Archive for the ‘“Dishini” Films (mga piniratang bersyon)’ Category

h1

Na-picturan kahit ayaw

Oktubre 9, 2012

Magdadalawang-isip ka na magreklamo sa pagtaas ng presyo ng krudo kung ang gasoline “boy” mo eh may nakasukbit na baril at naka-uniporme na parang security guard.  Pero malaki din ang posibilidad na ito ay isang malaking gimik lang para sa nalalapit na Halloween; o ‘di kaya ang pinasimpleng dahilan diyan eh naihi ang tunay na gasoline boy at pakialamero ang security guard at nagmarunong.

Mama Merry – ito ang pangalan ng nanay ko kapag magpapasko.  Sino mang hindi alam i-spell ang pangalan ni Mama Marie ay hindi deserving sa haven.

Tandaan na sa October 12 ay may “BIKINI” sa kung saan; habang sa 19 naman ang “GRAND FINAL”.

Ako lang ba ang nalilito sa message ng public reminder na ito?  Ugat ba ng kahirapan ang kwartro-kantos at gin-bulag?  Saka bakit gin-bulag ang tawag dito?

Gusto ko ‛tong mga ganitong mga animo’y away ng mga paalala.  Tinatanong talaga kung bakit bawal maghugas ng paa doon.  Ang sagot sa kung bakit bawal maghugas ng paa doon eh DAHIL WALA KA SA BAHAY NIYO, GAGU!

Bakit mo tinatanong, Facebook?  A-attend ka ba sa reunion? Saka nakakainsulto lang ah, si Adelaida ang Batch ‘75, hindi ako! (kunwari galit)

Eat your veggies.  Drink at least eight glasses of water.  Matulog ng maaga, may test ka pa bukas.  Huwag magmumura hangga’t maari.  The sun is the center of the solar system.  At marami pang detalyadong paalala.

Kung ang karamihan ay nagpapayabangan sa kung anu-anong gadgets, mawalang-galang na sa inyong lahat, pero ang gamit ng isang Apple gadget sa bahay ay patungan lang ng kaldereta.  Kung bakit nangyari ito ay maaaring isisi sa aking maliit na table sa kwarto.  Kaya sa mga na-offend, sorry.  Kung bakit ako nag-so-sorry, hindi ko alam.  Parang kwela lang.*

Advertisements
h1

Alvin and the Gibberish

Agosto 18, 2011

Isang Sabado ng gabi at naabutan ko ang aking pamangkin na si Fritz (11) at ang kanyang Lolo (53) na animo’t may pinag-uusapan.

Lolo:  Eh bakit kasi ayaw mo pa umuwi?  Kanina ka pa niyaya ng nanay mo.

Fritz:  Eh kasi manonood pa ako ng movie, Lolo.

Lolo:  Ano papanoorin mo?

Fritz: Alvinand the Chipmunks.

Lolo:  Ano? (‘Di maintindihan, obviously.)

Fritz: Alvinand the Chipmunks.

Lolo:  Alvin and the Kitkat?

Rai:  ‘Tay, komedyante ‘yun.  Sabihin mo ulet, Fritz. (Nakisawsaw talaga ako, kwela eh.)

Fritz: Alvinand the Chipmunks.

Lolo: Alvinand the Pink Cat?

Rai:  (Tawa lang ng tawa.)

Fritz: Alvinand the Chipmunks.

Lolo:  Alvin and the Nitnat?

Fritz:  *nagkamot-ulo na lang*

h1

Kamot-ulo Moments Volume 1

Hunyo 14, 2011

***

Sa isang bakery:

Dad:  Ay, mukhang bagong luto mga ‘yan ah?

Baker Girl:  Opo.

Dad:  Ano ‘yan, cheesebread?

Baker Girl:  Hindi po.

Dad:  Cheesebread ‘yan.  ‘Yan ang cheese oh.

Baker Girl:  Hindi po cheesebread ‘yan.

Dad:  Eh ano tawag diyan?

Baker Girl:  Tinapay with cheese po.

Rai:  “Tinapay with cheese” nga naman, Dad, ‘wag na ipilit na cheesebread.

***

h1

Tungkol saan ang pinapanood mo? (Primetime Edition)

Pebrero 8, 2011

Bilang “tulong” sa mga nakakaligtaang manood ng TV (o walang TV sa bahay gaya na lang ng kaibigan kong si Otso), narito ang ilan sa mga pinapalabas sa primetime at kung tungkol saan ba ang mga ito o kung ano ba talaga ang kwento.

Ang NOAH ay hindi tungkol sa tagasunod ng sinaunang Diyos na inutusan niyang gumawa ng arko.  Ito ay ang Filipino version ng Jungle Book o parang ganun ang gusto nilang palabasin, maliban na lang sa tuwing magtatagalog ‘yung mga taong-unggoy ay nagkakaintidihan sila, pero kapag tao na ang kausap ay hindi maintidihan, at ang klarong gustong ipahiwatig ay tanga ang mga manonood at hindi marunong magbasa ng subtitle kung sakali.  Tungkol din ito sa katotohonang kahit bading ay pwedeng magpulis, gaya na lang ni P – PO1 something.

Ang DWARFINA ay tungkol naman sa mahahabang pulang pilik-mata ni Angelica Dela Cruz at Pauline Luna at kung paanong ang kalandian noong bata ka pa ay pwedeng dalhin hanggang tumanda (gaya na lang sa karakter ni Iwa Moto).  Tungkol din ito sa ideya na nakakadiring isipin kung paano ang mangyayari kapag nag-asawa ka ng dwende o kung dwende ka at mag-aasawa ka ng tao (kung ano man applicable sa sitwasyon mo).

Ang MUTYA ay tungkol na naman sa mga sirena (na para bang hindi pa talaga tayo nagsawa) at tungkol sa isang lalaking serenang may modern name na Irvin, ika nga ni Venn.  Tungkol din ito sa kung paanong bini-blurr ang kuyukot nung maitim at matabang lalaking serena (na mas nakilala sa PBB Clash of the something Teen Edition bilang “papansin at nakakaasar na tabachoy”).  At tungkol din pala ito sa batang babaeng bida.  Gets?  ‘Yung bibo at kulot-kulot ang buhok?  ‘Yung maganda ang boses?  ‘Di mo pa rin kilala?  Ako rin.

Ang MARA CLARA ay tungkol sa nauna ng Mara Clara na pinagbidahan nina Judy Anne Santos at Gladys Reyes.  Tungkol ito sa dalawang sanggol na nagkapalit ng tandaha dahil pinagpalit sila sa ospital noong kapapanganak pa lang sa kanila (na para bang ang lenient lang talaga ng security sa ospital; ngiti nga lang sa nurse eh may bayad lately, magpalit pa kaya sanggol sa nurseryGoodluck.)  Ang pagkakaiba lang sa bagong bersyon ng Mara Clara ngayon ay ang bida sa kwento ay si Kiray at si Ms. Gina Pareño.

Ang MACHETE ay tungkol kay shirtless Aljur.  Ano pa ba?  Hmmmm.. tungkol din ito sa isang babaeng mukhang may over-cooked na ravioli sa mukha?  Hmmmmm… tungkol din ito sa Baguio?  Ewan.  Tungkol ito kay Aljur na nagiging estatwang kahoy.   Tungkol din ito kay Aljur bilang isang nabubuhay na estatwa at kung paano siya umakting na parang kahoy.  There.

Ang IMORTAL ay tungkol sa kung ano ang magiging itsura mo kapag manginginom ka at naging bampira ka (John Lloyd) o kung paanong kapag tumanda kang bampira ay lulusog ka nang todo (Jomari Yllana).  Tungkol din ito sa palakihan ng dibdib ni Angel Locsin at ni Vivian Velez bilang mga taong-lobo (werewolf, not ballons).  At siya nga pala, tungkol din ito sa mga babaeng bampira na kung hindi man naka-Lara-Croft-costume (‘yung babae sa Hayden Kho video scandal) eh naka-Sisa-costume (Nikki something na nasa Tabing-Ilog show yata.)

Ang I HEART YOU PARE ay kakaumpisa lang, so wala muna ako comment.  Ang alam ko lang, ang show na ito ay ‘yung tipong show na ‘di papanoorin ng mga bading dahil lahat ay busy na nagte-take-ng-calls o ‘di kaya ay kasalukuyang nasa yosi break at walang TV sa pantry o ‘di kaya ay nakikitira sa bahay ni Otso.  Ito rin ang show na siguradong magsasawa akong sasagot sa tanong ni Adelaida na, “Babae ba ‘yan?”

Ang KRISTINE ay sigurado ako ay tungkol sa premarital sex at malalanding babae.  Tungkol din ito sa awayan ng dalawang pamilya na sa huli ay natutuloy din sa premarital sex.  Tungkol din ito sa hubad na katawan ni Rafael Russell at ni Zanjoe Marudo.  Tungkol din ito sa kagustuhan ng mga babae sa show na ipakita ang hubad nilang katawan.

Ang THE BAKER KING ay tungkol sa isang pinasosyal na panadero.  Ito rin ay maituturing ng ilan na kapag mag-uumpisa na eh sinyales na para matulog (o ginabi yata si Mister).  At malay ko ba kung tama ‘yung dubbing na ginagawa nila tungkol sa kwento, kaya ‘di na lang ako mag-ko-comment.   Ang boses ng kumanta ng theme song nito ay parang ungol ng isang ginigilitang baka.

h1

Soft Opening

Oktubre 11, 2010

Naging busy sa trabaho, nagputol ng kung anu-ano anong relasyon at pagsasama, at binalikan ang dating libangan noong college,  ang pag-inom ng beer.  At kahit na hindi na magkanda-ugaga sa trabaho (dahil ‘yun lang naman ang pwedeng gawin kesa sa ugaliing palitan ang status sa Facebook ng Rai is eating pancit canton), masaya naman ang buhay; heto, at medyo tumataba (para sa ilang may pakialam talagang alamin ‘yun.)

Sa kasalukuyan, isang linggo na akong walang boses dahil na rin sa aking buwanang trankaso.  Ang saya lang.  Wala ka na masyado kausap, wala ka pang boses. Very appropriate.

Narito ang mga ilang naisalba kong pictures sa aking cellphone na aking nakunan bago pa man mag-“self-reformat” ang aking tarantadong memory cardEnjoy.

***

Sa yosihan sa labas ng office, napansin kong may naka-ayos na chess set sa table. Walang chairs at may mga iilang moves na nagawa ang kung sino mang nagsilaro doon at naisipan yatang hindi na ituloy ang laban.  Kumuha ako ng chair at naupo sa harap (makikita ang aking yosi at lighter).  Biglang may nadaan at nagtanong:

“Sino kalaban mo?”

Rai:  Multo, kuya.  Hintayin mo, titira din ‘yan.

***

Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng “DAI” sa Kapampangan, pero ang basa ko talaga ay “Die Kapampangan” sa mga poster ni Villar (mawalang-galang nap o).  ‘Di na tuloy ako nagtataka ngayon kung bakit siya natalo noong May Elections.  Tapos hindi pa nakakatulong na super ngiti si Villar habang nakasulat ang “DAI KAPAMPANGAN”.

***

Noong September 9, 2010, napasyal ako sa restaurant/grill ni Boss (mainly para makipaglaro sa kanyang mga aso na miss ko na rin dahil hindi na ako napapasyal).  Hindi ko alam paano ako napapayag ng isang waitstaff ni Boss na “asikasuhin” muna ‘yung customer dahil may pupuntahan lang daw siya (malamang masakit ang tiyan, naisip ko).  Ako namang gullible, pumayag (at dahil na rin lately eh mabait na ako sa mga tao, generally)  Naatasan akong bantayan ang isang porendyer na umorder ng kung ano (at hindi pa nagbabayad).  Nung sumenyas ang porendyer na magbi-bill-out na ito, ako naman ‘tong Mr. Excited; kinuha ang nakalista at tinotal.  155!  Iniaabot ang bill sa porendyer at iniwanan ako ng 10 pesos na tip.

Kailangan ko pa ba ipaliwanag?  123 pesos dapat ‘yung unang entry.  ‘Yung waitstaff ni Boss ang mali, hindi ako.  Ang tanga.

***

Para sa iyo ito, Golden Boy.  Mas maganda nga lang kung hindi mo naisipang magbilang ng camel.  See you next year hopefully.  Ingat ka diyan. Walang iyakan.  Matanda na tayo para sa ganyan.lol

h1

Mga Kwento ni Mang Berto

Agosto 27, 2010

Sa mundong ginagalawan ng madaming “small talk” at mga pag-uusap na ninanais mo sa sarili mo na sana ay hindi mo narinig, may mga pagkakataon ang tanging paraan ay maging mabait at kunsitihin na lang ang sino mang taong napiling isalaysay ang buhay niya sa iyo.  Isang magandang halimbawa nito ang dalawang pagkakataon na pag-uusap namin ng isang ka-opisinang papangalanan na lang nating Mang Berto.

Si Mang Berto ay isang ka-opisinang kamukha ni Eddie Garcia (at kaedad din yata ni Eddie Garcia) at laging pasigaw kung magsalita.  Lagi din itong may hand gestures kapag nagkukwento, kaya kung nabebenta lang ang drawing sa hangin, malamang ay milyonaryo na si Mang Berto.

***

Ang Tape

Isang mapayapang afterlunch at kung ang ibig sabihin man ng siesta ay “masarap at sunod-sunod na pagyoyosi” ay sabihin na nating kasalukuyan ako noong nasa isang masarap na siesta time. Nakapalabas sa TV noon ay Eat Bulaga! at kasalukuyang namumudmod ng pera sa Jose at Wally sa kung saang barangay.

Mang Berto:  Rai, gusto mo ng tape?

Rai:  Naku, Mang Berto, naghahanap nga ako.  Meron ka ba?  Puro double-sided tape na lang ‘yung meron ako.

Mang Berto:  Hindi tape.  Gusto mo manood ng tape?

Rai:  Manood ng tape? *nagkamot-ulo*

Mang Berto:  Oo.  May dala akong tape diyan.  Gusto mo manood?  Boksing.

Rai:  Baka naman DVD?

Mang Berto:  ‘Yun nga.  Tape.

Rai:  DVD. (sabay walkout)

Hindi ko man tuloy natanong kung anong boksing ‘yun.lol

***

Ang Panahon ni Mang Berto

Sa isang kakaibang pagkakataon naman makalawa, habang nasa labas ng opisina kasama si Luigi (office driver) at pinagmamasdan ang ulan habang nagyoyosi, sumulpot na lang bigla si Mang Berto at walang-kagatol-gatol na nagkwento (kahit wala man talagang usapan na pwedeng nag-trigger ng kanyang kwento).

Mang Berto:  Noon, ang baon ko lang 30 sentimos.

(Walang pakialam si Luigi at ako.)

Mang Berto:  Noon, ang baon ko lang 30 sentimos.

Rai:  (Naisip kong kailangan ko na magtanong)  Bakit naman? (Iniisip na ano ba dapat itanong ‘pag ganun)  30 sentimos?! Wow! (Malaki ang acting)

Mang Berto:  Noong nag-aaral pa ako –

Rai:  May school na po nung panahon niyo?

Mang Berto:  – 5 sentimos lang ang pamasahe. Bale may 25 sentimos pa ako.

Rai:  Saan kayo nagsusulat nun, sa bloke ng bato?

Mang Berto:  Tapos ‘pag recess na, ang merienda 5 sentimos.  Mamimili ka kung pansit —

Rai:  O ininit na buhangin.

Mang Berto:  – o spaghetti ang gusto mo.  At may kasama na itong choco binchocolate drink daw, ‘di ako sigurado sa spelling, basta ganyan dinig ko). At kapag may sobra sa baon ko – (

Rai:  May spaghetti na noon?

Mang Berto:  – ibibili ko ito ng dyaryo –

Rai:  Wait lang, Mang Berto.  Dyaryo?

(Sa puntong ‘yon, hindi ko na talaga ititigil na pagtripan na lang ang kwento ni Mang Berto)

Mang Berto:  Oo.

Rai:  ‘Yung papel?

Mang Berto:  Oo.

Rai:  ‘Yung may totoong letra, ‘di ‘yung nakapinta sa mga kweba at malalaking tipak ng bato?

Mang Berto:  Oo.  ‘Yun na nga. Ibibili ko ng dyaryo –

Rai:  Na binabalita pag-alis ng mga Hapon sa Pilipinas?

Mang Berto:  – ‘yung sobra sa baon ko.  Anim na pahina ito.  At kinabukasan, magte-test kami tungkol sa laman ng dyaryo.

Rai:  Test?

Mang Berto:  Oo.

Rai:  Tungkol sa kung ilan namatay sa Hiroshima at Nagasaki atomicbombing?

Mang Berto:  Tungkol sa current events noon.

Rai:  ‘Yun nga sabi ko.

The end. For now.

h1

Lobby at Jollibee

Agosto 23, 2010

Hindi kompotable maghintay sa isang lobby ng isang opisina kung sa ‘di kalayuan ay may ganiyang label ng trash can.

***

Salamat sa pangungunsinti sa akin, sa iyo na itinuturing na “source of all happiness”.  Salamat, Pareng Jabi.