Archive for the ‘makabagong social relevance’ Category

h1

Why not? Merry Christmas.

Disyembre 20, 2012

malamig ang simoy ng hangin?

Simple lang ang aking mga alaala noong bata ako tungkol sa Pasko.  Ang alam ko lang magkakaroon ako ng bagong polo, bagong pantalon at, kung medyo nakakaluwag-luwag si Mama, magkakaroon din ako ng bagong sapatos.

Hangang tumungtong ako ng elementarya ay ganun pa rin.  Pasko. Bagong damit.  May pagbabago lang ng kaunti kasi may kasama na itong Christmas party sa eskwela.  Si Mama ang bibili ng regalo para sa aking ka-exchange gift; at ako naman ay magkakaroon ng regalo galing sa kaklase pagkatapos ng Christmas party.  Mayroon ding spaghetti at maraming parlor games na, na sa ’di malamang dahilan ay sinasalihan ko talaga noon, na para bang ikamamatay ko ang hindi sumali, na para bang ang laki ng premyo.

Pagtungtong ng hayskul, ganun pa rin, may bago ka pa ring damit, kahit na ba sa hinuha mo ay gusto mo sana na ikaw na ang mamili at bumili.  Naroon pa rin ang Christmas party sa eskwela.  Naroon pa rin ang mga parlor games, perong tipong dyahe na sumali.  Ang nadagdag lang ay mga barkada, mga kaibigan, mga kaasaran sa klaseng tipong masaya ng walang dahilan.

Sa pagtungtong sa kolehiyo, wala na ang mga Christmas party at spaghetti, na para bang kanya-kanya na talaga.  Hindi mo na rin pansin ito dahil mas gusto mo ng paghandaan ang party sa labas ng eskwela, mas excited ka na maglasing kahit na ba hindi ka naman ganun kalakas uminom, at kung ano ba ang ibibigay mo sa syota mo, kung meron ka mang pambili ng regalo.  Hindi mo na rin pansin kung may bago kang damit.  Ang gusto mo ay pera o ’di kaya ay mamahaling cellphone o ’di kaya ay trip to Hongkong o ’di kaya ay pasalubong galing sa mga balikbayan mong kamag-anak.

Mag-uumpisa mong isumpa ang Pasko kapag ikaw na mismo ang nagtatrabaho, na para bang ramdam mo ay hino-holdup ka tuwing Disyembre.  Gagayahin mo na rin ang style ng iyong mga magulang at magtatago sa iyong mga napakabata pang inaanak.  Matutunton ka rin nila at muli ay mararamdaman na para kang nanakawan.

Tatanda ka.  Dadaan ang panahon.  Darating ang maraming Pasko at mararamdaman mo na lang na hindi ka na galit, na masarap pala ang pakiramdam ng Pasko, na hindi na pala ito tungkol sa bagong damit o sa Christmas party o sa spaghetti.  Hindi mo rin naman iniiisip na para ito kay Jesus o para kay Santa Claus.  Mararamdaman mo na lang na ang Pasko pala ay isa sa mga okasyon na nagpapaalala na marahil ay may kailangan kang ipagpasalamat sa iyong sarili, sa iyong mga kaibigan, sa iyong mga kapatid at magulang, sa iyong minamahal.  Mararamdaman mo na lang na kuntento ka sa iyong buhay, na ang pinakamagandang regalo mo sa Pasko ay ang katahimikan ng puso at isipan.

Nagbabago ang ating perpektibo sa tunay na diwa ng Pasko.  Nagbabago ang ating mga pananaw sa buhay.  Ngunit kung tutuusin, kung gugunam-gunamin, hindi ka na rin talaga galit sa Pasko; marahil sa tinagal-tagal, sa ilang taon ng buhay mo, mahal mo na rin ang Pasko at nakokornihan ka lang sa ideyang marahil ito ay totoo.

Why not.  Merry Christmas.  Hindi naman bawal.*

Advertisements
h1

Hindi ito tungkol sa Anti-Cyber-Crime Law. (As if.)

Oktubre 9, 2012

Mahirap magsulat.  ‘Yan ang una kong naisip sa aking pagsubok na muling magsulat.  Sa ilang buwan na nawala ako (kung may nakapansin man), naisip ko mahirap magsulat lalo na kung ayaw mo talagang magsulat; na mas masarap ang mahiga sa kama, manood ng TV, at isipin kung saan na nga ba ako sa aking “comprehensive diet program”.  Vanity muna bago ang lahat, ika nga.

Noon ay nagagawa kong magsulat ng kung anu-ano dahil sa mga nakakausap ko, dahil sa mga nakikita kong tao sa paligid ko, dahil sa mga nakakatuwa (at nakakatawang) pangyayari na nakikita ko araw-araw.  Pero mahirap magsulat kung ang magiging laman ng aking mga isusulat ay “nag-tricyle ako papunta sa trabaho, nagtrabaho, nag-jeep pauwi, at kumain ng dalawang beses  (at tatlong beses) kinahapunan”.  Gustuhin ko man maging adventurous eh tatawanan ko lang ito.  Adventure na ang buhay ko as it is.

Noon ay nagagawa kong magsulat dahil sa mga napapanood ko sa TV; mga drama sa hapon (afternoon; hindi ‘yung lahi ng tao na madalas ay tawaging “sakang”), mga tsismis tungkol sa mga artista, at mga kaganapan sa mundo ng politika na nakakatawag ng tuwirang pagpapakilala ng iyong opinyon sa lipunan (o harap-harapang pakisawsaw). Pero mahirap magsulat kung ang madalas ko na lang nakikita sa TV ay kung ano ba ang almusal ni Zac Efron noong nagbakasyon siya sa Pilipinas, sa kung anong posisyon sa gobyerno ba kakandidato si Jinky Pacquiao, at kung sinong Poncho-Pilato (spellcheck, Venn) ba ang pinahuling nakisayaw na rin sa saliw ng kantang Ghangnam Style.

Noon ay nagagawa kong magsulat dahil makwento si Adelaida (nanay kong kwela); kung ano na ba ang nangyari sa nabalitaan niyang pakikiapid ng kapitbahay, kung bakit walang bra si Regine Velasquez, kung bakit ang laki ng labi ni Anne Curtis, kung bakit noong panahon nila ay kailangan pang magrenta ng Komiks ni Dyisas Senior (Tatay) para lang makapagligaw, kung bakit kahit mabait akong anak ay kailangan kong magsimba para hindi ako maging anti-Christ. Pero mahirap magsulat kung sa mga nakaraang linggo ay ang mga kwento ni Adelaida ay kung paanong nakakapagod mag-alaga ng kanyang mga apo, na ang nakakahiyang isyu sa pamana ni Lola (Gorgonia) ay hindi pa rin matapos-tapos (na para bang milyon-milyon ang pinag-uusapan), kung paanong ang ilan sa mga kapatid nito ay pinapalala ang sitwasyon dahil natural silang tarantado (may gigil, I know), at kung paanong nais niyang ibalik ang mga araw na may panahon siya sa sarili niya at hindi siya pagod sa pag-intindi sa iba.

Noon ay nagagawa kong magsulat.  Kaya ngayon ay hindi na ako mahihiya sa sarili ko at magsusulat na akong muli (hangang muling tamarin para lang muling magdrama na magsusulat muli; ganun talaga kapag tumatanda, maraming pwedeng gawing dahilan).

Ito ang bagong simula ng masayang buhay ko.  Ito ang blog ko. Apir!

***

Sa mga inip at nadaan, subukan ang bago kong nakalkal na feature na pwede pa lang ilagay sa aking blog.  Ang SEARCH option.  Ito ay ’yung may napakahabang title na “i-type ang nais hanapin sa blog na ito (pwera sa mga nawawalang tao, syempre)”.  Highly recommended ang mga sumusunod na search key terms: adelaida, tulendoy, kapampangan, mawalang-galang na, bansa.

Salamat. 😀

h1

Wala akong problema, may problema?

Pebrero 20, 2012

Gusto kong isiping bumebwelo lang ako, na marahil ay naghahanap lang ako ng tyempo upang sipagin na magsulat.  May kung sinong nuknukan ng yabang na nagsabi/nagpauso na kapag masipag kang magsulat, hindi problema ang topic, ‘yung para bang kaya mong isulat lahat, na para bang inuutot mo lang ang mga ideya sa iyong isip.  Ang duda ko eh may opinyon ang taong nagsabi noon sa lahat ng bagay at kalimitan ay nababayaran siya sa pagsusulat dahil ubod siya ng galing (papuri at hindi sarcasm, maniwala ka).  Ganun din ako marahil, ma-komento, ma-opinyon; ngunit dahil hindi naman ako binabayaran para magsulat, ang binubulong ng isip ko eh, “Abnoy, ‘wag ka ngang ma-pressure.  Hindi mo ikamamatay kapag ‘di ka nagsulat.  Nakaka-bobo, yes, pero hindi nakamamatay.”

Ramdam ko ngayon eh parang hindi na lahat ng bagay eh gusto kong problemahin o gusto kong magkakomento.  Ang totoo nito, ang sa akin lang, eh wala na akong pinoproblema; hindi na rin ako magagalitin.  Malimit mangyari ay kapag nagsulat ako ng isang bagay eh dahil gusto ko itong problemahin, ganun lang kasimple.  Kung gusto ko lang magkaproblema ngayon eh madali lang:  iisipin ko lang kung para saan ang Twitter (at least sa buhay ko) at kung paano nakakadali sa buhay ng tao ang touchscreen technology.  Kung may katuturan man sa buhay ko ang aking mga sinusulat eh hindi ko na rin iniiisip at/o pinoproblema ‘yun.  Nagsusulat na lang ako ngayon, “for more” (sabi nga ng barkada).

Ang akin lang, hindi man normal sa isang tao ang walang problema sa buhay, hindi rin naman ito imposible.  Kung wala man akong problema sa buhay, hindi naman ito ‛yung tipong ultimate enlightenment, na para bang pwede na akong mamatay anu mang oras, ‛wag naman ganun.

Kung tutuusin ay dapat matuwa ako sa ideya na wala akong problema, na hindi ako malungkot, na hindi ako nagtatampisaw sa negative vibes.  Mahirap paniwalaan, pero totoo; mainggit na ang mainggit. Belat!*

h1

On Angelo Reyes

Pebrero 9, 2011

Ang pagdudahan ang isang taong namayapa na, sa kung anu man ang kanyang mga nagawang anomalya ‘di umano, sa tingin ko ay isang indikasyon na:

a.  may mga taong inip lang talaga sa buhay.

b.  marami ang gusto lang talagang magpanggap na may opinion at nagmamarunong

c.  may mga taong natural na may galit sa kahit sinong namatay

d.  may tinatagong lihim na pagtingin sa namayapang heneral

e.  may mga taong ayaw ng may namamatay at gusto imortal lahat ng tao sa mundo/bansa

f.  all of the above.

Narito ang naisip kong 10-step solution sa mga taong hangang ngayon ay nuknukan pa rin ang gigil sa pagpapakamatay ni Angelo Reyes.

1.  Hintayin niyong ilibing ang kanyang mga labi.

2.  Humanap ng mga kagaya niyong galit sa mundo at pumunta sa kanyang pinaglibingan.

3.  ‘Wag kalimutang magdala ng pala (o kahit anong epektibong panghukay)

4.  Buksan ang kabaong.

5.  Kunin ang bangkay ng yumaong heneral.

6.  Tantarin ang katawan nito ng pinong-pino.

7.  Isilid sa sako ang natatadtad na katawan.

8.  Sabuyan ng gaas ang sako.

9.  Pagliyabin ang sako.

10.  Hintaying masunog hangang maging abo ang sako at laman ng sako habang kumakanta ng “Heal our land” ni Jamie Rivera.

Kung hindi pa kayo nakuntento sa nasabing 10-step solution eh kailangan niyo na ng anger-management intervention.

Ang akin lang, kung kaya nating magkaroon ng opinyon sa mga bagay-bagay na sa kung tutuusin ay wala naman tayong alam/pakialam (maliban sa ibinabalita sa TV), kaya din siguro natin bigyan ng tamang respeto ang sinumang yumaong kung tutuusin ay wala namang direktang kinalaman sa buhay natin, sa kung ano tayo ngayon, sa kung may trabaho ka pa ba tayo matapos niyang mamatay, at sa kung ano ba talaga ang totoong nangyayari at kung ano ang gagawing hakbang tungkol dito.

Ang akin lang, ano ba gusto nating mangyari, ang mabuhay si Angelo Reyes at mag-sorry (assuming may ginawa siyang labag sa batas)?  Akala ko ba Diyos (kung meron man) ang humahatol sa mga namayapa na?  Bakit tayo nagpapataasan ng ihi sa kung ano ang hiwaga sa likod ng kanyang pagkamatay?  Pinoproblema mo ba talaga ito, pare ko?  Utang na loob.

h1

Chicken, baka, bulate (Hindi ito food review)

Enero 26, 2011

Naisip ko na bago man lang matapos ang buwan na ito ay magparamdam ako sa kung may iilan pa akong natitirang mambabasa sa blogsite na ito.  Ang akin lang, kung hindi man ako naging busy at nakaligtaang lang magsulat eh wala na kayong pakialam dun.  Kayo na blogger, sige.

***

Kahit nagbago ang taon, kahit na ba paulit-ulit na pinapaalala na sa 2012 ay magugunaw na ang mundo (yeah, okay, okay, gets na namin, utang na loob.  Hooray sa mga Aztecs, sige, sila na magaling) wala pa rin naman nagbago.

Nariyan pa rin ang mga bumabiyahe sa bus papunta ng probinsya na ang ideya sa merienda ay “1-piece chicken meal” na para bang ikamamamatay nila kapag hindi sila nakakain ng kanin at manok sa loob ng may kung apat hangang anim na oras na biyahe papunta sa kung anong probinsya.

Nariyan pa rin ang pag-usbong ng mga hinayupak na pangarap ng ilan na maging singer dahil sa kaka-premiere pa lang na American Idol Season 10.   Hindi ito malala kumpara sa mga kapitbahay naming hindi ko alam paano nabiyayaan ng videoke machine na ang trip maghapon ay mag-videoke mula sa mga kanta ni Beyonce, hangang kay Sarah Geronimo hangang sa mga kanta ng Koreanong kung tutuusin ay laging tig-iisang sentence lang naman ang naiintidihan natin.  Gusto ko tuloy ipakilala sa kanila ang gamit ng telebisyon (o ang kapakipakinabang na libangang pagko-crossstitch) at nang magkaroon naman sila ng bagong libangan sa buhay.  ‘Di rin nakakatulong ang katototohanang isa man sa may anim o pitong miyembro ng pamilya ng kapitbahay namin ay hindi marunong tumama sa tono (o kumapit man lang sa dulo nito).  Sa tuwing pupunta ka sa kusina namin (tapat ng bahay ng nasabing kapitbahay), asahan mo na ang makarinig ng animo’y mga nag-uungulang baka o ‘di kaya mga batang animo’y nilulunod sa Nile River noong panahon ni Ramses I.

Nariyan pa rin ang mga nakakailang na pagkakataong makakasalubong mo ang iyong kaklase noong hayskul at ganito ang iyong magiging usapan:

Kaklase 1:  Oh, hi.  Musta na? Long time, no see. (Nakakatawang obserbasyon, kung ako tatanungin)

Rai:  (Ngiti lang.)

Kaklase 1:  Kailan tayo magre-reunion?

Rai:  Nakow, hindi ko alam.  Ano nga ulet pangalan mo?

Kaklase 1:  Ito naming si Rai makakalimutin talaga.  Ako si *insert name here*

Rai:  Ganun talaga eh. (Gusto na umalis)

Kaklase 1:  So, saan ka galing niyan?

Rai:  Nagbayad ng bills.

Kaklase 1:  Eh san ka nagtatrabaho?  May anak ka na ba? I mean, nag-asawa ka na ba?  Alam mo ba si *insert Kaklase 2 name here*, nag-asawa na.  Actually, pangatlo na niyang anak –

Rai:  Actually, wala akong trabaho.  Mayaman na kasi parents ko, kaya ayaw nila ako maghanap ng trabaho.  O sige ah, susunduin ko pa yung anak ko, grade 1 na siya.  Bye.

(Tapos nagtataka ako bakit wala ako masyado kaibigan noon at ngayon.)

Nariyan pa rin ang mga nakakatuwa at nakaka-tumbling na hirit ng aking pamosong nanay na si Adelaida gaya ng mga sumusunod:

Dinner time at kakabili lang ng bagong dresser.

Rai:  Ma, ano ulam?

Adelaida:  Nakow, kahit hindi na ako kumain; busog na ako kahit titigan ko lang ‘tong bago kong dresser. (Umupo sa tapat ng dresser at nagsuklay)

May nakitang lolo na kalalabas lang ng ospital.

Adelaida:  Nakow, si lolo, isang bulate na lang ‘di pumipirma.

Rai:  Pumipirma saan?

Adelaida:  Para kunin na siya ni Lord.

Rai:  Ma…

Adelaida:  Totoo naman.

***

Abangan ang aking susunod na blog post: My 200th blog entry.

h1

WWJD (What Who “Jew” Do)

Nobyembre 8, 2010

Mga Tauhan:

Ate Grace – kapitbahay na may tindahan at nahihilig sa kanyang “church”; may anak siyang takot sa aso.

Madam Elda – nanay ni Ate Grace; nakatokang maging tindera noong araw na iyon (dahil umuwi somewhere South ang kanilang katulong para manganak); isa rin siyang retiradong guro; ayaw din niya sa Canada dahil malamig daw masyado.

Rai – responsableng kapitbahay ni Ate Grace at Madam Elda; naisipang bumili ng yosi bago magsara ang tindahan; nalaman ang lahat ng tungkol sa kapitbahay dahil sa makwentong nanay.

(Pumunta ng tindahan)

Rai:  Pabili po ng red.

Madam Elda:  Magkanong load?

Rai:  Red po.  Marlboro red po.

Madam Elda:  Magkano ngang load?  Globe, ‘di ba?

Rai:  Madam, Red po.  Yosi po.  ‘Yun pong kapag sinindihan, may usok.

Ate Grace:  (nakialam na)  Nay, yosi daw.  Yosi.

Madam Elda (kausap ang anak):  Eh dinig ko load. (sabay tawa)

Rai:  (Nakitawa na rin, why not, chocnut)

Ate Grace:  Yan, sama ka naman sa akin sa Sunday.

Rai:  Saan?  Birthday mo? (Tawa pa rin ng tawa)

Ate Grace:  Sama ka sa church namin.

Rai:  Church niyo?  Church niyo nino?

Ate Grace:  Basta sa church namin.  Sama ka ah?

Rai:  Naku, pass muna ako diyan.

Ate Grace:  Bakit naman?

Rai:  Hmmmmm.. busy ako.

Ate Grace:  Sunday ‘yun.  Wala ka naman pasok nun.

Rai:  Eh ganun talaga ako, busy kahit walang work.

Ate Grace:  Sige na.  minsan lang.  Subukan mo lang.

Rai:  (Gusto sabihin na “nasubukan ko na dati ang ganyan, wala man merienda”, pero naisip ko baka nakabastos naman ‘yun sa “church” niya.)

Ate Grace:  Ano na?  Sama ka na sa akin sa church?

Rai:  Busog pa po ako.  Salamat na lang. (Sabay layas sa tindahan.)

***

Balak ko maglagay ng tarpaulin sa tapat ng bahay, nakasulat:

Hindi ako anti-christ.  ‘Wag maniwala sa sabi-sabi, lalo na galing kay Mommy – Rai

Hindi ko rin pala naiitindihan ang tanong mo, Mr. Pete Morales (kapitbahay naming kung umasta ay parang isa sa may-akda ng Bible), sa iyong tanong nung minsang makasalubong mo ako na,  “Natagpuan mo na ba Kristo sa puso mo?” Ano ka, Sexbomb?

WTF?  WWJD? XYZ? ABC? DOREMI?  (Gago mode)  Tapos nagtataka ako kung bakit ayaw ma-import ng blog ko sa Facebook.  Buhay nga naman.

And yeah, nga pala, hindi ako anti-christ.

h1

Ang Hostage-taking sa Quirino Grandstand (or parang ganun)

Agosto 23, 2010

Sa katatapos lang na hostage-taking scenario sa Quirino Grandstand, madami ang sigurado ako ay magkakaroon na naman ng mga malalaking opinyon; palakihan ng acting sa ngayon pa lang ay sinisisi ng kasalanan ng mga pulis.  Titingnan din ang anggulo na marahil ay may kasalanan ang media, at kung bakit nabaril ang isang batang usiserong kung tutuusin ay wala dapat sa lugar na pinangyarihan ng hostage-taking “drama”.

Habang nanood ng nangyayari kanina, pilit akong kinukulit ng aking Nanay, ang pamosong si Adelaida.  Pilit niyang ipipapaala na i-text ang bunso kong kapatid na nasa Manila.

Adelaida:  I-text mo nga kapatid mo.  Kamustahin mo kung okay lang ba siya.

Rai:  Bakit, miyembro na ba siya sa mga SWAT team?  Kailan pa nagpulis si Dyisas Junior?

Adelaida: I-text mo nga.  Baka napano na ‘yun.

Rai:  Ma, turistang taga-Hongkong ba si Bunso at nasama sa mga hinostage?

Adelaida:  Eh malay mo nakiusyoso siya diyan.

Rai:  Ang importante hindi siyang ‘yung nabaril kanina.  ‘Yung nabaril mga 10-14 years old daw.  At nakita mo naman, “payat” ‘yung bata.  Kung ‘yung kapatid ko ‘yan, malayo pa lang, kita na nating siya ‘yun.

Natahimik si Mama at napanatag ang loob na marahil nga ay ligtas si Dyisas Junior, at ‘yun ay dahil na rin nabaling ang atensyon ni Mama sa pakikipag-away sa Tatay ko patungkol sa kung saan pinakamagandang magrenta ng mascot para sa isang birthday party.