Archive for Disyembre, 2012

h1

Why not? Merry Christmas.

Disyembre 20, 2012

malamig ang simoy ng hangin?

Simple lang ang aking mga alaala noong bata ako tungkol sa Pasko.  Ang alam ko lang magkakaroon ako ng bagong polo, bagong pantalon at, kung medyo nakakaluwag-luwag si Mama, magkakaroon din ako ng bagong sapatos.

Hangang tumungtong ako ng elementarya ay ganun pa rin.  Pasko. Bagong damit.  May pagbabago lang ng kaunti kasi may kasama na itong Christmas party sa eskwela.  Si Mama ang bibili ng regalo para sa aking ka-exchange gift; at ako naman ay magkakaroon ng regalo galing sa kaklase pagkatapos ng Christmas party.  Mayroon ding spaghetti at maraming parlor games na, na sa ’di malamang dahilan ay sinasalihan ko talaga noon, na para bang ikamamatay ko ang hindi sumali, na para bang ang laki ng premyo.

Pagtungtong ng hayskul, ganun pa rin, may bago ka pa ring damit, kahit na ba sa hinuha mo ay gusto mo sana na ikaw na ang mamili at bumili.  Naroon pa rin ang Christmas party sa eskwela.  Naroon pa rin ang mga parlor games, perong tipong dyahe na sumali.  Ang nadagdag lang ay mga barkada, mga kaibigan, mga kaasaran sa klaseng tipong masaya ng walang dahilan.

Sa pagtungtong sa kolehiyo, wala na ang mga Christmas party at spaghetti, na para bang kanya-kanya na talaga.  Hindi mo na rin pansin ito dahil mas gusto mo ng paghandaan ang party sa labas ng eskwela, mas excited ka na maglasing kahit na ba hindi ka naman ganun kalakas uminom, at kung ano ba ang ibibigay mo sa syota mo, kung meron ka mang pambili ng regalo.  Hindi mo na rin pansin kung may bago kang damit.  Ang gusto mo ay pera o ’di kaya ay mamahaling cellphone o ’di kaya ay trip to Hongkong o ’di kaya ay pasalubong galing sa mga balikbayan mong kamag-anak.

Mag-uumpisa mong isumpa ang Pasko kapag ikaw na mismo ang nagtatrabaho, na para bang ramdam mo ay hino-holdup ka tuwing Disyembre.  Gagayahin mo na rin ang style ng iyong mga magulang at magtatago sa iyong mga napakabata pang inaanak.  Matutunton ka rin nila at muli ay mararamdaman na para kang nanakawan.

Tatanda ka.  Dadaan ang panahon.  Darating ang maraming Pasko at mararamdaman mo na lang na hindi ka na galit, na masarap pala ang pakiramdam ng Pasko, na hindi na pala ito tungkol sa bagong damit o sa Christmas party o sa spaghetti.  Hindi mo rin naman iniiisip na para ito kay Jesus o para kay Santa Claus.  Mararamdaman mo na lang na ang Pasko pala ay isa sa mga okasyon na nagpapaalala na marahil ay may kailangan kang ipagpasalamat sa iyong sarili, sa iyong mga kaibigan, sa iyong mga kapatid at magulang, sa iyong minamahal.  Mararamdaman mo na lang na kuntento ka sa iyong buhay, na ang pinakamagandang regalo mo sa Pasko ay ang katahimikan ng puso at isipan.

Nagbabago ang ating perpektibo sa tunay na diwa ng Pasko.  Nagbabago ang ating mga pananaw sa buhay.  Ngunit kung tutuusin, kung gugunam-gunamin, hindi ka na rin talaga galit sa Pasko; marahil sa tinagal-tagal, sa ilang taon ng buhay mo, mahal mo na rin ang Pasko at nakokornihan ka lang sa ideyang marahil ito ay totoo.

Why not.  Merry Christmas.  Hindi naman bawal.*