h1

Almost Chubby

Oktubre 13, 2008

Hindi ako sanay na masabihan [kung compliment mang maituturing] na mataba o tumaba o tumataba ako.   Sa naalala ako, huli akong naging tabain ay noong grade 6 ako.  At dala marahil na naging mahirap ang buhay ng pamilya namin noong umapak ako ng hayskul [Tama ba, Mama, bumagsak ba business niyo ni Tatay non?] eh nag-umpisa akong maging balinkinitan [Hello, Otso].

Mga dalawang linggo na nakakaraan, habang nakukuba ako sa dami ng trabaho sa opisina, habang hindi ko magawang makadalaw sa mga kaibigan ko sa Manila [Hello, Venn.  Hello, Mareness.com], at habang wala talaga akong choice kung hindi ang magpuyat at tapusin ang mga trabaho, hindi ko napansin [kunwari]  na kain pala ako ng kainOkay lang sana kung walang masamang epekto ito, kaya lang, [at ito lang talaga ang dahilan, promise], tumaba ako ng sobra na parang [para lang talaga huh?] wala na akong kasyang damit sa closet ko.  Mapa-pantalon o shirt man ‘yan, wala talagang kasya [o kung kasya man, hirap ako huminga].

Naisip ko, “walanghiya, hindi yata umuubra ang pagpapawis halos araw-araw.”  Sa paghahanap ng matinong maisusulat na blog enty [dahil lately wala talagang mga jokes at kwento si Mama na pwedeng isulat, dala marahil ng kanilang away-magkakapataid sa mga naiwang “ari-arian” ng yumao kong Lola], eh naisipan kong halukayin ang mga naipong “letrato” ni Ruth [the digicam].

Heto ang mga sumusunod na naipong ni Ruth [maliban syempre sa mga potential friendster photos na hindi ko na lang i-po-post dito baka mahalatang conceited ako]:

Exhibit 1

Sa isang lokal na restaurant slash bar sa amin, nakahiligan naming magpalibre ni Otu [friend/officemate] kay Daddy Bigas [boss ni Otu na mahilig magpulutan at uminom at mag-videoke at magpanggap na bading].  Martes siguro ito ng makunan, mga around 6:00 p.m.  Makikita sa larawan ang [ayon sa menu ng bar] “Julianna Mussels” [‘di ako sigurado sa spelling, tanga lang].  Sa likod ng pinasosyal na tahong ay ang calderatang ostrich, kasabay ng pag-extra sa side ng San Mig LIght.

Exhibit 2

Ito naman ang design ng ceiling ng restaurant slash bar [na ‘di ko talaga papangalanan kasi ‘di naman kailangan].  Nakunan din ito noong araw na iyon.  Kinunan ko yata ito habang nakikipag-away si Daddy Bigas sa overpriced na tequila shot ng bar.  Natalo sa away ang bar dahil hindi na umorder si Daddy Bigas.

Exhibit 3

Kinabukasan, pagkatapos ng office hours, bumalik na naman kami nila Daddy Bigas at Otu. sa kanlungan ng  pinasosyal na tahong  Makikita ang napaka-familiar na Julianna Mussels [ano ba talaga spelling?].  Katabi ng [again] pinasosyal na tahong ay ang sashimi at sa likod nun ay ang ibang luto ng ostrich na nakalimutan ko na [basta ostrich ‘yun].  At mawawala ba ang San Mig Light?  Kunwari hindi busy sa trabaho, kunwari wala masyadong pending na projects, masaya kami nag-inuman.

Exhibit 4

Ibang anggulo ng ceiling ng restaurant slash bar na kinunan sa second day ng aming after-work inuman session.  Pangalawang araw ng paggising ng may hang over at nagpapawis ng beer habang nagpapanggap na nagtatatrabaho.  Masama din ang epekto ng mga tahong kinaumagahan dahil, hmmm, malay ko.

Exhibit 5

Day three ng aming after-work inuman session, hindi pa rin talaga namin tinigilan ang ostrich menu ng restaurant slash bar.  Umorder si Daddy Bigas ng ostrich dumplings.   Kinubukasan, nag-unahan kaming tumangging lalabas after work.  Umabot din ng tatlong araw ang after-work inuman session.

Exhibit 6

Bago ka pa mag-isip ng kung anu-ano, hindi ako kumain [o kumakain] ng tutubi.  Huwebes na iyo ng magkayayaan kami ng mga kaibigan ko na tumambay at mag-relax sa Tarbaks [Starbucks].  Mula noong magbukas ang pinakamalapit na Tarbaks branch sa amin, naging madalas ang pagkikita namin sa Tarbaks para magpanggap na mayaman at manlait ng mga dumadaan papasok at palabas ng SM Mall.  lol

Kuha ito sa Tarbaks ng isang tutubi na napansin kong animo’y gusto ring umorder ng Mocha Frappe Venti.

Exhibit 7 & 8 respectively [may Ingles talaga?  Respectively pala eh. hahahhaa]

Huling araw ng trabaho at weekend na naman, Biyernes ang araw na bawal tumanggi sa kung ano man dahil wala kang pwedeng idahilan para tumanggi.

Itinuturing na pinakamasarap na sisig sa Angeles [not for me], ang Aling Lucing’s Sisig ay isa ng cliche kapag mag-iinuman.  Walang maisip na pulutan, umorder ng sisig; walang hapunan, umorder ng sisig; walang hanapbuhay, mag-pokpok sa Japan.

Makikita ang karatulang ‘yan [sa pagkakaalam ko] sa pinaunang branch ng Aling Lucings.  Para lang itong karatula sa peryahan na kung saan may mga tipong, “Nadia, ang babaeng ibon; Isadora, ang babaeng mukhang isaw; Procorpio, ang taong lobo.”

Mga bagay na hindi ko nga pala kayang sagutin:

1.  Saan nakatingin si Ate noong kunan ‘yung Exhibit 8.

2.  Sino ang pumaslang sa namayapang Aling Lucing.

***

Sa kasalukuyan, medyo hindi na akong mukhang tabain dahil:

1.  ‘Yun ‘yun gusto kong isipin. [in denial pala eh.]

2.  Hindi na masarap kumain ng marami [kunwari.]

3.  Nagbabawas na ako ng rice intake. [na masakit, promise.  Nahihilo ka maghapon.]

4.  Regular na ang pagpapapawis. [sinungaling.]

5.  Nagkulong ako bahay noong city fiesta noong Linggo [at pinamigay sa kapitbahay ‘yung dalang ulam ni Mama galing kina Tita.]

6.  Hindi ako nagsasaing kahit mamatay na sa gutom ang mga magulang ko.

7. Hindi na madalas pumunta ng Tarbaks. [kunwari walang pera.]

8.  Wala ng after-work inuman session [‘yan ay dahil nasa out-of-town three-week seminar si Daddy Bigas.]

9.  Kasya ko na ulit ang mga damit ko. [kunwari hindi na mahirap huminga]

10.  Hindi na midnight snack ang kalahating kilong baboy.

Mag-iwan ng puna