Archive for Disyembre, 2009

h1

Here lies 2009

Disyembre 31, 2009

Kung isa ka sa mga taong pinoproblema kung ano ang magiging New Year’s Resolution mo, pakisampal mo ang iyong sarili ngayon dahil isa kang malaking ungas.  Ang problemahin ito at gawing malaking isyu ay isang kabaliwan. Nabanggit ko na ito last year at uulitin ko lang,

Sa totoo lang, ayaw ko ng ka-lechehang New Year’s Resolution.  Hindi kailangang may baguhin ako sa sarili ko para lang abutin ko ang aking mga mumunti (at malakihang) pangarap.  Ako ay ako, ano mang taon, oras, o minuto.

Bago mag-Bagong-Taon kanina, nagkaroon ng konting diskusyon patungkol sa mga paputok.  Hindi naging tradisyon sa bahay ang magpaputok ng kung anu-ano.  Ang dahilan ni Mama ay ilan daw bang paputok ang kailangan ubusin at gaano daw ba kaingay ang kailangan gawin para lang magtaboy ng malas para sa darating na taon.  Dagdag pa niya, kapag nag-ingay at nagpaputok ang mga kapitbahay, hindi daw ba counted ‘yun sa pagpapaalis ng malas sa aming bahay. Ang akin lang, ang pagsalubong sa Bagong Taon ang tanging araw na pwedeng mag-ingay ang aming mga kapit-bahay na hindi ako mang-aaway dahil maingay sila.

Ang taunang salubong sa Bagong Taon din ay isa sa naging paraan ni Mama upang masukat ang buhay pang-pinansiyal ng mga kapitbahay namin.  Kapag ang mga pinapaputok ng kapitbahay ay ‘yung tipong sumasabog lang at walang colors, naghirap daw ang mga ito sa taon na ito.  Kapag matagal magpaputok at may mga kulay na sumasabog ang mga pinapaputok ng mga kapitbahay eh yumaman sa taon na ito ang nasabing kapitbahay.

***

Gaya ng nangyayari sa nakalipas na taon, hindi pa rin magandang desisyon ang ilipat ang channel sa Wowowee (lalo na kapag kumakanta si Willie na animo’y natatae).  Kapag nagka-platinum-record ang nanay ni Pacquiao sa kanilang album ni Imelda Papin ay papatay ako ng isang pusang kalye at ididilig ito sa lupa (sa pag-asang may makikinig sa akin at kastiguhin ng kung anung spiritual force ang dalawang nabanggit).

Sana ay matigil na ang mga pelikulang pinagpapares ang isang matandang lalaki at isang dalagitang kung tutuusin ay pwede na niyang maging anak.  Tigilan ang pangmomolestiya kina Angelica Panganiban, Anne Curtis, Bea Alonzo, sampu ng lahat ng mga batang artistang walang-habas makipaghalikan at makipag-love-scene sa mga matatandang artista.  (Yes, Gabby Concepcion, ikaw ang tinutukoy ko.  Yes, Aga Muhlach, isa ka pa.)

Lahat na lang ay may Indie film, sa anu mang bagay, kahit pati sa epekto ng ipis sa buhay ng tao, epekto ng toothbrush, sabong panlaba, regla, isang basong tubig, malamig na kanin, batang may sakit, lalaki na may tinatagong sikreto (na bading ito), at kung anu-ano pang krimen.  Lighten up.  Hindi ganun kabigat ang mundo.  Tigilan ang walang kwentang social relevance bullshit.  Ibalik ang panonood ng pelikula na ang tanging intensyon ay matuwa ka habang kumakain ng popcorn.

***

2010 na, umayos, magpunyagi, at yakapin ang mga mumunting pangarap na kung hindi man matupad ay hindi mo rin naman ikakamatay.

h1

Food Mysteries

Disyembre 30, 2009

Habang ang lahat ay abala na sa pag-iipon ng mga hugis bilog na prutas, at habang may kung anu-ano kagaguhang New Year resolutions ang iniisip ng mga tao, ako naman ay kamakailan ay binagabag ng kung anu-anong problema patungkol sa pagkain at mga alagaing hayop.

Isang kaibigan ni Boss (na pangalanan nating Marcova) ang aming pinaunlakan na tulungan sa kanyang proyekto, at dahil natuwa marahil sa aming naibigay na serbisyo ay niyaya kami ni Otu na mag-lunch sa canteen, libre daw ni Marcova.  Ayoko sana dahil pinaka-ayaw kong kumakain habang may kumakausap sa iyong hindi mo naman ka-close.

Sa aming pagpunta sa canteen, nabanggit ni Marcova na malabo na raw ang kanyang mga mata (tipong halos nabubulag na daw siya).  Nang kumakain na kami, dala marahil na walang maikwento, ganito ang kwento ni Marcova:

Marcova:  Thank you very much, dear.  Ang ganda nung ginawa mo.  Oh, anyway, alam niyo ba (sabay tigil sa pagkain) na ako, bangus lang ang kinakain kong fish.  Kaya nga, heto, buntot ng bangus ang in-order ko.

Nang tingnan ko ang kinakain niya, hindi naman ito buntot ng bangus kung hindi dalagang bukid.  Naguguluhan tuloy ako ngayon kung malabo ba talaga ang mata niya (pero kaya niyang kumain ng fish) o malabo ang panlasa niya (at hindi niya nalasahan na hindi naman bangus yung kinakain niya.)

***

Sa isa sa mga napakaraming kinailangan kong puntahan na Christmas party naman, nagkaroon ng isang nakakatawang isyu.  Kasarapan ng mga awkward na parlor games ng mga panahon na iyon.  Ako naman ay masayang nagyoyosi sa ’di kalayuan nang makita kong may hinatid na dalawang lechon sa buffet table.

Noong kakain na ang lahat, napansin ng karamihan na parang tinitipid sila sa pagkain at biglang nawala ang isang lechon (dahil ang inihain lang ay isang lechon.)  Ang siste, nawawala ang isang lechon dahil:

a.  sinama ito sa raffle

b.  naglakad ito ng mag-isa at lumayo sa party dahil nabaduyan

c.  nakain naman talaga at patay-gutom ay may kung 40 taong naimbita sa party

d.  naghalucinate ako at isa lang talaga ang lechon na diniliver

e.  alam ko kung sino ang nagnakaw ng lechon (at sasabihin ko ang pangalan ng nagnakaw kapag nagkita tayo)

***

Isang pamahiin ang binabagi ni Mama kamakailan sa akin.  Pilit daw siyang pinapaalalahanan ni Lola Gloria (isang family friend) na ’wag maghahanda ng chicken sa darating na New Year’s Eve.

Me:  Bakit naman bawal ang chicken, Ma?

Adelaida:  Ewan ko.  Basta sabi lang niya bawal daw.

Ito marahil ang dahilan kung bakit bawal ang chicken na ihanda sa New Year’s Eve.

Sa aking pag-uwi galing sa opisina, isang Lunes ng hapon nang mapansin kong ang daming tao sa bahay.  Paparty pala ng aking tabaing kapatid sa kanyang mga kaklase; tipong sosyalang party inuman lang ito ay may lechon pa (goodluck naman).

Nagkulong sa kwarto at nanood ng kung anung mahanap na DVD at nahiga.  Nakatulog, nagising, kumain, at nanood ulit ng DVD, hanggang umabot ang alas-dos ng madaling araw at lasing na ang mga sosyal na manginginom.  Nang matapos ang party at makauwi na ang mga bisita ng kapatid ko, may kung sinong kumakatok sa gate.  Hindi ko na lang pinansin ito at natulog na.

Kinaumagahan, habang nagkakape ako at naghahanda pumasok sa opisina, natanong ko kay Mama kung sino ’yung kumakatok sa gate.

Adelaida:  Si Mang Juan, sabi niya, ninakaw daw nung mga bisita ng kapatid mo ’yung manok niyang pan-sabong.

(Natawa ako bago makapag-comment)

Me:  Bakit naman nila gagawin ’yun? (Tumatawa pa rin)

Adelaida:  Aba, malay ko.  Ang alam ko lang nakakahiya.  Imagine, may kakilala tayong pinagbibintangang nagnanakaw ng manok.

Me:  Para naman tayong nasa baryo. Kadiri.

Matapos kong magbihis, napansin kong may diskusyon sa harap ng bahay.  Si tatay, si Mang Juan at ang asawa niya, ang kapatid kong tabain, at ’yung dalawang ’di umano’y nagnakaw ng manok, lahat ay pilit sinasariwa ang mga pangyayari bago, habang, at pagkatapos mawala ng pesteng manok.

Dumating ang diskusyon sa puntong nagkainitan ang lahat at direkta ng pinararatangan ang bisita ng kapatid ko na kumuha ng manok.  Doon ko na hindi kiniya.

Me:  Nakita niyo po na kinuha iyong manok?

Mang Juan:  Dapat lumabas na ako nung mga oras –

Me:  Nakita niyo po na kinuha iyong manok?

Mang Juan:  Hindi nga ako makapagtrabaho dahil may pilay ako –

Me:  Mang Juan, ang tanong ko, nakita niyo po na kinuha iyong manok?

Mang Juan:  Hindi.

Me:  Kung hindi mo naman pala nakita, at wala naman ibang nakakita, huwag mong paparatangan itong mga bisita ng kapatid ko dahil nakakahiya naman sa kanila.

Mang Juan:  Dapat lumabas na ako at kumuha ng itak kaninang madaling araw, natatakot lang ako baka bugbugin ako.

Me:  Sino namang bubugbog sa inyo?  Sila?  Naririnig niyo ba ang sarili niyo?

Mang Juan:  Eh kinuha nila ‘yung manok ko. (Sabay walk-out)

Asawa ni Mang Juan:  Hindi mo na sana pinatulan ’yung matanda.

Me:  Ang sabi ko kasi, tigilan niyo ang pagsasabi na sila ang kumuha ng manok.  Gaya ko, wala ka ring nakita.  ’Wag niyo akong iinsultuhin, lalo na sa harap ng pamamahay ko.

Asawa ni Mang Juan:   Alam  mo ng walang pinag-aralan iyong asawa ko, kaya nga pinag-uusapan nating mga may pinag-aralan.

Me:  Kung may urbanidad ka, at alam mo namang may pagka-tulendoy ang asawa mo, dapat pinigilan mo siyang magsasabi ng kung anu-anong paratang.  Ang pagtataas mo ng boses ngayon sa harap nga bahay ko ay isa ng insultong hindi ko palalagpasin.

Asawa ni Mang Juan:  Kami ang nawalan ng manok!

Me:  Wala akong pakialam sa putanginang manok na iyan! Naririnig mo ba ako?  Kung saan man napunta ang puntangainang manok na ’yan, wala kayong karapatang magsisigaw sa harap ng bahay ko.  Wala kayong karapatang insultuhin ako at kahit na ba kaibigan ng mga kapatid ko.  Sabi mo gusto mo ng pag-uusap ng mga may pinag-aralan?  Pwes, halika, sa barangay hall tayo mag-usap, ’wag ka sa harap ng bahay ko pumuputak.

(Natahimik ang lahat. Umuwing luhaan ang mag-asawa.)

At iyon marahil ang dahilan kung bakit bawal ang chicken tuwing New Year’s Eve. Lol

Note to my tabaing kapatid:

Hindi ka na pwedeng magpa-party sa bahay forever.  Ako na ang mag-aamok (ng may itak) kapag naulit pa ang nakakahiyang pangyayaring ito.

h1

Globe Telecoms – Tulendoy of the Week

Disyembre 27, 2009

Ang Tulendoy of the Week ay iginagawad bilang parangal sa isang tao/grupo/pangyayari na nakapagpamalas ng katangi-tanging “katulenduyan” sa linggong ito.

***

Bilang parangal sa pagpapahirap sa inyong mga subscribers; para sa pagsira sa kanilang araw lalo na noong Pasko dahil sa hindi nila magawang mag-text ng maayos nang hindi nakaunli (dahil hindi sila makapag-register sa inyong pingakong unlimited texting service); at para sa ilang araw na pahirapan ng pagse-send ng mga  text at pagtawag sa ‘di malamang dahilan.

Ang akin lang, may kung ilang taon na nating nararanasan ang ganyang senaryo na kapag magpa-Pasko ay hinayupak ang mga linya sa pagte-text.  Hindi ba’t nararapat lang na sa tinagal-tagal na ng panahon ay napaghandaan/nasulusyunan na ito?  Hindi na sana umabot sa puntong imbes na i-greet ako ng mga kaibigan ko ng Merry Christmas ay Putang-inang Globe ‘yan! bakit hindi ako makapag-register, ang tine-text sa akin.  Hindi man ako nakaranas na hindi makapag-register sa Unlitext; hindi man ako nahirapan sa pagse-send ng mga text; ang maranasan ang reklamo ng mga kaibigan kong hindi naman madalas umiinit ang ulo at nagrereklamo sa anumang bagay ay sapat na para igawad ko ang Tulendoy of the Week sa Globe Telecoms.

Bilang pagpapatunay, subukan niyong mag-Googlesearch, keywords: globe unli mahirap, at makikita niyo, hindi lang mga kaibigan ko ang mga nagrereklamo.

Bilang napiling Tulendoy of the Week, papadalhan ang lahat ng inyong empleyado ng mga Smart simcard, para naman hindi kayo mahirapan sa pagte-text at pagtawag sa darating na Bagong Taon.

h1

Happy birthday, Dyisas!

Disyembre 24, 2009

May kung isang buwan din akong pineste ng mga nagka-caroling sa tapat ng bahay.  Gabi-gabi magmula nang pumatak ang December 1, may kung mga sampung grupo ng mga bata (at minsan ay mga matatandang mukhang mga manginginom) ang nagdaraan at nagka-caroling sa bahay.  Ang siste, hindi ko sila binigyan ng kahit magkano dahil tinatamad akong lumabas at iabot ang barya; iyon lang talaga ang dahilan, promise.  Mas madali pang gawin ang sumigaw  ng, “PATAWAD!!!” (sa kung bakit, ’di ko alam), kaysa sa lumabas ng bahay (at maantala sa panonood ko ng TV) at mag-abot ng baryang ’di mo alam saan nila gagastusin.

Nung nakaraang linggo naman ay may nag-caroling din sa bahay, mga teenagers na akala yata ay ‘pag may marunong mag-gitara sa kanila ay maganda ng pakinggan ang kahit anong sintunadong kantang pamasko na ikakanta nila.  Pinakamasakit pakinggan nung kumunta sila ng Pasko na Sinta Ko.  Dahil ang isa sa mga kasama sa nagka-caroling ay barkada (yata) ng kapatid kong tabain, napilitan akong mag-abot ng kaunting halaga.  Pero muntik ko na talaga silang abutan ng isang bote ng toyo, buti na lang at may nakalkal akong barya sa bag ko.  Kung wala talaga akong nahanap nung mga panahon na iyon, ’yung toyo talaga ang ibibigay ko.

Noong nakaraang araw naman ay nag-caroling din ang isang “kumare” ni Adelaida.  Kasama ang kanyang mga maliliit na pamangkin, nagsuot ang mga ito ng kulay red na mga T-shirts at nag-Santa-hats.  Hindi dahil nag-costume sila ay palalampasin na ni Mama ang kanilang pagkanta.  Pag-alis nila (at matapos magbigay si Mama ng tumataginting na 50 pesos), ito lang ang comment ni Mama:

“Grabe naman, parang mga pinupunit na yero mga boses nung mga pamangkin niya.  Ang lalakas ng loob. Hay. Sayang ang 50 pesos. Hay”

Kanina, naghanda ako para sa huling pagkakataon ay pestehin ng mga nagka-caroling.  At dahil may pamahiin ako na “hindi na pwedeng tumangging mag-abot ng barya sa mga nagka-caroling kapag December 24 dahil last day na ng kalbaryo”, nagpapalit ako ng barya sa tindahan at naghintay ng mga tatapat sa bahay at mag-iingay.  Isa-isang dumating ang mga bata, at pati na rin ang mga teenagers na may iilang alam na chords sa gitara.  Naubos ang mga barya at buong pagmamalaking sinabi ni Mama sa akin na,

“Bumabait ka lang kapag December 24, nilalagnat ka ba?  May sinat ka ba, anak?”

Bilang tradisyon, nagluto sa bahay ng kung anu-ano.  Bilang tradisyon din naman, after dinner, wala ng kumain; 10 p.m., ang mga magulang ko ay mahimbing na natulog, ang kapatid kong tabain ay nagpunta sa kung sinong barkada, ako naman ay masayang nanood ng TV at nagkape, at ang mga niluto ni Mama ay hindi alam kung paano magsisiksikan sa ref.

Balak ko sanang mag-feature ng isang kaibigan/kakilala na mag-te-text sa akin ng Christmas greeting ng saktong 12:00 a.m., tipong pupurihin ko at gagandahan ang write-up tungkol sa kanya. Kaya lang, 1:00 a.m. na at wala pa akong natanggap na text galing sa kung sino man, dahil:

– masama talaga ang ugali ko at walang mangiming bumati ng kung anu mang greeting sa akin

– isa na akong Hudyo at hindi sine-celebrate ang Pasko.

– lahat ng kakilala ko ay mga Hudyo na.

– tarantado lang talaga ang Globe.

– low profile lang talaga si Dyisas at ayaw magpa-greet.

***

Happy birthday, Dyisas.  May you have more birthdays to come.

h1

Picture Picture

Disyembre 21, 2009

Sa panahon na lahat na lang ng tao ay may digicam at digital SLR, hindi ko maiwasang magtanong, sino pa ba ang hindi nag-aambisyong maging modelo ngayon, o ‘di kaya naman ay maging isang sikat na photographer?  Gaano ba kadaling mag-picture-picture ngayon?

Sa ilang taon lang, binago ng teknolohiya ang hilig ng mga tao pagdating sa pagkuha ng letrato.  Kung dati ay kailangan mo pang pumunta sa isang studio para lang magpakuha ng letrato, ngayon ang kailangan mo lang gawin ay itext ang iyong mayaman na kaibigang (na may digital SLR) na nagiging hilig ang pagkuha ng letrato ng kahit anong bagay/kahit na sinong tao sa kahit anong sitwasyon at panahon.

Sa panahon na uso ang mga studio (at mga panginoon pa lang ay may digicam, malalaki at mabibigat pa), hindi mawawala ang mga sumusunod pagpasok mo sa studio para makuhanan ng letrato:

– mga Amerikana at mga necktie na mukhang galing sa ukay-ukay (para sa mga business attire shot at mga formal na kung anu man)

– mga teady bear (na, again, mukha ring galing sa ukay-ukay) – para naman sa mga bata at mga hayskul na sa kung anung dahilan ay dapat may yakap-yakap na teady bear o kahit anong bagay na malambot gaya ng susunod

– mga pillows

– mga pillars na parang sa Roman Empire na nakapalamuti ng mga telang mukhang hindi nilalabhan

– mga muwebles (lumang couch, lumang executive chair, bench, at mga iba pang gamit noong ‘80s.)

– mga suklay, brush, at mga mukhang pinag-gamitang make-up

– face powder na medyo magaspang na parang iyong nilalagay sa pwet ng baby after maligo

– mga pininturahang background ng garden, mga puno, painting, at kung anu-ano pang pwedeng ilagay na background maiba lang ang ambiance

– isang nagkukunwaring mabait na photographer na hindi ka pa man kinukuhanan ng picture ay parang gusto ng sabihin, “Next!”

Nakakamanghang isiping wala na ring nagkakandarapa na makakuha ng “free film” sa bawat pagpapa-develop ng letrato.  Madalang ka na ring makakarinig ng mga reklamong na-over-exposed ang film kaya sira lahat ng mga picture.  Wala na ring masyadong away sa kung bakit hindi binalik ang mga film noong ma-develop ang mga letrato at kung bakit wala kang nakuhang libreng photo album.

Sa panahon na hindi pa uso ang Adobe Photoshop, pagalingan na lang sa pag-anggulo para lang hindi makita ang iyong malaking pimple.  Talento din maituturing kung hindi ka nakapikit sa letrato kapag na-develop na ito.  Kapag hindi nakasentro ang letrato, isisi na lang ito sa kumuha at ipagkikibit-balikat.  Lahat ay nagkakandarapang ubusin ang film ng camera kapag umabot na ito sa 36 at pwede pang i-click.  At bukod sa lahat, tuwing may ga-graduate, ikakasal, magbe-birthday, at/o outing ka lang may mga picture dahil doon lang may silbi ang mga camera.

Sa tuwing titingin ka sa mga lumang letrato, na nakunan sa panahon na pantasya pa lang ang mga digicam at digital SLR, taas-noo mong sabihing, first shot lang iyan ah, pero tingnan mo, mukha akong tao.

Ikaw, ano ang anggulo mo?

***

Ang blog entry na ito ay para sa lahat ng naranasang magpa-picture sa mga napag-iiwanan ng mga photo studio ng ating panahon.

h1

Imelda Papin – Tulendoy of the Week

Disyembre 20, 2009

Ang Tulendoy of the Week ay iginagawad bilang parangal sa isang tao/grupo/pangyayari na nakapagpamalas ng katangi-tanging “katulenduyan” sa linggong ito.

***

Bilang parangal sa iyong pagkunsinti sa katulenduyan ng Nanay ni Pacquiao; para sa iyong ’di matigil na pagkanta sa anumang okasyon/pagkakataon; para sa pangangarap na maging isang senador; at para sa pagpapakita na sa industriya ng pag-awit at pag-aartista, wala talagang tumatanggap na laos na sila.

Ang akin lang, may kung ilang dekada ng nakinig ang mga tao sa iyong mga kinanta at pinasikat at may kung ilang pagkakataon na rin na nagtataka marahil ang karamihan kung bakit nila saulado ang kantang Isang Linggong pag-ibig gayong hindi naman talaga nila alam ang kantang ‘yun.  Kaya lang, sa kasamaang-palad ay hindi mo panahon ang panahon ngayon.  Hindi na ikaw ang sumikat noon at naging isa sa mga haligi ng musikang Pinoy.  Kaya nga minsan ay binibigyan ka ng tribute, ’yun ay dahil isa ka ng parte ng kasaysayan.  Bigyan mo naman ng pagkakataon ang mga tao na makilala ka sa iyong naging kontribusyon.  Tigilan mo ang maya’t mayang animo’y pagsumbat na, ‘hoy, ako ang kumanta ng ganito, ng ganyan.”  At bukod sa lahat, hinay-hinay sa retoke, nagmumukha ka ng lion.

Para sa mga karagdagang impormasyon, narito ang link sa kanyang official website http://www.imeldapapin.com. (na nawindang lang ako at meron talaga)

Bilang napiling Tulendoy of the Week, ipapadala sa iyong bahay (kung meron ka man) o para safe, sa iyong tinutuluyang bahay ang lahat ng mga jukebox (umaandar man o hindi) sa Pilipinas; tutal wala na rin gumagamit ng mga ganyan at ng tuluyan ka ng hiranging literal na Jukebox Queen of OPM.

Ang lagay ba, ako lang ang na-trauma? lol

h1

Favorite MadTv Segment – 3 Minute Meals

Disyembre 18, 2009