Archive for Marso 15th, 2010

h1

Lahat na lang lately nagso-sorry (ang kwento sa likod ng Lupang Hinirang)

Marso 15, 2010

Nag-sorry si Ruffa; nag-sorry si Kris; kung bakit sila nag-sorry-han, hindi naman talaga natin maintindihan ng maayos, pero natutuwa pa rin tayong pagtsismisan ito.  Sa araw na ito, “sorry” pa rin ang balita sa TV.  Pinagso-sorry naman ngayon si Arnel Pineda (ang Filipinong lead vocalist ng bandang The Journey [kung sino man talaga sila, malay ba natin).

Ayon sa National Historical Institute (NHI), hindi raw magandang halimbawa ang ginawang pagkanta ni Pineda sa Lupang Hinirang na maaring magbunsod para gayahin ito ng mga bata.

Gaya ng madalas mangyari tuwing may laban si Pacquiao, ang NHI ay binigyan na naman ng tuon at diin ang tamang pagkanta ng Pambansang Awit, na naaayon daw sa mandato ng kanilang opisinang pangalagaan ang anu mang may kinalaman sa pagpapanatili ng tamang pagkanta at pagrespeto sa nasabing kanta at kung anu-ano pang related topics.  Sa mga pagkakataon daw na may ganitong tuwirang paglabag sa pagkanta ng Pambansang Awit, maari daw sampahan ng kaso ang kumanta nito.

Ayon naman sa Acting Secretary ng DOJ na si Mr. Alberto Saga, ang lumilitaw na problema sa mga ganitong pagkakataon ay paano raw sasampahan ng kaso ang isang taong “mali” ang pagkanta ng Pambansang Awit kung nasa ibang bansa siya ng awitin ang nasabing kanta.

Ang solusyon ng NHI dito ay mag-sorry na lang daw si Pineda at mangakong hindi na uulitin ang nagawang ‘di umano’y pagkakamali sa pag-awit ng Pambansang Awit.

Ang akin lang (at mawalang-galang na po sa NHI), para sa isang opisinang kung oobserbahan ay kumukuda lang kapag may laban si Pacquiao at ‘di umano’y may mali na namang pag-awit sa Lupang Hinirang, hindi ba’t nararapat lang na ibaling naman ang atensyon sa mga ibang bagay?  O ‘di kaya ay ganap na solusyunan ito, gaya na lang ng pagsunog ng buhay sa sino mang magkakamali sa pag-awit ng Lupang Hinirang?

Kung ang ibig sabihin ninyo (NHI) sa inyong mission statement na “…promotion of Philippine history and cultural heritage through research, dissemination, conservation…” ay ang pagpuna lamang kung tama ba o mali ang pagkanta ng Lupang Hinirang sa mga laban ni Pacquiao, aba, eh kahit sino pong music teacher sa elementarya at hayskul ay kaya ng gawin ang trabaho niyo.

Maaring tama kayo sa inyong pagpuna sa maling pagkanta ng Lupang Hinirang; ang mali lang ay lumilitaw na ang mag-reklamo lang ang kaya niyong gawin imbes na solusyunan ang hinayupak na problema sa tamang pagkanta ng Lupang Hinirang.

Marahil may mali din ang media, dahil sa tuwing mga ganyang pagkakataon lang kayo nababalita (kung may iba mang bagay kayong ginagawa para matupad ang mission statement ng opisina).

Hangga’t hindi niyo kayang piliting mag-sorry ang lahat ng elementary students na mali (at hindi alam) ang tamang pagkanta ng Lupang Hinirang (sampu ng mga gurong mali din naman ang itinurong pagkanta sa mga mag-aaral nila paminsan-minsan); hangga’t may nakikita akong mga punit na watawat ng bansa na nakataas sa mga flag pole; hangga’t lumilitaw na “cool” na gawing design ng T-shirt ang anumang may kinalaman sa mga simbolo ng watawat ng Pilipinas; hangga’t parang bata kayong gaya ni Kris at Ruffa na naghihingian ng sorry para lang matapos na ang diskusyon; at hangga’t hindi kayo ang kakanta sa susunod na laban ni Pacquiao para naman iparinig kung anu talaga ang nginunguyngoy niyo, isaksak niyo na lang sa baga niyo ang Lupang Hinirang, dahil mas masarap pang kumanta ng “Oh, say! can you see…” (The Star Spangled Banner) kasama ang tatlong blondinang naka-pekpek-shorts (na hindi naman pinagso-sorry ng kung sino).  Sorry!!!

***

Kung kinailangan man mag-sorry noon Jennifer Bautista sa kaniyang pagkanta ng Lupang Hinirang, hindi dahil mali ang pagkanta niya na dinidikta ng NHI, ‘yan ay masyado lang siyang nag-feelings at nag-ambisyon.*

Advertisements