Archive for the ‘short short stories (500 words max)’ Category

h1

Ang Liham ni Gaudencio (a short short story)

Oktubre 11, 2012
Sa kabilang banda, sa kabilang probinsya,
Sa gitna ng lahat ng kumokontra,
Sa tinagal-tagal ng panahon at pagsasama,
Matutuldukan din; matatapos na rin ang duda.

RCD-101012

 

Dear Nanay Luz,

Kamusta na po kayo? Sumulat po ako sa inyo dahil nabanggit po ng inyong anak na ‛yun lang daw po talaga ang paraan para makausap kayo.  Kung bakit ayaw niyo pong gumamit ng cellphone (‛yung tinatawag niyo pong “pindot-pindot”) ay naipaliwanag niyo na po ng maayos (at pagalit) sa akin noong unang magkita tayo.

Hindi man po tayo nakapagkwentuhan ng matagal, alam ko pong sa susunod na pagkikita natin ay marami tayong mapag-uusapan (maliban po sana sa paulit-ulit niyong pagbanggit kung bakit hindi ako nagdala ng sisig kung taga-Pampanga ako at eh ano naman kung 12 oras ang biyahe; na ang sisig ay hindi mapapanis kahit tatlong araw pa).

Kamusta na nga po pala si Tatay Fidel?  Hindi na po ako nakapagpaalam noong huling mapasyal kami diyan kasi (nakakatakot) nakakahiya pong magmano sa asawa niyong noong mga panahon na iyon ay naghahasa ng tari ng manok.  Pakisabi na lang po na hindi ko po talaga magagawa ‘yung hinihingi niya sa akin; hindi ko po kayang hanapin si Marian Rivera at itanong kung pwede siyang dumalo dun sa fiesta sa inyong barangay. 

Pinapasabi nga pa pala ng anak niyo na hindi siya makakauwi sa kasal ng kanyang pinsan (kahit na daw po ang ka-partner niya bilang candle sponsor eh ‛yung pangit na anak ni Mayor).  Hindi raw po ito pinayagang lumiban sa trabaho.  Pareho pa rin po ang kanyang trabaho; sa callcenter pa rin po.  Ito po ‘yung sinasabi niyong “taga-kausap ng mga Kano at Negro”.

Tungkol naman po doon sa habilin niyo na hanapin namin si Willie Revillame at sabihin sa kanya na gusto niyong sumali dun sa may “sayaw-sayaw”, nabanggit po ng anak niyo na nagbibiro lang po kayo at ‘wag kayong seryosohin.  Nabanggit ko lang po ito dahil ayaw kong ako ang inyong sisihin.  Tama na po siguro na ako ang inyong sinisi sa aming huling pagdalaw diyan kung bakit hindi namin kasama si Vic Sotto at ‘yung “stop” ng “Juan for fun, all for all”.

Natanong ko na nga po pala sa nanay ko kung saan galing ang pangalan kong “Gaudencio”.  Pinangalan daw po ako sa kapatid ng aking lolo.  Hindi daw po galit ang nanay ko sa akin kaya ganun ang aking pangalan at hindi daw po talaga namin lahi ang tabain.  Malusog po ako dahil tamad po akong mag-exercise.  Hindi ko rin po magawa ang inyong suhestiyon na mag-araro ng bukid para pumayat ako dahil wala pong bukid kung saan ako nakatira.

Pasensya na po kung ang dami ko pong nabanggit.  Hindi ko po kasi alam kung paanong sasabihin ang tunay na sadya ng liham ko. Gusto po sana namin na pormal na magpaalam sa inyo sa aming nalalalapit na pagpapakasal ng inyong anak na si Robert.  Ipapadala na lang po namin ang invitation sa mga darating na araw.  Ipapadala na lang daw po ni Robert ‘yung pambili niyo ng ticket para makapunta kayo dito sa aming kasal.  Salamat po, Nay.

Lubos na gumagalang,

Gaudencio (Dennis na lang po sana)*

500 words

***

Para sa iyo ito Gaudence, para sa iyong humingi at binigyan; para sa iyo ito, sa iyo na laging masaya sa kabila ng problema; sa iyo na ang nais lang ay matagpuan na “siya”;  para sa iyo ito, ikaw na nagmamahal sa mga nadaan mong mga “nanay Luz”.

h1

Una (a short short story)

Pebrero 20, 2012
 
 
At kung bigyan man ng pagkakataon,
Ay uulit-ulitin, babalik-balikan,
Pasasaan ba’t nandiyan ka lang,
Marahil ay naghihintay, marahil ay nagmamahal…
rcd-022112
 
 

Ilang yosi na rin ang naubos niya sa kahihintay na magbalik ang taong kinasama niya ng ilang taon.  Marahil iniisip niya na kung anu mang away nila sa pagkakataong ito ay daraan lang gaya ng mga nauna nilang hindi pagkakasusunduan; magngingitian, magtatawanan, at sa huli ay itutulog na lang, gaya ng malimit mangyari.  Ngunit may ilang araw na rin siyang naghihintay.  Kung makakapagsalita lang ang mga upos ng sigarilyo ay sila na mismo ang magsasabing hindi na siya babalik.

Habang lumalalim ang gabi ay paunti-unti niyang natatanggap na marahil ay ito na nga ang hangganan ng kanilang masayang pagsasama, na lahat ng kanilang mga pangarap ay kailangan na nilang kalingain na magkahiwalay, mag-isa.

May kung ilang oras na niyang iniisip kung kasalanan nga ba niya at humantong sa ganito ang kanilang pagsasama.  Nasa rurok na siya ng pag-iisip na malamang siya ang dapat sisihin.  Kailan pa ba siya naging tama, ‘yun ang kanyang naisip.  Ngunit naisip din niyang ngayon pa ba siya magbibilang ng sala, ngayon pa ba siya magkukumpara ng mga nagawa at nakaligtaang gawin, ngayon pa ba siya magsusumamong ibalik ang dati.

Lumabas siya ng bahay at bumili ng yosi sa malapit na tindahan.  Ang unang ng tanong ng tinderang ale ay kung bakit hindi niya kasama ang kanyang Mahal.  Nangiti lang ito at bumalik ng bahay.  Ganun na ba katagal at pati ang mga kapitbahay ay alam ang tungkol sa kanila, kanyang naitanong sa sarili.  Tuwing bibili ba siya sa tindahan simula sa araw na iyon ay laging hahanapin ang kanyang kinasama?  Araw-araw bang parang basag na salamin na ihahagis sa kanyang harapan ang kanilang hindi pa tukoy na paghihiwalay?

Lalalim ang gabi, ganun din ang kanyang hinagpis.  Kasabay ng pagdilim ay ang kanyang pagbabalik-tanaw sa mga aalaala noong magkasama pa sila. Paano nga ba sila nagkakilala, ‘yan ang kanyang pilit binabalik sa kanyang pagmumuni-muni sa sala.  Naalala niya rin na pagkatataon na maituturing nang sila ay magkita, magkakilala.  Naalala niyang bago niya nakilala ang kanyang kinasama ay simple lang ang kanyang buhay; maliban sa maya’t-mayang panghingi ng pera ng kaniyang mga kaanak, wala naman siyang partikular na pinroblema sa buhay. 

Ninais niyang maging matatag sa mga oras na iyon, ngunit gaya ng tadhana ng kanilang pagmamahalan, ay gumuguhit na ang mga luha sa kanyang mga mata.  Kayo ko ’to, ang pilit niyang nabubulalas.  Ngunit sumandali pa ay umayon na rin siya sa lumbay, sa pangungulila, sa animo’y walang-hangang agos ng kanyang mga luha.  Ito na marahil ang kanyang huling pagyakap sa kanyang kalungkutan, ang huling yugto bago ang tuwirang pagtanggap ng pagtatapos ng isang pagmamahalan.

Bibilang pa ng oras bago tumila ang kanyang pagtangis hangang pati ang kanyang hinagpis ay kanya nang makakatulugan.  Gigising siyang gutom, uhaw, at pagod.  Ngunit babangon siyang nakangiti, masaya, at dala ang pangarap ng bagong pagmamahal.  Hindi ito ang kanyang katapusan.  Sa kabilang banda, ito ay simula pa lamang ng kanyang bagong pag-asa upang makahanap ng tunay at wagas na pagmamahal.  Sa kanyang isip, ‛Ito lang ang una; ito ay masusundan pa.’*

463 words

***

Para sa iyo ito, sa iyo na tumangis ngunit nagmahal; sa iyo na walang hangang hinahanap ang kalinangan ng iyong mga kakayahan; para sa iyo ito, ikaw na nagpatunay na marahil ay mali ako.