Archive for Nobyembre, 2009

h1

New Moon – Tulendoy of the Week Special Edition

Nobyembre 28, 2009

Mag-uumpisa ang pelikula sa pagpapakita kay Bella kasama si Edward sa animo’y set ng commercial ng Flora by Gucci.  Makikita ang isang lola, ipapakita si Edward na kumikinang, ipapakita si Bella, ipapakita si Edward at Bella, ipapakita ang lola kasama si Edward, ipapakita si Bella, Edward at ang lola.  May kung sampung minutong paulit-ulit na ipapakita ang tatlo.  End scene, nanaginip lang pala si Bella.

Magigising si Bella, at papasok ang tatay niya (na mawalang galang na, ay mukhang retiradong pornstar.) Mag-uusap ang dalawa:

Tatay:  Happy birthday, anak.

Bella:  Dad, bakit ’di ka mag-shave?

Tatay:  Happy birthday, anak.  Heto gift mo.(Iniabot ang pink na Sony Cybershot digicam).

Bella:  Salamat.  Saan na ’yung box?

Tatay:  Anong box?

Bella:  Nitong digicam, Dad.  Nandoon ‘yung manual, usb cord, at memory card nito.

Tatay:  Ah may kasama ba iyan?  Heto nga pala ang regalo ng nanay mo. (Iniabot ang regalong nang buksan eh photo album lang ang laman.)

Bella:  Wow, photo album…wooooowwww…

Pupunta ng eskwelahan si Bella, na noong mga panahon na iyon ay nagmumukha ng lesbiana sa suot at kilos.  May tingin din siyang parang nagsasabing, “Tangena niyong lahat, emo ako, bakit ba?  Galit ako sa mundo, hindi niyo ba naiintindihan?”

Darating si Bella sa mukhang minumulto nilang eskwelahan at sasalubungin ng kanyang barkada na animo’y mga model ng United Colors of Benettonmeaning, super-inter-racial).  Darating si Edward sakay ng isang matikas na kotse.  Bababa ito sa kotse at titigil ang oras; in slow motion itong lalapit kay Bella (habang ang mga ibang estudyante ay sumisigaw ng, ”Bakla, saan ang rampage?”  Biro lang).  Magyayakap ang dalawa, ’yung cliche na girlfriend-boyfriend thing.

Sa ‘di kalayuan, ipapakita ang namumutok sa pag-dyi-gym at long-hair na si Jacob (na tawagin natin sa pangalang Maskulado # 1).  Lalapit si Bella.  Mag-uusap ang dalawa:

Bella:  Tangena, magsuklay ka nga!

Maskulado # 1:  Gagu, bagong ”relax”ang buhok ko.

Bella:  Oo nga, pero bawal magsuklay?  Saka, tangena, tigilan mo nga ang gym, mukha ka ng palaka.

Maskulado # 1: Heto nga pala ang regalo ko sa iyo. (Iniabot ang isang dreamcatcher)

Bella:  Wow, dreamcatcher….wooooowwwwww

Maskulado # 1: O sige na, parang pinagnanasahan na ako ng boyfriend mong bading.

Bella:  Hindi siya bading.

Maskulado # 1:  If you say so.

Papasok si Bella at Edward sa eskwelahan, habang si Maskulado # 1 naman ay aalis (mag-dyi-gym malamang).  Iimbitahan ng kapatid ni Edward (na tawagin na lang natin sa pangalang Perky) si Bella sa kanilang bahay.  Kinagabihan, pupunta si Bella sa bahay ng mga ”Cullens”.  Magbibigay ng regalo kay Bella ang bawat miyembro ng pamilya ni Edward.  Sa kagagahan nitong si Bella, at sa kanyang pagmamadaling mabuksan ang isa sa mga regalong ibinigay sa kanya, hihilahin niya ang ribbon na nakatali sa regalo.

Ang mga susunod na pangyayari ay maaring makaapekto sa inyong katinuan.  Pinapayuhan ang mga babasa na kalamayin ang kanilang sarili.

Magkaka-papercut itong si Bella at magdurugo ang daliri at papatak ang isang patak ng dugo sa carpet; siya namang lapit sa kanya ang boyfriend ni Perky, aktong dadambahin.  Itutulak ni Edward si Bella (hahampas ito sa isang side table na puno ng mga babasaging gamit) at pipigilan niya sabay nito ang pag-atake ng boyfriend ni Perky kay Bella.  Titilapon ang boyfriend ni Perky.  Dahil sa pagkakahampas sa side table, masusugatan lalo si Bella at mas kakalat ang dugo sa carpet.  Mas lalapit ang boyfriend ni Perky at sa kalaunan ay ilalayo na nang tuluyan sa bahay ang BF ni Perky.

Gagamutin ng tatay ni Edward si Bella at mag-uusap sila.

Bella:  Tangena, tulendoy ba iyon (’yung boyfriend ni Perky)?

Tatay ni Edward:  Alam mo kasi ganito ’yan:  ’Yung BF ni Perky ang nagva-vacuum ng carpet dito.  Patakan mo ba naman ng dugo ’yung carpet, kahit ako magagalit.

Bella:  Ah, ganun?!  So, nagalit din si Edward kaya niya ako hinagis doon sa side table na puno ng babasagin?

Tatay ni Edward:  Ah, hindi naman, may Tourette’s kasi si Edward.  Nakakailang side table na nga kami eh.  Nagiging violent lang siya kapag nagiging slow motion ‘yung mga bagay, gaya kanina.

Bella:  Bakla na, may Tourette’s pa.

Tatay ni Edward:  May sinabi ka, Iha?

Bella:  Ah, wala naman po.  Nagtataka lang po ako paano niyo naisip na tahiin ang mga sugat ko ng walang anesthesia o kahit anong uri ng pampamanhid.

Tatay ni Edward:  Oh, ikaw na doctor.

Ihahatid ni Edward si Bella pauwi.  Matapos ang ilang araw, kakausapin ni Edward si Bella.  Makikipag-break itong si Edward.  Hindi magbabago ang rehistro ng mukha ni Edward habang pinapaliwanag ang dahilan ng pag-alis niya at ng kanyang pamilya.  Gaya noong umpisa ng pelikula hangang sa puntong iyon, mukha pa ring natatae tuwing magsasalita itong si Edward.

Bella: Bakit mo ako iiwan?

Edward:  Gibberish, gibberish, gibberish, Bella.

Bella:  Kailan ka babalik?

Edward:  Gibberish, gibberish, gibberish, I am.

Malulungkot itong si Bella.  Magbe-breakdown ito at susubukang habulin si Edward na inakala niyang pumunta sa mas masukal pang parte ng kakahuyan.  Tatakbo nang tatakbo si Bella.  Tatakbo.  Tatakbo.  At nang mapagod ay nahiga sa mga tuyong dahon ng kakahuyan at doon nag-iiiyak at nagsenti.

Sa pag-alis ng kumikinang ’pag naarawan at maputlang si Edward, matutulendoy itong si Bella.  Ipapakita si Bella na nakaupo sa isang lazy boy habang nakatingin sa may bintana.  Madramang ipapakita ang paglipas ng mga buwan na nalulungkot si Bella.  May kung apat na buwan din siyang matutulendoy nang hindi man lang kakain at magpapalit ng damit (Yuckie).

Pipilitin ni Bella na bumangon sa pagkakaratay (at sa ’di pagligo ng apat na buwan).  Gigimik itong si Bella kasama ang isang kaibigang hindi na lang natin papangalan (kahit madali namang i-Google kung sakali).  Sa kanilang pag-uwi, makakakita si Bella ng isang grupo ng mga nagmo-motor.  Lalapit si Bella.  Pipigilan siya ng kaibigan niya.  Lalapit pa rin si Bella at kakausapin ang isang matanda, mataba, at gusgusing biker (na parang pinatabang bersyon ng kanyang ama).  Mag-uusap sila.

Gusgusing Biker:  S** tayo?

Bella:  Okay.

Naki-backride si Bella sa Gusgusing Biker.  Ihaharurot ng Gusgusing Biker ang kanyang motor (para agad maka-score sa animo’y napakalanding si Bella), at sa kanilang pagharurot ay lilitaw ang ”Safeguard” image ni Edward at magsasabi ng, ”Gaga ka ba?  Manlalalaki ka na lang ‘yung wala pang tsansang mag-sparkle, kagaya ko?”  Matatauhan si Bella, bababa ng motor, at uuwi.

Kinabukasan, matutulendoy na nang tuluyan si Bella at bibili ng dalawang bulok na motorcycle.  Ipapaayos niya ang mga ito kay Maskulado # 1.  Gaya ng mga madalas gawin na montage sa mga pelikula, habang naglaladian si Bella at Maskulado # 1, mabubuo na animo’y mga bagong-bagong motorcycle na kanyang naunang binili.  Sa mga panahon na iyon, mapapansin na ni Bella na may kasarapan naman itong Maskulado # 1 kahit na ba hindi siya marunong magsuklay.

Ite-test drive nila ang mga motorcyle.  Hahampas sa isang malaking tipak ng bato ang sinasakyan ni Bella habang tine-test-drive ito.  Magmamadaling lalapit si Maskulado # 1.

Maskulado # 1:  Okay ka lang?

Bella:  (Hindi makapagsalita habang nakatitig sa magandang katawan ni Maskulado # 1)

Maskulado # 1:  Nako, may sugat ka sa ulo.  (At biglang nag-slow-motion na naman ang lahat habang hinuhubad niya ang kanyang T-shirt) Heeeeetttoooo ang T-shiiiiiiirrrttt kooooooo.  Puupuuuunnnnaaassaaann koooo ang suuuuuuggaaaaat mo.

Bella:  Finally!  Ang hina ng pick-up nito. Kailangan ko pang masugatan para lang makita ko siyang shirtless.

Sa mga sandaling iyon, naipakita ang lahat ng posibleng maaring magawa ng sobrang pag-dyi-gym sa isang tao.  Nakakatakot.

Magtutuloy ang paglalandian ng dalawa.  Landian dito, landian doon.  Pero sa mga panahong iyon, wala ding puknat magpapakita ang mala-konsensya-ala-safeguard na si Edward.  Matutulendoy na naman si Bella; maya’t maya itong may kausap pero hindi pa rin siya iiwanan (at titigilang landiin) ni Maskulado # 1.

Sa isang tagpo madadaan ng dalawa ang apat na maskuladong lalaking may pagkapangit-pangit na shorts na nagpapatihulog sa bangin (cliff-diving).  Mag-uusap si Bella at si Maskulado  # 1.

Bella:  Tangena, bakit ganun suot nilang shorts?  Sa construction ba sila or something?  ’90s pa ba?

Maskulado # 1:  Huy, ‘wag kang ganyan.  May ganun din akong shorts sa bahay, ‘di ko lang sinusuot ‘pag kasama kita kasi may pagka-echusera ka eh.

Bella:  Anong ginagawa nila?

Maskulado # 1:  Nagki-cliff-diving.

Bella:  Ahh.. Bakit maskulado din sila, gaya mo?

Maskulado # 1:  Secret.

Bella:  Siguro nakakalaki ng katawan ng cliff-diving noh?

Maskulado # 1:  Secret.

Sa mga darating na araw, hindi na magpaparamdam itong si Maskulado # 1.  Malulungkot itong si Bella.  Matutulendoy na naman ito.  At gaya nang unang ginawa niya nang umalis si Edward, pumunta ito sa kakahuyan at doon nagsenti.  Sa kanyang pagsesenti sa kakahuyan, magkikita sila ng isa sa mga palaboy na bampira na nakalaban na ni Edward sa naunang pelikula, si Laurent o tawagin na lang natin sa pangalang, ”Chocolate Vampire”.

Mag-uusap si Chocolate Vampire at si Bella.  Hahantong ang lahat sa akmang pagsugod ni Chocolate Vampire kay Bella.  PERO!  Lalabas ang limang lobo (not balloons).  Lalabas ang mga carebears at magke-care sila kay Bella.  Susugurin nila si Chocolate Vampire, at syempre, patay si Chocolate Vampire sa mga Carebears.

Matapos makaligtas sa tiyak na kamatayan sa kamay ng namayapang si Chocolate Vampire, pupuntahan ni Bella si Maskulado # 1 para awayin.  Madadatnan niya itong natutulog.  Sa kanyang paglabas, makikita ni Bella ang mga bagong barkada ni Maskulado # 1 (’yung mga nagpapatihulog sa bangin kanina).  Lalapitan ni Bella ang Team Maskulado.

Bella:  Tangena niyo ah?  Bakit tulog ‘yung “friend” ko?  Siguro nagda-drugs kayo noh?

Maskulado # 2:  Anong pinagsasabi mo, bitch!

Bella:  Tarantado ka ah!

Maskulado # 3: Papatulan ko na ito! Pigilan niyo ako, Maskulado # 2, 4 & 5!

(Sasapakin ni Bella si Maskulado # 3.  Magpupuyos sa galit si Maskulado # 3 at magta-transform ito bilang isang malaking carebear.)

Maskulado # 3:  Grrrrrrrrr..Grrrrrrr

Bella:  Ay, putangina, naging carebear!  Saklolo!  Tangena, naging carebear!
(Magigising si Maskulado # 1 at magiging carebear din.  Mag-aaway sila ni Maskulado # 3)

Maayos din ang lahat, at matapos mag-away ng dalawa ay mamerienda ang lahat ng mga pagkalaki-laking muffins, na para bang walang nangyari.  Matatanggap ni Bella na carebear nga si Maskulado # 1.  Ang Team Maskulado naman ay magiging abala sa paghahanap sa natitirang bampirang palaboy na si Victoria (na mukhang kagagaling lang sa pictorial sa isa sa mga photoshoot sa America’s Next Top Model).

Magpapakita si Victoria sa kakahuyan habang noon naman ay nangangaso ang tatay ni Bella at ang kaibigan nitong mukhang American Indian Chief.  Habang abala ang Team Maskulado sa paghahanap kay Victoria, matutulendoy na naman si Bella.  Maalala niya ang pagpapatihulog ng Team Maskulado sa bangin.  At dala marahil ng kagustuhang maging “gym-buffed” ay magpapatigulog din siya sa bangin.  Matapos magpatihulog, mamimiligro ang buhay ni Bella habang walang-habas na hahampas sa kanya ang mga alon, pero ililigtas siya ni Maskulado # 1.

Uuwi si Bella sa bahay at makikita ang isa sa mga kotse ng mga Cullens. Lalapit ito sa kotse, hindi alintana ang babala ni Maskulado # 1 na baka mapahamak siya.  Si Perky lang pala ang nasa kotse.

Sa mga oras na iyon, inatake na sa puso si American Indian at naging abala na ang tatay ni Bella sa lamay ng kaibigan.  Si Bella at si Perky naman ay mag-uusap.

Perky:  Gaga girl, “I saw it in a vision” na nagpatihulog ka sa bangin.

Bella:  Anong ginagawa mo dito?

Perky:  Eh akala ko nga patay ka na.  Makikipaglamay lang sana ako, Girl, matagal na kasi akong hindi nakakain ng butong-pakwan at ’yung naka-tetra-pack na juice.

Bella:  Eh bakit hindi ka na lang bumili?

Perky:  Girl, atin atin lang ito ah?  Hindi naman talaga ako mayaman.  Itong mga sinusuot ko, ukay ‘to, Girl.

Bella:  Ahhh.

Magkakaroon ng tensyon sa pagitan ni Perky (na isang bampira) at ni Maskulado # 1 (na isang carebear).  Sa pag-uusap ng tatlo, biglang mag-ri-ring ang telepono:

(Sasagutin ni Maskulado # 1 ang telepono)

Unknown Caller:  Pwedeng pong makausap si Charlie Swan?

Maskulado # 1:  Walang Charlie Swan dito.

Unknown Caller:  ‘Yung dating porn actor?

Maskulado # 1:  Ah, si Mang Charlie, wala eh, may inaasikasong lamay.

(Mapuputol ang linya)

Bella:  Sino ‘yung tumawag?

Maskulado # 1:  Hindi ko alam.  Hindi naman nagpakilala eh.

Bella:  Ano daw gusto?

Maskulado # 1:  Hinahanap tatay mo. Tangena, Charlie Swan pala pangalan ng tatay mo, ang laswa ah.

Bella:  Gagu!  Sino nga ‘yun?

Maskulado # 1:  Hindi ko nga kilala, ang kulet mo.

Sa susunod na tagpo, ipapakita si Edward (na siya pa lang tumawag kina Bella.)  Mag-i-emo-han na naman si Edward at buong-lakas na dudurugin sa kanyang kamay ang pinantawag na iPhone.

Kina Bella naman, matataranta si Perky sa makikitang vision.

Perky:  Kailangan nating pumunta ng Italy.

Bella:  Bakit?

Perky:  ”I saw it in a vision” na magpapakamatay si Edward.

Bella:  At bakit naman niya gagawin ’yun?

Perky:  Akala niya patay ka na.

Bella:  Eh buhay ako eh?

Perky:  Akala nga niya patay ka na.

Bella:  Eh bakit pupunta pa tayo sa Italy?

Perky:  Kasi nasa Italy si Edward.

Bella:  Eh bakit hindi na lang natin i-call o kaya i-text?

Perky:  ”I saw it in a vision” na sinira niya ‘yung iPhone niya, kaya hindi rin natin siya mako-contact.

Bella:  May kutos ’yang Edward na ’yan ‘pag nagkita kami.  ’Di ba niya alam na ang mahal pa rin ng iPhone ngayon, kahit hindi naman talaga ito kagandahan at hassle gamitin?  Hay, tara na nga.  Maiwan ka na, Maskulado # 1, mukha ka namang mahirap at hindi afford pumunta ng Italy.

Pupunta ang dalawa sa Italy.  Mapipigilan ang planong public humiliation (sa pamamagitan ng pagpapakita sa lahat ng tao na kumikinang itong parang bading) ni Edward.  Sa muling pagkikita ni Edward at Bella, ihaharap naman sila sa Volturi Coven, sa pamumuno ng napakagaling na si Aro (Michael Sheen, gumanap na Lucian sa Underworld; ’di hamak na mas maganda kaysa sa New Moon).

Ipapakita ang Volturi Coven, kabilang ang napakagaling ding si Jane (Dakota Fanning).  Matutuwa ka habang nanonood sa tagpong iyon hindi dahil gumaganda ang kwento, kung hindi dahil ang gaganda ng suot nina Aro sampu ng mga kasama nitong parang galing sa French Vogue.  Ipapakita din ang isa ring magaling na actor na kapatid ni Jane na si Alec (Cameron Bright, ’yung bata na nagdi-disable ng powers ng iba kapag nilapitan siya sa X-Men Last Stand; and again, mas maganda na namang pelikula kumpara sa New Moon.  Magkakaayos ang lahat matapos makita ni Perky sa kanyang vision na magiging bampira din si Bella.  Ang siste kasi ni Aro (sampu ng kanyang mga kasamang corporate vampires) ay patayin si Bella o gawing isang bampira.

Babalik ang mga Cullens at si Bella sa Forks (City in Clallam County, Washington, United States) kung saan talaga sila nakatira.  Pupunta si Bella sa bahay ng mga Cullens at doon ay mapagbobotohan na gawin ngang bampira si Bella.  Hindi man payag si Edward, wala itong magagawa dahil the tribe has spoken.

Sa pagwawakas ng pelikula, ipapakita si Bella at si Edward na nakasakay ng kotse.  Haharangan sila ni Maskulado # 1.

Bella:  Doon tayo sa kakahuyan mag-usap.  Mahirap mag-senti sa highway.

Maskulado # 1:  Okay.

Sa kakahuyan…

Maskulado # 1:  Mahal kita, Bella.

Bella:  Alam ko.

Maskulado # 1 & Edward:  Wow, ang humble.

Bella:  Mahal ko si Edward at mahilig ako sa dinuguan.

Maskulado # 1:  Ano ba ang nagustuhan mo sa lalaking ‘yan (kung lalaki man siya)?  Dahil ba kumikinang ang kanyang mga pimples?

Edward:  Nakakainsulto ka na ah?

Maskulado # 1:  Bakit ba, pare?  Suntukan na lang oh!

(Biglang magiging carebear si Maskulado # 1 at si Edward naman ay pupusturang parang metrosexual na ang tanging armas ay mga kukong bagong manicure)

Bella:  Ano ba?  Magsitigil nga kayo!

(Hindi naman mahirap kausap ang dalawa at titigil sa pagbabangayan.  Uuwing luhaan si Maskulado # 1)

Edward:  Mahal kita, Bella, kahit para kang lesbianang emo kung umasta.

Bella:  Mahal kita, Edward, kahit na madalas hindi ko talaga maintindihan ang mga sinasabi mo dahil may speech defect ka; kahit na ba nakakatawa talaga kapag naarawan ka at nag-i-sparkle; kahit na mas mapula pa ang lipstick na gamit mo kaysa sa akin; kahit na lagi kang mukhang natatae, lalo na kapag nakangisi ka; kahit na ba—

Edward:  Tama na, tangena, manglait ka na lang, ’wag mo na ako mahalin.

Bella:  Biro lang.

Edward:  Bago kita gawing bampira, may hihilingin sana ako sa iyo.

Bella:  Ano ‘yun?  Gusto mong mag-speech-lessons?

Edward:  Hindi.

Bella:  Gusto mong magpaturo kung paano maglagay ng pantay na foundation?

Edward:  Hindi.

Bella:  Gusto mong malaman kung bakit sa kakahuyan pa ako umiiyak?

Edward.  Well, yes. Pero pwera dun.

Bella:  Eh ano nga?

Edward:  Marry me.

(THE END)

***

Mga Behind the scenes habang pinapanood ko ang New Moon

– Mula 6:15 PM hangang 7:15 PM, ang mangyayari lang sa pelikula ay iiwan ni Edward si Bella; at si Bella naman ay matutulendoy ng paulit-ulit.

– Si Otu (friend/officemate) ang nakapansing laging sa kakahuyan nag-se-senti si Bella.

– Ginagawa pa lang ang mga motorcycle na binili ni Bella ay nawi-wiwi na ako.

– Wala kaming naiintidihan kapag si Edward na ang nagsasalita.

– Parang hirap maglakad si Maskulado # 1, pero nasasarapan pa rin si Otu sa kanya.

– Sa sinehan, sa likuran namin ay may dalawang batang foreigner na walang tigil na nagkwentuhan at nagpagalingan tungkol sa pelikula, na sa kalaunan ay nanahimik din matapos kong murahin.  Matapos kong murahin ang dalawang bata, ang kasama nilang nanay ay walang ginawa kung hindi bawalang mag-ingay ang kanyang mga alaga, sa takot marahil na muling mamura ko.

– Sa pagtatapos ng pelikula, isang segundo matapos banggitin ni Edward ang nakakasukang linyang, ”Marry me” (kahit wala pa ’yung ”the end”) nagsindihan lahat ng ilaw sa sinehan na animo’y pati ang projectionist ay (a) nawiwiwi din gaya ko, (b) nasuka din sa huling linya ng pelikula, or (c) both.

***

Ang Tulendoy of the Week ay iginagawad bilang parangal sa isang tao/grupo/pangyayari na nakapagpamalas ng katangi-tanging “katulenduyan” sa linggong ito.

Bilang parangal sa natatanging pagpapamalas ng kapasidad sa pag-arte bilang Edward, Bella, at Maskulado # 1, respectively, sa pelikulang New Moon, iginagawad ang special Tulendoy of the Week Award na ito kina Robert Pattinson, Kristen Stewart, at Taylor Lautner kasabay ng review ng nasabing pelikula.

h1

pinakbet at solicitation letter

Nobyembre 26, 2009

Ay oo naman, nagkakandarapa talaga ang mga tao ngayon sa libreng pinakbet, promise.

***

Goodluck sa “board of director”, may sarili talaga siyang “god”. More pagan, more fun.

***

Gustohin ko man o hindi, kailangang ko ng panoorin ang New Moron bukas para naman matahimik na ang kaluluwa kong nagpupuyos na ang damdamin para mapuri ang pelikulang ito. Super love ko ito na ginawan ko pa ito ng napaka-complicated na movie poster.

h1

2012 – isang masusing pagtalakay

Nobyembre 23, 2009

Sa panahong parang pagkakaroon na lang ng tamagochi ang paggawa ng indie films, napadpad ako (kasama ang ilang ka-opisina) sa panonood ng pelikulang 2012.

Masama ang loob ko noong una kong nakita ang preview ng 2012.  Ang yabang lang.  Matandang Monghe, naniniyebeng bundok (na sa China pala, apparently), malaking kampana, super laking tsunami na hahampas sa Matandang Monghe.  Ganun lang.  Pang-mayaman, ika nga.

Inasahan kong maganda ang 2012.  Ang pangakong magugunaw ang mundo at naguguhong mga kontinente ay sapat na para panoorin ko ito.

Ang 2012 ay parang pinahalo-halong pelikulang pangsakuna (disaster movies) gaya ng mga sumusunod:

– Volcano (tangena, elementary pa ako nun)

– Titanic

– The Day After Tomorrow

– Armageddon

– Deep Impact

– Dante’s Peak

– Evan Almighty (kasama ito, promise)

Sa umpisa ng pelikula, ipapakita ang nagbabadyang pagkagunaw ng mundo; mga nagpapalakihang pagbiyak ng lupa at kung ano-anu pa. Ipapakita din ng paulit-ulit ang hinayupak na egoy na walang puknat kung ipaliwanag na, ”gustong-gusto ko ang mga libro, libro, libro, libro” (Tawagin natin siyang “Bookworm”). Ipapakita rin kung paanong sinisikreto ng mga lider ng mga bansa ang kasalukuyang sitwasyon habang abala naman ang iba sa pag-ti-tiangge ng mga slots para sa mga maaring i-save, tipong one-way ticket to salvation.

Mag-uumpisang magunaw ang lahat.  Magugunaw lahat; lahat ng bahay, lahat ng tulay, lahat ng mga gusali, at ipapakita ang mga taong sa iba’t-ibang sitwasyon.

– Mga nakalambitin sa gusali

– Mga malalag sa tulay

– Mga mababagsakan ng pader

– Mga magpapatihulog sa ‘di malamang dahilan.

– Mga lolang nag-da-drive at mababagsakan din ng malaking tipak ng guho.

– Mga sinisubukan pang tumakas sa tiyak na kamatayan

Matapos sirain ng kung anu mang pwersa ng planetary alignment ang Hollywood at Las Vegas (at kung anu-ano pang lugar), ang mga marami-rami pang bida na lang ang matitira, na kinabibilangan ng mga sumusunod.

Family A

– Tatay

– Nanay

– Bagong asawa ng Nanay

– Isang batang lalaking mukhang emo

– Isang batang babae – na gaya ng madalas mangyari ay uber sa pagkabibo

Family B

– Mayamang Russian na mukhang nangmomolestiya ng bata

– Gerfrend ng mayamang Russian na may namumutok na dibdib

– Mataba at panget na identical twins; mga anak ng mayamang Russian

– Drayber ng mayamang Russian na mukhang Abercrombie & Fitch Model

Buhay pa ang mga nabanggit.  Gagawa sila ng paraan para makatakas sa noo’y naguguhong Las Vegas lulan ng isang malaking eroplano.

Sa China naman, ipapakita ang isang Matipunong Monghe kasama ang Matandang Monghe (’yung nasa preview).  Mag-uusap ang dalawa.

Matipunong Monghe:  Lolo Monghe, alam mo ’yung ginagawang dam sa may bundok, hindi naman pala dam ‘yun.

Matandang Monghe:  Gutom lang ‘yan, Iho.  Dam ’yun.

Matipunong Monghe:  Hindi, Lolo Monghe, mali ka.

Matandang Monghe:  Dam ’yun.  ’Wag makulit.

Matipunong Monghe:  Lolo Monghe, hindi dam ‘yun.  Gumagawa sila ng ispeysyips (spaceships).

Matandang Monghe:  Aanhin naman nila ang ”ispeysyips”?  Adik ka ba?

Matipunong Monghe:  May parating daw na malaking baha.

Matandang Monghe:  Tsismis lang ‘yun.

Matipunong Monghe:  Totoo sinasabi ko, Lolo Monghe, may parating na “global disaster”.

Matandang Monghe:  Hindi totoo ‘yan.

Matipunong Monghe:  Totoo sinasabi ko, Lolo Monghe.

Matandang Monghe:  Oh, sige, ikaw na elder. Ikaw na maalam.

Seryosong usapang hahantong sa puntong nanghihiram lang pala ng susi ng truck itong si Matipunong Monghe para puntahan ang kanyang Lola at Lola upang makibalita sa kapatid nitong kasama sa mga gumagawa ng ”ispeysyips.”

Sa Washington DC naman, habang ang buong executive entourage ng presidente ng USA ay lulan na ng Air Force One, magpapakabayani itong si Mr. President (na egoy din, pero hindi si Morgan Freeman, surprisingly) at magpapaiwan.  Kailangan daw siya ng bansa niya (na noong mga panahon na iyon ay wala na talagang natira yata kung hindi ang Whitehouse at ‘yung obelisk/Washington monument) sa Washington DC).  Lilindol, gunaw dito, gunaw doon, walang patumanggang pagkawasak ng lahat ng bagay, sugatan dito, sugatan doon, patay kahit saan ka tumingin.  Tutulong ang presidente sa rescue operations at magmumuntikan na mabagsakan ng obelisk.  Pero mamatay din siya (sampu ng mga natira sa Washington DC) matapos mahampas ng isang aircraft battleship na inanod ng super laking tsunami.  Tinarantado talaga ang presidente sa pelikulang ito, tipong, ”ah, tangena mo ah, buhay ka pa ah? Heto ang aircraft battleship na inanod ng super laking tsunami.”

Sa Air Force One naman, magkakaroon pa ng panahon ang anak ng presidente at ‘yung lalaking adik sa libro na maglandian ng pasimple.

Mabalik sa Family A & B.  Mag-ka-crashlanding ang eroplano nila at mahimalang mapapadpad sa China (kung saan nila nabalitaang may mga ispeysyips na pwedeng makapagligtas sa kanila).  Mamatay si Drayber/Model matapos magsakripisyo makababa lang ng maayos ang Family A & B.  May dadaan na mga choppers na may bitbit na malalaking hayop (elipante, giraffe, atbp.)  Ipapakita ng mayamang Russian ang tatlong golden tickets (parang Willy Wonka lang) bilang mga pasaporte sa ispeysyip.  Maiiwan ang blondinang, obviously, ay hindi pinambili ng ticket ng mayamang Russian sabay sumbat  ng, “Akala mo ba hindi ko alam na may relasyon kayo ni Drayber/Model.  Magdusa ka.” nila

Maiiwan sa gitna ng mga nagniniyebeng bundok ang Family A at si Blondina.  Swerte namang dadaan si Matipunong Monghe kasama ang kanyang Lolo at Lola sakay ng truck na hiniram sa Matandang Monghe at nataon din ay papunta sa pagawaan ng mga ispeysyip.  Kakatagpuin nila doon ang kuya ni Matipunong Monghe na tawagin nating Extra # 1.  Ipupuslit ni Extra # 1 ang Family A, si Blondina, at ang ”Chin” Family, matapos ang mahabang paliwanagan.

Sa mga panahong iyon, makakatanggap naman ng phone call itong si Bookworm galing sa isang Indiyanong ipinakita sa umpisa ng pelikula na sinabihang lumikas na kasama ang kanyang pamilya at susunduin para isali sa ispeysyip.  Ang Indiyano ang isa sa mga nakahula sa pagkagunaw ng mundo (sa kanyang pag-aaral ng whatever science).

Ganito ang kanilang pag-uusap:

Indiyano:  Hello?

Bookworm:  O, pare, napatawag ka?

Indiyano:  Tangena, pare, nasaan ka na?

Bookworm:  Uhmmm, sa ispeysyip na, pare?  Nga pala, pala, tangena, nilalandi ako ng anak ng presidente.  Ang hotdude. niya,

Indiyano:  Tangena, pare, ’di ba sabi niyo susunduin niyo kami?

Bookworm:  Puta, pare, hindi ba kayo sinundo?

Indiyano:  Duhh.. Obviously.

Bookworm: Nako, pare, hayaan mo at sesermunan ko ‘yung drayber namin.

Indiyano:  ‘Wag na lang.  Okay lang, pare.  Sasalubungin na lang naming itong pagkalaki-laking tsunami na metro na lang ang layo sa amin ngayon, na sa tantiya ko ay aabot  din naman diyan, kaya amanos na tayo.  Putang—(naputol ang linya)

Darating ang malaking alon.  Aanurin ang mga “ark” na inakalang ispeysyip. May ilang libo ang matitira, mga mayayaman, mga lider ng mga bansa, mga crew ng tatlong ark na natira, at mga iilang napiling may ”magandang semilya” para ipagpatuloy ang lahi ng mga natitirang taong patungong Africa (tanging lugar na pwedeng tirhan, ’di umano) para ipagpatuloy ang buhay.  Humayo sila, at hindi natin alam kung muli ay nagpakarami.

***

Marami mang kakulangan ang pelikulang ito, gaya na lang ng sapat na pagpapaliwanag sa siyensya ng pagkagunaw ng mundo o kung anu mang trauma ang naiwan nito sa mga nakaligtas, ang importante, pinakita nito ang mga gusto at mga inasahan nating makita.  Gunawin ang mundo, patayin ang halos lahat ng tao, at ipakitang sa gitna ng delubyo, ang one (1) billion euro ($1.4979 billion o Php 70.0393111 billion) ang magsasalba ng buhay mo.

Babala:  Ang pelikulang ito ay hindi angkop sa mga sususunod:

– Mga may sakit sa puso at ma-”nerbyos”

– Mga taong mabilis bumitaw sa realidad (mga semi-tulendoys)

– Mga ayaw sa mga Russian (mabubuhay ‘yung panget na Russian na kambal)

– Mga taong ma-arte sa CGI (’yung mga arks kasi parang malalaking ulo ng hito lang)

– Mga debotong Kristiyano (promise, maniwala ka, sisirain ang Vatican City.  Mababagsakan ng Sistine Chapel ang buong college of cardinals.  Ipapakitang madadaganan ng buong Vatican ang Pope at lahat ng mga debotong nagdarasal sa St. Peter’s Square.  Para itong malaking pakyu sa mga katoliko.)

h1

Tulendoy of the Week – Krista-Pacquiao-Jinky Love Triangle.

Nobyembre 22, 2009

Ang Tulendoy of the Week ay iginagawad bilang parangal sa isang tao/grupo/pangyayari na nakapagpamalas ng katangi-tanging “katulenduyan” sa linggong ito.

***

Ang ating Tulendoy of the Week sa linggong ito ay ang Krista-Pacquiao-Jinky Love Triangle.

Sa totoo lang, masarap sanang i-tulendoy of the week ang hinayupak na mga bida ng New Moon, pero dahil hindi ko pa ito napapanood, kinailangan ko pang mag-isip ng papalit muna para sa linggong ito.

Wala akong pakialam sa kung anu mang namamagitan kay Krista at Pacquiao.  Kung totoo man o hindi, nakakadiri din namang isipin.  I mean, okay lang si Krista, maganda naman kahit paano (at sabi nga sa mga drayber sa terminaltricyle sa amin ay may ”mga namumutok na dibdib”); si Pacquiao naman ay…mayaman.  Hindi maiiwasang bigyan ng kung anu-ano cliche na scenario ng sa mga ”kabit moments” ang kasalukuyang nangyayari.

Sa POV kanina sa The Buzz, binanggit ni Boy Abunda ang kahalagahan ng unang pagsasalita ni Pacquiao sa nasabing isyu; dapat daw siya ang maunang magsalita.  May kung halos isang oras din itong tinalakay.

Ang akin lang, kung hindi sana gahaman itong si Krista sa publicity, kahit na ba totoo o hindi ang isyu; kung sanang hindi siya pasimpleng nagtatampisaw sa isyung sinasayang ang oras ng mga taong nanonood at umaasa ng mas makahulugang tsismis; kung sanang sabihin na lang niya na ”mukhang pera lang ang papatol sa pagkagwapo-gwapong si Pacquiao”, natahimik na sana tayo at mas napag-usapan ang mga pinakabagong kaganapan sa buhay ni Kris at kung paano nagliligawan ang last week’s Tulendoy of the Week Rob ng PBB at ang pagkaganda-gandang si Princess.

Ang akin lang, ano ang aasahan sa isyung ito kung si Pacquiao ang pasasagutin, sa isang boksingerong sinasamba ng bansa sampu ng kamag-anak niyang nagmumurang-kamatis gaya ng kanyang ina?  Ano rin ang aasahan kay Krista, na hindi naman kasikatan, at ngayo’y binibigyan ng atensyong ’di masukat dahil lang sa posibilidad na may relasyon ito kay Pacquiao?  Ano ang aasahang komento sa mga malalapit na kaanak at kaibigan ni Krista sa kanyang pananahimik, kung ang tanging bukang-bibig ng mga tao kapag naalala si Krista ay ”gumanap pa namang na Jesus Christ ang tatay niya”?

What would Jesus do?

***

Bilang napiling Tulendoy of the Week, ang iyong premyo ay tatlong (3) “oversize chicken” (tig-iisa si Krista, Pacquiao, at Jinky) na maari niyong gawing arrozcaldo kung sakaling may mga kanya-kanya kayong padasal o cruzada.  Siguraduhin niyo lang na papalambutin ang manok sa loob ng mga roughly tatlong oras o higit pa.

h1

Mga Sorpresa!

Nobyembre 14, 2009

Hindi ko alam kung dahil nag-post ako ng anim na blog entries kahapon, bigla ko na lang nakita ‘to nung mag-log-in ako sa WordPress.

at ito pa…

Okay na sana eh, hapiness hapiness kung baga, ‘yung tipong, “shet, may nagbabasa na pala ng blogsite ko!”, kaya lang nakita ko rin ito.

Anak naman ng tilapia, 27 hits lang! 27 hits! May nagbabasa ba sa WordPress?  Pero I’ll take it as a “condiment” na rin.  Mabuti na ang may ganyang publicity kaysa sa wala.

And yes, mga isa o dalawa sa hits for today galing pa sa akin tuwing napipindot ko ‘yung na-paste kong link ng blogsite ko sa Facebook at nakakalimutan kong mag-log-in sa WordPress account ko.

***


I can’t wait for New Moon. Nakakakilig ang ideya na may nare-review na naman akong magandang pelikula, gaya na lamang ng mga sumusunod:

Harry Potter and the half gallon of grape juice

Majubis Love (Ang Kwento sa Likod ng Pamosong Sam Milby Movie)

Ito ay tungkol sa pelikulang “sunshine”

At bilang patunay na isa akong masugid na tagahanga ng film franchise na ito, narito ang ilang tagahanga ng Twilight at New Moon na nais magpahatid ng kakanilang mensahe.

***

At dahil kaarawan ngayon ng malapit kong kaibigan na si Otso (na isa pala sa pasimpleng nag-ad-advertise ng blogsite kong wala naman talagang nagbabasa), this entry is dedicated sa kanya.  Mgft?  Happy birthday, Bading. Hgeb! 🙂

h1

Tulendoy of the Week – Tom of PBB

Nobyembre 13, 2009

Ang Tulendoy of the Week ay iginagawad bilang parangal sa isang tao/grupo/pangyayari na nakapagpamalas ng katangi-tanging “katulenduyan” sa linggong ito.

***

Ang ating Tulendoy of the Week sa linggong ito ay si Tom ng Pinoy Big Brother Double Up.

Para sa iyong natatanging pagpapakita na kahit sa larong-bata lang ay pwedeng mapikon; para sa iyong ambisyong manalo kahit may masaktan; para sa iyong katapangang magsuka sa national tv; para sa iyong kagalingan sa pagkanta at sa pagra-rap na animo’y isang kang ”egoy” na rapper; para sa iyong pagde-date ng ingleserang may regional accent na hindi naman kagandahan (’yung Princess, ’yung maarte, ’yung, sabi ko nga, hindi naman kagandahan); at para sa pagpapatunay na hindi lahat ng nagbabasa ng libro ay matalino (’di kita pinaparinggan, Bading.)

Ang buong pangalan ni Tom ay Bartolome Alberto Mott.  Ah, kahit naman ako magagalit sa mundo kung ganyan pangalan ko.

Bilang napiling Tulendoy of the Week, ang iyong premyo ay isang kinulayang sisiw na nabili sa isang “slum area” sa Angeles City.


h1

Wala na lang akong sasabihin

Nobyembre 13, 2009