Archive for Hulyo, 2010

h1

Mga kakaibang hinaing ni Juan Dela Cruz

Hulyo 30, 2010

Walang nakatitiyak kung sino talaga ang hinayupak na si Juan Dela Cruz at kung may karapatan nga ba siyang magreklamo sa animo’y lahat ng bagay patungkol sa Pilipinas.  Ang pagpapakilala kay Juan Dela Cruz ay isang taong nais mapabuti ang buhay ng lahat ng Pilipino at nais ng pagbabago (kung ang tinutukoy niya ay “pagbabago” na isinisigaw ni Noynoy, hindi natin matitiyak).  Pero sa tingin ko, sa makabagong panahon ngayon, tatlo ang uri ng Juan Dela Cruz: isang taong natural lang na mareklamo, isang taong ang laging sagot ay “pakialam ko”, at isang taong natural na echusero, gaya ko.

– – – – – – – – – – – – – – –

Hindi ko alam kung ano ang trip ng isang “Juana” Dela Cruz noong nakaraang araw na nakasakay ako ng dyip pauwi.  Habang hinihintay na pumuno ang dyip, maya’t maya ang paghuhumiyaw ng isang kanta ng Michael Learns To Rock, na sa huli ko na lang nalaman ay message alert tone pala ni Ate.  Alam ko, alam ko, hindi ako dapat nakikialam sa message alert tone ng may message alert tone (kahit na ba ubod-lakas ito at tuwing tutunog ay gusto kong tumawa ng malakas).  Ang pinakanakakailang lang ay nung umpisahan ni Ate na manood ng video sex scandal sa kanyang cellphone, na noong mga panahon na iyon ay katapat ng isang elementary student.  Kung kinailangan talagang sariwain ni Ate ang pinakahuli niyang pakikipagniig (kung siya man ang nasa pinapanood niya), may lugar para sa ganyang sex trip; hindi ang dyip.

***

Pitong piso ang kadalasang pamasahe sa dyip.  At sa ganitong halaga, ipinapahiwatig na wala kang karapatang magreklamo sa mga mumunting isyung nararanasan mo sa dyip; isa na dito ay ang siksikan/punuan sa dyip.  Sanayang maituturing ang magtiis sa ganitong sistema, lalo pa kung ang tanging sasakyan papunta sa subdivision ninyo ay isang prankisa ng dyip na ang huling ruta ay maituturing pang isang baryo at/o hindi pa ganun kasibilisado.

Kaya kung may dala kang isang malaking bilao ng pansit (gaya ng nakasakay ko kanina), at sumakay ka pa rin sa isang punuang dyip, kasalanan mo na lang kung natapon ito dahil masyado kang matipid.  Hindi na ako mabibigla kung minsan ay kambing at mga alagaing-hayop na ang pilit isinasakay sa dyip makatipid lang sa pamasahe.  Ngayon ko naiintidihan ang pagkakaimbento ng mga taxi at tricyle.

***

Lahat ay narinig na ang hinaing ng mga drayber; sa kung paano kagahaman ang mga taga-LTO (o taga-MMDA) at sa kung paanong hingi ng hingi ang mga ito sa kanilang pang-araw-araw na kita.

Hindi ka naman naka-seatbelt, kuya.  Nakapaa ka pang namamasada.  Yosi ka pa ng yosi. Tapos nagtataka ka bakit ka hinuhuli? Astig.

Ang mga may karapatang magreklamo ay…kahit sino pwera sa iyo, kuya.

***

Kamakailan ay naibalita ang plano ng pamunuan ng Bureau of Customs na lagyan ng CCTV camera ang kanilang mga opisina at tanggalin ang mga drawers sa mga desk sa kanilang ang opisina.  Layon daw nito ang tanggalin ang lahat ng under-the-table transactions at lahat ng mga salik na nagbubunsod sa katiwalaan.

Ang akin lang, ang nakaligtaan yata sa gagawing bagong patakaran na ito ay ang puntong hindi naman batang-paslit ang mga tinatanggalan ng drawers.  Hindi drawers ang dapat tinatanggal kung hindi mga abusadong empleyado.

***

Nakikisimpatya ako kay Kris Aquino at kasalukuyang pinagdadaanan nito sa kanyang buhay-may-asawa; kung bakit, hindi ko alam.  Ang alam ko lang, hindi ko kinailangang malaman na noong July 18 siya huling nagregla. Pambihira. *kamot-ulo*

***

Kalimitang malalaki ang acting ng mga taong nakakanood ng balita sa TV, lalo na kung may basic commodity na tataas ang presyo.  Kanina ibinalita ang nagbabadyang pagtaas muli ng presyo ng asukal.  Sinalubong ito ng isang pasigaw na, “Putangina” ng aking ng Tatay.  Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit apektado siya gayong:

a.  Hindi naman siya ang nag-go-grocery.

b.  Bawal na sa kanya ang asukal.

c.  Ang gamit lang ng asukal sa bahay ay para mainom ng maayos ang kape, at ako lang naman ang nagkakape sa bahay.

d.  Hindi naman kami nagpa-panaderia.

e.  Imposibleng matuto ng baking ang pamosong si Adelaida.

– – – – – – – – – – – – – – –

Binibigyan ang lahat ng laya na ihayag ang mga kanilang mga saloobin at gawin ang mga bagay na sa tingin nila ay tama.  Binibigyan din ang lahat ng laya na magreklamo at ipahayag ang mga nais nilang magbago sa lipunan.  At, sa awa ng Diyos (ika nga), binibigyan din naman ng pasensya ang mga taong gaya ko na sa ayaw man nila’t gusto ay pilit naririnig si Juan Dela Cruz sampu ng kanyang mga reklamo.

Advertisements
h1

Cam Holy Spirit, I Need You. (Part 3)

Hulyo 30, 2010

Officemate:  Gusto mo ng crackers, Rai?

Rai:  (Matagal-tagal nag-isip, tipong nahihiyang tumangi) Hmmmm.. sige.

(Kinuha sa isang malaking bag at inaabot ang pagkalaki-laking kahon ng crackers)

Rai:  Wow…Crackers…Kailan ang libing?

***

Habang hinihintay na maayos ang aking maasahang laptop (Edward), napagdiskitahan kong kulitin ang isa sa mga kasama ni Ice (tech guy ni Edward) na noo’y abala sa panonood ng mga babaeng naka-webcam at maya’t-mayang nagpapakita ng mga “maseselang bahagi”.  Isa sa mga chatters ang nagtanong sa kung sino mang Fallen ang chatname ng “ARE SCARE TO BE SEXY..??  FALLEN…”  Kahit Grade 1 alam na may mali sa nasabing linya (at sa pagpapakita ng “maseselang bahagi” sa webcam).

***

Na-layout ng maayos ang paalala itong.  May bagsik din ito at tuwirang tinutukoy kung anu ang ilan sa mga “valuable things”.  Ang nakalimutan lang nilang gawin ay i-proofread ito.

***

It is safe to assume na galit sa mga nagyoyosi ang gumawa ng paalalang ito.  Ayaw ko siyang kaibigan, kung sakali. At malamang, ayaw din niya akong maging kaibigan.

***

Noong minsang magkaroong ng malaki-laki salu-salo sa bahay, may kung ilang araw ding nakatiwangwang ang malaking kalan na ito, na sa tuwing makikita ko ay feeling ko ay anumang oras ay lilipad at/o sasaktan ako gaya nung mga malalaking insekto sa pelikulang Starship Troopers (na FYI, ay isang taeng-taeng pelikula).

***

Sa isang “sikat” na tabloid, ang Idaing mo kay Vanezza ang animo’y makabagong Joe d’ Mango.

Dear Vanezza,

My name is Ellaine, 13 yrs. old.  May nanliligaw po sa akin, 15 yrs. old.  Hindi ko po alam kung sasagutin ko siya.  Ayoko siyang saktan kasi gusto ko rin siya.  Dapat ko po ba siyang sagutin?”

Dear Ellaine,

Malandi ka.

Very truly yours,

Idaing mo sa bangus.

***

Hindi ko alam kung anong ginagawa ng isang lata ng gatas, isang pritong galunggong (or is it galungong?), at isang istik ng pork barbeque sa isang nakasinding electric stove.

“Have a hearty meal”, Manong Guard.

***

Cam Holy Spirit, I Need You. (Part 1)

Cam Holy Spirit, I Need You. (Part 2)

h1

Blue Vs. Green – The Mouthwash Story

Hulyo 28, 2010

Habang naghihintay sa pag-repair sa aking natulendoy na laptop na si Edward sa eskwelahan kung saan minsan ay tinawag din akong “titser”, gaya ng madalas mangyari, may napakinggan na naman akong usapan.  May tatlong estudyante ang animo’y nagtatalo, na noong mga panahon na iyon ay nasa harap ng isang wash area station.

Sa isang kakatwang pagkakataon, ang isa sa kanila (Dude 1) ay may hawak na isang kilalang brand ng mouthwash.

Dude 2:  Dude, ‘wag mong inumin ‘yan ng ganyan, malalason ka.

Dude 3:  Sira, pwede ‘yan.  ‘Yan ‘yung kulay green.  ‘Yung blue ang nakakalason ‘pag ininom ng puro.

Dude 1:  Oo nga.  Tingnan mo, green ‘to.  ‘Yung blue ‘yung sinasabi mo, Dude.  ‘Yung blue, nakakalason ‘yun.

(Sa mga panahon na iyon, kinailangan ko pang kurutin ang sarili ko para pigilang tumawa.)

Dude 2:  Eh Listerine din ‘yun.  (Kinuha ang mouthwash sa kaibigan.) Lis-te-rine.  Tingnan mo, Dude, pareho lang.

Dude 3:  Ang kulet nito.  ‘Yung blue nga ‘yung may lason.

***

Ice, mah fwend, my gratitude for Edward’s resurrection.

h1

The Mohawk Dialogues

Hulyo 28, 2010

May kung dalawang lingo na rin akong may bagong ayos ng buhok, ang underrated na Mohawk.  At sa may ilang linggo na rin na ganito ang ayos ng buhok ko, magkahalong tuwa (ibig sabihin, mas may yabang sa paglalakad) at takot (ibig sabihin, para akong kinukutyang mangkukulam ng isang nayon) ang aking nararamdaman.  Narito ang ilan sa mga pag-uusap na ang naging paksa ay ang aking Mohawk.

***

Kapitbahay/Retiradong titser:  Ang cute naman ng buhok mo.

Rai:  Salamat po.

Kapitbahay/Retiradong titser:  Noong nagtuturo pa ako, ‘pag ganyan ang buhok, hindi ko pinapapasok.

Rai:  Hindi na po kayo titser.  At hindi na rin po ako estudyante. Hehe  Pabili po ng Marlboro Red.

***

Vulcanizer sa tapat ng subdivision (Rogie):  Anak ng – ano ginawa mo sa buhok mo?!

Rai:  Pakialaman mo ang buhok ko kapag marunong ka na maligo.

***

Ale sa jeep na kamukha ni Queen Seon Deok:  Iho, ang cute naman ng buhok mo.

Rai:  Salamat po.

Ale sa jeep na kamukha ni Queen Seon Deok:  Kamukha mo si Baby James.

Rai:  Okay na po iyon.  At least hindi ko po kamukha si Josh.

***

(Mula sa Mga ilang tanong ni Adelaida)

Adelaida:  (Tingin lang nang tingin sa akin habang nanonood ako ng TV.)

Rai:  May itatanong ka, Ma?

Adelaida:  (Bumebwelo at akmang magtatanong.)

Rai:  Ano ‘yun?

Adelaida:  Bakit ganyan na naman buhok mo?

Rai:  Seryoso?  Tinatanong mo talaga ako ng ganyan o pinapatanong ni Tatay?

Adelaida:  Sige, kunwari gusto kong malaman. (Natatawa na)

Rai:  Sabihin mo kay Tatay, it’s just hair! Sabihin mo, baka hindi pa niya alam, ‘yung buhok tumutubo din. Saka matagal na nating naipaliwanag sa mga kapitbahay na:  a. hindi ako adik, b. na consistent Dean’s Lister ako noong college at hamak na magaling kumpara sa mga anak nilang nag-asawa nang maaga, at c. may maayos akong trabaho.

Adelaida:  Hayaan mo Tatay mo.  Hobby niya ang mamroblema.  Alis muna ako, may meeting kami sa pastoral.

***

Ate Perky sa canteen:  Ano order mo, Avatar?

Rai:  (Nangiti na lang)

h1

“I second the motion”

Hulyo 28, 2010

Inuumpisahan ang isang sesyon sa mga pagpupulong sa mga halal na opisyal ng gobyerno sa pamamagitan ng isang dasal, pagkatapos ay ang pagkanta ng Pambansang Awit.  Sa pagtalakay sa mga paksang kailangang pagbotohan, ang madalas na nagiging linya ay, “I move for the…” na susundan ng mga katagang “I second the motion.” Ganito din ang senaryo sa pagtatapos ng pagpupulong.  Upang pormal na matapos ang isang sesyon, magkakaroon ng isa na namang “motion” na sesegundahan naman ng isa pang kasapi ng pagpupulong.

Sa pagtatapos ng sesyon:

Juan:  I move for the adjournment of this session.

Pedro:  I second the motion.

Presiding Officer:  Meeting adjourned.

Apo Jukay (nanonood ng sesyon, at sa ‘di malamang dahilan ay may gigil sa galit):  Puro na lang “second demotion, second demotion”!  Wala bang “first demotion”?!

h1

Basta may “Christ”

Hulyo 28, 2010

Umaga ng lingo at kakagising ko lang, diretcho sa sala at nakitang ang bunsong kapatid na nanonood ng TV.

Rai:  Saan si Mama?

Dyisas Junior:  Umalis.

Rai:  Oo nga.  Saan nga si Mama?

Dyisas Junior: Umalis nga.

Rai:  Saan nga pumunta?

Dyisas Junior: Nag-meeting.

Rai:  Saan naman magmi-meeting ‘yun?

Dyisas Junior:  Sa Couples for Christ daw.

Rai:  Kasama si Tatay?

Dyisas Junior:  Hindi.  Eh ‘di ba ‘di sila bati?

Rai:  (Natawa lang)  Baka naman sa Singles for Christ pumunta ‘yun?

Dyisas Junior: Ay, ‘di pala Couples for Christ.  Christ the King pala.

Rai:  Saan ba talaga?

Dyisas Junior: Ewan ko.  ‘Di ko maalala.  Basta may “Christ”, Kuya.

h1

Knock knock jokes, atbp.

Hulyo 27, 2010

Sa isang inuman, sa isang regular na inumang ang tanging komposisyon ay alak, pulutan, mga namumula-na-sa-kalasingan na kainuman, ang kulang na lang ay mga sumusunod:

– mga usapan patungkol sa pagtatalik; sa kung ano ang gagawin sa isang babaeng malaki ang suso, sa kung anung gagawin sa lalaking may malaking titi, at kung anung gagawin sa kung anu-ano pang bahagi ng katawan para maging kaiga-igaya at/o interesting ang pagtatalik.

– mga usapan patungkol sa mga nangyari noong isang taon, dalawang taon, panahon ng Hapon, panahon ng mga Kastila, panahon ni Ninoy, at kasalukuyang panahon ni Noynoy.

– mga knock-knock jokes (kung bakit uso pa rin ay maaring isisi ng tuwiran kay Vic Sotto at Joey De Leon) gaya na lang nito:

Juan:  Pare, knock knock.

Pedro:  Oh, napano? (Nakainom na; slow na.)

Juan:  Sabi ko knock knock.

Pedro:  Ahhh…

Juan:  Putangina, sabihin mo “who’s there?”!

Pedro:  O sige, leche, who’s there?!

Juan:  This guy is in love with you, Pare.

Pedro: This guy is in love with you, Pare who.

(Tapos kumanta si Juan ng “If Ever You’re In My Arms Again”.

Juan:  If ever you’re in my arms again, this guy is in love with you, pare.

(Tawanan si Juan at Pedro)

(Ang napansin ko lang sa mga ganitong jokes, mas nakakatawa nga naman talaga ang mga ito kung medyo nakainom ka at/o sadya ka lang na mababaw.)

– mga walang katapusang “bakit” jokes, gaya na lang nito:

Pedro:  Oh, ako naman ang may joke.

Juan:  Sige.

Pedro:  Bakit hindi kumakain ng Nips si Dyisas?

(Note:  Para sa mga hindi alam ang Nips, ito ’yung tinatawag na Poor Man’s m&m. At para sa ilang nagtataka kung bakit hindi nga naman kumakain ng Nips si Dyisas, valid ang inyong pagtataka.  At sa ilang panira ng trip at nagmamarunong na “wala namang Nips nung panahon ni Dyisas”, lighten-up, ikaw na funny, sige.)

Juan:  Sige na nga, bakit nga hindi kumakain ng Nips si Dyisas?

Pedro:  Kasi lulusot lang sa kamay niya ‘yung mga Nips.

***

Hindi mahirap isipin na napakasimple ng buhay ng ilang tao, na ang mga simpleng jokes gaya ng mga nabanggit ang bumubuo ng kanilang pang-araw-araw na buhay. At siguro minsan kailangan mo rin ng mga ganitong pagkakataon, na imbes na nakaharap ka sa computer at nagtatrabaho ay ang tinititigan mo ay isang nagyeyelong serbesa habang iniisip mong, “Oras ko ito, kakatapos ko lang ng isang libro.”

Ito ay para sa lahat ng nakasama ko matapos ang matagumpay na book launch noong nakaraang linggo.