa isang taon kung makita nila ang kanilang mga sarili, ipagdadamot niyo pa?

5. Ano na lang ang ipapakita nilang pruweba na nag-aral sila kung wala silang ID? Ang kanilang mga magulang –‘wag naman sana — ay hindi marunong magtago ng mga school records.

6. Baka nakakalimutan niyo na pinapatupad pa ang “student discount” sa mga pampasaherong bus, dyip, tricycle, pedicab, and whatnot? Paano kung madupang ang drayber ay mag-require ng ID? Masasabi ba ng mga bata na:

Well, Madam President said I shouldn’t be forced to wear uniform because I’m poor; you can ask her, if you want, she really did say that“? lolz

7. Paano kung kagaya ko ang mga estudyante na hindi maka-get-over sa mga alaala ng kanilang buhay elementarya at hayskul? Paano kung wala akong ID noong mga panahon na iyon? Paano kung hindi mandatory ng mga panahon na iyon ang pagkakaroon ng ID? Saan ako hahanap ng picture na pwedeng ilagay sa aking blog site, kagaya nito:

Sa usapin patungkol sa hindi na mandatory ang pagsusuot ng uniporme sa mga pampublikong eskwelahan:

1. Hindi po lahat ng estudyante ay binibili ng bagong uniporme tuwing pasukan.

2. Saka minsan sa isang taon lang po iyon, ipagdadamot niyo pa.

3. Kasalanan ng mga magulang/guardian na nagrereklamo sa gastusin ng kanilang mga anak tuwing pasukan kung nahihirapan sila. May isang taon sila para mag-ipon ng kahit magkano lang para sa uniporme, kaya ‘wag sila magreklamo. Ang dapat gawing direktiba ay “mandatory na ang good parenting.”

4. Sa tingin niyo ba nagbabago ng uniporme ang mga estudyante tuwing pasukan? Malaking “NO” po ang sagot doon. Hanggat may nakatatandang kapatid, hanggat may nakakatandang pinsan, hanggat may kaibigan na maarte at mayaman at gusto bago ang uniporme taon-taon, hanggat may matulunging kapitbahay, hanggat may mahahagilap na kaysa sa isang mag-aaral at tipong hindi pa punit-punit ang isang uniporme, ‘yun ang ipapasuot sa kaniya.

5. Para saan pa at nagkalat ang mga commercial ng sabon na nagpapaputi ng nalilimahid na puting polo? Para saan pa at sumikat, nalaos, sumikat, lalong nalaos si Lumeng, the housewife labandera, kung hindi rin nakakaputi ng damit ang mga sabong-panlaba? Para saan pa at ginagaya si Lito Lapid [Hello, Ex-Senator, pengeng pera!lolz] sa mga commercial na Leon Gerrero-ish tapos hindi rin pala matatanggal ang mga mantsa sa isang lumang puting polo?

6. Tapos magrereklamo lang ang karamihan na, “nakakasawa mag-isip ng kung anu isusuot, sana may uniporme na lang.”

Saan ka naman lulugar dun, Madam President? Sana po ay naliwanagan kayo sa aking mga kuro-kuro patungkol sa inyong pinabagong direktiba.

‘Wag po kayong mag-alala, hindi po ako anti-Gloria (hindi rin naman pro-Gloria). Sabihin na lang po nating isa po ako sa mga madalas ay walang pakialam. Sumulat lang po talaga ako para may ma-i-blog ako sa araw na ito.

Siya nga po pala, ito’y mga tanong ko lang naman po, nasasa-inyo po kung sasagutin niyo o hindi:

1. Ano po binibigay niyong gift tuwing nag-ni-ninang kayo sa kasal?

2. Natatawa po ba kayo kay Ate Glow sa pag-i-impersonate niya sa inyo?

3. Pinapatanong po ni Mama ito: Sa tingin niyo ba laging walang bra si Regine Velasquez?

4. Sa hinaharap po ba, may balak pa kayong mag-pa-long-hair ulit?

5. Ano po ang opinyon ninyo sa ‘di umano’y pagtataray ni Marian Rivera sa isang fan na nag-video ‘di umano sa kanya?

6. ‘Di ba nakakapikon na po ‘yung mga sa oposisyon? ‘Di ba minsan parang gusto niyo na lang yayain ng suntukan?

7. Bakit po si Luli Arroyo [presidential daughter] parang laging galit sa TV?

8. Kumakain po ba kayo ng isaw?

9. Ano po ang favorite ninyong video sa Youtube.com?

10 Marunong po ba kayong mag-sungka?

Salamat po sa pagbasa sa aking liham. God [kung meron man] bless po sa inyo.

Gumagalang [at medyo inaatok na],

(SGD) THE SUNGKAMASTER