Archive for Marso 19th, 2010

h1

Kailan nababanggit ang “Lumuwas tayo ng Maynila”?

Marso 19, 2010

Sa pelikula man o sa telebisyon, patok pa ring hirit na linya ang konteksto ng “pagluwas sa Maynila” na animo’y solusyon ito sa lahat ng bagay/sitwasyon/problema sa mga pagkakataong wala nang magawa ang isang tauhan kung hindi suungin ang buhay sa “Maynila” at iwan ang buhay “provincian” (probinsyano).

Nababanggit kadalasan ang linyang “Lumuwas tayo ng Maynila” kapag:

1.  May hinahanap na nawawalang kaanak (nanay, tatay, mayamang tito/tita, inabandunang anak, kapatid, lolo, lola), na animo’y lahat ng nawawalang tao ay nahahanap sa “Maynila”.

2. May nabuntis na dalagita at, sa ‘di malamang dahilan, ay gustong itago ang pagbubuntis at ayaw ipaalam sa nakabuntis sa kanya.

3. Hinahanap ang nabuntis na kasintahan na nauna ng lumuwas ng “Maynila”.

4. Inalipusta ito ng mga kabaryo at nais kalimutan ang mga sakit at pighati ng buhay.

5.  Ang isang tauhan ay Itinuturing na “salot” sa baryo, again, sa ‘di malamang dahilan, at itinaboy ito ng tuluyan.

6.  Kailangang may puntahang kung anung seminar, training, at mga pagpupulong.

7. Napagtripan ng isang tauhan na “nasa Maynila ang swerte” nito at gustong magbagong-buhay.

8.  Gusto ng isang tauhan na ma-make-over, i.e. gumanda at sumeksi, na para bang sa “Maynila” lang uso ang rebond at makeup.

9. May nagrerebeldeng anak na nais patuyan sa magulang na “there’s gotta be more to life” at umaasang sa “Maynila” makikita ang kinang ng tagumpay na hinahanap: ang maging isang malanding kabit ng matandang milyonaryo.

10.  Mamasukan ang isang tauhan bilang katulong.

Ang akin lang, kung totoo man ito o hindi, kung naabot man ang mga pangarap at mithiin sa buhay sa simpleng “pagluwas sa Maynila”, marahil ang maituturing kong “pagluwas sa Maynila” ay ang “pagbalik at pananatili ko sa Pampanga.”

May kung tatlong taong ko ring naranasan ang buhay sa “Maynila” noong mapagtripan kong doon magtrabaho.  Hindi ko naman ito pinagsisihan; hindi ko naman ito kinakahiya.  Sa katunayan, may nagpaalala sa akin kamakailan kung paano nakaka-miss ang pagpa-power-nap sa bus sa Ayala pauwi ng Boni at ang mga unang sulyap sa Mall of Asia noong kabubukas pa lang nito at maranasang ang simpleng paglalakad sa nasabing mall ay workout ng maituturing.  Ang akin lang, anong masama sa pagiging probinsyano?  Anong masama kung ayaw mong “lumuwas ng Maynila” para sa mga pangarap na nais maabot?  Ikaw, ako, kahit sino, kahit saan, nasa diskarte lang ‘yan.  Bow.

Ito ay para sa lahat ng “Provincian” at “Maynilain” na patuloy na nangangarap at nagpupunyagi sa buhay.*

Advertisements