Buwan ng Wika kung ituring buwan ng Agosto, kung bakit, malay ko ba, malay natin, right? Dito pumapasok ang pagkarami-raming mga aktibidad sa mga paaralan na ‘di umano’y nagpapakita ng pagmamalasakit sa ating wikang Filipino (or is it Pilipino? ‘Di mo rin alam noh?) Binibigyan ko ng sapat na pag-unawa ang mga gurong pinipilit ipinapaintindi ang kahalagahan ng ating wika; matatawag itong pagpapayabong ng ating nasyonalismo, sabi nung titser ko nung 1st year hayskul ako. Pero gaya marahil ng paggunita sa Buwan ng Wika, may kung ilang buwan na rin tayong napipiyesta sa kung anu man nasyonalismo ang nais ipahiwatig sa pagkahumaling ng karamihan sa napakasikat na football team, ang Azkals.
Hindi ko itatanggi, lubos kong ikatuwa ang balitang natalo na sa kung ano man kumpitisyon ang Azkals, na bibilang pa ng panahon bago natin sila ulit makita sa balita sa TV na sumasabak na naman sa kung ano mang kumpitisyon ″para sa ating bansa”. Bunsod ito marahil na nais ko namang makakita ng ibang balita sa TV maliban sa kanila at sa kung paanong ang isang miyembro nito ay hindi pa nakakalangoy sa malaking swimming pool ni Angel Locsin.
Sa aking kagalakan sa kanilang pagkatalo, may ilan akong kaibigan na animo’y gusto akong ipako sa krus dahil sa aking pagdiriwang, na para bang hindi na ako Pinoy kapag hindi ko sinuportahan (o nagustahan) ang Azkals. Ano raw ba ang ginawa ng Azkals at nasusuklam ako sa kanila. Nasaan daw ba ang aking sense of national pride.
Nasaan ba ang aking sense of national pride? Ang sagot ko diyan eh, malay ko. Para sa isang taong magtatatlong dekada na sa bansang ito; para sa isang habag na manunulat ng blog na minsan eh nag-iisip kung may mambababasa pa ba talaga ng kanyang mga isinusulat; para sa isang taong hindi nakahiligang makiayon sa uso, pinakahuli na marahil ang sense of national pride para maging isang paksang kailangang tukuyin at bigyan ng nararapat na sagot.
Naisip ko tuloy, kaya marahil napunta sa ganito ang usapan eh dahil wala talaga akong alam isulat na sesyoso. Gaya ng pagsuporta sa Azkals, gaya ng pag-iisip sa sense of national pride, sa tingin ko eh masyado natin itong sineseryoso. Hindi ba pwedeng isiping laro lang ito, na ang pwedeng mangyari lang eh may nagwawagi at may natatalo? Makailang beses na rin akong nagsulat patungkol kay Pacquiao, at sa aking panalangin sa kung sino man na matalo naman ito sa kanyang laban. Pilit kong iniintindi madalas kapag sinasabing ″karangalan ng bansa ang nakataya”, mula sa boxing hangang sa football, mula sa pagsasagip sa watawat ng bansa hangang sa pagkakapanalo sa isang international math quiz bee.
Hindi ko nakikita ang sense of national pride sa napakaraming patimpalak at palakasan na napapanalunan ng bansa. Nanalo ang isang tao/kupunan, tapos. Hindi ko man lubos maintindihan kung ano talaga ang tunay na pakakahugan ng sense of national pride; isa lang ang alam ko, hindi ganun kababaw ang aking pagka-Pinoy, at hindi ako kailangang paalalahanan ng mga ganyang bagay. Tumanda na akong ang alam eh Pinoy ako, kahit na ba bumilang pa ng dalawang dekada bago ito pagsigawan ng Bamboo sa kanilang kanta. Hindi na ito dapat pinapalaki; hindi na kailangang magpataasan ng ihi. Sa mga ganitong pagkakataon nag-uugat ang ambisyon ng marami na maging higit sa lahat; na dapat eh number one, na dapat ay champion, na para bang ikamamatay nilang hindi maging angat sa lahat. Hindi na ito sense of national pride kung hindi eh ang kaisipan na LAGI TAYONG DAPAT MAY PATUNAYAN SA IBA, isang kalechehang pag-uugali ‘di lamang ng Pinoy kung ‘di ng buong mundo na dapat eh maging una sa lahat, maging mas magaling sa iba.
Kung para lang bigyan pa ng dahilan ang ilan na tumaas ang ihi, na lumaki ang ulo, na maging diyos ng mga gago, sa inyo na lang ang sense of national pride niyo. Madalas ko ngang sabihin, isaksak niyo na lang sa baga niyo. Basta ako, masaya ako. ‘Yun lang dapat hanapin ng mga tao, hindi kung anong kagaguhang interpretasyon ng nationalismo.
Ang akin lang, ang isang masayang Pinoy ay isang proud Pinoy. Bow.*