Archive for the ‘Headliners’ Category

h1

Hindi ito tungkol sa Anti-Cyber-Crime Law. (As if.)

Oktubre 9, 2012

Mahirap magsulat.  ‘Yan ang una kong naisip sa aking pagsubok na muling magsulat.  Sa ilang buwan na nawala ako (kung may nakapansin man), naisip ko mahirap magsulat lalo na kung ayaw mo talagang magsulat; na mas masarap ang mahiga sa kama, manood ng TV, at isipin kung saan na nga ba ako sa aking “comprehensive diet program”.  Vanity muna bago ang lahat, ika nga.

Noon ay nagagawa kong magsulat ng kung anu-ano dahil sa mga nakakausap ko, dahil sa mga nakikita kong tao sa paligid ko, dahil sa mga nakakatuwa (at nakakatawang) pangyayari na nakikita ko araw-araw.  Pero mahirap magsulat kung ang magiging laman ng aking mga isusulat ay “nag-tricyle ako papunta sa trabaho, nagtrabaho, nag-jeep pauwi, at kumain ng dalawang beses  (at tatlong beses) kinahapunan”.  Gustuhin ko man maging adventurous eh tatawanan ko lang ito.  Adventure na ang buhay ko as it is.

Noon ay nagagawa kong magsulat dahil sa mga napapanood ko sa TV; mga drama sa hapon (afternoon; hindi ‘yung lahi ng tao na madalas ay tawaging “sakang”), mga tsismis tungkol sa mga artista, at mga kaganapan sa mundo ng politika na nakakatawag ng tuwirang pagpapakilala ng iyong opinyon sa lipunan (o harap-harapang pakisawsaw). Pero mahirap magsulat kung ang madalas ko na lang nakikita sa TV ay kung ano ba ang almusal ni Zac Efron noong nagbakasyon siya sa Pilipinas, sa kung anong posisyon sa gobyerno ba kakandidato si Jinky Pacquiao, at kung sinong Poncho-Pilato (spellcheck, Venn) ba ang pinahuling nakisayaw na rin sa saliw ng kantang Ghangnam Style.

Noon ay nagagawa kong magsulat dahil makwento si Adelaida (nanay kong kwela); kung ano na ba ang nangyari sa nabalitaan niyang pakikiapid ng kapitbahay, kung bakit walang bra si Regine Velasquez, kung bakit ang laki ng labi ni Anne Curtis, kung bakit noong panahon nila ay kailangan pang magrenta ng Komiks ni Dyisas Senior (Tatay) para lang makapagligaw, kung bakit kahit mabait akong anak ay kailangan kong magsimba para hindi ako maging anti-Christ. Pero mahirap magsulat kung sa mga nakaraang linggo ay ang mga kwento ni Adelaida ay kung paanong nakakapagod mag-alaga ng kanyang mga apo, na ang nakakahiyang isyu sa pamana ni Lola (Gorgonia) ay hindi pa rin matapos-tapos (na para bang milyon-milyon ang pinag-uusapan), kung paanong ang ilan sa mga kapatid nito ay pinapalala ang sitwasyon dahil natural silang tarantado (may gigil, I know), at kung paanong nais niyang ibalik ang mga araw na may panahon siya sa sarili niya at hindi siya pagod sa pag-intindi sa iba.

Noon ay nagagawa kong magsulat.  Kaya ngayon ay hindi na ako mahihiya sa sarili ko at magsusulat na akong muli (hangang muling tamarin para lang muling magdrama na magsusulat muli; ganun talaga kapag tumatanda, maraming pwedeng gawing dahilan).

Ito ang bagong simula ng masayang buhay ko.  Ito ang blog ko. Apir!

***

Sa mga inip at nadaan, subukan ang bago kong nakalkal na feature na pwede pa lang ilagay sa aking blog.  Ang SEARCH option.  Ito ay ’yung may napakahabang title na “i-type ang nais hanapin sa blog na ito (pwera sa mga nawawalang tao, syempre)”.  Highly recommended ang mga sumusunod na search key terms: adelaida, tulendoy, kapampangan, mawalang-galang na, bansa.

Salamat. 😀

h1

Adelaida on Dennis & Jennilyn (The 12th Gospel)

Agosto 18, 2011

Habang nanonood ng balita sa TV kanina tungkol sa pagiging “single” ni Dennis Trillo, kahit hindi ko tinanong eh nag-comment ang aking pamosong nanay.

Adelaida:  Alam mo, Yan, maganda na rin na naghiwalay si Jennilyn at Dennis.

Rai:  Uh-huh. (Nawiweirduhan sa topic)

Adelaida:  Alam mo kung bakit?

Rai:  Sige na nga.  Bakit?

Adelaida:  Kasi hindi sila bagay.

Rai:  Dahil?

Adelaida:  May anak na si Jennilyn.

Rai:  Isyu ‘yun kasi?

Adelaida:  Pareho silang may anak ni Dennis.

Rai:  At alam mo talagang may anak si Dennis?

Adelaida:  Yes.  Alam ko dalawa na anak niya.  Kaya hindi sila bagay, kasi may anak silang pareho.

Rai:  So mas bagay sa kanila eh single dapat?

Adelaida:  Basta dapat walang anak ‘yung magsosyota nila.

Rai:  Ligawan ka ni Dennis, ayaw mo, Ma?

Adelaida:  *tiningnan at nag-smile kay tatay*  Ayaw ko; may anak na siya eh.

Rai:  Eh kung walang anak?

Adelaida:  Ah ‘yun okay lang. *tawa ng malakas*

Rai:  So dapat talaga walang anak at single?

Adelaida:  Yes.

Rai:  Single si Luis Manzano?

Adelaida:  Dinedate ni Jennilyn si Luis?

Rai:  ‘Yan oh, sabi sa balita.

Adelaida:  Ang landi naman ni Jennilyn.

Rai:  *tawa lang ng tawa*

Adelaida:  Ano nagustuhan niya kay Luis?

Rai:  Single siya, ‘yun siguro?

Adelaida:  Eh dapat ‘di si Luis, eh bakla ‘yan eh.

Rai:  Paano mo nalaman?

Adelaida:  Eh sa tingin pa lang, parang medyo malambot.  Saka syempre magmamana ’yan sa tatay niya na bakla rin.

Rai:  Si Edu?

Adelaida:  Oo.

Rai:  Bakla rin si Edu?

Adelaida:  Oo naman.  Kaya nga siya hiniwalayan ni Vilma.

Rai:  *tawa lang ng tawa*  Paanong napunta kay Edu at Vilma ang usapan?

h1

June Blog (Ang pagbabalik ng taong hindi naman talaga hinanap)

Hunyo 10, 2011

Hindi ko nakaugalian ang maging malungkutin.  Isa na marahil na dahilan ay nababaduyan ako sa ideya na nalulungkot ang isang tao, kahit na may sapat itong dahilan para magtampisaw sa pighati at lumbay.  Sa kabilang banda, tanggap ko rin namang nararamdaman ito, na para bang kahit paano ay kinakatok ka ng kapalaran at pinapaalala na paminsan-minsan, sa ilang piling pagkakataon, eh kailangan ito upang mapanatili ang pansariling katinuan.   Kaya ko itong yakapin ng buong-puso, pero hindi nangangahulugang ikamamatay ko ang hindi maging malungkot.

Ilang buwan na ang nakakaraan mula ng magsulat ako.  Hindi ko alam, marahil ay tinamad lang ako, marahil ay nakalimutan ko lang na ang gamit pala ng Internet sa buhay ko ay magsulat at maglathala ng blog entries imbes na maghanap ng balita kung magkakaroon ba ng pangatlong Hellboy movie.  Ilang buwan, ilang linggo, at – kung mareklamo kang tao –  iisipin mong ang dami kong nasayang na oras.  Ano ba ginawa ko sa ilang buwan na nakalipas?  Ano ba napala ko sa ilang buwan na nakalipas?

Ang akin lang, matanda na ako para problemahin kung may nangyayari sa buhay ko.  May matino akong trabaho, may mga kaibigang malimit ko mang makita ay nagpapasaya sa akin, at masaya kong sinasalubong ang bawat araw na iniisip na ito ang buhay ko; hindi pinagtitiyagaan kung hindi ay isinasabuhay araw-araw.  Ang sigurado ako ay hindi ko kailangang malungkot para lang maramdaman na ang buhay ako ay may pinatutunguhan.  Kailan pa naging napakahirap mabuhay; ang huminga at kumain at uminom ng tubig?

Wala namang bayad ang maging masaya.  Ito ang mundo ko; mababaw pero astigin.

h1

On Angelo Reyes

Pebrero 9, 2011

Ang pagdudahan ang isang taong namayapa na, sa kung anu man ang kanyang mga nagawang anomalya ‘di umano, sa tingin ko ay isang indikasyon na:

a.  may mga taong inip lang talaga sa buhay.

b.  marami ang gusto lang talagang magpanggap na may opinion at nagmamarunong

c.  may mga taong natural na may galit sa kahit sinong namatay

d.  may tinatagong lihim na pagtingin sa namayapang heneral

e.  may mga taong ayaw ng may namamatay at gusto imortal lahat ng tao sa mundo/bansa

f.  all of the above.

Narito ang naisip kong 10-step solution sa mga taong hangang ngayon ay nuknukan pa rin ang gigil sa pagpapakamatay ni Angelo Reyes.

1.  Hintayin niyong ilibing ang kanyang mga labi.

2.  Humanap ng mga kagaya niyong galit sa mundo at pumunta sa kanyang pinaglibingan.

3.  ‘Wag kalimutang magdala ng pala (o kahit anong epektibong panghukay)

4.  Buksan ang kabaong.

5.  Kunin ang bangkay ng yumaong heneral.

6.  Tantarin ang katawan nito ng pinong-pino.

7.  Isilid sa sako ang natatadtad na katawan.

8.  Sabuyan ng gaas ang sako.

9.  Pagliyabin ang sako.

10.  Hintaying masunog hangang maging abo ang sako at laman ng sako habang kumakanta ng “Heal our land” ni Jamie Rivera.

Kung hindi pa kayo nakuntento sa nasabing 10-step solution eh kailangan niyo na ng anger-management intervention.

Ang akin lang, kung kaya nating magkaroon ng opinyon sa mga bagay-bagay na sa kung tutuusin ay wala naman tayong alam/pakialam (maliban sa ibinabalita sa TV), kaya din siguro natin bigyan ng tamang respeto ang sinumang yumaong kung tutuusin ay wala namang direktang kinalaman sa buhay natin, sa kung ano tayo ngayon, sa kung may trabaho ka pa ba tayo matapos niyang mamatay, at sa kung ano ba talaga ang totoong nangyayari at kung ano ang gagawing hakbang tungkol dito.

Ang akin lang, ano ba gusto nating mangyari, ang mabuhay si Angelo Reyes at mag-sorry (assuming may ginawa siyang labag sa batas)?  Akala ko ba Diyos (kung meron man) ang humahatol sa mga namayapa na?  Bakit tayo nagpapataasan ng ihi sa kung ano ang hiwaga sa likod ng kanyang pagkamatay?  Pinoproblema mo ba talaga ito, pare ko?  Utang na loob.

h1

200th Blog Entry

Enero 26, 2011

Magtatatlong taon noong umpisahan ko ang blogsite na ito.  Bagama’t hindi ko naman inasahan na may basasa (maliban sa aking iilang kaibigan), may mga naliligaw din at nadaraan at binabasa ang blogsite na ito, kahit na ba madalas ay hindi ko naman kilala (at kalimitan ay ayaw magpakilala, na animo’y stalker lang).  Ang gusto ko lang sabihin ay, ito ang aking 200th (pang-dalawang daan, wow) blog entry.

Sa aking mumunting paraan, ang blogsite na ito ang nagsilbing daan ko para magkwento ako ng kung anu-ano (madalas kagaguhan).  Siguro (at ngayon ko lang talaga napagtatanto ito, promise) eh sa pamamagitan ng aking blogsite ay para na rin akong may mga kaibigang pwedeng kwentuhan (pero hindi ibig sabihin na ito eh gusto kong maging “friendly” o magkaroon ng madaming kaibigan, utang na loob.)  Sa kabila ng aking kakulangan sa oras (o natural na katamaran minsan) sinusubukan kong maglahad ng mga kwento sa abot ng aking makakaya; ibig sabihin, kapag hindi ako nagpo-post ng bagong entry tatlong bagay lang:

– walang kwento ang nanay (o miyembro ng pamilya) ko

– hindi ako lumalabas ng bahay para makinig sa mga usapan sa jeep

– kasalukuyan akong may buwanang-trankaso

Kung mapapansin ng mga regular na bumabasa ng blogsite na ito eh madalas akong magsulat patungkol sa aking pamosong nanay na si Adelaida.  Ipinagpapasalamat ko pa rin na kahit may dalawang tao (na nuknukan sa kadaldalan) na ang nagsumbong kay Adelaida sa mga isinusulat ko eh hindi pa rin marunong mag-Internet ang nanay ko at kahit paano ay wala pa ring ideya na inilalathala ko na ang kanyang makulay na buhay sa aking blogsite.  (Kaya sa susunod, Bogs at anu mang pangalan mong asawa ng pinsan kong ‘di ko rin alam ang pangalan, ‘wag madaldal; ‘wag nagmamarunong.)

At dahil masyado na mahaba ang entry na ito, nais ko na lang magpasalamat sa mga kahit paano ay nadadaan pa at nagpapanggap pa rin na natutuwa sa aking pagsusulat.  Wala man akong pangarap na maging isang sikat na blogger, eh pinaparamdam niyo na rin naman sa akin na kailangan kong magsulat para naman – ano nga ba ‘yun? – oh, tama! Para naman hindi kayo mainip habang nasa opisina at nakikilibre ng Internet habang pinapasweldo kayo ng kanya-kanya ninyong kumpanya.  Enjoy.

Kapag umabot ako ng 300th entry, ayawan na!  Biro lang. 😀

Bilang selebrasyon sa aking 200th blog entry, samahan niyo akong magbalik-tanaw sa ilang entries (101 -199) ng aking blogsite na kung hindi man pinaghirapang isulat ay mga entries na hindi ko pa rin nakakalimutan; mga sinulat na hanggang ngayon ay aking kinagigiliwan.

(in no particular order)

USYOSO ENTRIES

Ang Lamay (December 7, 2009)

Cesarian Section Procedure (isang masusing pagtalakay) (March 25, 2010)

Ang Kare-Kare (January 17, 2010)

Walang kuryente, dude (June 20, 1010)

Eavesdropping 101 (July 4, 2010)

Mga Kwento ni Mang Berto (August 27, 2010)

Salamat, Ms. Jessica Soho (November 29, 2010)

***

“PRETEND TO CARE” ENTRIES

Vatican versus Avatar – Tulendoy of the Week (January 16, 2010)

Mga nag-su-suicide dahil nabu-bully (March 31, 2010)

Mga Taong Hayok sa Nipple ni Anne Curtis – Tulendoy of the Week (March 26, 2010)

Lahat na lang lately nagso-sorry (ang kwento sa likod ng Lupang Hinirang) (March 15, 2010)

Church Vs. Condom-distribution program ng DOH – Tulendoy of the Week (March 5, 2010)

Mga kakaibang hinaing ni Juan Dela Cruz (June 30, 2010)

Pagbabago para sa mga gago (July 4, 2010)

Ibalik ang mandatory ROTC – AFP (August 13, 2010)

Picture Picture (December 21, 2009)

Happy birthday, Dyisas! (December 24, 2009)

***

ADELAIDA, ET. AL. ENTRIES

Family Tulendoy History (the 8th Gospel According to Adelaida) (December 7, 2009)

Si Tito Masungit at ang graduation medals (March 25, 2010)

Mga Matinong Usapan (the 9th Gospel According to Adelaida) (March 4, 2010)

True Blood (hindi ‘yung TV show) (July 27, 2010)

Mga ilang tanong ni Adelaida – her 10th Gospel (July 20, 2010)

Small Talk Season 3:  Tatay ko si Hitler at marami pang usapan (December 5, 2010)

Ang Kawali (November 8, 2010)

Small Talk Season 2 – Family Edition (October 15, 2010)

Ang Tatlong Wish sa Genie ng Nanay ko (August 27, 2010)

The Adelaida TV Commentaries (The 11th Gospel) (August 6, 2010)

***

MGA NAKUNAN (not miscarriage) ENTRIES

Too Much Information (January 25, 2010) (anniversary ng entry na ito)

Kakanin To Go (or “To Stay”) (September 1, 2010)

Cam Holy Spirit, I Need you (Part 2) (July 4, 2010)

The Mohawk Dialogues (July 28, 2010)

Cam Holy Spirit, I Need you (Part 3) (July 30, 2010)

Present to Future (January 23, 2010)

***

Salamat.  Hangang sa muling pagdaan, kunwaring kaibigan. 😀

h1

Salamat, Ms. Jessica Soho

Nobyembre 29, 2010

1:01 – 1:40

Soho:  Sorry, isa pa.

Regine:  May isa ka pang trivia?  Ang dami niyan ah?

Soho:  Hindi ka nagba-bra.

Regine:  Ay!  (tawa lang ng tawa at kumuha ng pillow at tinakpan ang breast area)

Soho:  Ang galing noh? (nakitawa na rin)

Regine:  Hay!  (tawa pa rin)  Oh my God!

Soho:  As in!

Regine:  Eh kasi – eh kasi bata pa ako hin – hirap ako – ang hirap kaya huminga.

Soho:  Oo.  Lalo na ‘pag singer ka siguro. (Bumabawi)

Regine:  Oo, siguro.  Siguro ‘yun.  Kasi kasi parang ‘pag bumibirit ako, syempre lumalaki ‘yung likod ko, ‘di ba, nahihirapan ako.

Soho:  (tumatawa lang)

Regine:  Kamusta naman?  Ikaw lang nagsabi niyan! Bwahaha!

Soho:  Hindi naman malaswa. (Bumabawi ulet)

Regine:  Nahihiya ako!  Bwahaha!

Soho:  Hindi naman malaswa. (Bumabawi ulet)

***

Sa nakaraang episode ng Jessica Soho Reports Anniversary Special: Pinoy Icons, isa sa apat na na-feature at na-interview ng personal ng nakakatuwang si Ms. Jessica Soho ay si Regine Velasquez.  Anong tuwa ko ng may banggitin si Ms. Soho ng isang “trivia” na ‘di umano’y alam niya patungkol kay Regine, na sinang-ayunanan (at tinawanan) naman ng Asia’s Songbird.

Sa puntong ito, nais kong magpasalamat sa bumubuo ng Jessica Soho Reports dahil nasagot na sa wakas ang isa sa mga pamosong tanong ng aking nanay na si Adelaida.

Pero, mawalang-galang na, Regine, hindi si Ms. Jessica Soho ang unang nagsabi ng “trivia” na wala kang bra lagi.

At bilang ebidensya na magtatatlong taon ng problema ng Nanay ko ang isyu kung nagba-bra ba si Regine o hindi, narito ang mga ilang naisulat ko na patungkol sa isyung nabanggit:

Exhibit A

The Gospel According to Adelaida

Marso 15, 2008

Hindi rin matatawaran ang mga opinyon ni Nanay tuwing manonood ng TV. Sa paksang TV at mga programa nito, ayon kay Nanay:

14. Sino daw si Enchong Dee.

15. Ang bida sa tele-fantasyang Lastikman (ABS-CBN 2) ay si Zsa Zsa Padilla.

16. Laging walang bra si Regine Velasquez. As in bakit LAGI daw.

Exhibit B

On Everything…Pwera sa Sun

Abril 24, 2008

ON THE WINGS OF LOVE…

Tandaan na kung hindi man madalas mag-bra si Regine (gaya ng madalas mapansin ni Mama tuwing nakikita niya ito TV) ay wala na tayong pakialam dun. Tandaan na kung nagpatangos man ng ilong, nagparetoke ng mata, o nagpa-lipo si Regine ay hindi na rin natin problema. Ang kailangang problemahin (at ‘yan ay napatunayan ko sa mga nakaraang tsismis tungkol sa kanya) ay kung lilipat ba talaga siya ng ABS-CBN at kung nabuntis na ba talaga siya ni Ogie. Lolz

Exhibit C

Hindi na mandatory ang ID at uniporme sa mga pampublikong eskwelahan

Hunyo 2, 2008

Siya nga po pala, ito’y mga tanong ko lang naman po, nasasa-inyo po kung sasagutin niyo o hindi:

1. Ano po binibigay niyong gift tuwing nag-ni-ninang kayo sa kasal?

2. Natatawa po ba kayo kay Ate Glow sa pag-i-impersonate niya sa inyo?

3. Pinapatanong po ni Mama ito: Sa tingin niyo ba laging walang bra si Regine Velasquez?

Exhibit D

Nagbabalik ang echusero

Marso 1, 2010

Sa may apat na linggong pagkakawala ko sa ere, nabigyan ako ng oportunidad na magnilay-nilay at bigyan ng pansin ang mga ibang bagay bukod sa Internet, gaya na lang ng mga sumusunod:

– pagkumpleto sa lahat ng levels ng Plants Vs. Zombies.

– pagtulong sa mga nasalanta sa Haiti (‘di na lang ako magiging specific)

– pagpapatibay ng pintuan sa may dirty kicthen.

– pagpuna na rin sa nakahiligan na yata ni Regine na ‘di pagsusuot ng bra (na una ng napansin ng aking pamosong inang si Adelaida)

Exhibit E

Ang Tatlong Wish sa Genie ng Nanay ko

Agosto 27, 2010

Isang mapayapang gabi, at dahil nagpapagaling pa ako sa aking maituturing na “buwanang trankaso”, nakahiga lang ako sa kwarto at nanonood ng Pasan Ko Ang Daigdig ni Sharon Cuneta.  Maya-maya pa ay dumating ang bisita ni Adelaida, isang kaanak na sa tuwing makikita ko ay iniisipanan kong uutang na naman kay Mama.  Natural lang, sa pag-upo nila Mama, ay nag-umpisa na ang mga kwento niya, mula sa kasalukuyang isyu na tinatalakay ng Homeowners Association ng subdivision hangang kay Regine at kung magsusuot ba ito ng bra sa kasal niya (Hula ko, oo.)

Kaya kung may magtatanong man kung sino ang unang nagtanong patungkol sa ‘di pagsusuot ng bra ni Regine, ito ang Nanay ko at hindi si Jessica Soho.

***

h1

Soft Opening

Oktubre 11, 2010

Naging busy sa trabaho, nagputol ng kung anu-ano anong relasyon at pagsasama, at binalikan ang dating libangan noong college,  ang pag-inom ng beer.  At kahit na hindi na magkanda-ugaga sa trabaho (dahil ‘yun lang naman ang pwedeng gawin kesa sa ugaliing palitan ang status sa Facebook ng Rai is eating pancit canton), masaya naman ang buhay; heto, at medyo tumataba (para sa ilang may pakialam talagang alamin ‘yun.)

Sa kasalukuyan, isang linggo na akong walang boses dahil na rin sa aking buwanang trankaso.  Ang saya lang.  Wala ka na masyado kausap, wala ka pang boses. Very appropriate.

Narito ang mga ilang naisalba kong pictures sa aking cellphone na aking nakunan bago pa man mag-“self-reformat” ang aking tarantadong memory cardEnjoy.

***

Sa yosihan sa labas ng office, napansin kong may naka-ayos na chess set sa table. Walang chairs at may mga iilang moves na nagawa ang kung sino mang nagsilaro doon at naisipan yatang hindi na ituloy ang laban.  Kumuha ako ng chair at naupo sa harap (makikita ang aking yosi at lighter).  Biglang may nadaan at nagtanong:

“Sino kalaban mo?”

Rai:  Multo, kuya.  Hintayin mo, titira din ‘yan.

***

Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng “DAI” sa Kapampangan, pero ang basa ko talaga ay “Die Kapampangan” sa mga poster ni Villar (mawalang-galang nap o).  ‘Di na tuloy ako nagtataka ngayon kung bakit siya natalo noong May Elections.  Tapos hindi pa nakakatulong na super ngiti si Villar habang nakasulat ang “DAI KAPAMPANGAN”.

***

Noong September 9, 2010, napasyal ako sa restaurant/grill ni Boss (mainly para makipaglaro sa kanyang mga aso na miss ko na rin dahil hindi na ako napapasyal).  Hindi ko alam paano ako napapayag ng isang waitstaff ni Boss na “asikasuhin” muna ‘yung customer dahil may pupuntahan lang daw siya (malamang masakit ang tiyan, naisip ko).  Ako namang gullible, pumayag (at dahil na rin lately eh mabait na ako sa mga tao, generally)  Naatasan akong bantayan ang isang porendyer na umorder ng kung ano (at hindi pa nagbabayad).  Nung sumenyas ang porendyer na magbi-bill-out na ito, ako naman ‘tong Mr. Excited; kinuha ang nakalista at tinotal.  155!  Iniaabot ang bill sa porendyer at iniwanan ako ng 10 pesos na tip.

Kailangan ko pa ba ipaliwanag?  123 pesos dapat ‘yung unang entry.  ‘Yung waitstaff ni Boss ang mali, hindi ako.  Ang tanga.

***

Para sa iyo ito, Golden Boy.  Mas maganda nga lang kung hindi mo naisipang magbilang ng camel.  See you next year hopefully.  Ingat ka diyan. Walang iyakan.  Matanda na tayo para sa ganyan.lol