Archive for the ‘Mga Paalala’ Category

h1

Hindi ito tungkol sa Anti-Cyber-Crime Law. (As if.)

Oktubre 9, 2012

Mahirap magsulat.  ‘Yan ang una kong naisip sa aking pagsubok na muling magsulat.  Sa ilang buwan na nawala ako (kung may nakapansin man), naisip ko mahirap magsulat lalo na kung ayaw mo talagang magsulat; na mas masarap ang mahiga sa kama, manood ng TV, at isipin kung saan na nga ba ako sa aking “comprehensive diet program”.  Vanity muna bago ang lahat, ika nga.

Noon ay nagagawa kong magsulat ng kung anu-ano dahil sa mga nakakausap ko, dahil sa mga nakikita kong tao sa paligid ko, dahil sa mga nakakatuwa (at nakakatawang) pangyayari na nakikita ko araw-araw.  Pero mahirap magsulat kung ang magiging laman ng aking mga isusulat ay “nag-tricyle ako papunta sa trabaho, nagtrabaho, nag-jeep pauwi, at kumain ng dalawang beses  (at tatlong beses) kinahapunan”.  Gustuhin ko man maging adventurous eh tatawanan ko lang ito.  Adventure na ang buhay ko as it is.

Noon ay nagagawa kong magsulat dahil sa mga napapanood ko sa TV; mga drama sa hapon (afternoon; hindi ‘yung lahi ng tao na madalas ay tawaging “sakang”), mga tsismis tungkol sa mga artista, at mga kaganapan sa mundo ng politika na nakakatawag ng tuwirang pagpapakilala ng iyong opinyon sa lipunan (o harap-harapang pakisawsaw). Pero mahirap magsulat kung ang madalas ko na lang nakikita sa TV ay kung ano ba ang almusal ni Zac Efron noong nagbakasyon siya sa Pilipinas, sa kung anong posisyon sa gobyerno ba kakandidato si Jinky Pacquiao, at kung sinong Poncho-Pilato (spellcheck, Venn) ba ang pinahuling nakisayaw na rin sa saliw ng kantang Ghangnam Style.

Noon ay nagagawa kong magsulat dahil makwento si Adelaida (nanay kong kwela); kung ano na ba ang nangyari sa nabalitaan niyang pakikiapid ng kapitbahay, kung bakit walang bra si Regine Velasquez, kung bakit ang laki ng labi ni Anne Curtis, kung bakit noong panahon nila ay kailangan pang magrenta ng Komiks ni Dyisas Senior (Tatay) para lang makapagligaw, kung bakit kahit mabait akong anak ay kailangan kong magsimba para hindi ako maging anti-Christ. Pero mahirap magsulat kung sa mga nakaraang linggo ay ang mga kwento ni Adelaida ay kung paanong nakakapagod mag-alaga ng kanyang mga apo, na ang nakakahiyang isyu sa pamana ni Lola (Gorgonia) ay hindi pa rin matapos-tapos (na para bang milyon-milyon ang pinag-uusapan), kung paanong ang ilan sa mga kapatid nito ay pinapalala ang sitwasyon dahil natural silang tarantado (may gigil, I know), at kung paanong nais niyang ibalik ang mga araw na may panahon siya sa sarili niya at hindi siya pagod sa pag-intindi sa iba.

Noon ay nagagawa kong magsulat.  Kaya ngayon ay hindi na ako mahihiya sa sarili ko at magsusulat na akong muli (hangang muling tamarin para lang muling magdrama na magsusulat muli; ganun talaga kapag tumatanda, maraming pwedeng gawing dahilan).

Ito ang bagong simula ng masayang buhay ko.  Ito ang blog ko. Apir!

***

Sa mga inip at nadaan, subukan ang bago kong nakalkal na feature na pwede pa lang ilagay sa aking blog.  Ang SEARCH option.  Ito ay ’yung may napakahabang title na “i-type ang nais hanapin sa blog na ito (pwera sa mga nawawalang tao, syempre)”.  Highly recommended ang mga sumusunod na search key terms: adelaida, tulendoy, kapampangan, mawalang-galang na, bansa.

Salamat. 😀

h1

Wala akong problema, may problema?

Pebrero 20, 2012

Gusto kong isiping bumebwelo lang ako, na marahil ay naghahanap lang ako ng tyempo upang sipagin na magsulat.  May kung sinong nuknukan ng yabang na nagsabi/nagpauso na kapag masipag kang magsulat, hindi problema ang topic, ‘yung para bang kaya mong isulat lahat, na para bang inuutot mo lang ang mga ideya sa iyong isip.  Ang duda ko eh may opinyon ang taong nagsabi noon sa lahat ng bagay at kalimitan ay nababayaran siya sa pagsusulat dahil ubod siya ng galing (papuri at hindi sarcasm, maniwala ka).  Ganun din ako marahil, ma-komento, ma-opinyon; ngunit dahil hindi naman ako binabayaran para magsulat, ang binubulong ng isip ko eh, “Abnoy, ‘wag ka ngang ma-pressure.  Hindi mo ikamamatay kapag ‘di ka nagsulat.  Nakaka-bobo, yes, pero hindi nakamamatay.”

Ramdam ko ngayon eh parang hindi na lahat ng bagay eh gusto kong problemahin o gusto kong magkakomento.  Ang totoo nito, ang sa akin lang, eh wala na akong pinoproblema; hindi na rin ako magagalitin.  Malimit mangyari ay kapag nagsulat ako ng isang bagay eh dahil gusto ko itong problemahin, ganun lang kasimple.  Kung gusto ko lang magkaproblema ngayon eh madali lang:  iisipin ko lang kung para saan ang Twitter (at least sa buhay ko) at kung paano nakakadali sa buhay ng tao ang touchscreen technology.  Kung may katuturan man sa buhay ko ang aking mga sinusulat eh hindi ko na rin iniiisip at/o pinoproblema ‘yun.  Nagsusulat na lang ako ngayon, “for more” (sabi nga ng barkada).

Ang akin lang, hindi man normal sa isang tao ang walang problema sa buhay, hindi rin naman ito imposible.  Kung wala man akong problema sa buhay, hindi naman ito ‛yung tipong ultimate enlightenment, na para bang pwede na akong mamatay anu mang oras, ‛wag naman ganun.

Kung tutuusin ay dapat matuwa ako sa ideya na wala akong problema, na hindi ako malungkot, na hindi ako nagtatampisaw sa negative vibes.  Mahirap paniwalaan, pero totoo; mainggit na ang mainggit. Belat!*

h1

Ibalik ang mandatory ROTC – AFP

Agosto 13, 2010

Natutuwa lang ako sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kapag nasa mall ang mga ito at may karay-karay na bomb-snipping dog at hindi ako binabawalang i-pet ang kalimitan ay malaking aso.  Pero kamakailan ay pumalakpak ang tenga ko nang mabasa ang balitang nais ng AFP na ibalik ang mandatory ROTC sa mga kalalakihan sa kolehiyo.

Buong pagmamalaki kong masasabi na natapos ko ang apat na semester ng ROTC program.   Hindi ko man maarok ang nais nitong ipabatid patungkol sa nasyonalismo at sa kung anumang layuning mahalin ang bansa; at kahit na ba hindi ko pinangarap na iharap sa isang giyerang laging pinipilit na maaring mangyari, parte na ito ng buhay ko.

Ito ang ilan sa mga kalimitang gawain sa ROTC:

– MAGSUOT NG COMBAT BOOTS.  At hindi ito ‘yung mga tipong suot-suot ng Justin Bieber ngayon na Supra shoes; ito ‘yung pwedeng gawing hulmahan ng paa.  Sa sobrang bigat nito, para ang pakiramdam ay may prosthetic legs ka o ‘di kaya may tig-iisang kilo ng bigas ka sa magkabilang talampakan.  Sa kabilang banda, kaya nitong suungin ang anumang hamon ng panahon, i.e. putik, bato, ulan, makulit na kaklase.

– IBILAD SA ARAW (kung may dahilan, ‘di ako sigurado).  Kung anu man ang dahilan at iniiwan kaming mabilad sa araw noon, wala sanang problema; ano ba naman ang magka-tan ka at maging patpating kayumangging-kaligatan.  Pero ang siste lang sa akin ay allergic ako sa glaring light (alam ng mga kaibigan ko ‘yan.) At ang kaso kapag gumagalaw-galaw ka habang nakabilad kayo, may parusang push-ups (minimum sampu).  At ang kaso ulit, payat ako nun at tipong hangang apat lang ang kayang bilang sa push-ups.

– BAWAL KUMAIN.  Hindi naman sa patay-gutom, pero sa isang subject na mula umaga hangang tanghalian lang, hindi ko alam kung bakit nakakagutom.  Ito marahil ay dahil na rin sa pagpapatakbo sa amin sa oval nang may kung ilang ulit.  Isang dahilan din marahil ay ang pinakamalapit na drinking fountain ay sa kabilang building, at nabanggit ko na kanina, kapag nakabilad kayo sa araw, bawal gumalaw.

– BAWAL ANG MAINGAY.  Hindi ako sigurado kung tipong may naglilista ng noisy kapag formation na, pero bawal mag-ingay.  Tandaan na noong mga panahon na iyon, ang pinaka-portable na paraan ng pagsa-soundtrip ay ang diskman, kaya imposibleng ibulsa. At para sa mga mainiping gaya ko, ang magkwentuhan ang tanging paraan para hindi mabagot.  Nagiging kakaiba din ang mga usapan, na minsan ay umaabot sa usapang, “sino ang may pinakamakintab na combat boots?”

– BAWAL ANG LONGHAIR/MAY BIGOTE AT GOATEE/FACIAL HAIR.  Malinis nga namang maituturing ang isang bagong gupit na kadete. Pero mas madali nga namang turuan ng leksyon ang mga mahahaba ang buhok sa pamamagitan ng walang-habas na paggupit maiksian lang ito.  Sa panahon ng ROTC, gago na lang ang magpahaba ng buhok.

– HAYOK ANG LAHAT SA BABAE.  Ang kawalan ng babae tuwing ROTC ang nagbubunsod sa karamihan na maghuhumiyaw sa tuwa kapag dumarating ang isang babaeng instructor namin para magturo ng “self-defense”.  Habang hindi ko maintindihan kung paano ka kakalma at iisiping palipitin ang kamay ng isang taong nanunutok sa iyo ng baril, mas hindi ko maintindihan kung bakit pinagnanasahan ng mga kaklase ko ang instructor naming kung tutuusin ay parang nawawalang kapatid ni Berverly Salviejo.

***

Ang akin lang, hindi mahirap maghanap ng dahilan para kutyain ang noo’y ROTC program.  Hindi mahirap isiping marahil ay isa lang itong kapricho na gustong ibalik para sa anu mang dahilan.  Pero ano ba naman ang dalawang taon, isang araw sa isang linggo, ilang oras sa isang araw? Ano ba naman ang apat/limang oras sa isang linggo ng paglimot sa nakalakihang ginhawa sa buhay?

Ang akin lang, mas may natutunan sa ROTC kumpara sa kasalukuyang NSTP.  Mas nagiging maiitisin ka sa buhay (lalong-lalo na sa init ng araw).  Mas gugustuhin ko pang makitang magsuot ng combat boots ang mga lalaki sa kolehiyo habang ibinibilad sila sa araw kaysa sa ngayong nangyayaring naka-Supra shoes ang mga ito at naiinarte sa pagpulot ng mga basura sa daan at pagpinta ng mga naglulumot na pader ng isang pamayanan.

Ang akin lang, hindi mo naman ito ikamamatay at – oh wait. (Binasa ang news tungkol sa pagbabalik ng ROTC).  I love NSTP.

h1

Jejemon, Word of the Year for 2010

Agosto 3, 2010

Para sa taong 2010, napiling Word of the Year ang salitang Jejemon.  Kahit ako’y ngayon lang narinig ang ganitong kaganapan.  Hindi naman nakapagtatakang isipin na marahil nga ay akmang tawaging Word of the Year ang salitang Jejemon dahil sa natamo nitong atensyon sa publiko sa mga nakaraang buwan.

May kung ilang balita, dokumentaryo, at mga kwentuhan na rin sa kanto ang pumukaw sa kung tawagin ay isang phenomenon.   May ilan, gaya ng isang istasyon sa TV, ang nakaisip pang gawin itong ideya sa isang sitcom; may ilan din naman, gaya ng kung sino man ang nagsumite sa Urbandictionary.com ng “kahulugan” ng Jejemon/s, na marahil ay masyado itong sineseryoso.

Jejemons are individuals with low IQs who spread around their idiocy on the web by tYpFing LyK diZS jejejeje, making all people viewing their profile raise their eyebrows out of annoyance.

Sa ipapakitang reaksyon ng mga tao sa mga Jejemons, narito ang marahil ang mga angkop na kahulugan ng salitang Jejemon:

– Isang taong kinaiinisan ng karamihan, na wala rin namang alam gawin kung hindi pansinin pati pagsusulat/pagte-text ng iba (na kung tutuusin ay hindi na nila dapat pinakekelaman).

– Dahilan ng galit ng isang taong hindi pa natuklasan ang cross stitch bilang alternatibong libangan.

– Gustong patayin ng mga taong nag-aakalang “cool” sila kapag ginawa ‘yun.

– Ang makabagong Dyisas na kasalukuyang pinapako sa krus (ng walang pampamahid) habang naka-video ito at pilit pinapasigaw ng ‘Pilipinas Win na Win’.

– Isang taong may kakaibang paraan ng pagsusulat at dapat lubayan ng taong bayan.

Madali ang punahin ang mga bagay na hindi maintindihan at mga bagay na ayaw intindihin; ang isiping marahil ay tama ka at mali sila.  At siguro, sa mumunting paraan, may puntong kang nais ipabatid; may mensahe kang nais ipaabot.  Ang mali lang sa ganitong sistema ay hindi ka na lang namumuna, gusto mo pa ay umikot ang mundo sa iyo kasabay ng galit mo sa mga mga taong (gaya ng mga Jejemons) na kung tutuusin ay hindi ka naman inaano.

Ito ay para sa lahat ng Jejemons na inapi at inaapi ng taong-bayang hanggang ngayon ay kung umasta pa rin ay parang mga manununog ng mga mangkukulam.

***

h1

Mga kakaibang hinaing ni Juan Dela Cruz

Hulyo 30, 2010

Walang nakatitiyak kung sino talaga ang hinayupak na si Juan Dela Cruz at kung may karapatan nga ba siyang magreklamo sa animo’y lahat ng bagay patungkol sa Pilipinas.  Ang pagpapakilala kay Juan Dela Cruz ay isang taong nais mapabuti ang buhay ng lahat ng Pilipino at nais ng pagbabago (kung ang tinutukoy niya ay “pagbabago” na isinisigaw ni Noynoy, hindi natin matitiyak).  Pero sa tingin ko, sa makabagong panahon ngayon, tatlo ang uri ng Juan Dela Cruz: isang taong natural lang na mareklamo, isang taong ang laging sagot ay “pakialam ko”, at isang taong natural na echusero, gaya ko.

– – – – – – – – – – – – – – –

Hindi ko alam kung ano ang trip ng isang “Juana” Dela Cruz noong nakaraang araw na nakasakay ako ng dyip pauwi.  Habang hinihintay na pumuno ang dyip, maya’t maya ang paghuhumiyaw ng isang kanta ng Michael Learns To Rock, na sa huli ko na lang nalaman ay message alert tone pala ni Ate.  Alam ko, alam ko, hindi ako dapat nakikialam sa message alert tone ng may message alert tone (kahit na ba ubod-lakas ito at tuwing tutunog ay gusto kong tumawa ng malakas).  Ang pinakanakakailang lang ay nung umpisahan ni Ate na manood ng video sex scandal sa kanyang cellphone, na noong mga panahon na iyon ay katapat ng isang elementary student.  Kung kinailangan talagang sariwain ni Ate ang pinakahuli niyang pakikipagniig (kung siya man ang nasa pinapanood niya), may lugar para sa ganyang sex trip; hindi ang dyip.

***

Pitong piso ang kadalasang pamasahe sa dyip.  At sa ganitong halaga, ipinapahiwatig na wala kang karapatang magreklamo sa mga mumunting isyung nararanasan mo sa dyip; isa na dito ay ang siksikan/punuan sa dyip.  Sanayang maituturing ang magtiis sa ganitong sistema, lalo pa kung ang tanging sasakyan papunta sa subdivision ninyo ay isang prankisa ng dyip na ang huling ruta ay maituturing pang isang baryo at/o hindi pa ganun kasibilisado.

Kaya kung may dala kang isang malaking bilao ng pansit (gaya ng nakasakay ko kanina), at sumakay ka pa rin sa isang punuang dyip, kasalanan mo na lang kung natapon ito dahil masyado kang matipid.  Hindi na ako mabibigla kung minsan ay kambing at mga alagaing-hayop na ang pilit isinasakay sa dyip makatipid lang sa pamasahe.  Ngayon ko naiintidihan ang pagkakaimbento ng mga taxi at tricyle.

***

Lahat ay narinig na ang hinaing ng mga drayber; sa kung paano kagahaman ang mga taga-LTO (o taga-MMDA) at sa kung paanong hingi ng hingi ang mga ito sa kanilang pang-araw-araw na kita.

Hindi ka naman naka-seatbelt, kuya.  Nakapaa ka pang namamasada.  Yosi ka pa ng yosi. Tapos nagtataka ka bakit ka hinuhuli? Astig.

Ang mga may karapatang magreklamo ay…kahit sino pwera sa iyo, kuya.

***

Kamakailan ay naibalita ang plano ng pamunuan ng Bureau of Customs na lagyan ng CCTV camera ang kanilang mga opisina at tanggalin ang mga drawers sa mga desk sa kanilang ang opisina.  Layon daw nito ang tanggalin ang lahat ng under-the-table transactions at lahat ng mga salik na nagbubunsod sa katiwalaan.

Ang akin lang, ang nakaligtaan yata sa gagawing bagong patakaran na ito ay ang puntong hindi naman batang-paslit ang mga tinatanggalan ng drawers.  Hindi drawers ang dapat tinatanggal kung hindi mga abusadong empleyado.

***

Nakikisimpatya ako kay Kris Aquino at kasalukuyang pinagdadaanan nito sa kanyang buhay-may-asawa; kung bakit, hindi ko alam.  Ang alam ko lang, hindi ko kinailangang malaman na noong July 18 siya huling nagregla. Pambihira. *kamot-ulo*

***

Kalimitang malalaki ang acting ng mga taong nakakanood ng balita sa TV, lalo na kung may basic commodity na tataas ang presyo.  Kanina ibinalita ang nagbabadyang pagtaas muli ng presyo ng asukal.  Sinalubong ito ng isang pasigaw na, “Putangina” ng aking ng Tatay.  Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit apektado siya gayong:

a.  Hindi naman siya ang nag-go-grocery.

b.  Bawal na sa kanya ang asukal.

c.  Ang gamit lang ng asukal sa bahay ay para mainom ng maayos ang kape, at ako lang naman ang nagkakape sa bahay.

d.  Hindi naman kami nagpa-panaderia.

e.  Imposibleng matuto ng baking ang pamosong si Adelaida.

– – – – – – – – – – – – – – –

Binibigyan ang lahat ng laya na ihayag ang mga kanilang mga saloobin at gawin ang mga bagay na sa tingin nila ay tama.  Binibigyan din ang lahat ng laya na magreklamo at ipahayag ang mga nais nilang magbago sa lipunan.  At, sa awa ng Diyos (ika nga), binibigyan din naman ng pasensya ang mga taong gaya ko na sa ayaw man nila’t gusto ay pilit naririnig si Juan Dela Cruz sampu ng kanyang mga reklamo.

h1

Pagbabago para sa mga gago

Hulyo 4, 2010

Sa mga nakaraang lingo, sa pagtatapos ng kabanata ng makulay na nationalelections, naging positibong libangan ng mga tao ang magsuot ng kulay dilaw na damit at simsimin ang halimuyak ng kanilang nagpupuyos na damdaming-makabayan.  Lahat ay sinalubong ang bagong administrasyon ng may ngiti sa kanilang mga labi, dala ang pag-asang marahil ito na nga (sa loob ng ilang subok na itinuturing) ang tamang desisyon, ang tamang administrasyon.

Hangang kailan ang mga ganitong fiesta?  Hangang kailan tayo magsasaya? Makakabuti ba sa atin ang muling umasa?

Pinangangalandakan ng ilang patalastas at programa sa telebisyon na ito na ang ″panahon ng pagbabago”, na animo’y may napakamaling nangyari sa mga nakaraang taon at administrasyon. Ano ba ang ginawang masama sa iyo ng rehimeng Arroyo?  Ano ba ang kailangang baguhin, maliban sa tuwing anim na taon na pagpapalit ng presidente sampu ng mga ibang politiko?  Maiitindihan ko sana ang malaking selebrasyon ng pagpapalit ng pangulo kung hindi ipinapamukha na animo’y pinapalaya tayo sa kung anung inimbentong pasakit sa buhay na dinulot ng nakaraang administrasyon.

‘Yun ba ay dahil wala kang trabaho? ‘Yun ba ay dahil naghihirap kayo ng inyong pamilya?  ‘Yun ba ay dahil hindi ka masaya?  Ano ang kinalaman ng isang presidenteng – na marahil ay sa buong-buhay mo ay hindi mo makakadaupang-palad – sa mga pasakit mo sa buhay?  Bakit umaasta tayong biktima kahit wala namang krimen?  Bakit gusto natin ng pagbabago kung ang gusto lang talaga natin ay makalikom ng sapat na pera ng hindi na tayo reklamo ng reklamo?

Sa mga ilang malalaki ang acting, sa mga ilang animo’y handang magbuwis ng buhay para sa bayan, gumising ka, kaibigan, wala ka namang kaaway.

Naiintindihan ng lahat ang ″sakripisyo” ni Cory, ni Ninoy, ni Kris, ni Noynoy, ni Mar Roxas, ni Korina, ni Binay, ni Erap, ni Boy Abunda, ni Dingdong Dantes, ni James Yap, ng kahit sinong nagtaguyod/nagtataguyod/magtataguyod ng ″pagbabago”.  Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit umaasta tayong parang muling bumalik si Kristo at nagkatawang-tao.

h1

Talambuhay 102 –Father’s Day Ispeysyal

Hunyo 22, 2010

Ang nakaraan…

Matatapos ang araw sa kwento ng ’di umano’y nagmumultong babae sa opisina, na sa katagalan ay pinangalanan ng Susan, sa ’di matukoy na kadahilanan.  May mga maniniwala, may mga mag-iisip na ito’y malaking kagaguhan, at may isang mag-iisip na nakakatawa pala ang multo kung pangalan nito ay Susan. (mula Talambuhay 101)

***

Sa pagpapatuloy…

Biyernes (yata)

May kung ilaw na rin niyang iniisip kung anong araw na ba kahapon, kung Huwebes na ba o Miyerkules pa lang.  Kinailangan pa niyang tingnan ang kanyang cellphone, tingnan ang calendar at malamang Huwebes nga naman kahapon.  Sa kabila ng pagbabasa araw-araw ng dyaryo, sa pagtingin sa balitang ang tanging isinisigaw ay presidente na ang ‘di kaaya-ayang si Noynoy, ni minsan ay hindi niya naisipang tingnan ang araw, kung Huwebes na nga kahapon o Miyerkules pa lang.

Sa kanyang maituturing na pagluwas papunta sa trabaho, sa pag-aabang ng dyip na sa kanyang pagnanasa ay hindi puno nang mabigyan pa ng pagkakataong makahinga at mahanginan ng maayos, naroon na naman sa tabi ng waiting shed ang isang matandang lalaking tindero ng kung anu-ano, na sa kanyang pag-iisip ay pinangalanan niyang “Lolo Kendi” (dala marahil ng araw-araw niyang pagbili ng kendi sa nasabing lolo, bunsod ng pagkahilig sa coffee kendi o kung hindi man ay marahil dahil sa awa sa matandang kailangan pang maghanap-buhay sa kanyang edad na kung tutuusin ay dapat sinasariwa na lang ang kanyang kabataan.)

Linggo

Dumaan ang Sabado na ang tanging naging alaala ay nasunog ng kanyang tumatabang kapatid ang nilulutong kaldereta.  Sa pagpasok ng araw, sa paglabas niya sa kanyang kwarto, salubong ng kanyang Nanay ang paalalang batiin ang Happy Father’s Day ang kanyang Tatay. Ganun din ang paalala sa nabanggit na kapatid.

Dumating ang tanghalian, naroon pa rin ang paalala ng Nanay.  Ang magkapatid ay patuloy pa rin sa pagrereklamo sa init ng panahon at sabay na pilit nililimot ang paalala ng Nanay na batiin ang amang nakalimutan yatang umuwi upang mananghalian.

Alas dos ng hapon, wala pa ring nagbago sa panahon; ang nagbago lang ay ang mukhang animo’y nakasimangot na amang kung ‘di man gutom ay masama yata ang loob dahil hindi pa binati ng sutil na magkapatid.

Matatapos ang araw na lilisan ang kapatid pabalik ng Maynila, hindi para hanapin ang pangarap, kung hindi para ipagpatuloy ang pag-aaral.  Maiiwan ang anak at ang Nanay at ang nagmamaktol na Tatay.  Sisikapin ng Nanay, sa kanyang mga mumunting at nakakatawang kwento, na ipasok sa usapan ang maghapon nang iniiwasang Father’s Day.  Naglitanya ang Nanay, na kung paanong hindi naman kailangang bumili ng regalo para sa Ama, na ang simpleng pagbati ay sapat na para iparamdam ang pagmamahal ng anak sa kanyang ama.

At sa wakas, nagsalita ang Anak, ang anak na maghapong iniwasang ipaliwanag ang kanyang sarili, kabilang na ang kanyang kapatid na nakaiwas sa mga ganung pag-uusap at paliwanagan.

Ito ang paliwanag ng Anak:

“Three weeks ago, sinabi mo greet ko siya ng Father’s day, dahil sabi moFather’s Day ngayon, greet niyo naman Tatay niyo.’  Ginawa ko naman.  At ngayon Father’s Day na naman?  Ano ‘yan regla?! Pambihira…”

***

Para sa lahat ng anak na nagkukunwaring galit sa magulang kahit na kung tutuusin ay wala lang talaga sila pakialam; para sa lahat ng responsableng magulang na hindi na kailangang batiin ng kung araw ng kung sinong santo o kabayo.