Archive for the ‘project’ Category

h1

Tungkol saan ang pinapanood mo? (Primetime Edition)

Pebrero 8, 2011

Bilang “tulong” sa mga nakakaligtaang manood ng TV (o walang TV sa bahay gaya na lang ng kaibigan kong si Otso), narito ang ilan sa mga pinapalabas sa primetime at kung tungkol saan ba ang mga ito o kung ano ba talaga ang kwento.

Ang NOAH ay hindi tungkol sa tagasunod ng sinaunang Diyos na inutusan niyang gumawa ng arko.  Ito ay ang Filipino version ng Jungle Book o parang ganun ang gusto nilang palabasin, maliban na lang sa tuwing magtatagalog ‘yung mga taong-unggoy ay nagkakaintidihan sila, pero kapag tao na ang kausap ay hindi maintidihan, at ang klarong gustong ipahiwatig ay tanga ang mga manonood at hindi marunong magbasa ng subtitle kung sakali.  Tungkol din ito sa katotohonang kahit bading ay pwedeng magpulis, gaya na lang ni P – PO1 something.

Ang DWARFINA ay tungkol naman sa mahahabang pulang pilik-mata ni Angelica Dela Cruz at Pauline Luna at kung paanong ang kalandian noong bata ka pa ay pwedeng dalhin hanggang tumanda (gaya na lang sa karakter ni Iwa Moto).  Tungkol din ito sa ideya na nakakadiring isipin kung paano ang mangyayari kapag nag-asawa ka ng dwende o kung dwende ka at mag-aasawa ka ng tao (kung ano man applicable sa sitwasyon mo).

Ang MUTYA ay tungkol na naman sa mga sirena (na para bang hindi pa talaga tayo nagsawa) at tungkol sa isang lalaking serenang may modern name na Irvin, ika nga ni Venn.  Tungkol din ito sa kung paanong bini-blurr ang kuyukot nung maitim at matabang lalaking serena (na mas nakilala sa PBB Clash of the something Teen Edition bilang “papansin at nakakaasar na tabachoy”).  At tungkol din pala ito sa batang babaeng bida.  Gets?  ‘Yung bibo at kulot-kulot ang buhok?  ‘Yung maganda ang boses?  ‘Di mo pa rin kilala?  Ako rin.

Ang MARA CLARA ay tungkol sa nauna ng Mara Clara na pinagbidahan nina Judy Anne Santos at Gladys Reyes.  Tungkol ito sa dalawang sanggol na nagkapalit ng tandaha dahil pinagpalit sila sa ospital noong kapapanganak pa lang sa kanila (na para bang ang lenient lang talaga ng security sa ospital; ngiti nga lang sa nurse eh may bayad lately, magpalit pa kaya sanggol sa nurseryGoodluck.)  Ang pagkakaiba lang sa bagong bersyon ng Mara Clara ngayon ay ang bida sa kwento ay si Kiray at si Ms. Gina Pareño.

Ang MACHETE ay tungkol kay shirtless Aljur.  Ano pa ba?  Hmmmm.. tungkol din ito sa isang babaeng mukhang may over-cooked na ravioli sa mukha?  Hmmmmm… tungkol din ito sa Baguio?  Ewan.  Tungkol ito kay Aljur na nagiging estatwang kahoy.   Tungkol din ito kay Aljur bilang isang nabubuhay na estatwa at kung paano siya umakting na parang kahoy.  There.

Ang IMORTAL ay tungkol sa kung ano ang magiging itsura mo kapag manginginom ka at naging bampira ka (John Lloyd) o kung paanong kapag tumanda kang bampira ay lulusog ka nang todo (Jomari Yllana).  Tungkol din ito sa palakihan ng dibdib ni Angel Locsin at ni Vivian Velez bilang mga taong-lobo (werewolf, not ballons).  At siya nga pala, tungkol din ito sa mga babaeng bampira na kung hindi man naka-Lara-Croft-costume (‘yung babae sa Hayden Kho video scandal) eh naka-Sisa-costume (Nikki something na nasa Tabing-Ilog show yata.)

Ang I HEART YOU PARE ay kakaumpisa lang, so wala muna ako comment.  Ang alam ko lang, ang show na ito ay ‘yung tipong show na ‘di papanoorin ng mga bading dahil lahat ay busy na nagte-take-ng-calls o ‘di kaya ay kasalukuyang nasa yosi break at walang TV sa pantry o ‘di kaya ay nakikitira sa bahay ni Otso.  Ito rin ang show na siguradong magsasawa akong sasagot sa tanong ni Adelaida na, “Babae ba ‘yan?”

Ang KRISTINE ay sigurado ako ay tungkol sa premarital sex at malalanding babae.  Tungkol din ito sa awayan ng dalawang pamilya na sa huli ay natutuloy din sa premarital sex.  Tungkol din ito sa hubad na katawan ni Rafael Russell at ni Zanjoe Marudo.  Tungkol din ito sa kagustuhan ng mga babae sa show na ipakita ang hubad nilang katawan.

Ang THE BAKER KING ay tungkol sa isang pinasosyal na panadero.  Ito rin ay maituturing ng ilan na kapag mag-uumpisa na eh sinyales na para matulog (o ginabi yata si Mister).  At malay ko ba kung tama ‘yung dubbing na ginagawa nila tungkol sa kwento, kaya ‘di na lang ako mag-ko-comment.   Ang boses ng kumanta ng theme song nito ay parang ungol ng isang ginigilitang baka.

Advertisements
h1

Salamat, Ms. Jessica Soho

Nobyembre 29, 2010

1:01 – 1:40

Soho:  Sorry, isa pa.

Regine:  May isa ka pang trivia?  Ang dami niyan ah?

Soho:  Hindi ka nagba-bra.

Regine:  Ay!  (tawa lang ng tawa at kumuha ng pillow at tinakpan ang breast area)

Soho:  Ang galing noh? (nakitawa na rin)

Regine:  Hay!  (tawa pa rin)  Oh my God!

Soho:  As in!

Regine:  Eh kasi – eh kasi bata pa ako hin – hirap ako – ang hirap kaya huminga.

Soho:  Oo.  Lalo na ‘pag singer ka siguro. (Bumabawi)

Regine:  Oo, siguro.  Siguro ‘yun.  Kasi kasi parang ‘pag bumibirit ako, syempre lumalaki ‘yung likod ko, ‘di ba, nahihirapan ako.

Soho:  (tumatawa lang)

Regine:  Kamusta naman?  Ikaw lang nagsabi niyan! Bwahaha!

Soho:  Hindi naman malaswa. (Bumabawi ulet)

Regine:  Nahihiya ako!  Bwahaha!

Soho:  Hindi naman malaswa. (Bumabawi ulet)

***

Sa nakaraang episode ng Jessica Soho Reports Anniversary Special: Pinoy Icons, isa sa apat na na-feature at na-interview ng personal ng nakakatuwang si Ms. Jessica Soho ay si Regine Velasquez.  Anong tuwa ko ng may banggitin si Ms. Soho ng isang “trivia” na ‘di umano’y alam niya patungkol kay Regine, na sinang-ayunanan (at tinawanan) naman ng Asia’s Songbird.

Sa puntong ito, nais kong magpasalamat sa bumubuo ng Jessica Soho Reports dahil nasagot na sa wakas ang isa sa mga pamosong tanong ng aking nanay na si Adelaida.

Pero, mawalang-galang na, Regine, hindi si Ms. Jessica Soho ang unang nagsabi ng “trivia” na wala kang bra lagi.

At bilang ebidensya na magtatatlong taon ng problema ng Nanay ko ang isyu kung nagba-bra ba si Regine o hindi, narito ang mga ilang naisulat ko na patungkol sa isyung nabanggit:

Exhibit A

The Gospel According to Adelaida

Marso 15, 2008

Hindi rin matatawaran ang mga opinyon ni Nanay tuwing manonood ng TV. Sa paksang TV at mga programa nito, ayon kay Nanay:

14. Sino daw si Enchong Dee.

15. Ang bida sa tele-fantasyang Lastikman (ABS-CBN 2) ay si Zsa Zsa Padilla.

16. Laging walang bra si Regine Velasquez. As in bakit LAGI daw.

Exhibit B

On Everything…Pwera sa Sun

Abril 24, 2008

ON THE WINGS OF LOVE…

Tandaan na kung hindi man madalas mag-bra si Regine (gaya ng madalas mapansin ni Mama tuwing nakikita niya ito TV) ay wala na tayong pakialam dun. Tandaan na kung nagpatangos man ng ilong, nagparetoke ng mata, o nagpa-lipo si Regine ay hindi na rin natin problema. Ang kailangang problemahin (at ‘yan ay napatunayan ko sa mga nakaraang tsismis tungkol sa kanya) ay kung lilipat ba talaga siya ng ABS-CBN at kung nabuntis na ba talaga siya ni Ogie. Lolz

Exhibit C

Hindi na mandatory ang ID at uniporme sa mga pampublikong eskwelahan

Hunyo 2, 2008

Siya nga po pala, ito’y mga tanong ko lang naman po, nasasa-inyo po kung sasagutin niyo o hindi:

1. Ano po binibigay niyong gift tuwing nag-ni-ninang kayo sa kasal?

2. Natatawa po ba kayo kay Ate Glow sa pag-i-impersonate niya sa inyo?

3. Pinapatanong po ni Mama ito: Sa tingin niyo ba laging walang bra si Regine Velasquez?

Exhibit D

Nagbabalik ang echusero

Marso 1, 2010

Sa may apat na linggong pagkakawala ko sa ere, nabigyan ako ng oportunidad na magnilay-nilay at bigyan ng pansin ang mga ibang bagay bukod sa Internet, gaya na lang ng mga sumusunod:

– pagkumpleto sa lahat ng levels ng Plants Vs. Zombies.

– pagtulong sa mga nasalanta sa Haiti (‘di na lang ako magiging specific)

– pagpapatibay ng pintuan sa may dirty kicthen.

– pagpuna na rin sa nakahiligan na yata ni Regine na ‘di pagsusuot ng bra (na una ng napansin ng aking pamosong inang si Adelaida)

Exhibit E

Ang Tatlong Wish sa Genie ng Nanay ko

Agosto 27, 2010

Isang mapayapang gabi, at dahil nagpapagaling pa ako sa aking maituturing na “buwanang trankaso”, nakahiga lang ako sa kwarto at nanonood ng Pasan Ko Ang Daigdig ni Sharon Cuneta.  Maya-maya pa ay dumating ang bisita ni Adelaida, isang kaanak na sa tuwing makikita ko ay iniisipanan kong uutang na naman kay Mama.  Natural lang, sa pag-upo nila Mama, ay nag-umpisa na ang mga kwento niya, mula sa kasalukuyang isyu na tinatalakay ng Homeowners Association ng subdivision hangang kay Regine at kung magsusuot ba ito ng bra sa kasal niya (Hula ko, oo.)

Kaya kung may magtatanong man kung sino ang unang nagtanong patungkol sa ‘di pagsusuot ng bra ni Regine, ito ang Nanay ko at hindi si Jessica Soho.

***

h1

Talambuhay 102 –Father’s Day Ispeysyal

Hunyo 22, 2010

Ang nakaraan…

Matatapos ang araw sa kwento ng ’di umano’y nagmumultong babae sa opisina, na sa katagalan ay pinangalanan ng Susan, sa ’di matukoy na kadahilanan.  May mga maniniwala, may mga mag-iisip na ito’y malaking kagaguhan, at may isang mag-iisip na nakakatawa pala ang multo kung pangalan nito ay Susan. (mula Talambuhay 101)

***

Sa pagpapatuloy…

Biyernes (yata)

May kung ilaw na rin niyang iniisip kung anong araw na ba kahapon, kung Huwebes na ba o Miyerkules pa lang.  Kinailangan pa niyang tingnan ang kanyang cellphone, tingnan ang calendar at malamang Huwebes nga naman kahapon.  Sa kabila ng pagbabasa araw-araw ng dyaryo, sa pagtingin sa balitang ang tanging isinisigaw ay presidente na ang ‘di kaaya-ayang si Noynoy, ni minsan ay hindi niya naisipang tingnan ang araw, kung Huwebes na nga kahapon o Miyerkules pa lang.

Sa kanyang maituturing na pagluwas papunta sa trabaho, sa pag-aabang ng dyip na sa kanyang pagnanasa ay hindi puno nang mabigyan pa ng pagkakataong makahinga at mahanginan ng maayos, naroon na naman sa tabi ng waiting shed ang isang matandang lalaking tindero ng kung anu-ano, na sa kanyang pag-iisip ay pinangalanan niyang “Lolo Kendi” (dala marahil ng araw-araw niyang pagbili ng kendi sa nasabing lolo, bunsod ng pagkahilig sa coffee kendi o kung hindi man ay marahil dahil sa awa sa matandang kailangan pang maghanap-buhay sa kanyang edad na kung tutuusin ay dapat sinasariwa na lang ang kanyang kabataan.)

Linggo

Dumaan ang Sabado na ang tanging naging alaala ay nasunog ng kanyang tumatabang kapatid ang nilulutong kaldereta.  Sa pagpasok ng araw, sa paglabas niya sa kanyang kwarto, salubong ng kanyang Nanay ang paalalang batiin ang Happy Father’s Day ang kanyang Tatay. Ganun din ang paalala sa nabanggit na kapatid.

Dumating ang tanghalian, naroon pa rin ang paalala ng Nanay.  Ang magkapatid ay patuloy pa rin sa pagrereklamo sa init ng panahon at sabay na pilit nililimot ang paalala ng Nanay na batiin ang amang nakalimutan yatang umuwi upang mananghalian.

Alas dos ng hapon, wala pa ring nagbago sa panahon; ang nagbago lang ay ang mukhang animo’y nakasimangot na amang kung ‘di man gutom ay masama yata ang loob dahil hindi pa binati ng sutil na magkapatid.

Matatapos ang araw na lilisan ang kapatid pabalik ng Maynila, hindi para hanapin ang pangarap, kung hindi para ipagpatuloy ang pag-aaral.  Maiiwan ang anak at ang Nanay at ang nagmamaktol na Tatay.  Sisikapin ng Nanay, sa kanyang mga mumunting at nakakatawang kwento, na ipasok sa usapan ang maghapon nang iniiwasang Father’s Day.  Naglitanya ang Nanay, na kung paanong hindi naman kailangang bumili ng regalo para sa Ama, na ang simpleng pagbati ay sapat na para iparamdam ang pagmamahal ng anak sa kanyang ama.

At sa wakas, nagsalita ang Anak, ang anak na maghapong iniwasang ipaliwanag ang kanyang sarili, kabilang na ang kanyang kapatid na nakaiwas sa mga ganung pag-uusap at paliwanagan.

Ito ang paliwanag ng Anak:

“Three weeks ago, sinabi mo greet ko siya ng Father’s day, dahil sabi moFather’s Day ngayon, greet niyo naman Tatay niyo.’  Ginawa ko naman.  At ngayon Father’s Day na naman?  Ano ‘yan regla?! Pambihira…”

***

Para sa lahat ng anak na nagkukunwaring galit sa magulang kahit na kung tutuusin ay wala lang talaga sila pakialam; para sa lahat ng responsableng magulang na hindi na kailangang batiin ng kung araw ng kung sinong santo o kabayo.

h1

Talambuhay 101

Hunyo 8, 2010

Mag-uumpisa ang araw ng isang Anak sa musika ng galit ng isang sumisigaw na Adelaida, isang Nanay na pilit ginigising ang Anak na noong mga panahon na iyon ay kahit na alas-otso na ng umaga ay nanaginip pa ng gaya ng madalas mangyari ay hindi niya matandaan dala marahil ng isang magulong kaisipan o natural lang na katangahan.

Sa paglalayong matigil ang noo’y animo’y sasabog sa galit na si Adelaida, bumangon ang Anak, binuksan ang pinto, at hinarap ang kung anu mang sermon na sigurado siya ay hindi niya kasalanan at siguradong ipagkikibit-balik lang habang nagkakape at nagyoyosi, isang mainam na almusal sa umaga.

Tatanungin ng Anak si Adelaida, kung napano ito, kung bakit ito galit, at kung ang dahilan ba ng kanyang galit ay ang kanyang pagyoyosi.  At gaya ng madalas mangyari, ang reklamo ng Nanay ay patungkol na naman sa kanyang asawa.  Kung maari lang magmarka ang katagang, “Sana pinakasalan ko na lang ‘yung manliligaw kong ‘Kano [Amerikano]” ay nagmarka na ito sa buong bahay.  Matatawa ang Anak at sasabihan ang Nanay na tumigil sa pagkukunwaring mahirap at nagdurusa sa buhay.  Matatawa ang Nanay na animo’y sinasabing, ”Biro lang, Anak.”

Sa pagdating sa opisina ay may dadatnang kliyenteng hindi inaasahan makikita noong araw na iyon, at imbes na asikasuhin ang nabanggit na kliyente at mahiya dahil halos tanghalian na nang pumasok ay ibubuntong na lang ang sisi sa init at maglilitanya ng mga dahilan kung bakit siya naliligo ng pawis.

Daraan ang araw ng matiwasay at maghapong tatanggi sa mga iniaalok na merienda ng mga kaopisina.  Isa siya sa mga taong hindi nakahiligan ang kumain bilang libangan sa buhay, maliban na lang kung ito ay kanin na may kasamang nilutong ulam ng kanyang Nanay.

Ilang platito ng mani, ilang istik ng bananaque, mga prutas at kung anu-ano pa, susuko din ito sa tukso ng pag-aalok ng mga kaopisina at bubunot ng isang donut sa isang kahon.  Aasa ito na ang mabubunot ay bavarian dahil kung hindi, nangangahuluhang may pusa na namang tataba sa ipapakain nitong donut na puno ng sinabawang pinya sa loob.

Matatapos ang araw sa kwento ng ’di umano’y nagmumultong babae sa opisina, na sa katagalan ay pinangalanan ng Susan, sa ’di matukoy na kadahilanan.  May mga maniniwala, may mga mag-iisip na ito’y malaking kagaguhan, at may isang mag-iisip na nakakatawa pala ang multo kung pangalan nito ay Susan.*

***

Para sa iyo ito; para sa iyo na kasalukuyang sinusubok ng panahon, pag-asa, at pagkakataon; para sa iyong hindi nagbago at ngiti ang laging sukli.  Ilusyon man ang pagngiti, pasasaan ba’t gagaan din ang lahat.

h1

The PBB: Teen Clash of 2010 (Friday, April 16, 2010 Episode)

Abril 16, 2010

‘Di gaya ng nakaraang PBB Double-up Edition (Melai, Jason, at whatnot season), walang maituturing na intesanteng mga housemates ngayon.  Maliban sa maya’t-mayang pagdadadag ng kung anu-anong social relevance at pagkukumpara sa buhay ng mga mayaman at mahirap, ang lahat ng kaganapan at patungkol sa iisang bagay langsino ang mas maarte?

Gaya ng dati ay babatain tayo ng isa mga host ng show, mag-gu-good-evening ito at ipapakita na ang mga housemates sa magkabilang bahay; isang bahay na may temang kawayan at kahirapan (Team Mahirap), at ang isa naman ay may temang beach at lahat ng kulay na makikita sa perya (Team Mayaman).

Natalo ang kabilang team, ang Team Mayaman.  Bilang parusa (yata) ay bibigyan ito ng isang challenge na manggagaling sa kabilang grupo, ang Team Mahirap (‘yung may bahay na may kawayan at kahirapan theme).

Maarte girl:  Alam ko na ang parusa, buong araw bawal silang tumayo, dapat gumapang lang sila.

(Tapos may mga ilan pang suggestions na parang mga parusang ginagawa noong witchhunt era sa Europa.)

Ang naging desisyon ng Team Mahirap ay parang ganito:

Binatang-gustong-mag-artista-kahit-hindi-naman-artistahin (maniwala ka): Big Brother, bilang task po ng Team Mayaman, guguluhin po namin ‘yung bahay namin, as in ikakalat po lahat, tapos ipapalinis po namin sa Team Mayaman.  Ano po sa tingin ninyo?

Big Brother:  Okay.

Binatang-gustong-mag-artista-kahit-hindi-naman-artistahin (maniwala ka):  Pero Big Brother, para may twist (at para na rin sa rating at kung anu pang kagaguhan), dapat po habang naglilinis sila, nakatali sila sa isang malaking belt.

Big Brother:  Okay.

So, pinaglinis na nga ang mga ito.  Tapos comment ng comment ‘yung isa ring maarteng girl (Maarte Girl 2) sa Team Mayaman; hindi nagustuhan ito ng mga Team Mahirap (na sa mga oras na iyon ay pinapanood ang 30-minute alloted time na binigay sa Team Mayaman para linisin ang kung tutuusin ay winasak na bahay.  Natapos ang task ng Team Mayaman.

Pinapasok ang Team Mahirap sa Confession Room (kung saan pwedeng magsumbong ng kahit anong kababawan).

Maarte Girl 1:  Big Brother, Maarte Girl  2 used my towel as pamunas sa mirror. [na siya naman nagkalat].  And then she said we’re makalat.  I don’t like her. And she’s so maarte.

Ibang miyembro ng team mahirap:  Yeah, we don’t like herWe want her to be evicted.

Big Brother:  Okay.

Maarte Girl 1:  Oh, let’s make a vote daw.  Who do we want to be evicted ba?  Me, i want Maarte Girl 2 out.

Ibang miyembro ng team mahirap:  Yeah, we want Maarte Girl 2 to be evicted too.

Pinaalam kay Maarte Girl 2 ang pasya.  Nalungkot ang lahat sa Team Mayaman.  Nagsenti ang ilan dahil napamahal na sila kay Maarte Girl 2 (kahit isang linggo pa lang silang nagkakasama) at sa huli ay naki-usap ang Team Mayaman kung paanong maililigtas si Maarte Girl 2 sa tiyak na eviction.  Nag-isip si Big Brother ng solusyon.

Big Brother:  Para hindi ma-evict si Maarte Girl 2, kailangan niyong matalo ang Team Mahirap sa…

(Commercial muna.)

Patunay na pumatok sa mga manonood ang nakaraang PBB Double-up Edition, dahil na rin sa mga nakakatuwang mga housemates, gaya ni Melai at Jason.  Pero sa pagpapatuloy ng kwento ng dalawa, na tampok sa isang animo’y reality show, minsan iniisip ko, kuntento na ba tayong makitang hinatiran ni Jason ng noodles ang may sakit na si Melai, o nakita ko lang ba ito kanina sa TV bago pumasok sa office at hindi ko na man talaga ito sinusubaybayan, o gusto ko lang ba ng noodles? Magulo.

(Back to The PBB Clash of 2010 (Friday, April 16, 2010 episode)

Big Brother:  Para hindi ma-evict si Maarte Gilr 2, kailangan niyong matalo ang Team Mahirap sa larong vollleyball.

Natalo ang Team Mahirap at nailigtas si Maarte Girl 2.  Sa bandang huli, nagkapatawaran na ang magkabilang Team, pero ma-comment pa rin si Maarte Girl 1 and 2.

Itutuloy…

***

Inaasahan kong gaya ng mga uso ngayon, magiging paraan na naman ang show na ito upang makita ang mga nagpupuyos na damdamin ng mga kabataan patungkol sa mga paksang pwedeng pag-usapan, pwedeng pagtalunan, at pwedeng ipagkunwaring may pakialam, gaya na lang ng:

– darating na eleksyon

– kahirapan

regional diversity

insecurities at kung anu-ano pang katulenduyan

– pagmamahal (at pre-marital sex)

– kaartehan sa buhay

– pag-aatista at mga paraan na pwedeng gawin sa isang reality show para bago matapos ito ay mas sikat ka pa kay Justin Beiber

– kung “gosh” ba o “OMG” ang isisigaw kapag nakita si Gerald Anderson ng personal

– paano itatanong kay Kim Chui kung kumakain ba talaga siya

– paghahanap sa nawawalang magulang

– pagpapaliwanag kung bakit apelyido ng nanay mo ang gamit mo

– at iba pang dapat gawin ng mga kabataan upang mapagtagumpayan sa buhay, meaning, paano magiging artista sa pinakamabilis na paraan.*

h1

Blog Book Coming Soon…

Hulyo 22, 2009

‘Yan ay kung sipagin ako at matapos. Good luck sa akin.