Archive for Marso 15th, 2008

h1

The Gospel According to Adelaida

Marso 15, 2008

Natatakot ako para sa Nanay ko tuwing magpapayahag siya ng kanyang mga opinyon at suhestiyon sa mga bagay-bagay. Hindi matatawaran ang pagmamahal ko sa Nanay ko <ikaw ba namang magbayad ng limang libo piso para sa kuntinang mukhang pang-simbahan.> Pero sa mga pagkakataong bumabanat si Nanay ng mga opinyon niya sa mga nakikita sa TV at mga naririnig na mga balita, gusto ko talagang mag-tumbling.


Umpisahan natin sa mga opinyon ni Nanay patungkol sa bansang Estados Unidos at sa mga taong nakatira dito.


Sa paksang Estados Unidos at sa mga Amerikano, ayon kay Nanay:

  1. Lahat ng Amerikano ay gwapo at magaganda.
  2. Lahat ng Amerikano ay kumakain araw-araw (tuwing umaga) ng cereals.
  3. Ang lahat ng parte ng Estados Unidos ay may snow tuwing magpapasko.
  4. Ang lahat ng pamilyang Amerikano ay may pabo (turkey) tuwing Thanksgiving.
  5. Hindi Kristiyano (o sa pagkakaintidi ko, walang relihiyon) ang mga Amerikano, PERO hindi sila Satanista at masasamang tao.
  6. Lahat ng Amerikano ay mayaman.
  7. Ang mga Filipino sa Estados Unidos ay puro mayaman.
  8. Pangarap ng bawat Filipino na makapunta sa Estadod Unidos at doon manirahan.
  9. Ang mga balik-bayang galing US ay kailangan itratong parang diyos.
  10. Malaki ang kita sa fatigue na pantalon sa padalang balik-bayan box.


Hindi rin pinapalampas ni Nanay ang mga muslim. Babala: Ang mga opinyon po ng aking Nanay ay hiwalay sa aking mga opinyon at pawang sarili lamang niyang opinyon. Ang mga isusulat ko, hindi man pagtutuwid, ay pagtukoy sa iilang “masasabing-kamalian” ng pananaw ng aking Nanay sa mga bagay-bagay.

Sa paksang Muslim at taga-sampalataya nito, ayon kay Nanay:

  1. Lahat ng muslim ay may kakayahang kumitil ng buhay ng tao.
  2. Ang mga nagtitinda ng DVDs at mga mumurahing gamit (kahit mukhang Koreano) ay mga muslim din.
  3. Kapag may balita sa TV na nagkaroon ng bomba (bomb po, at hindi po ‘yung malaswang kataga na patungkol sa paghuhubad), muslim din daw ang may gawa.
  4. Kapag may namatay na muslim at walang malinaw na dahilan kung bakit namatay, malamang daw ay terorista.
  5. Bakit daw maraming muslim sa Manila.

Hindi rin matatawaran ang mga opinyon ni Nanay tuwing manonood ng TV. Sa paksang TV at mga programa nito, ayon kay Nanay:

1. Napakalaki daw ng boobs ng mga sumusunod na personalidad sa TV:

Alicia Mayer

Maureen Larazabal

Ethel Booba

Jennilyn Mercado

2. Hindi raw totoo ang mga patalastas sa TV na ibababad lang ang damit at puputi ito. Ulol daw nila. Subukan daw nilang maglaba ng maranasan nila na hindi talaga puputi ang damit.

3. Ayaw na niya kay Vilma Santos dahil lamang sa kadahilanang na-i-tsismis ko sa kanya ang isang kwentong galing naman sa malapit na kaanak ng nasabing artista, at medyo hindi niya nagustuhan ang tsismis. (Secret na lang, ‘wag mag-alala, walang kwentang istorya.)

4. Napakaarte daw ni Kris Aquino, at bakit daw parang may “konting mali” sa anak niyang si Josh.

5. “Hindi Tao” ang tawag sa mga gumaganap sa seryeng “Kamandag” at lahat ng uri ng cartoons at animé.

6. MaRImar ang pagbigkas sa seryeng Mari Mar (isang teleserye sa GMA 7.)

7. Ipagpapalit niya ako bilang kanyang anak sa hindi-na-kasikatang artistang si Dion Ignacio (na noong nakita ko noong minsan sa Gateway ay medyo makapal ang conceiler.)

8. Hindi daw dapat nag-ho-host pa si Lolit Solis ng kahit anu mang show.

9. Ang Wish Ko Lang (programang binibigyan ng katuparan ang mga simpleng pangarap ng mga taong sumusulat at dumudulog dito) ay ang tanging paraan niya para matulungan ang napakatamad kong tiyo na tumanda na sa kahirapan.

10. Hindi daw bakla si Paolo Ballesteros.

11. Isa si Yasmine Kurdy sa mga magagaling na artista ngayon, at ‘yan ay dahil na rin sa kanyang [Nanay ko, syempre, alangan naman si Yasmine?] madalas na panonood ng mga dramang pang-hapon (pang-afternoon po, ‘di pang-Japanese.)

12. Mataba si Sharon Cuneta sa kanyang mga commercials.

13. Totoo ang napabalitang panliligaw ni Billy “The Super Badoodles” Crawford kay KC “The Wala Kang Mapintas sa Kanya Girl” Concepcion.

14. Sino daw si Enchong Dee.

15. Ang bida sa tele-fantasyang Lastikman (ABS-CBN 2) ay si Zsa Zsa Padilla.

16. Laging walang bra si Regine Velasquez. As in bakit LAGI daw.

17. Bakit daw bakla si Rustom.

18. Hindi na raw sikat si Angel Locsin.

sampiolo.jpg

19. Kung mag-syota daw si Sam Milby at Piolo Pascual, sino daw ang bakla sa dalawa.

20. Magkaka-LBM ka raw kapag uminom ka ng Fitrum (isang produktong ineendorso ni Judy Ann na ‘di umaano ay nakakapayat.)

Ilan lang ‘yan sa mga paksang tinatalakay ni Nanay habang masaya akong nagpapahinga at nakahilata sa sofa habang kunwari ay nakikinig ako sa kanyang mga kwento at habang nagpapanggap din naman siya na ‘di niya kayang magkwento kahit walang kausap.

Abangan pa ang mga iilan pang nakakatuwang opinyon at mga suhestiyon ng aking mahal na Nanay sa mga susunod na blog entries.*

for more blogs (na luma.com) : http://axis_yuri.blogs.friendster.com/my_blog/

h1

SUNGKA

Marso 15, 2008

Nabuo ang kosepto ng pagbubukas ng bagong blog site dahil ayaw ng basahin ng mga lecheng kaibigan ko ang aking mga blog entries sa pamoso at — ayon sa marami — nakakaumay na friendster. At dahil sa pagkakaayos na rin ng pagkatagal-tagal ding internet connection sa bahay, ngayon lang nasimulan ang mga kagaguhang tawagin na lang nating “the sungka on-line monologues.” At para ‘di na masyadong baduy, hanggang dito na lang ang introduction.Ang “Kung sa Burger nga Naman” ay dati ko nang nagamit sa pamosong friendster.com (inulit ko lang, ‘di naman bawal)

Ito ang kakatwang laruan, ang sungka.

for more blogs (na luma.com) : http://axis_yuri.blogs.friendster.com/my_blog/