Archive for Setyembre, 2010

h1

Kakanin To Go (or “To Stay”)

Setyembre 1, 2010

“Hindi na ako mabibigla kung minsan ay kambing at mga alagaing-hayop na ang pilit isinasakay sa dyip makatipid lang sa pamasahe.” Ito ang aking prediksyon sa isa kong blog entry kamakailan.  Hindi pa naman ito nangyayari pero ito ang nakunan ko ng picture Martes ng umaga papunta sa opisina.

Hindi ako maintindihan noong una.  Ang akala ko ay may party at tipong pang-regalo ang dala ni Ate Kakanin (Oo, ate siya.   Parang lalaki, ‘di po ba?).  Naliwanagan lang ako noong may sumakay na aleng tawagin na lang nating Ate Sumo, tumitig sa kalamay, at sumandali pa ay bumili kay Ate Kakanin ng dalawang slice ng kalamay.  Mas nawirduhan ako nang kainin ni Ate Sumo ang mga binili sa dyip pa lang.  Nang mga panahon na iyon, hindi ko na ikakabigla kung may sumakay na tindero ng samalamig at malamang bibili din si Ate Sumo na obviously ay hindi nag-almusal.

Hapon, parehong araw, pauwi mula sa trabaho, nakasakay ko naman ang dalawang magsing-irog na masayang nagmemerienda ng malaking bag ng chips at 1.5 liter ng Sprite.  Pambihira.

h1

Nasaan si Adelaida?

Setyembre 1, 2010

Hindi ko alam kung paanong nangyaring kaya akong kausapin ng mga barkada ng nanay ko.  Ang alam ko lang, madalas ay okay naman sila kausap, maliban na lang kapag nagrereklamo sila kung bakit ang tagal ko magbihis kahit na hindi ko naman sila kasabay aalis kung sakali.  Ang apat (pang-lima si Adelaida) ay maituturing na mga desperate housewives ng aming mumunting subdivision; may malandi, may kwela, may laging may problema, may mahilig magluto, at (‘wag naman sana) may nakapatay na ng tao at isa itong malaking lihim na itinatago sa lahat.

Ang maganda lang kapag close ka sa mga barkada ng nanay mo ay:

a. Hindi na ikaw ang sentro ng tsismisan nila (Yehey for me).

b. Pwede kang mag-suggest sa homeowners association (meaning, silang limang magbabarkada) na ipagbawal ang pagvi-videoke hangang madaling-araw dahil…videoke.madaling-araw. Kahit sinong matinong tao alam na ‘di dapat ginagawa ‘yun unless nakatira ka sa isang lugar na hindi sementado ang daan at ang tanging libangan ay manood ng karera ng kalabaw.

c. Kapag may okasyon, para kang may free delivery ng pagkain sa bahay (dahil alam nilang hindi ako pupunta kahit anong imbita).

Kamakalawa, nadaan si Tita B at si Tita A sa bahay.  HInahanap nila ang noo’y napasyal sa Capas, Tarlac na si Adelaida (para sa kung anong okasyong gaya nang madalas ay hindi ko alam).  Umaambon noon at lumabas ako at kinausap sila sa may gate ng bahay.

Tita A:  San ang Doña?

Rai:  Wala. Umalis.

Tita B:  Saan pumunta?  Ang babaeng iyon ‘di mapirmi.

Rai:  I know, right?

Tita A:  So, saan nga pumunta?

Rai:  Capas, Tarlac.  ‘Yan tinext sa akin.

Tita A:  Ano ginagawa niya dun?

Rai:  Oh, wait. Alam ko dinetalye niya sa akin sa text.  (Kinuha ang cellphone at binasa ang text ni Adelaida) “Pumunta kami Capas.  Kasama ko Tatay mo.  Magluto ka na lang.”  Hmmm… siguro pumunta siya dun para ‘di magluto ng dinner?

(Tawa ang dalawa)

Rai:  Ano meron?

Tita A:  Wala naman.

Rai:  Napasyal lang, ganun?

Tita B:  Actually, ibabalita lang namin na pumasa na mga anak naming sa nursing board exam. (Sabay parang kinilig ang dalawa at nagdiwang)

Rai:  At hindi pwedeng ibalita ‘yan sa text?  Eh bakit kayo nagsasaya, ‘di naman kayo nag-nursing?  Hindi kayo ang pumasa sa board exam.

Tita A:  Ito naman panira ng trip.  Eh syempre magulang kami, kaya masaya kami.

Rai:  Alam niyo may alam akong mas masaya.

Tita A:  Ano?

Rai:  Mas masaya kung babalikan niyo na lang si Mama bukas.  Umuulan at nababasa ako eh, at kayo naman ay nakapayong at may mga anak na pumasa sa board exam.  Ano sa tingin niyo?

Tita B:  Ang suplado mo naman! (Sabay tawa ang dalawa at umalis)

Rai:  Bye.

Mas nakakatawa sana ito kung kasama nila ang peborit ko sa lima, si Tita G na mas kwela kung bumanat, i.e.  Ang Kare-Kare.