Archive for the ‘ka-tumblingan’ Category

h1

Dyip Dialogues

Hunyo 10, 2011

Narito ang ilan sa mga nakakatuwang usapan na napakinggan ko sa dyip (pasensya na, tsismoso lang):

***

Magkaklase, mukhang hayskul students, at pauwi na mula sa klase.

Hayskul 1:  Ay, patay, nakalimutan kong bilhin ‘yung pinapabili ng nanay ko.

Hayskul 2:  Ano naman ‘yun?

Hayskul 1:  Nakalimutan ko ano tawag dun.  Ano nga ba ‘yun?  ‘Yun ano –  ‘yung – ano kasi ‘yun?

Hayskul 2:  (Nag-suggest ng kung anu-ano).

Hayskul 1:  Alam ko na!  Nagpapabili pala nanay ko ng panglanggaw!

Hayskul 2:  Ay, oo nga, ano nga ba tawag dun, ’yung panglanggaw na madikit? (Pinroblema na rin talaga ng kaklase.)

Hayskul 1:  Basta sabi ni nanay sabihin ko raw sa drugstore ’yung panglanggaw.

(At sa drugstore talaga bibilhin ‘yung panglanggaw. Pambihira.)

***

Mukhang magkumare, galing sa pamamalengke na malamang ititinda sa kanyang maliit na sari-sari store.

Mare 1:  Mare, ano pinamili mo?

Mare 2:  Konti lang, yosi at patis at toyo.

Mare 1:  Nakow, ano binili mong patis?

Mare 2:  ‘Yung Rufina. (You’re welcome, Rufina.)

Mare 1:  Ay binili mo ‘yung kulay red.

Mare 2:  Bakit?  Eh ano kung red?

Mare 1:  Dapat binili mo ‘yung green ‘yung takip.

Mare 2:  Eh pareho lang naman ‘yun.  Patis din ‘yun, mare.

Mare 1:  Hindi.  Mas masarap ’yung green.  Saka ’yang red na ’yan, mabaho.

Mare 2:  Pambihira ka, mare, may patis bang mabango?

(Apir tayo, Mare 2!lol)

***

Mag-ina; ‘yung bata nasesermunan dahil nadumihan ang suot na school uniform.

Nanay:  Pambihira, ang likot-likot mo kasi!  Putangina, natapon na ’yung fishball!  Sabi na kasi sa bahay mo na kainin! *kinurot ang anak*

Anak:  (Umiyak lang, mas natapon pa ang sauce ng fishballs sa uniform)

Nanay:  ‘Yan, tangena, natapon na halo-halo ko!

(Gusto ko rin kurutin si Nanay sa pagkain ng halo-halo sa dyip.)

***

Magkaklase; college students; maaarte kahit hindi naman magaganda; kasalukuyang naiinitan.

Maarte 1:  Ang init!

Maarte 2:  Oo nga!

Maarte 1:  Gosh, it’s so init.

Maarte 2:  Grabe.  Bakit kaya ‘yung mga carabao hindi pinagpapawisan?

Maarte 1:  Huy, ano ka, pinagpapawisan kaya sila.

(Sarap saktan.)

Advertisements
h1

Small Talk Season 3: Tatay ko si Hitler at marami pang usapan

Disyembre 5, 2010

Adelaida:  Yan, kinuha mo ba ‘yung mga hair rollers ko?

Rai:  “Kinuha”?  Ganun talaga ang tanong?

Adelaida:  Oo.

Rai:  Ma, halos wala akong buhok.  Tawag sa buhok ko, Mohawk.  Paano naman ako mag-ro-rollers?

Adelaida:  Tinatanong ko kung nakita mo ‘yung mga rollers ko.

Rai:  Oh, wow, ‘yun nga naman ang tanong mo.

Adelaida:  (Nangiti lang.  Naisip marahil na mali ang tanong niya.)

***

Bago mag-Undas, kung anu-ano ang feature reports sa TV ng mga dapat gawing paghahanda kung bibiyahe papunta ng probinsya (lalo na kung may gamit na sariling sasakyan.)

Dyisas Junior (nakisabat sa TV):  Magdala ng extra driver!

Rai:  Apir!  Kwela ‘yun.

***

Ugali naming apat na magkakaibigan (mareness.com) na mag-text na animo’y nasa isang chatroom (sigurado ako may tawag sa ganun, ‘di ko lang maisip ngayon).  Anyway, ito ang isa sa mga ‘yun.

Otso:  Use BAMPIRA in a sentence…

Rai:  ayaw ko.  WTF?! Lol

Toshi:  Use it! (nakisawsaw talaga)

Otso:  Answer:  “Pautang naman, meron ka BamPira?” bwahahahahahahahaha =P

Rai:  Again, WTF?! Lol

Toshi:  bisaya amp.lol

Otso: radio sa kapitbahay.  Natawa ako.

Rai:  this is precisely the reason why pinapabili kita ng TV, Bading.. Tsk tsk..

***

Sa canteen noong Biyernes, may dumating na “porendyer” (Australian yata).  Umorder ito ng kape sa canteen girl na kasing perky ni Pokwang.  Hinatid ni Perky Girl ang kape ni Porendyer.

Porendyer:  Thank you.  How are you?

Perky Girl:  Have a nice day. (sabay walkout)

Rai:  “Have a nice day” talaga sagot?  Tinatanong kung kamusta ka raw.

Perky Girl:  Nakow, Avatar, ikaw kumausap diyan.  Filipino ako.

Rai:  Ako hindi, ganun?

Perky Girl:  Alien ka! Bwahahaha

***

Nasa sala, nood ng Kathy Griffin:  My Life on the D-list

Adelaida:  Yan, sino ‘yan?

Rai:  Si Kathy Griffin.

Adelaida:  Bakla ba ‘yan?

Rai:  Babae ‘yan, Ma.  Kathy nga, ‘di ba?

Adelaida:  Bakit ‘yung napanood ko sa Miss Gay; ‘di naman babae pero Carmina Villaruel pangalan.

Rai:  Babae si Kathy Griffin.

Adelaida:  Mukha siyang bakla.

Rai:  Oo na.  Oo na.

***

Sa Dau Bus Station, papunta sa birthday thingie ni Otso.

Rai:  Kuya, pwede ba [bumaba] sa Farmers?

Kunduktor 1:  Hindi pwede.  Bawal dun.  Hangang Cubao Terminal lang.

Rai:  Okay. (walkout at pili ng ibang bus)

Rai:  Kuya, pwede ba sa Farmers?

Kunduktor 2:  Farmers?  Oo, pwede.

Rai:  Sigurado ka, Kuya ah?

Kunduktor 2:  Ano sa “oo, pwede” ang hindi mo naintidihan?  Oo na nga, ‘di ba?

Rai:  Galit ka, Kuya? May attitude?

Kunduktor 2:  Nagpapaliwanag lang.

Rai:  Good.

***

Birthday ni Otso at nasa Shakey’s kami.  Lumapit ang isang waitstaff.

Toshi:  Pahingi ng isang glass of water.

Waistaff:  Ilan po?

Toshi:  Isa.

Rai:  O kaya bigyan mo na lang kami ng “dalawang isang glass of water”.

(Tawanan lahat)

***

Naghahapunan kasama si Adelaida at Dyisas Senior.

Adelaida:  Dyisas Senior, tanggalin mo nga ‘yang bigote mong ‘yan.

Dyisas Senior:  Bakit na naman?

Adelaida:  Eh kapag may bigote ka, kamukha mo si Hitler.

Rai:  (nasamid at naubo na lang sa kakatawa)

Adelaida:  Promise, kamukha mo si Hitler, lalo ‘pag ganyang naka-kunot-noo ka.

h1

Kakanin To Go (or “To Stay”)

Setyembre 1, 2010

“Hindi na ako mabibigla kung minsan ay kambing at mga alagaing-hayop na ang pilit isinasakay sa dyip makatipid lang sa pamasahe.” Ito ang aking prediksyon sa isa kong blog entry kamakailan.  Hindi pa naman ito nangyayari pero ito ang nakunan ko ng picture Martes ng umaga papunta sa opisina.

Hindi ako maintindihan noong una.  Ang akala ko ay may party at tipong pang-regalo ang dala ni Ate Kakanin (Oo, ate siya.   Parang lalaki, ‘di po ba?).  Naliwanagan lang ako noong may sumakay na aleng tawagin na lang nating Ate Sumo, tumitig sa kalamay, at sumandali pa ay bumili kay Ate Kakanin ng dalawang slice ng kalamay.  Mas nawirduhan ako nang kainin ni Ate Sumo ang mga binili sa dyip pa lang.  Nang mga panahon na iyon, hindi ko na ikakabigla kung may sumakay na tindero ng samalamig at malamang bibili din si Ate Sumo na obviously ay hindi nag-almusal.

Hapon, parehong araw, pauwi mula sa trabaho, nakasakay ko naman ang dalawang magsing-irog na masayang nagmemerienda ng malaking bag ng chips at 1.5 liter ng Sprite.  Pambihira.

h1

Lobby at Jollibee

Agosto 23, 2010

Hindi kompotable maghintay sa isang lobby ng isang opisina kung sa ‘di kalayuan ay may ganiyang label ng trash can.

***

Salamat sa pangungunsinti sa akin, sa iyo na itinuturing na “source of all happiness”.  Salamat, Pareng Jabi.

h1

Talambuhay 103 – Si Manong Bigote

Agosto 13, 2010

Ang nakaraan…

At sa wakas, nagsalita ang Anak, ang anak na maghapong iniwasang ipaliwanag ang kanyang sarili, kabilang na ang kanyang kapatid na nakaiwas sa mga ganung pag-uusap at paliwanagan.

Ito ang paliwanag ng Anak:

“Three weeks ago, sinabi mo greet ko siya ng Father’s day, dahil sabi moFather’s Day ngayon, greet niyo naman Tatay niyo.’  Ginawa ko naman.  At ngayon Father’s Day na naman?  Ano ‘yan regla?! Pambihira…” (mula Talambuhay 102)

Sa pagpapatuloy…

Huwebes ng umaga

Sa kanyang pagbiyahe papunta sa opisina (taliwas sa kaalaman ng marami na wala siyang matinong trabaho), kahit maulan ay magaan ang pakiramdam niya sa araw na iyon.  Sa harap ng dyip, katabi ng drayber, nakangiti itong sinasabayan ang musika ni Kuya Gav (Gavin Degraw). Mapuputol lang ang mumunting kaligayahan na ito nang sumakay at makitabi sa kanya ang isang matandang lalaking animo’y isang ligo lang ang lamang sa isang tipikal na taong grasa.  Sa isip niya, marahil ay pagkakarpintero ang trabaho ni Manong Bigote.  Naisip niya sa mga oras na iyon na ang pagkakarpintero ay isang marangal na trabahong ginampanan na rin ng tatay-tatayan ni Dyisas.  Lumipad na naman ang kanyang isip sa ibang bagay.

Hindi na sana niya papansinin si Manong Bigote at ipagpapatuloy na lang sa pag-iisip sa kung ano bang mga proyekto ang ginagawa ng tatay-tatayan ni Dyisas noon; hindi na sana siya maiilang sa katabi niya, sa kakaibang taas at lakas ng boses nito at sa bigote nitong parang may sariling buhay, pero wala na siyang magawa, nilunod na ng mga kwento ni Manong Bigote ang kanyang konsentrasyon at kakaibang imahinasyon.

Kakwentuhan noon ni Manong Bigote sa Manong Drayber, na noong mga panahon na iyon ay nagsisisi yata at inumpisahan pang kausapin ang kaibigan dahil mapapansin na nabibingi din ito sa animo’y boses manok ng kaibigan.  Halatang hindi na nakikinig si Manong Drayber nang mga oras na iyon.  Pero gaya ng sino mang taong makwento, hindi importante kung may nakikinig, naisip marahil si Manong Bigote; ang importante ay animo’y may nakikinig, ang ’di magmukhang tanga at kahit paano ay may nagpapanggap na may interesado sa kanyang mga kwento.

Malawak ang sakop ng mga kinukwento ni Manong Bigote, gaya na lang ng patungkol:

– sa kanyang mga inahing manok

– mga nasalanta noong panahon ng pagputok ng Mt. Pinatubo

– mga namatay na kaanak

– mga inakalang namatay na kaanak

– kung ano ang totoong laman ng siopao

– kung magkano ang kilo ng pako

– bakit ayaw pumayag ni Mayweather na kalabanin si Pacquiao

– sa kung ano ang pinakamasarap na ilagay sa goto

– at kung paanong maglakad ang mga babaeng may malalaking suso

Huling kwento ni Manong Bigote ay kung paanong umaasa pa itong makakilala ng babaeng mapapangasawa na magbibigay sa kanya ng anak.  Hinayaan na lamang niyang mangarap si Manong Bigote at binaling ang atensyon sa kaharap na dyip na may mahalagang mensaheng nakasulat na animo’y itinadhana niyang makita.

***

Para sa iyo ito Kuya Gav, kahit hindi ka naman marunong bumasa ng Filipino.

h1

Cam Holy Spirit, I Need You. (Part 4)

Agosto 6, 2010

Nakapaskil sa tabi ng isang refrigerator at main counter ng canteen kung saan ako araw-araw na tinatawag na Avatar.  Hanggang sa ref lang kami? Huh?

Sa isang dining table ng isang kaibigang lesbiana (you’re welcome, Anne).  Hindi ko alam kung anu ang ginagawa ng dalawang repolyo sa mesa, pero upon closer observation (wow, Ingles), sa tingin ko may experiment sina Anne.

Ang resulta ng kanilang experiment ay:

Mas berde ang repolyong ipinapatong sa isang mangkok. Pero mas malaki ang repolyo kapag hindi ito nakapatong sa isang mangkok.

h1

Mga kakaibang hinaing ni Juan Dela Cruz

Hulyo 30, 2010

Walang nakatitiyak kung sino talaga ang hinayupak na si Juan Dela Cruz at kung may karapatan nga ba siyang magreklamo sa animo’y lahat ng bagay patungkol sa Pilipinas.  Ang pagpapakilala kay Juan Dela Cruz ay isang taong nais mapabuti ang buhay ng lahat ng Pilipino at nais ng pagbabago (kung ang tinutukoy niya ay “pagbabago” na isinisigaw ni Noynoy, hindi natin matitiyak).  Pero sa tingin ko, sa makabagong panahon ngayon, tatlo ang uri ng Juan Dela Cruz: isang taong natural lang na mareklamo, isang taong ang laging sagot ay “pakialam ko”, at isang taong natural na echusero, gaya ko.

– – – – – – – – – – – – – – –

Hindi ko alam kung ano ang trip ng isang “Juana” Dela Cruz noong nakaraang araw na nakasakay ako ng dyip pauwi.  Habang hinihintay na pumuno ang dyip, maya’t maya ang paghuhumiyaw ng isang kanta ng Michael Learns To Rock, na sa huli ko na lang nalaman ay message alert tone pala ni Ate.  Alam ko, alam ko, hindi ako dapat nakikialam sa message alert tone ng may message alert tone (kahit na ba ubod-lakas ito at tuwing tutunog ay gusto kong tumawa ng malakas).  Ang pinakanakakailang lang ay nung umpisahan ni Ate na manood ng video sex scandal sa kanyang cellphone, na noong mga panahon na iyon ay katapat ng isang elementary student.  Kung kinailangan talagang sariwain ni Ate ang pinakahuli niyang pakikipagniig (kung siya man ang nasa pinapanood niya), may lugar para sa ganyang sex trip; hindi ang dyip.

***

Pitong piso ang kadalasang pamasahe sa dyip.  At sa ganitong halaga, ipinapahiwatig na wala kang karapatang magreklamo sa mga mumunting isyung nararanasan mo sa dyip; isa na dito ay ang siksikan/punuan sa dyip.  Sanayang maituturing ang magtiis sa ganitong sistema, lalo pa kung ang tanging sasakyan papunta sa subdivision ninyo ay isang prankisa ng dyip na ang huling ruta ay maituturing pang isang baryo at/o hindi pa ganun kasibilisado.

Kaya kung may dala kang isang malaking bilao ng pansit (gaya ng nakasakay ko kanina), at sumakay ka pa rin sa isang punuang dyip, kasalanan mo na lang kung natapon ito dahil masyado kang matipid.  Hindi na ako mabibigla kung minsan ay kambing at mga alagaing-hayop na ang pilit isinasakay sa dyip makatipid lang sa pamasahe.  Ngayon ko naiintidihan ang pagkakaimbento ng mga taxi at tricyle.

***

Lahat ay narinig na ang hinaing ng mga drayber; sa kung paano kagahaman ang mga taga-LTO (o taga-MMDA) at sa kung paanong hingi ng hingi ang mga ito sa kanilang pang-araw-araw na kita.

Hindi ka naman naka-seatbelt, kuya.  Nakapaa ka pang namamasada.  Yosi ka pa ng yosi. Tapos nagtataka ka bakit ka hinuhuli? Astig.

Ang mga may karapatang magreklamo ay…kahit sino pwera sa iyo, kuya.

***

Kamakailan ay naibalita ang plano ng pamunuan ng Bureau of Customs na lagyan ng CCTV camera ang kanilang mga opisina at tanggalin ang mga drawers sa mga desk sa kanilang ang opisina.  Layon daw nito ang tanggalin ang lahat ng under-the-table transactions at lahat ng mga salik na nagbubunsod sa katiwalaan.

Ang akin lang, ang nakaligtaan yata sa gagawing bagong patakaran na ito ay ang puntong hindi naman batang-paslit ang mga tinatanggalan ng drawers.  Hindi drawers ang dapat tinatanggal kung hindi mga abusadong empleyado.

***

Nakikisimpatya ako kay Kris Aquino at kasalukuyang pinagdadaanan nito sa kanyang buhay-may-asawa; kung bakit, hindi ko alam.  Ang alam ko lang, hindi ko kinailangang malaman na noong July 18 siya huling nagregla. Pambihira. *kamot-ulo*

***

Kalimitang malalaki ang acting ng mga taong nakakanood ng balita sa TV, lalo na kung may basic commodity na tataas ang presyo.  Kanina ibinalita ang nagbabadyang pagtaas muli ng presyo ng asukal.  Sinalubong ito ng isang pasigaw na, “Putangina” ng aking ng Tatay.  Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit apektado siya gayong:

a.  Hindi naman siya ang nag-go-grocery.

b.  Bawal na sa kanya ang asukal.

c.  Ang gamit lang ng asukal sa bahay ay para mainom ng maayos ang kape, at ako lang naman ang nagkakape sa bahay.

d.  Hindi naman kami nagpa-panaderia.

e.  Imposibleng matuto ng baking ang pamosong si Adelaida.

– – – – – – – – – – – – – – –

Binibigyan ang lahat ng laya na ihayag ang mga kanilang mga saloobin at gawin ang mga bagay na sa tingin nila ay tama.  Binibigyan din ang lahat ng laya na magreklamo at ipahayag ang mga nais nilang magbago sa lipunan.  At, sa awa ng Diyos (ika nga), binibigyan din naman ng pasensya ang mga taong gaya ko na sa ayaw man nila’t gusto ay pilit naririnig si Juan Dela Cruz sampu ng kanyang mga reklamo.