Archive for Hunyo, 2010

h1

Talambuhay 102 –Father’s Day Ispeysyal

Hunyo 22, 2010

Ang nakaraan…

Matatapos ang araw sa kwento ng ’di umano’y nagmumultong babae sa opisina, na sa katagalan ay pinangalanan ng Susan, sa ’di matukoy na kadahilanan.  May mga maniniwala, may mga mag-iisip na ito’y malaking kagaguhan, at may isang mag-iisip na nakakatawa pala ang multo kung pangalan nito ay Susan. (mula Talambuhay 101)

***

Sa pagpapatuloy…

Biyernes (yata)

May kung ilaw na rin niyang iniisip kung anong araw na ba kahapon, kung Huwebes na ba o Miyerkules pa lang.  Kinailangan pa niyang tingnan ang kanyang cellphone, tingnan ang calendar at malamang Huwebes nga naman kahapon.  Sa kabila ng pagbabasa araw-araw ng dyaryo, sa pagtingin sa balitang ang tanging isinisigaw ay presidente na ang ‘di kaaya-ayang si Noynoy, ni minsan ay hindi niya naisipang tingnan ang araw, kung Huwebes na nga kahapon o Miyerkules pa lang.

Sa kanyang maituturing na pagluwas papunta sa trabaho, sa pag-aabang ng dyip na sa kanyang pagnanasa ay hindi puno nang mabigyan pa ng pagkakataong makahinga at mahanginan ng maayos, naroon na naman sa tabi ng waiting shed ang isang matandang lalaking tindero ng kung anu-ano, na sa kanyang pag-iisip ay pinangalanan niyang “Lolo Kendi” (dala marahil ng araw-araw niyang pagbili ng kendi sa nasabing lolo, bunsod ng pagkahilig sa coffee kendi o kung hindi man ay marahil dahil sa awa sa matandang kailangan pang maghanap-buhay sa kanyang edad na kung tutuusin ay dapat sinasariwa na lang ang kanyang kabataan.)

Linggo

Dumaan ang Sabado na ang tanging naging alaala ay nasunog ng kanyang tumatabang kapatid ang nilulutong kaldereta.  Sa pagpasok ng araw, sa paglabas niya sa kanyang kwarto, salubong ng kanyang Nanay ang paalalang batiin ang Happy Father’s Day ang kanyang Tatay. Ganun din ang paalala sa nabanggit na kapatid.

Dumating ang tanghalian, naroon pa rin ang paalala ng Nanay.  Ang magkapatid ay patuloy pa rin sa pagrereklamo sa init ng panahon at sabay na pilit nililimot ang paalala ng Nanay na batiin ang amang nakalimutan yatang umuwi upang mananghalian.

Alas dos ng hapon, wala pa ring nagbago sa panahon; ang nagbago lang ay ang mukhang animo’y nakasimangot na amang kung ‘di man gutom ay masama yata ang loob dahil hindi pa binati ng sutil na magkapatid.

Matatapos ang araw na lilisan ang kapatid pabalik ng Maynila, hindi para hanapin ang pangarap, kung hindi para ipagpatuloy ang pag-aaral.  Maiiwan ang anak at ang Nanay at ang nagmamaktol na Tatay.  Sisikapin ng Nanay, sa kanyang mga mumunting at nakakatawang kwento, na ipasok sa usapan ang maghapon nang iniiwasang Father’s Day.  Naglitanya ang Nanay, na kung paanong hindi naman kailangang bumili ng regalo para sa Ama, na ang simpleng pagbati ay sapat na para iparamdam ang pagmamahal ng anak sa kanyang ama.

At sa wakas, nagsalita ang Anak, ang anak na maghapong iniwasang ipaliwanag ang kanyang sarili, kabilang na ang kanyang kapatid na nakaiwas sa mga ganung pag-uusap at paliwanagan.

Ito ang paliwanag ng Anak:

“Three weeks ago, sinabi mo greet ko siya ng Father’s day, dahil sabi moFather’s Day ngayon, greet niyo naman Tatay niyo.’  Ginawa ko naman.  At ngayon Father’s Day na naman?  Ano ‘yan regla?! Pambihira…”

***

Para sa lahat ng anak na nagkukunwaring galit sa magulang kahit na kung tutuusin ay wala lang talaga sila pakialam; para sa lahat ng responsableng magulang na hindi na kailangang batiin ng kung araw ng kung sinong santo o kabayo.

Advertisements
h1

Ang kwento ng lalaking nag-“comment”

Hunyo 22, 2010

Ang susunod na kwento ay hango sa tunay na pangyayari. Sadyang binago ang mga pangalan ng mga tauhan para hindi naman ako mademanda.

***

Kasagsagan ng kampanya para sa national elections.  Kanya-kanyang gapangan para makalikom ng sapat na botong maaring makapagpanalo sa kani-kanilang manok (kandidato, hindi ‘yung piniprito).  At sa kabila ng malakas na pundasyon ng mga partido, may mga ilan ang tipong nag-ha-house-to-house upang manuyo ng mga botante at tuluyang palipatin ang isang tao sa kanilang partido.

Isa si Mayor Regalado ng Matang Bato City ang inalok na lumipat sa kabilang partido. Nagpadala pa ang Partido Ek-Ek ng isang emisaryo (na pangalanan nating Arman) na maaring kumimbinse sa kay Regalado na suportahan ang manok ng partido.

Arman:  Magiging magandang move kung lilipat ka na ng partido.

Regalado:  Gusto ko mang gawin ’yan, hindi ko na magagawa.

Arman:  Maiintidihan naman ng mga leaders mo kung lilipat ka. Kung tutuusin, ikaw na lang ang hinihintay nila.

Regalado:  Hindi nga pwede.

Arman:  Eh bakit naman?

Regalado:  Kasi naka-comment na ako.

Arman:  Naka-comment?

Regalado:  Oo. Naka-comment na ako sa kabilang partido.

Arman:  Eh ‘yun naman pala eh, at least, kung may nasabi ka ng masama tungkol sa kanila, hindi na sila magtataka kung lilipat ka sa amin.

Regalado:  Tanga ka ba? Binigay ko na boto ko sa kanila.  Naka-comment na ako. Ano bang hindi mo maintindihan dun?

Arman:  Ah, commit! Okay. Bye.  Have a hearty meal po.

***

Salamat sa pelikulang Kumander Bawang, ‘di na tuloy kailangang manghula ng pangalan at lugar.

h1

You may kiss the cook

Hunyo 22, 2010

May mga pagkakataon (lalo na kapag wala kang magawa) na may mga ilang bagay na hindi naman dapat problemahin ay pinoproblema mo, gaya na lang nung magsulat ako patungkol sa mga salik ng pagtawid sa daan na may karay-karay na bata na naka-stroller.

Narito ang bagong problema ko sa buhay:

Sa mga kasal, kapag tipong patapos na ito at sasabihin na ng judge/pari na “you may kiss the bride”, hindi ko maiwasang problemahin kung:

A.  sino ang kausap ng judge/pari, ang groom ba o ang bride o pareho?

Dahil kung ang groom ang kausap ng judge/pari, tama ang “you may kiss the bride”, at ang pinapahalik talaga ay ang bride.

Dahil kung ang bride ang kausap ng judge/pari, mali ang “you may kiss the bride”, dahil imposibleng humalik sa sarili at/o nangangahulugan itong alam ng judge/pari na lesbiana ang bride o gaya ng madalas sabihin ngayon, mahilig mag-experiment dahil uso.

Dahil kung pareho silang kausap ng judge/pari, nangangahuluhang ipinagtutulakan talaga ang bride na maging lesbiana at humatak ng pinakamalapit na babaeng pwedeng halikan.

B.  bakit dapat ″kiss”?

Dahil ang pakakahulugan nito ay upang i-″seal” ang pag-iibigan. Hindi ba’t isa itong pagkakahon sa konsepto ng pagmamahal? Paano kung ang paraan ng dalawang nag-iibigan sa pag-″seal” sa kanilang kasal ay ang pagluluto ng sinigang, masama bang ang huling linya ng judge/pari sa kasal ay, “you may now cook the sinigang”, anong masama dun?  Masagwa nga lang pakinggan, pero anong masama dun?

h1

Cam Holy Spirit, I Need You. (Part 2)

Hunyo 16, 2010

Kailan ka pa umorder ng kangkong with bagoong sa Chowking na hindi tangkay lagi ang binibigay, instead of ‘yung talagang dahon? Well, first time ko.lol

***

Isang anunsyo sa isang poster katabi ang isang sketch ng babaeng mapagkakamalan mong character sa The Simpsons. At hindi ba ang definition ng kipnapper ay taong nagpapatulog ng bata, meaning yaya?  Anong masama dun?

Dear ”kidnapper who kidnap this kid”,

Magkano po ang monthly rate ninyo? Pinapatanong po ng Nanay ko.

Nagmamahal,

Echusero.

***

Para sa mga pailan-ilang pinipiling mag-asawa at magkaanak ng maaga, wala namang bastusan.  Sa tingin ko, magiging mandatory sa batang ‘yan ang magsayaw ng Single Ladies tuwing school programs. Tsk tsk.  At sabi ng kaibigan kong si Enchong, ang tamang spelling daw dapat ay Beyoncé.

Co’z if you liked it then you should have put an “é” on it!

h1

Cam Holy Spirit, I Need You. (Part 1)

Hunyo 11, 2010

ivgnon 71 @ yaho

a . com

Tapos nagtataka ang nanay ko kung bakit ako nagagalit sa ideya na:

Step 1.  I-scan ang isang resibo ng kung anong transaksyon (ng kapitbahay)

Step 2.  I-e-mail ang scanned receipt sa anak ng kapitbahay namin na nasa kung anong bansa sa Middle East.

Step 3.  Gamitin ang ‘di umanong “accurate” na e-mail address ng anak ng kapitbahay namin.

***

Kapag ganyan ang mga tiles mo sa scrabble, ang possibleng scenario lang ay ang mga sumusunod:

a.  Ang mga kalaro mo ay mga pre-school teachers at nais kang turuan ng “basic education.”

b.  Inakala mong ang spelling ng tunog ng dijiridoo ay “aaieeoo”.

***

Ang iPad ay isang magandang halimbawa ng:

a.  tuwirang pagsasayang ng pera.

b.  isang gadget na bibilang kung ilan ang taong mapagkakamalan itong malaking iPhone.

c.  isang gadget ng bibilang kung ilan ang taong mapagkakamalan itong binaklas na screen ng laptop.

***

Hindi ako alam kung anong ibig ipahiwatig ng management ng isang restaurant kung saan kami nag-dinner kamakalawa.  Isang lang naisip ko: Imodium.

h1

Talambuhay 101

Hunyo 8, 2010

Mag-uumpisa ang araw ng isang Anak sa musika ng galit ng isang sumisigaw na Adelaida, isang Nanay na pilit ginigising ang Anak na noong mga panahon na iyon ay kahit na alas-otso na ng umaga ay nanaginip pa ng gaya ng madalas mangyari ay hindi niya matandaan dala marahil ng isang magulong kaisipan o natural lang na katangahan.

Sa paglalayong matigil ang noo’y animo’y sasabog sa galit na si Adelaida, bumangon ang Anak, binuksan ang pinto, at hinarap ang kung anu mang sermon na sigurado siya ay hindi niya kasalanan at siguradong ipagkikibit-balik lang habang nagkakape at nagyoyosi, isang mainam na almusal sa umaga.

Tatanungin ng Anak si Adelaida, kung napano ito, kung bakit ito galit, at kung ang dahilan ba ng kanyang galit ay ang kanyang pagyoyosi.  At gaya ng madalas mangyari, ang reklamo ng Nanay ay patungkol na naman sa kanyang asawa.  Kung maari lang magmarka ang katagang, “Sana pinakasalan ko na lang ‘yung manliligaw kong ‘Kano [Amerikano]” ay nagmarka na ito sa buong bahay.  Matatawa ang Anak at sasabihan ang Nanay na tumigil sa pagkukunwaring mahirap at nagdurusa sa buhay.  Matatawa ang Nanay na animo’y sinasabing, ”Biro lang, Anak.”

Sa pagdating sa opisina ay may dadatnang kliyenteng hindi inaasahan makikita noong araw na iyon, at imbes na asikasuhin ang nabanggit na kliyente at mahiya dahil halos tanghalian na nang pumasok ay ibubuntong na lang ang sisi sa init at maglilitanya ng mga dahilan kung bakit siya naliligo ng pawis.

Daraan ang araw ng matiwasay at maghapong tatanggi sa mga iniaalok na merienda ng mga kaopisina.  Isa siya sa mga taong hindi nakahiligan ang kumain bilang libangan sa buhay, maliban na lang kung ito ay kanin na may kasamang nilutong ulam ng kanyang Nanay.

Ilang platito ng mani, ilang istik ng bananaque, mga prutas at kung anu-ano pa, susuko din ito sa tukso ng pag-aalok ng mga kaopisina at bubunot ng isang donut sa isang kahon.  Aasa ito na ang mabubunot ay bavarian dahil kung hindi, nangangahuluhang may pusa na namang tataba sa ipapakain nitong donut na puno ng sinabawang pinya sa loob.

Matatapos ang araw sa kwento ng ’di umano’y nagmumultong babae sa opisina, na sa katagalan ay pinangalanan ng Susan, sa ’di matukoy na kadahilanan.  May mga maniniwala, may mga mag-iisip na ito’y malaking kagaguhan, at may isang mag-iisip na nakakatawa pala ang multo kung pangalan nito ay Susan.*

***

Para sa iyo ito; para sa iyo na kasalukuyang sinusubok ng panahon, pag-asa, at pagkakataon; para sa iyong hindi nagbago at ngiti ang laging sukli.  Ilusyon man ang pagngiti, pasasaan ba’t gagaan din ang lahat.

h1

Hello, WordPress. It’s me Dyisas.

Hunyo 7, 2010

Sa loob ng ilang buwan, hindi maikakaila na ″nawala ako sa ere”. Narito ang ilan sa mga possibleng sagot kung bakit:

– Pagiging abala ko sa mga bagong trabaho:

a.  Naging abala ako sa pagiging empleyado sa paggawa ng mga nakakatuwang Jamby Madrigal bracelets.  Nasesante nga lang ako nang mahuli akong gumagawa ng isang bracelet na imbes na 16 beads lang, ay ginawa kong 24, for obvious reason na mataba ang kaibigan kong hindi ko na lang papangalanan (Anne).

b.  Kinuha akong “yosi buddy” ni Noynoy; isang nakakatuwang trabahong ang job decription lang ay sundan ang napakatikas na si Noynoy at samahan siyang tuwing magyosi, meaning, every five minutes. Hindi ko lang natiis at nag-resign ako dahil lagi namin kasama si Kris na walang-tigil sa kakabilang kung ilang oras na lang siyang makikita sa TV at kung paano umiikot ang buhay ng bawat Pilipino sa buhay niya.

– Pagkumbinsi si Tatay ko na hindi siya marunong ng mental telepathy; na nagkataon lang na tumawag ang isang kaanak ng maisip niyang, “Naku, baka tatawag ’yung pinsan mo niyan.”

Ikakasal siya, ’Tay, tatawag at tatawag talaga ’yun para ibalitang ikakasal siya sa isang babaeng naka-one-night-stand niya matapos ang isang mahaba-habang inuman.

– Pagpapakila kay Adelaida sa sining ng paglalagay ng rollers, isang magandang alternatibo sa pag-aayos ng buhok sa mga maituturing ng lola; na hindi niya bagay ang magpa-rebond at (bukod sa lahat) hindi ko kaya ang mga magiging reklamo niya kung magpapa-rebond man ito dahil matagal ang proseso ng pagtutuwid (at pagpatay) ng buhok at mga sakaling pagtatanong kung bakit matagal.

– Pagsusulat ng formal written complaint sa homeowners association na hindi maituturing na pagsisiga ang pagsusunog ng lumang goma ng kotse.

– Pagsusulat ng isa pang formal written complaint sa homeowners association patungkol naman sa tuwirang paghingi ng ibig sabihin ng “loud music” at “videoke night”, na sa kasamaang-palad ay hindi maintidihan ng aming iilang kapitbahay.

– Paghahanap at pagdadabog sa ’di mahanap ng aftershave, eh hindi naman pala ako nag-shaveGoodluck naman.  FYI, nahanap ko na.

– Pag-iisip ng mga nararapat na pwedeng sabihin kapag may kasabay ka sa jeep na walang-habas na nagpapasuso ng kanyang supling at kung may mga karampatang parusa ba ang breastfeeding in public.

– Paghahanda at pagbibigay ng leaflets sa mga kapitbahay sa mga kailangang gawin kung matutupad man ang pangarap (sa kasalukuyan) ni Adelaida:  ang maging si Scarlett Johansson at huwag ng mamansin ng kahit sino dahil magandang maganda na daw siya kapag nangyari ‛yun.

– Walang-sawang pakikinig sa pagpapa-practice ng mga bibitawang salita (at kamao) ni Adelaida kung sakaling makaharap niya ang isang kaanak sa nakakatuwang palabas sa TV5 na Face to Face.