Archive for Oktubre, 2012

h1

Ang Liham ni Gaudencio (a short short story)

Oktubre 11, 2012
Sa kabilang banda, sa kabilang probinsya,
Sa gitna ng lahat ng kumokontra,
Sa tinagal-tagal ng panahon at pagsasama,
Matutuldukan din; matatapos na rin ang duda.

RCD-101012

 

Dear Nanay Luz,

Kamusta na po kayo? Sumulat po ako sa inyo dahil nabanggit po ng inyong anak na ‛yun lang daw po talaga ang paraan para makausap kayo.  Kung bakit ayaw niyo pong gumamit ng cellphone (‛yung tinatawag niyo pong “pindot-pindot”) ay naipaliwanag niyo na po ng maayos (at pagalit) sa akin noong unang magkita tayo.

Hindi man po tayo nakapagkwentuhan ng matagal, alam ko pong sa susunod na pagkikita natin ay marami tayong mapag-uusapan (maliban po sana sa paulit-ulit niyong pagbanggit kung bakit hindi ako nagdala ng sisig kung taga-Pampanga ako at eh ano naman kung 12 oras ang biyahe; na ang sisig ay hindi mapapanis kahit tatlong araw pa).

Kamusta na nga po pala si Tatay Fidel?  Hindi na po ako nakapagpaalam noong huling mapasyal kami diyan kasi (nakakatakot) nakakahiya pong magmano sa asawa niyong noong mga panahon na iyon ay naghahasa ng tari ng manok.  Pakisabi na lang po na hindi ko po talaga magagawa ‘yung hinihingi niya sa akin; hindi ko po kayang hanapin si Marian Rivera at itanong kung pwede siyang dumalo dun sa fiesta sa inyong barangay. 

Pinapasabi nga pa pala ng anak niyo na hindi siya makakauwi sa kasal ng kanyang pinsan (kahit na daw po ang ka-partner niya bilang candle sponsor eh ‛yung pangit na anak ni Mayor).  Hindi raw po ito pinayagang lumiban sa trabaho.  Pareho pa rin po ang kanyang trabaho; sa callcenter pa rin po.  Ito po ‘yung sinasabi niyong “taga-kausap ng mga Kano at Negro”.

Tungkol naman po doon sa habilin niyo na hanapin namin si Willie Revillame at sabihin sa kanya na gusto niyong sumali dun sa may “sayaw-sayaw”, nabanggit po ng anak niyo na nagbibiro lang po kayo at ‘wag kayong seryosohin.  Nabanggit ko lang po ito dahil ayaw kong ako ang inyong sisihin.  Tama na po siguro na ako ang inyong sinisi sa aming huling pagdalaw diyan kung bakit hindi namin kasama si Vic Sotto at ‘yung “stop” ng “Juan for fun, all for all”.

Natanong ko na nga po pala sa nanay ko kung saan galing ang pangalan kong “Gaudencio”.  Pinangalan daw po ako sa kapatid ng aking lolo.  Hindi daw po galit ang nanay ko sa akin kaya ganun ang aking pangalan at hindi daw po talaga namin lahi ang tabain.  Malusog po ako dahil tamad po akong mag-exercise.  Hindi ko rin po magawa ang inyong suhestiyon na mag-araro ng bukid para pumayat ako dahil wala pong bukid kung saan ako nakatira.

Pasensya na po kung ang dami ko pong nabanggit.  Hindi ko po kasi alam kung paanong sasabihin ang tunay na sadya ng liham ko. Gusto po sana namin na pormal na magpaalam sa inyo sa aming nalalalapit na pagpapakasal ng inyong anak na si Robert.  Ipapadala na lang po namin ang invitation sa mga darating na araw.  Ipapadala na lang daw po ni Robert ‘yung pambili niyo ng ticket para makapunta kayo dito sa aming kasal.  Salamat po, Nay.

Lubos na gumagalang,

Gaudencio (Dennis na lang po sana)*

500 words

***

Para sa iyo ito Gaudence, para sa iyong humingi at binigyan; para sa iyo ito, sa iyo na laging masaya sa kabila ng problema; sa iyo na ang nais lang ay matagpuan na “siya”;  para sa iyo ito, ikaw na nagmamahal sa mga nadaan mong mga “nanay Luz”.

h1

On Everthing Pwera sa Sun Volume 2

Oktubre 10, 2012

ON A SUNNY DAY

Ang mga taong naka-sunglasses (kahit wala naman sa kainitan ng araw o naglalalakad sa runway at nagmomodelo) ay mga taong malamang ay nakatira sa liblib na lugar at nasisilaw sa kabihasyan sa syudad.  O baka naman callcenter agents ang mga ito at pauwi na?

ON GIVEAWAYS

Malaking bahagi ng mga “kalat” sa inyong bahay (kaya nagmumukha kayong hoarder) ay kasalanan ng nanay mong mahilig mag-ipon ng mga giveaways na pinamimigay (kahit ayaw mo naman talagang kunin) sa birthday partiesdebut, kasal, lamay, babang-luksa, at marami pang okasyon.

ON PRINCESS AND I

Ang mga nanonood ng programang The Princess & I ay wala talagang pakialam sa kwento at hinihintay lang ipakita si Enrique Gil at ‘yung payat na batang kabuhok ni Justin Bieber (na pamangkin pala nung “bebot” na hinulma yata ang jawline gamit ang cutter).  Ang iba naman ay hinihintay lang ang kakatwang accent ni Grechen Barreto sa nasabing programa.  Anong accent nga ba ‘yun?  (Venn, thoughts?)

ON CHINESE FOOD (may konek to, promise)

Kaladkarin ang isang taong mahalikan lang ay nagpapa-take-home.  Kung hindi man kaladkarin, ito malamang ay isang puta.  Malaki din ang tsansang ito ay kombinasyon ng dalawang nabanggit:  isang kaladkaring puta.

ON VICE GANDA JOKES

Nakakatawa si Vice Ganda.  Nakakatawa rin ang jokes niya.  At dahil nakakatawa ang jokes niya, naglipana ang mga text at kwento ng mga tao na kung tutuusin ay pag-uulit lang ng jokes ni Vice Ganda.  Ang theory ko eh nakakatawa lang ang jokes ni Vice Ganda kapag dalawang beses mo pa lang itong naririnig.  Kapag inulit ito ng iyong kaibigan sa pangatlong beses, ito bumo-borderline baduy na.

ON KALYO

Hindi lahat ng may kalyo sa kamay ay masipag.  May ilan na marahil ay pinipilit magtrabaho at inaalipusta kaya nagkakakalyo.  Huwag ding isipin na lahat ng inaalipusta ay kasambahay.  Hindi rin lahat ng sinusulat ko ay nasa tuwid na landas (no pun intended); may mga pagkakataon din (gaya ngayon) na mula sa kalyo eh nauwi sa inaaalipustang kasambahay ang sinusulat ko.

ON SIGNAGES

Kapag may nakita kang nakasulat na “bawal umihi dito”, umasa kang mapanghi dun ay may umihi na.  Umasa ka rin na kahit may nakasulat na doon ay wala pa ring habas ang pag-jingle ng mga lalaki dun.  Walang babaeng jumi-jingle sa mga lugar na may nakasulat na “bawal umihi dito”.  Kung may makita kang babaeng jumi-jingle sa mga ganung lugar, asahan mong isa itong tulendoy.

ON TRIPPIN’

Tandaan na walang babae (kahit na ba super lasing ito) ang pagtitripan (meaning, pagsususuntukin) ng mga umiinom na grupo ng kalalakihan.  Hindi rin kailangan matakot ang mga babae na makasalubong ng mga lasing na lalaking mukhang takaw-away.  Ang kailangang isipin ng mga babae ay kung ang mga lasing na makakasalubong ba ay ‘yung mga tipong typical na goons noong panahon na uso ang mga action movies at walang atubi kung mandukot ng babae at manggahasa.

ON BIKER DYISAS

Iilan lang ang motorcycle na gamit ng Pinoy na walang nakabalunbon na rosaryo sa may manibela;  karamihan sa mga ito ay may nakasabit na rosaryo, na animo’y ito ang magiging proteksyon nila kahit magmaneho sila ng lasing at/o walang helmet.  Ito marahil ang nagbunsod sa pagkakasulat ng Jesus, the wheel na kinanta ni Carrie Underwood.*

***

Magbalik-tanaw sa On Everthing Pwera sa Sun Volume 1

h1

Na-picturan kahit ayaw

Oktubre 9, 2012

Magdadalawang-isip ka na magreklamo sa pagtaas ng presyo ng krudo kung ang gasoline “boy” mo eh may nakasukbit na baril at naka-uniporme na parang security guard.  Pero malaki din ang posibilidad na ito ay isang malaking gimik lang para sa nalalapit na Halloween; o ‘di kaya ang pinasimpleng dahilan diyan eh naihi ang tunay na gasoline boy at pakialamero ang security guard at nagmarunong.

Mama Merry – ito ang pangalan ng nanay ko kapag magpapasko.  Sino mang hindi alam i-spell ang pangalan ni Mama Marie ay hindi deserving sa haven.

Tandaan na sa October 12 ay may “BIKINI” sa kung saan; habang sa 19 naman ang “GRAND FINAL”.

Ako lang ba ang nalilito sa message ng public reminder na ito?  Ugat ba ng kahirapan ang kwartro-kantos at gin-bulag?  Saka bakit gin-bulag ang tawag dito?

Gusto ko ‛tong mga ganitong mga animo’y away ng mga paalala.  Tinatanong talaga kung bakit bawal maghugas ng paa doon.  Ang sagot sa kung bakit bawal maghugas ng paa doon eh DAHIL WALA KA SA BAHAY NIYO, GAGU!

Bakit mo tinatanong, Facebook?  A-attend ka ba sa reunion? Saka nakakainsulto lang ah, si Adelaida ang Batch ‘75, hindi ako! (kunwari galit)

Eat your veggies.  Drink at least eight glasses of water.  Matulog ng maaga, may test ka pa bukas.  Huwag magmumura hangga’t maari.  The sun is the center of the solar system.  At marami pang detalyadong paalala.

Kung ang karamihan ay nagpapayabangan sa kung anu-anong gadgets, mawalang-galang na sa inyong lahat, pero ang gamit ng isang Apple gadget sa bahay ay patungan lang ng kaldereta.  Kung bakit nangyari ito ay maaaring isisi sa aking maliit na table sa kwarto.  Kaya sa mga na-offend, sorry.  Kung bakit ako nag-so-sorry, hindi ko alam.  Parang kwela lang.*

h1

Hindi ito tungkol sa Anti-Cyber-Crime Law. (As if.)

Oktubre 9, 2012

Mahirap magsulat.  ‘Yan ang una kong naisip sa aking pagsubok na muling magsulat.  Sa ilang buwan na nawala ako (kung may nakapansin man), naisip ko mahirap magsulat lalo na kung ayaw mo talagang magsulat; na mas masarap ang mahiga sa kama, manood ng TV, at isipin kung saan na nga ba ako sa aking “comprehensive diet program”.  Vanity muna bago ang lahat, ika nga.

Noon ay nagagawa kong magsulat ng kung anu-ano dahil sa mga nakakausap ko, dahil sa mga nakikita kong tao sa paligid ko, dahil sa mga nakakatuwa (at nakakatawang) pangyayari na nakikita ko araw-araw.  Pero mahirap magsulat kung ang magiging laman ng aking mga isusulat ay “nag-tricyle ako papunta sa trabaho, nagtrabaho, nag-jeep pauwi, at kumain ng dalawang beses  (at tatlong beses) kinahapunan”.  Gustuhin ko man maging adventurous eh tatawanan ko lang ito.  Adventure na ang buhay ko as it is.

Noon ay nagagawa kong magsulat dahil sa mga napapanood ko sa TV; mga drama sa hapon (afternoon; hindi ‘yung lahi ng tao na madalas ay tawaging “sakang”), mga tsismis tungkol sa mga artista, at mga kaganapan sa mundo ng politika na nakakatawag ng tuwirang pagpapakilala ng iyong opinyon sa lipunan (o harap-harapang pakisawsaw). Pero mahirap magsulat kung ang madalas ko na lang nakikita sa TV ay kung ano ba ang almusal ni Zac Efron noong nagbakasyon siya sa Pilipinas, sa kung anong posisyon sa gobyerno ba kakandidato si Jinky Pacquiao, at kung sinong Poncho-Pilato (spellcheck, Venn) ba ang pinahuling nakisayaw na rin sa saliw ng kantang Ghangnam Style.

Noon ay nagagawa kong magsulat dahil makwento si Adelaida (nanay kong kwela); kung ano na ba ang nangyari sa nabalitaan niyang pakikiapid ng kapitbahay, kung bakit walang bra si Regine Velasquez, kung bakit ang laki ng labi ni Anne Curtis, kung bakit noong panahon nila ay kailangan pang magrenta ng Komiks ni Dyisas Senior (Tatay) para lang makapagligaw, kung bakit kahit mabait akong anak ay kailangan kong magsimba para hindi ako maging anti-Christ. Pero mahirap magsulat kung sa mga nakaraang linggo ay ang mga kwento ni Adelaida ay kung paanong nakakapagod mag-alaga ng kanyang mga apo, na ang nakakahiyang isyu sa pamana ni Lola (Gorgonia) ay hindi pa rin matapos-tapos (na para bang milyon-milyon ang pinag-uusapan), kung paanong ang ilan sa mga kapatid nito ay pinapalala ang sitwasyon dahil natural silang tarantado (may gigil, I know), at kung paanong nais niyang ibalik ang mga araw na may panahon siya sa sarili niya at hindi siya pagod sa pag-intindi sa iba.

Noon ay nagagawa kong magsulat.  Kaya ngayon ay hindi na ako mahihiya sa sarili ko at magsusulat na akong muli (hangang muling tamarin para lang muling magdrama na magsusulat muli; ganun talaga kapag tumatanda, maraming pwedeng gawing dahilan).

Ito ang bagong simula ng masayang buhay ko.  Ito ang blog ko. Apir!

***

Sa mga inip at nadaan, subukan ang bago kong nakalkal na feature na pwede pa lang ilagay sa aking blog.  Ang SEARCH option.  Ito ay ’yung may napakahabang title na “i-type ang nais hanapin sa blog na ito (pwera sa mga nawawalang tao, syempre)”.  Highly recommended ang mga sumusunod na search key terms: adelaida, tulendoy, kapampangan, mawalang-galang na, bansa.

Salamat. 😀