Archive for Enero, 2010

h1

Too Much Information

Enero 25, 2010

May mga bagay sa pang-araw-araw ang madalas pilit pinapaalala sa atin ng mga tao, tipong too much information, gaya ng mga sumusunod:

– pagyoyosi, na masama ito sa katawan, na madadali ang buhay mo kapag nagyosi ka

– na bago ang dining set ni Adelaida

– na nag-asawa na ang pinsan mong kakauwi lang galing sa Saudi

– na ang mapapangasawa ng pinsan mo ay 16 years old pa lang (malandi!)

– na ang presyo ng asukal ay tumataas

– na hindi nag-aral ang karamihan sa mga kamag-anak na tatay ko

– na tutulungan ng mga politiko ang mga naghihirap (sa paanong paraang, hindi ko alam)

– na magkakalibre tayong bahay kapag si Villar ang naging presidente

– na piloto si Gibo at dati siyang defense secretary

– na nakulong si Erap (at nagkamali ang taong bayan at ang korte) at nag-sorry ang isang kardinal at si Cory

– na sarling pera ni Mayor Lim ang ginamit sa pagpapagawa ng rebulto ng nabanggit kong huling nag-sorry

– na asawa ni Mar Roxas si Korina

– na gustong i-save ni Kris ang kaniyang marriage

– na hindi mangungurakot si Noynoy kahit hindi naman natin tinanong o in-insinuate na mangungurakot siya

Pero wala na sigurong tatalo pa sa kategorya ng too much information sa nakunan kong picture na ito sa isang urinal sa isang public common rest room.


Advertisements
h1

Present to Future

Enero 23, 2010

***

Para sa lahat na nagrereklamo na mahaba akong mag-blog.  Ayan, wala talagang text; images lang talaga.

h1

Mistaken Identity

Enero 23, 2010

Sa mga naghihintay pa rin na mag-Ingles ako sa blog na ito, never gonna happen.

***

Kamakailan ay na-interview sa TV ang maskuladong si Aljur Abrenica.  Masaya niyang ipaniwalanag na may kung dalawang oras ding nilalagay ang kanyang prostetics kapag naka-pangit-mode siya sa telefantasyang The Last Prince.

Madadali sana ang buhay ng costume department ng The Last Prince kung Kapuso lang si Lucky Manzano.

h1

Mga Ma-Feelings sa Pagkanta – Tulendoy of the Week

Enero 23, 2010

Ang Tulendoy of the Week ay iginagawad bilang parangal sa isang tao/grupo/pangyayari na nakapagpamalas ng katangi-tanging “katulenduyan” sa linggong ito.

***

Bilang parangal sa pagkarami-raming ma-feelings kung kumanta ng kung anu mang kanta, lalo na sa videoke; sa pagkakaroon ng ambisyong maging isang sikat na mang-aawit kahit isa ka lang so-so singer; sa pangangarap na “someday”, sisikat ka rin, kung bakit hindi mo pa alam.

Ang akin lang, wala namang masama sa pagkanta, ang magsisisigaw at karirin ang videoke.  May hinala nga ako na naimbento ang videoke para mapagbigyan ang mga hindi marunong kumanta at nais lang pagbigyan ang kung anu mang trip nila sa buhay. Pero, may mga ilan, gaya ng kapitbahay namin (hindi ko na lang babanggitin na ang tinutukoy ko ay ang Yanez Family) at ilang friend of a friend (hindi ko na lang babanggitin ang pangalan…yeah, hindi ko talaga babanggitin this time), na taas noong bumibirit ng kung anung mga kanta. Walang masama sa pagkanta.  Pumapangit lang ang pagkanta kapag:

– tatlong araw kayong nagvi-videoke para sa isang araw na okasyon. (Imagine kung hindi lang siguro inappropriate ang pagvi-videoke kapag Holy Week, mga dalawang linggo rin siguro silang mag-iingay, I mean, kakanta.)

– wala ka naman sa amatuer singing contest pero may tingin kang, “I’m better than you.”

feeling mo may malaking audience na nagkakandarapa na pakinggan ka.

tone-deaf ka na hindi mo pa alam.

Ayos lang ang mag-feelings, basta marunong ka talaga.  For the record, hindi ako marunong kumanta.  Ganun lang kasimple.  Hindi pa ako ma-feelings.  Maayos ang buhay.

Bilang napiling Tulendoy of the Week, binibigyan kayo ng DVD ng Inday ang the Golden Bibe, starring Maricel Soriano as Inday and Aiza Seguerra as The Golden Bibe, at ang paborito kong audition clip sa American Idol Season 9 so far. Wala lang, parang cool lang na mga premyo.


h1

Race to Racism

Enero 21, 2010

Nakatuwaan ng kapatid kong si Clyde (hindi ‘yung tabain; si Dyisas Dyunyor ‘yun) na mag-post sa Facebook ng dalawang printscreen image galing sa Google main page (habang nagta-type ng kung ano). At ito ang kanyang mga nalaman (pansinin ang yabang ng mga image, Google UK talaga.

Mawalang-galang na, hindi lang ang mga Filipino ang “hilarious”.lol

***

Note to Clyde:  Kapatid, wala akong mahanap patungkol sa mga “UKnians”.lol  Seriously, I tried British, English.  Ano bang tawag sa mga tao diyan? O hindi lang ba talaga sila “hilarious”?

UK
h1

Ang Kare-Kare

Enero 17, 2010

Kabi-kabila ang mga okasyong pinupuntahan ng aking pamosong Nanay.  At sa isang okasyon, kahapon, naipagkalulo niya akong maging bahagi ng isang 50th birthday party ng asawa ng bestfriend niya (meaning, hindi ko na kilala at hindi ko na pag-aaksahan ng panahon kung hindi lang ako mataimtim na pinakiusapan.)

Bago pa kayo mag-isip ng kung anu ang ginawa ko sa party, hindi ako nag-magic o nag-clown.  Pinagawan ako ni Mama ng isang multi-media presentation at mga maliliit na detalye ng party na sa kasamaang-palad ay hindi alam ayusin ng may okasyon.  Pero hindi ito tungkol dun.

Tuloy ang kwento.  Kalagitnaan ng okasyon nang may dumating na ate na posturang-postura na itago natin sa pangalang Angie (dahil hindi ko talaga alam ang pangalan).  Sa pagdating ni Angie, nilapitan ako ni Tita G, isa sa miyembro ng Desperate Housewives (meaning, ang barkada ni Mama).  Si Tita G ay ‘yung tipong napagkakamalang dating nag-Japan o kung masugid kang manonoood ng Desperate Housewives, siya si Edie Britt (Nicolette Sheridan), ‘yung laging may landi-factor sa lahat ng kilos.

Tita G:  Mas maganda ako sa kanya, ‘di ba, Yan? (tinutukoy si Angie)

Rai:  Ay, oo naman! (At hindi ako nagsisinungaling ng mga oras na iyon.)

Tita G:  Magandang maganda! (sabay pumunta sa may videoke at kumanta ng “Hero” ni Mariah Carey.)

Nagpatuloy ang party at ginawang tubig ni Mama at ng kanyang barkada ang red wine sa may bar (na sa ‘di ko malamang dahilan, hindi nauubos, promise.)

Mayamaya pa ay pinilit na kumanta si Angie.  Noong una ay nahihiya pa ito at animo’y sinasabing, “Naku, ‘wag na po, hindi po ako marunong kumanta” pero sa kalaunan ay kinuha din ang mic at kumanta (at nag-inarte pa sa volume at tempo at may bitbit na papel na may nakasulat na numbers ng mga kakantahin).

Kumanta si Angie.  Patay si Tita G, biretera pala itong si Angie.  Kumanta si Angie ng isang Regine song, at sauladong-saulado niya ito at tinaas pa ang version.

Lumapit si Tita G sa akin.

Tita G:  Sigurado ako, GRO ‘yan.  Tingnan mo naman manamit.  Ang baduy!  Ang cheap!

Rai:  (Tawa lang ng tawa)

Tita G:  Maputi lang siya sa akin, pero mas maganda ako sa kanya!

(At nagpatuloy ang pag-inom ng Desperate Housewives at walang-habas na pinagtsismisan ang bumibirit na si Angie.)

Hindi pa tumigil sa Angie sa pagkanta.  Sumunod na kinanta niya ay Ikaw (na sa videoke ay Ikaw Ang Bigay Ng Maykapal ang titleWeird).  Habang kumakanta sa tabi ng buffet table, may kung sinong lalaki (na kasama marahil ni Angie) ang walang-habas na kinukunan siya ng picture. Tuloy ang pagkanta ni Angie at pangiti-ngiti pa sa camera.

Lumapit muli si Tita G sa akin.

Tita G:  Yan, talo lang ako sa boses, pero hindi sa ganda!

Rai:  Ay, oo naman!

Tita G:  Patigilin niyo ‘yan sa pagkanta kung hindi magwo-walkout ako!  Naku, aalis talaga ako!

Rai:  Tita, ‘wag ka ng mag-walkout. Tandaan mo, kahit gaano ka pa kaganda at kagaling kumanta, hindi rin makikita ’yun lalo na kung katabi mo sa picture ay kare-kare.

(Namatay lang sa kakatawa si Tita G at animo’y nakuntento sa idea na nakakahiya nga namang bihis na bihis kang kumakanta pero ang sa background mo ay kare-kare, ulo ng lechon, at kung anu-ano pang putahe.)

Matapos kumanta sa pangatlong pagkakataon (matapos kumanta ng sauladong-sauladong Listen ni Beyonce), natigil ang pagkanta ni Angie, siya namang pagtanggal ng kare-kare sa buffet table, kung bakit nagsabay ay nagkataon lang o nagkataon nga lang ba?

***

Balak i-upload ni Tita G ang picture ni Angie (na may kare-kare background) at lagyan ng title na, “Mas maganda ako sa iyo.”  Hindi ko lang alam kung tinuloy niya ang balak niya.

And yes, Tita G, mas maganda ka talaga ka sa kanya.

h1

Vatican versus Avatar – Tulendoy of the Week

Enero 16, 2010

Ang Tulendoy of the Week ay iginagawad bilang parangal sa isang tao/grupo/pangyayari na nakapagpamalas ng katangi-tanging “katulenduyan” sa linggong ito.

***

Bilang parangal katangi-tanging pagpuna sa pelikulang Avatar; para sa pagsasabi na mababaw ang istyorya nito; na “nilaro ng “Avatar” ang isip ng mga tao na ang pagsamba sa kalikasan ay maaaring palitan ang relihiyon ng isang tao lalo pa’t ginamitan ito ng special effects”.

Ang akin lang, para sa isang ginagalang na bahagi/halagi ng isang relihiyon, nakakahiyang isipin na pati ang mga maliliit na bagay (gaya ng kung anu ang nagiging epekto ng panonood ng isang pelikulang kumita ng sandamakmak) ay pinakekelaman.  Para sa isang halagi ng simbahang mas madaming problema kaysa sa atupagin ang paglibak sa isang pelikula, nakakalungkot isipin na kulang na lang sabihan na bobo ang mga manonood ng Avatar, dahil sa takot na malamang ay madala ang mga manonood nito at subukang maghanap ng malaking ibong pwedeng sakyan, isang puting punong pwedeng sambahin, at kung ano ang gagawin parang maging kulay-blue ang balat.  Pelikula lang ang Avatar; hindi kami ganun kamangmang.  Hinihintay ko ang pagkakataong magkaroon din ang Vatican ng kahalintulad na tugon sa isang pelikula, lalo na sa mga pelikulang gaya ng Twilight, Underworld, The Vampire’s Assistant, sampu ng mga pelikulang tuwirang nagpapakita na totoo ang mga bampira at hindi sila takot kay “God”.

Bilang napiling Tulendoy of the Week, binibigyan ko kayo ng napakalamig at napakasarap na iced tea galing sa Rumpa (isang kilalang restaurant sa Angeles City) at ng mag-lighten-up naman kayo at yakapin ang idea na masarap ang walang pinoproblema sa buhay.  Kasama din sa inyong premyo ang isang complete crossstitch set ni Dyisas, at ng may mapaglibangan kayo ng tuluyan.

***

Para sa iyo ang blog entry na ito, Geri.

Number 1 ba sa kung anu mang listahan ang Avatar?