h1

Talambuhay 101

Hunyo 8, 2010

Mag-uumpisa ang araw ng isang Anak sa musika ng galit ng isang sumisigaw na Adelaida, isang Nanay na pilit ginigising ang Anak na noong mga panahon na iyon ay kahit na alas-otso na ng umaga ay nanaginip pa ng gaya ng madalas mangyari ay hindi niya matandaan dala marahil ng isang magulong kaisipan o natural lang na katangahan.

Sa paglalayong matigil ang noo’y animo’y sasabog sa galit na si Adelaida, bumangon ang Anak, binuksan ang pinto, at hinarap ang kung anu mang sermon na sigurado siya ay hindi niya kasalanan at siguradong ipagkikibit-balik lang habang nagkakape at nagyoyosi, isang mainam na almusal sa umaga.

Tatanungin ng Anak si Adelaida, kung napano ito, kung bakit ito galit, at kung ang dahilan ba ng kanyang galit ay ang kanyang pagyoyosi.  At gaya ng madalas mangyari, ang reklamo ng Nanay ay patungkol na naman sa kanyang asawa.  Kung maari lang magmarka ang katagang, “Sana pinakasalan ko na lang ‘yung manliligaw kong ‘Kano [Amerikano]” ay nagmarka na ito sa buong bahay.  Matatawa ang Anak at sasabihan ang Nanay na tumigil sa pagkukunwaring mahirap at nagdurusa sa buhay.  Matatawa ang Nanay na animo’y sinasabing, ”Biro lang, Anak.”

Sa pagdating sa opisina ay may dadatnang kliyenteng hindi inaasahan makikita noong araw na iyon, at imbes na asikasuhin ang nabanggit na kliyente at mahiya dahil halos tanghalian na nang pumasok ay ibubuntong na lang ang sisi sa init at maglilitanya ng mga dahilan kung bakit siya naliligo ng pawis.

Daraan ang araw ng matiwasay at maghapong tatanggi sa mga iniaalok na merienda ng mga kaopisina.  Isa siya sa mga taong hindi nakahiligan ang kumain bilang libangan sa buhay, maliban na lang kung ito ay kanin na may kasamang nilutong ulam ng kanyang Nanay.

Ilang platito ng mani, ilang istik ng bananaque, mga prutas at kung anu-ano pa, susuko din ito sa tukso ng pag-aalok ng mga kaopisina at bubunot ng isang donut sa isang kahon.  Aasa ito na ang mabubunot ay bavarian dahil kung hindi, nangangahuluhang may pusa na namang tataba sa ipapakain nitong donut na puno ng sinabawang pinya sa loob.

Matatapos ang araw sa kwento ng ’di umano’y nagmumultong babae sa opisina, na sa katagalan ay pinangalanan ng Susan, sa ’di matukoy na kadahilanan.  May mga maniniwala, may mga mag-iisip na ito’y malaking kagaguhan, at may isang mag-iisip na nakakatawa pala ang multo kung pangalan nito ay Susan.*

***

Para sa iyo ito; para sa iyo na kasalukuyang sinusubok ng panahon, pag-asa, at pagkakataon; para sa iyong hindi nagbago at ngiti ang laging sukli.  Ilusyon man ang pagngiti, pasasaan ba’t gagaan din ang lahat.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: