Archive for the ‘senti-sentihan’ Category

h1

Why not? Merry Christmas.

Disyembre 20, 2012

malamig ang simoy ng hangin?

Simple lang ang aking mga alaala noong bata ako tungkol sa Pasko.  Ang alam ko lang magkakaroon ako ng bagong polo, bagong pantalon at, kung medyo nakakaluwag-luwag si Mama, magkakaroon din ako ng bagong sapatos.

Hangang tumungtong ako ng elementarya ay ganun pa rin.  Pasko. Bagong damit.  May pagbabago lang ng kaunti kasi may kasama na itong Christmas party sa eskwela.  Si Mama ang bibili ng regalo para sa aking ka-exchange gift; at ako naman ay magkakaroon ng regalo galing sa kaklase pagkatapos ng Christmas party.  Mayroon ding spaghetti at maraming parlor games na, na sa ’di malamang dahilan ay sinasalihan ko talaga noon, na para bang ikamamatay ko ang hindi sumali, na para bang ang laki ng premyo.

Pagtungtong ng hayskul, ganun pa rin, may bago ka pa ring damit, kahit na ba sa hinuha mo ay gusto mo sana na ikaw na ang mamili at bumili.  Naroon pa rin ang Christmas party sa eskwela.  Naroon pa rin ang mga parlor games, perong tipong dyahe na sumali.  Ang nadagdag lang ay mga barkada, mga kaibigan, mga kaasaran sa klaseng tipong masaya ng walang dahilan.

Sa pagtungtong sa kolehiyo, wala na ang mga Christmas party at spaghetti, na para bang kanya-kanya na talaga.  Hindi mo na rin pansin ito dahil mas gusto mo ng paghandaan ang party sa labas ng eskwela, mas excited ka na maglasing kahit na ba hindi ka naman ganun kalakas uminom, at kung ano ba ang ibibigay mo sa syota mo, kung meron ka mang pambili ng regalo.  Hindi mo na rin pansin kung may bago kang damit.  Ang gusto mo ay pera o ’di kaya ay mamahaling cellphone o ’di kaya ay trip to Hongkong o ’di kaya ay pasalubong galing sa mga balikbayan mong kamag-anak.

Mag-uumpisa mong isumpa ang Pasko kapag ikaw na mismo ang nagtatrabaho, na para bang ramdam mo ay hino-holdup ka tuwing Disyembre.  Gagayahin mo na rin ang style ng iyong mga magulang at magtatago sa iyong mga napakabata pang inaanak.  Matutunton ka rin nila at muli ay mararamdaman na para kang nanakawan.

Tatanda ka.  Dadaan ang panahon.  Darating ang maraming Pasko at mararamdaman mo na lang na hindi ka na galit, na masarap pala ang pakiramdam ng Pasko, na hindi na pala ito tungkol sa bagong damit o sa Christmas party o sa spaghetti.  Hindi mo rin naman iniiisip na para ito kay Jesus o para kay Santa Claus.  Mararamdaman mo na lang na ang Pasko pala ay isa sa mga okasyon na nagpapaalala na marahil ay may kailangan kang ipagpasalamat sa iyong sarili, sa iyong mga kaibigan, sa iyong mga kapatid at magulang, sa iyong minamahal.  Mararamdaman mo na lang na kuntento ka sa iyong buhay, na ang pinakamagandang regalo mo sa Pasko ay ang katahimikan ng puso at isipan.

Nagbabago ang ating perpektibo sa tunay na diwa ng Pasko.  Nagbabago ang ating mga pananaw sa buhay.  Ngunit kung tutuusin, kung gugunam-gunamin, hindi ka na rin talaga galit sa Pasko; marahil sa tinagal-tagal, sa ilang taon ng buhay mo, mahal mo na rin ang Pasko at nakokornihan ka lang sa ideyang marahil ito ay totoo.

Why not.  Merry Christmas.  Hindi naman bawal.*

h1

Hindi ito tungkol sa Anti-Cyber-Crime Law. (As if.)

Oktubre 9, 2012

Mahirap magsulat.  ‘Yan ang una kong naisip sa aking pagsubok na muling magsulat.  Sa ilang buwan na nawala ako (kung may nakapansin man), naisip ko mahirap magsulat lalo na kung ayaw mo talagang magsulat; na mas masarap ang mahiga sa kama, manood ng TV, at isipin kung saan na nga ba ako sa aking “comprehensive diet program”.  Vanity muna bago ang lahat, ika nga.

Noon ay nagagawa kong magsulat ng kung anu-ano dahil sa mga nakakausap ko, dahil sa mga nakikita kong tao sa paligid ko, dahil sa mga nakakatuwa (at nakakatawang) pangyayari na nakikita ko araw-araw.  Pero mahirap magsulat kung ang magiging laman ng aking mga isusulat ay “nag-tricyle ako papunta sa trabaho, nagtrabaho, nag-jeep pauwi, at kumain ng dalawang beses  (at tatlong beses) kinahapunan”.  Gustuhin ko man maging adventurous eh tatawanan ko lang ito.  Adventure na ang buhay ko as it is.

Noon ay nagagawa kong magsulat dahil sa mga napapanood ko sa TV; mga drama sa hapon (afternoon; hindi ‘yung lahi ng tao na madalas ay tawaging “sakang”), mga tsismis tungkol sa mga artista, at mga kaganapan sa mundo ng politika na nakakatawag ng tuwirang pagpapakilala ng iyong opinyon sa lipunan (o harap-harapang pakisawsaw). Pero mahirap magsulat kung ang madalas ko na lang nakikita sa TV ay kung ano ba ang almusal ni Zac Efron noong nagbakasyon siya sa Pilipinas, sa kung anong posisyon sa gobyerno ba kakandidato si Jinky Pacquiao, at kung sinong Poncho-Pilato (spellcheck, Venn) ba ang pinahuling nakisayaw na rin sa saliw ng kantang Ghangnam Style.

Noon ay nagagawa kong magsulat dahil makwento si Adelaida (nanay kong kwela); kung ano na ba ang nangyari sa nabalitaan niyang pakikiapid ng kapitbahay, kung bakit walang bra si Regine Velasquez, kung bakit ang laki ng labi ni Anne Curtis, kung bakit noong panahon nila ay kailangan pang magrenta ng Komiks ni Dyisas Senior (Tatay) para lang makapagligaw, kung bakit kahit mabait akong anak ay kailangan kong magsimba para hindi ako maging anti-Christ. Pero mahirap magsulat kung sa mga nakaraang linggo ay ang mga kwento ni Adelaida ay kung paanong nakakapagod mag-alaga ng kanyang mga apo, na ang nakakahiyang isyu sa pamana ni Lola (Gorgonia) ay hindi pa rin matapos-tapos (na para bang milyon-milyon ang pinag-uusapan), kung paanong ang ilan sa mga kapatid nito ay pinapalala ang sitwasyon dahil natural silang tarantado (may gigil, I know), at kung paanong nais niyang ibalik ang mga araw na may panahon siya sa sarili niya at hindi siya pagod sa pag-intindi sa iba.

Noon ay nagagawa kong magsulat.  Kaya ngayon ay hindi na ako mahihiya sa sarili ko at magsusulat na akong muli (hangang muling tamarin para lang muling magdrama na magsusulat muli; ganun talaga kapag tumatanda, maraming pwedeng gawing dahilan).

Ito ang bagong simula ng masayang buhay ko.  Ito ang blog ko. Apir!

***

Sa mga inip at nadaan, subukan ang bago kong nakalkal na feature na pwede pa lang ilagay sa aking blog.  Ang SEARCH option.  Ito ay ’yung may napakahabang title na “i-type ang nais hanapin sa blog na ito (pwera sa mga nawawalang tao, syempre)”.  Highly recommended ang mga sumusunod na search key terms: adelaida, tulendoy, kapampangan, mawalang-galang na, bansa.

Salamat. 😀

h1

Sense of National Pride. Bow.

Agosto 18, 2011

Buwan ng Wika kung ituring buwan ng Agosto, kung bakit, malay ko ba, malay natin, right?  Dito pumapasok ang pagkarami-raming mga aktibidad sa mga paaralan na ‘di umano’y nagpapakita ng pagmamalasakit sa ating wikang Filipino (or is it Pilipino?  ‘Di mo rin alam noh?)  Binibigyan ko ng sapat na pag-unawa ang mga gurong pinipilit ipinapaintindi ang kahalagahan ng ating wika; matatawag itong pagpapayabong ng ating nasyonalismo, sabi nung titser ko nung 1st year hayskul ako.  Pero gaya marahil ng paggunita sa Buwan ng Wika, may kung ilang buwan na rin tayong napipiyesta sa kung anu man nasyonalismo ang nais ipahiwatig sa pagkahumaling ng karamihan sa napakasikat na football team, ang Azkals.

Hindi ko itatanggi, lubos kong ikatuwa ang balitang natalo na sa kung ano man kumpitisyon ang Azkals, na bibilang pa ng panahon bago natin sila ulit makita sa balita sa TV na sumasabak na naman sa kung ano mang kumpitisyon ″para sa ating bansa”.  Bunsod ito marahil na nais ko namang makakita ng ibang balita sa TV maliban sa kanila at sa kung paanong ang isang miyembro nito ay hindi pa nakakalangoy sa malaking swimming pool ni Angel Locsin.

Sa aking kagalakan sa kanilang pagkatalo, may ilan akong kaibigan na animo’y gusto akong ipako sa krus dahil sa aking pagdiriwang, na para bang hindi na ako Pinoy kapag hindi ko sinuportahan (o nagustahan) ang Azkals.  Ano raw ba ang ginawa ng Azkals at nasusuklam ako sa kanila.  Nasaan daw ba ang aking sense of national pride.

Nasaan ba ang aking sense of national pride?  Ang sagot ko diyan eh, malay ko.  Para sa isang taong magtatatlong dekada na sa bansang ito; para sa isang habag na manunulat ng blog na minsan eh nag-iisip kung may mambababasa pa ba talaga ng kanyang mga isinusulat; para sa isang taong hindi nakahiligang makiayon sa uso, pinakahuli na marahil ang sense of national pride para maging isang paksang kailangang tukuyin at bigyan ng nararapat na sagot.

Naisip ko tuloy, kaya marahil napunta sa ganito ang usapan eh dahil wala talaga akong alam isulat na sesyoso.  Gaya ng pagsuporta sa Azkals, gaya ng pag-iisip sa sense of national pride, sa tingin ko eh masyado natin itong sineseryoso.   Hindi ba pwedeng isiping laro lang ito, na ang pwedeng mangyari lang eh may nagwawagi at may natatalo? Makailang beses na rin akong nagsulat patungkol kay Pacquiao, at sa aking panalangin sa kung sino man na matalo naman ito sa kanyang laban.  Pilit kong iniintindi madalas kapag sinasabing ″karangalan ng bansa ang nakataya”, mula sa boxing hangang sa football, mula sa pagsasagip sa watawat ng bansa hangang sa pagkakapanalo sa isang international math quiz bee.

Hindi ko nakikita ang sense of national pride sa napakaraming patimpalak at palakasan na napapanalunan ng bansa.  Nanalo ang isang tao/kupunan, tapos.  Hindi ko man lubos maintindihan kung ano talaga ang tunay na pakakahugan ng sense of national pride; isa lang ang alam ko, hindi ganun kababaw ang aking pagka-Pinoy, at hindi ako kailangang paalalahanan ng mga ganyang bagay.  Tumanda na akong ang alam eh Pinoy ako, kahit na ba bumilang pa ng dalawang dekada bago ito pagsigawan ng Bamboo sa kanilang kanta.   Hindi na ito dapat pinapalaki; hindi na kailangang magpataasan ng ihi.  Sa mga ganitong pagkakataon nag-uugat ang ambisyon ng marami na maging higit sa lahat; na dapat eh number one, na dapat ay champion, na para bang ikamamatay nilang hindi maging angat sa lahat.  Hindi na ito sense of national pride kung hindi eh ang kaisipan na LAGI TAYONG DAPAT MAY PATUNAYAN SA IBA, isang kalechehang pag-uugali ‘di lamang ng Pinoy kung ‘di ng buong mundo na dapat eh maging una sa lahat, maging mas magaling sa iba.

Kung para lang bigyan pa ng dahilan ang ilan na tumaas ang ihi, na lumaki ang ulo, na maging diyos ng mga gago, sa inyo na lang ang sense of national pride niyo.  Madalas ko ngang sabihin, isaksak niyo na lang sa baga niyo.  Basta ako, masaya ako.  ‘Yun lang dapat hanapin ng mga tao, hindi kung anong kagaguhang interpretasyon ng nationalismo.

Ang akin lang, ang isang masayang Pinoy ay isang proud Pinoy.  Bow.*

h1

June Blog (Ang pagbabalik ng taong hindi naman talaga hinanap)

Hunyo 10, 2011

Hindi ko nakaugalian ang maging malungkutin.  Isa na marahil na dahilan ay nababaduyan ako sa ideya na nalulungkot ang isang tao, kahit na may sapat itong dahilan para magtampisaw sa pighati at lumbay.  Sa kabilang banda, tanggap ko rin namang nararamdaman ito, na para bang kahit paano ay kinakatok ka ng kapalaran at pinapaalala na paminsan-minsan, sa ilang piling pagkakataon, eh kailangan ito upang mapanatili ang pansariling katinuan.   Kaya ko itong yakapin ng buong-puso, pero hindi nangangahulugang ikamamatay ko ang hindi maging malungkot.

Ilang buwan na ang nakakaraan mula ng magsulat ako.  Hindi ko alam, marahil ay tinamad lang ako, marahil ay nakalimutan ko lang na ang gamit pala ng Internet sa buhay ko ay magsulat at maglathala ng blog entries imbes na maghanap ng balita kung magkakaroon ba ng pangatlong Hellboy movie.  Ilang buwan, ilang linggo, at – kung mareklamo kang tao –  iisipin mong ang dami kong nasayang na oras.  Ano ba ginawa ko sa ilang buwan na nakalipas?  Ano ba napala ko sa ilang buwan na nakalipas?

Ang akin lang, matanda na ako para problemahin kung may nangyayari sa buhay ko.  May matino akong trabaho, may mga kaibigang malimit ko mang makita ay nagpapasaya sa akin, at masaya kong sinasalubong ang bawat araw na iniisip na ito ang buhay ko; hindi pinagtitiyagaan kung hindi ay isinasabuhay araw-araw.  Ang sigurado ako ay hindi ko kailangang malungkot para lang maramdaman na ang buhay ako ay may pinatutunguhan.  Kailan pa naging napakahirap mabuhay; ang huminga at kumain at uminom ng tubig?

Wala namang bayad ang maging masaya.  Ito ang mundo ko; mababaw pero astigin.

h1

On Angelo Reyes

Pebrero 9, 2011

Ang pagdudahan ang isang taong namayapa na, sa kung anu man ang kanyang mga nagawang anomalya ‘di umano, sa tingin ko ay isang indikasyon na:

a.  may mga taong inip lang talaga sa buhay.

b.  marami ang gusto lang talagang magpanggap na may opinion at nagmamarunong

c.  may mga taong natural na may galit sa kahit sinong namatay

d.  may tinatagong lihim na pagtingin sa namayapang heneral

e.  may mga taong ayaw ng may namamatay at gusto imortal lahat ng tao sa mundo/bansa

f.  all of the above.

Narito ang naisip kong 10-step solution sa mga taong hangang ngayon ay nuknukan pa rin ang gigil sa pagpapakamatay ni Angelo Reyes.

1.  Hintayin niyong ilibing ang kanyang mga labi.

2.  Humanap ng mga kagaya niyong galit sa mundo at pumunta sa kanyang pinaglibingan.

3.  ‘Wag kalimutang magdala ng pala (o kahit anong epektibong panghukay)

4.  Buksan ang kabaong.

5.  Kunin ang bangkay ng yumaong heneral.

6.  Tantarin ang katawan nito ng pinong-pino.

7.  Isilid sa sako ang natatadtad na katawan.

8.  Sabuyan ng gaas ang sako.

9.  Pagliyabin ang sako.

10.  Hintaying masunog hangang maging abo ang sako at laman ng sako habang kumakanta ng “Heal our land” ni Jamie Rivera.

Kung hindi pa kayo nakuntento sa nasabing 10-step solution eh kailangan niyo na ng anger-management intervention.

Ang akin lang, kung kaya nating magkaroon ng opinyon sa mga bagay-bagay na sa kung tutuusin ay wala naman tayong alam/pakialam (maliban sa ibinabalita sa TV), kaya din siguro natin bigyan ng tamang respeto ang sinumang yumaong kung tutuusin ay wala namang direktang kinalaman sa buhay natin, sa kung ano tayo ngayon, sa kung may trabaho ka pa ba tayo matapos niyang mamatay, at sa kung ano ba talaga ang totoong nangyayari at kung ano ang gagawing hakbang tungkol dito.

Ang akin lang, ano ba gusto nating mangyari, ang mabuhay si Angelo Reyes at mag-sorry (assuming may ginawa siyang labag sa batas)?  Akala ko ba Diyos (kung meron man) ang humahatol sa mga namayapa na?  Bakit tayo nagpapataasan ng ihi sa kung ano ang hiwaga sa likod ng kanyang pagkamatay?  Pinoproblema mo ba talaga ito, pare ko?  Utang na loob.

h1

Ibalik ang mandatory ROTC – AFP

Agosto 13, 2010

Natutuwa lang ako sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kapag nasa mall ang mga ito at may karay-karay na bomb-snipping dog at hindi ako binabawalang i-pet ang kalimitan ay malaking aso.  Pero kamakailan ay pumalakpak ang tenga ko nang mabasa ang balitang nais ng AFP na ibalik ang mandatory ROTC sa mga kalalakihan sa kolehiyo.

Buong pagmamalaki kong masasabi na natapos ko ang apat na semester ng ROTC program.   Hindi ko man maarok ang nais nitong ipabatid patungkol sa nasyonalismo at sa kung anumang layuning mahalin ang bansa; at kahit na ba hindi ko pinangarap na iharap sa isang giyerang laging pinipilit na maaring mangyari, parte na ito ng buhay ko.

Ito ang ilan sa mga kalimitang gawain sa ROTC:

– MAGSUOT NG COMBAT BOOTS.  At hindi ito ‘yung mga tipong suot-suot ng Justin Bieber ngayon na Supra shoes; ito ‘yung pwedeng gawing hulmahan ng paa.  Sa sobrang bigat nito, para ang pakiramdam ay may prosthetic legs ka o ‘di kaya may tig-iisang kilo ng bigas ka sa magkabilang talampakan.  Sa kabilang banda, kaya nitong suungin ang anumang hamon ng panahon, i.e. putik, bato, ulan, makulit na kaklase.

– IBILAD SA ARAW (kung may dahilan, ‘di ako sigurado).  Kung anu man ang dahilan at iniiwan kaming mabilad sa araw noon, wala sanang problema; ano ba naman ang magka-tan ka at maging patpating kayumangging-kaligatan.  Pero ang siste lang sa akin ay allergic ako sa glaring light (alam ng mga kaibigan ko ‘yan.) At ang kaso kapag gumagalaw-galaw ka habang nakabilad kayo, may parusang push-ups (minimum sampu).  At ang kaso ulit, payat ako nun at tipong hangang apat lang ang kayang bilang sa push-ups.

– BAWAL KUMAIN.  Hindi naman sa patay-gutom, pero sa isang subject na mula umaga hangang tanghalian lang, hindi ko alam kung bakit nakakagutom.  Ito marahil ay dahil na rin sa pagpapatakbo sa amin sa oval nang may kung ilang ulit.  Isang dahilan din marahil ay ang pinakamalapit na drinking fountain ay sa kabilang building, at nabanggit ko na kanina, kapag nakabilad kayo sa araw, bawal gumalaw.

– BAWAL ANG MAINGAY.  Hindi ako sigurado kung tipong may naglilista ng noisy kapag formation na, pero bawal mag-ingay.  Tandaan na noong mga panahon na iyon, ang pinaka-portable na paraan ng pagsa-soundtrip ay ang diskman, kaya imposibleng ibulsa. At para sa mga mainiping gaya ko, ang magkwentuhan ang tanging paraan para hindi mabagot.  Nagiging kakaiba din ang mga usapan, na minsan ay umaabot sa usapang, “sino ang may pinakamakintab na combat boots?”

– BAWAL ANG LONGHAIR/MAY BIGOTE AT GOATEE/FACIAL HAIR.  Malinis nga namang maituturing ang isang bagong gupit na kadete. Pero mas madali nga namang turuan ng leksyon ang mga mahahaba ang buhok sa pamamagitan ng walang-habas na paggupit maiksian lang ito.  Sa panahon ng ROTC, gago na lang ang magpahaba ng buhok.

– HAYOK ANG LAHAT SA BABAE.  Ang kawalan ng babae tuwing ROTC ang nagbubunsod sa karamihan na maghuhumiyaw sa tuwa kapag dumarating ang isang babaeng instructor namin para magturo ng “self-defense”.  Habang hindi ko maintindihan kung paano ka kakalma at iisiping palipitin ang kamay ng isang taong nanunutok sa iyo ng baril, mas hindi ko maintindihan kung bakit pinagnanasahan ng mga kaklase ko ang instructor naming kung tutuusin ay parang nawawalang kapatid ni Berverly Salviejo.

***

Ang akin lang, hindi mahirap maghanap ng dahilan para kutyain ang noo’y ROTC program.  Hindi mahirap isiping marahil ay isa lang itong kapricho na gustong ibalik para sa anu mang dahilan.  Pero ano ba naman ang dalawang taon, isang araw sa isang linggo, ilang oras sa isang araw? Ano ba naman ang apat/limang oras sa isang linggo ng paglimot sa nakalakihang ginhawa sa buhay?

Ang akin lang, mas may natutunan sa ROTC kumpara sa kasalukuyang NSTP.  Mas nagiging maiitisin ka sa buhay (lalong-lalo na sa init ng araw).  Mas gugustuhin ko pang makitang magsuot ng combat boots ang mga lalaki sa kolehiyo habang ibinibilad sila sa araw kaysa sa ngayong nangyayaring naka-Supra shoes ang mga ito at naiinarte sa pagpulot ng mga basura sa daan at pagpinta ng mga naglulumot na pader ng isang pamayanan.

Ang akin lang, hindi mo naman ito ikamamatay at – oh wait. (Binasa ang news tungkol sa pagbabalik ng ROTC).  I love NSTP.

h1

Jejemon, Word of the Year for 2010

Agosto 3, 2010

Para sa taong 2010, napiling Word of the Year ang salitang Jejemon.  Kahit ako’y ngayon lang narinig ang ganitong kaganapan.  Hindi naman nakapagtatakang isipin na marahil nga ay akmang tawaging Word of the Year ang salitang Jejemon dahil sa natamo nitong atensyon sa publiko sa mga nakaraang buwan.

May kung ilang balita, dokumentaryo, at mga kwentuhan na rin sa kanto ang pumukaw sa kung tawagin ay isang phenomenon.   May ilan, gaya ng isang istasyon sa TV, ang nakaisip pang gawin itong ideya sa isang sitcom; may ilan din naman, gaya ng kung sino man ang nagsumite sa Urbandictionary.com ng “kahulugan” ng Jejemon/s, na marahil ay masyado itong sineseryoso.

Jejemons are individuals with low IQs who spread around their idiocy on the web by tYpFing LyK diZS jejejeje, making all people viewing their profile raise their eyebrows out of annoyance.

Sa ipapakitang reaksyon ng mga tao sa mga Jejemons, narito ang marahil ang mga angkop na kahulugan ng salitang Jejemon:

– Isang taong kinaiinisan ng karamihan, na wala rin namang alam gawin kung hindi pansinin pati pagsusulat/pagte-text ng iba (na kung tutuusin ay hindi na nila dapat pinakekelaman).

– Dahilan ng galit ng isang taong hindi pa natuklasan ang cross stitch bilang alternatibong libangan.

– Gustong patayin ng mga taong nag-aakalang “cool” sila kapag ginawa ‘yun.

– Ang makabagong Dyisas na kasalukuyang pinapako sa krus (ng walang pampamahid) habang naka-video ito at pilit pinapasigaw ng ‘Pilipinas Win na Win’.

– Isang taong may kakaibang paraan ng pagsusulat at dapat lubayan ng taong bayan.

Madali ang punahin ang mga bagay na hindi maintindihan at mga bagay na ayaw intindihin; ang isiping marahil ay tama ka at mali sila.  At siguro, sa mumunting paraan, may puntong kang nais ipabatid; may mensahe kang nais ipaabot.  Ang mali lang sa ganitong sistema ay hindi ka na lang namumuna, gusto mo pa ay umikot ang mundo sa iyo kasabay ng galit mo sa mga mga taong (gaya ng mga Jejemons) na kung tutuusin ay hindi ka naman inaano.

Ito ay para sa lahat ng Jejemons na inapi at inaapi ng taong-bayang hanggang ngayon ay kung umasta pa rin ay parang mga manununog ng mga mangkukulam.

***

h1

Picture Picture

Disyembre 21, 2009

Sa panahon na lahat na lang ng tao ay may digicam at digital SLR, hindi ko maiwasang magtanong, sino pa ba ang hindi nag-aambisyong maging modelo ngayon, o ‘di kaya naman ay maging isang sikat na photographer?  Gaano ba kadaling mag-picture-picture ngayon?

Sa ilang taon lang, binago ng teknolohiya ang hilig ng mga tao pagdating sa pagkuha ng letrato.  Kung dati ay kailangan mo pang pumunta sa isang studio para lang magpakuha ng letrato, ngayon ang kailangan mo lang gawin ay itext ang iyong mayaman na kaibigang (na may digital SLR) na nagiging hilig ang pagkuha ng letrato ng kahit anong bagay/kahit na sinong tao sa kahit anong sitwasyon at panahon.

Sa panahon na uso ang mga studio (at mga panginoon pa lang ay may digicam, malalaki at mabibigat pa), hindi mawawala ang mga sumusunod pagpasok mo sa studio para makuhanan ng letrato:

– mga Amerikana at mga necktie na mukhang galing sa ukay-ukay (para sa mga business attire shot at mga formal na kung anu man)

– mga teady bear (na, again, mukha ring galing sa ukay-ukay) – para naman sa mga bata at mga hayskul na sa kung anung dahilan ay dapat may yakap-yakap na teady bear o kahit anong bagay na malambot gaya ng susunod

– mga pillows

– mga pillars na parang sa Roman Empire na nakapalamuti ng mga telang mukhang hindi nilalabhan

– mga muwebles (lumang couch, lumang executive chair, bench, at mga iba pang gamit noong ‘80s.)

– mga suklay, brush, at mga mukhang pinag-gamitang make-up

– face powder na medyo magaspang na parang iyong nilalagay sa pwet ng baby after maligo

– mga pininturahang background ng garden, mga puno, painting, at kung anu-ano pang pwedeng ilagay na background maiba lang ang ambiance

– isang nagkukunwaring mabait na photographer na hindi ka pa man kinukuhanan ng picture ay parang gusto ng sabihin, “Next!”

Nakakamanghang isiping wala na ring nagkakandarapa na makakuha ng “free film” sa bawat pagpapa-develop ng letrato.  Madalang ka na ring makakarinig ng mga reklamong na-over-exposed ang film kaya sira lahat ng mga picture.  Wala na ring masyadong away sa kung bakit hindi binalik ang mga film noong ma-develop ang mga letrato at kung bakit wala kang nakuhang libreng photo album.

Sa panahon na hindi pa uso ang Adobe Photoshop, pagalingan na lang sa pag-anggulo para lang hindi makita ang iyong malaking pimple.  Talento din maituturing kung hindi ka nakapikit sa letrato kapag na-develop na ito.  Kapag hindi nakasentro ang letrato, isisi na lang ito sa kumuha at ipagkikibit-balikat.  Lahat ay nagkakandarapang ubusin ang film ng camera kapag umabot na ito sa 36 at pwede pang i-click.  At bukod sa lahat, tuwing may ga-graduate, ikakasal, magbe-birthday, at/o outing ka lang may mga picture dahil doon lang may silbi ang mga camera.

Sa tuwing titingin ka sa mga lumang letrato, na nakunan sa panahon na pantasya pa lang ang mga digicam at digital SLR, taas-noo mong sabihing, first shot lang iyan ah, pero tingnan mo, mukha akong tao.

Ikaw, ano ang anggulo mo?

***

Ang blog entry na ito ay para sa lahat ng naranasang magpa-picture sa mga napag-iiwanan ng mga photo studio ng ating panahon.

h1

Kahit echusero, marunong mag-emo

Nobyembre 13, 2009
Siguro, siguro, kailan ko na ng pagbabago,
Siguro, marahil, matagal na akong naging gago,
Siguro, sakali, maiba naman ang takbo,
Siguro, sigurado, marami lang diyang trabaho.

Isang nakakadiring jounal entry (June 08, 2009)


Hindi naman ako galit.  Siguro gusto ko lang talagang magsulat at magngungunguyngoy at tiyakin na may sapat pa akong talino para intindihin na pasaan ba’t lilipas din ‘to.  Prolema lang ito; dapat harapin at kailangang lagpasan.  Nakakapikon lang marahil na sa kaunting panahon na animo’y mag-umpukang bato ang mga nakatataas, ang mga tipak ng batong nalalaglag ay akmang tumatama sa lahat.

Masakit isipin na magbabago ang kinalakhangn buhay; na kailangang maghigpit ng sinturon at sa ayaw mo na o sa gusto ay sumayaw sa kanilang tugtugin.  Hindi ito ang nakita kong hinaharap sa taon na ito.  Bangungot itong araw-araw ay dahan-dahan at buong hapding nagpapaalala ng walang kasigaraduhan.  Hindi ako luluha.  Ang gusto ko lang gawin ay malungkot at magtampisaw sa animo’y kawalan.  Pata ang isip at katawan ko sa anumang mangyayari, dahil marahil alam ko na lalala pa ang lahat, na hindi pa ito ang sukdulan ng sakit at pagpapahirap.  Hindi man sinadya, hindi man tinamak na gawin, hindi ko pa rin ito mawaksi.  Marahil galit talaga ako.

Kausap ko ang aking sarili, pilit pinapaintindi na marahil nagkulang din ako, na marahil mali ang umasa ako na sa pangmatagalang panahon ay magiging ganito.  Siguro, hindi ko na talaga kayang magpatuloy pang ipaliwanag ito. Siguro, ito na ang tamang panahon para lumuha…

(tangena, may ellipsis!  ang loser!)

***

Dalawang araw matapos kong isulat ito, nag-resign ako sa trabaho at ipanagpatuloy ang buhay.  Sa kasalukuyan, masaya akong nagtatrabaho kasama si Otu at si Dad (thank you.) 🙂

h1

Not my grief

Marso 31, 2009

At kung sana’y lahat ng iniiyakan ay nabubuhay,
At kung sana’y sa tuwing luluha ka’y may isang isinisilang,
At kung sana’y sa bawat pagtangis mo, kaibigan, buong mundo’y pumapaya,
Hindi ko na sana kailangan pang tanungin kung bakit asul ang iyong mga luha…

***

Sa mga nagdaang araw, saan mang lugar ako mapunta, walang puknat ang pagpapatugtog ng mga kanta ng namayapang si Francis Magalona.  Hindi ko alam, pero sa nakikita ko, tipong nakinabang pa yata ang mga tao nang mamatay si Francis M; nakakailang lang.

Naglipana ang mga T-shirt na may malaking araw at tatlong bituin; walang-habas ang pagpapatugtog ng koleidoscope world at ‘yung kanta ni Francis M. na kasama ang Parokya ni Edgar; hindi magkamayaw ang mga taong pagtsismisan si Francis M, na kung hindi pa yata sumakabilang-buhay ay hindi pag-uusapan.

May mga ilan pang nagtatanong ng:

“Bakit parang hindi man malungkot si Pia [Magalona]?”

“May Eat Bulaga! kaya bukas?”

“Nakakatawa pala ‘pag umiiyak si Joey De Leon?”

“Nakaka-cancer yata ang gumagamit ng camera?”

“Bakit kalbo si Francis M.?”

Naalala ko tuloy noong namatay si Rudy Fernandez.  Weekend ‘yun at si Mama ay nasa bario at inaalalagaan ang noo’y may sakit kong lola.  Umuwi si Mama ng Sabado, at gaya ng madalas mangyari ay pinalipat sa StarTalk ang TV.  Ibinabalita ang noo’y kapapanaw lang na si Rudy Fernandez.

Mama:  Ay, bakit namatay si Rudy Fernandez?

Me:  Hindi ko alam, Ma.

Mama: Naku, bakit siya namatay?

Me:  Hindi ko alam, Ma.

Mama:  Umuwi lang ako ng bario, namatay siya. (Tapos bigla siyang nalungkot.)

Me:  Kung makapagsalita ka, parang  naging kayo ni Rudy Fernandez, Ma.

Mama:  Bakit nga siya namatay?  Tsk tsk.

Kung nabuo man ang mapa ng Pilipinas noong pakawalan ang mga lobo sa kanyang libing, kung hinirang mang bayani ang isang taong may kung isang dekada ding hindi pinansin ng mga taong ngayon ay nagtatampisaw sa kanyang alaala, kung sa kanyang pagkawala ay nabuhay muli ang isang uri ng musika, ang dapat itanong ay ano ang naging epekto sa iyo nito, kaibigan?  Ano ka ngayon sa kanyang pagpanaw?  Nakabuti ba ang iyong pagtangis?  O gaya ng programang Wish Ko Lang, naantig ka lang ba dito at panadaliang umiyak?

Ang akin lang, it’s not my grief.